Chapter 4: Lakeside Inn
PAST. Early 2010.
"Huwag kang pasaway na bata ka! Kapag ikaw nawala sa lugar na ito, tandaan mo, hinding-hindi na kita hahanapin. Bahala ka na sa buhay mo."
Nakatapat sa akin ang hintuturo ni lola habang pinagsasabihan ako.
Noon pa man alam ko at nararamdaman kong matagal ng may ayaw sa akin ni lola. Sa lahat ng apo niya, siguro ako ang pinaka hindi niya gusto. Hindi dahil sa makulit ako o sadyang mura pa ang isipan, kung 'di dahil ayaw na ayaw niya noon pa man kay papa hanggang sa mawala ito. Nabaling na lang sa akin ang pagkamuhi niya rito.
Isinama ako ni lola kasama ang mga pinsan ko sa isang malawak na pasyalan sa siyudad ng Brandenton. Maraming tao at maraming pamilyang kasabayan namin para ipagdiwang ang unang araw ng bagong taon.
Mula sa bawat gilid ng mga sementadong daanan, maraming tindahan ang nag-aalok ng serbisyo o produkto.
Parang isang maliliit na pamilihan sa tabi ng daan.
Nakasunod lang ako sa likuran nila. Tagahawak ng mga pinamili. Inaasahan kong mangyayari na ang bagay na ito, dahil noon pa man, iyon na ang papel ko sa kanila.
"Lola, gusto ko ng cotton candy."
"Iyong lobo na pink, lola. Iyon ang gusto ko."
Walang pagdadalawang-isip na binilhan ni lola ang mga pinsan ko sa kung ano ang gusto at itinuro nila.
Hanggang sa iwanan nila ako at ako nama'y nagmadaling humabol saka muling bumuntot sa kanila.
Nang dumaan kami sa kabilang bahagi ng lugar ay hindi ko na maiwasang mapangiti, hapon na noong mga oras na iyon at kitang-kita ko ang kinang ng maliit na lawa sa bandang gitna.
Maraming mga isda ang malayang lumalangoy roon. Mga koi fish.
"Hija, gusto mo ba silang pakainin?"
Napatingin ako sa matandang lalaki na nag-alok sa akin ng pagkain ng mga koi fish. Mukhang siya ang nagbabantay at responsable sa mga isda roon.
Ngumiti ako sa kanya at masayang tumango. Binigyan niya ako ng isang dakot at inilagay sa aking palad.
Lumapit ako at ihinagis ang pagkain sa tubig. Mabibilis na lumangoy ang mga koi fish kung saan ko ihinagis ang pagkain nila. Nag-aagawan sila, nakikita ko ang iba't ibang kulay nito.
Kahel, puti at itim. Kay ganda nilang pagmasdan. Nagtilamsikan pa ang tubig nang mag-unahan sila sa pagkain.
Ilang minuto ko rin silang pinanood sa malinaw sa tubig. Hindi mawala ang ngiti sa aking mga labi at saya sa puso ko.
"Gusto mo bang bigyan kita ng isa?" Muling nagsalita sa aking gilid ang matandang nagbigay sa akin ng pagkain nila.
Mas lumapad ang ngiti ko sa alok niya.
Hindi ko na ito tinanggihan at agad akong tumango na masayang-masaya.
"Ito. Alagaan mo ang koi na ito, ha?"
Tumango ako. "Opo."
Ipinakita niya sa akin ang pinalobong plastik na may lamang kalahating tubig sa loob at maliit na koi na lumalangoy rito.
Maliit pa ang koi na iyon, parang isang baby koi fish at nasa isdang iyon ang kombinasyon na kahel at puti.
"Maraming salamat po."
Hinawakan niya ang aking ulo at bahagyang hinimas ito.
Huli niyang inabot sa akin ang maliit na supot ng pagkain para dito. Agad akong nagpaalam sa kanya at nagpasalamat.
Mas kumapal ang taong naglalakad sa lugar kung nasaan ako.
Nawala sina lola pati na ang mga pinsan ko. Bumalot ang kaba sa dibdib ko at palinga-lingang hinahanap sila.
Para akong turumpo kakaikot sa aking kinatatayuan. Nahihilo ako. Napaliligiran ako ng mga tao.
Kanina noong nasa bus kami bago makarating dito, nakaramdam na ako ng hilo at pananakit ng ulo dahil hindi ako sanay sumakay ng bus lalo na't halos isang oras ang biyahe.
"Lola?"
Nanginginig ang labi ko. Gusto kong umiyak subalit hindi iyon makatutulong para mahanap sila at wala iyong magagawa ano't ano pa man.
Naglakad-lakad pa ako at baka sakaling makita ko sila, ngunit hindi ko na nagawa pa silang makita sa agos ng mga taong naglalakad pasalubong sa akin.
Para akong balisang hinahanap sila. Hindi ako makahinga ng maayos dahil napapalibutan na ako ng mga malalaking tao. Gusto kong gumising dahil para bang nagsisimula na ang bangungot na ito.
Dumidilim ang kalangitan. Maingay sa lugar kung nasaan ako. Natutuliro ako at kinakapos sa paghinga. Tila ba bumibilis ang oras gaya ng mabilis na pagtibok ng puso ko.
Naiiyak na ako sa pangambang tuluyan na akong nawala.
"B-bata, ayos ka lang?"
Mula sa aking gilid ay may binatang lalaking nagtanong.
"Nasaan ang lola ko? Kanina ko pa sila hinahanap. Hindi ko sila mahanap."
Hindi ako makatingin sa kanya ng diretso dahil patuloy ko silang hinahanap.
"A-ano ba'ng pangalan mo?"
"Taliyah," halos pabulong kong tugon.
"O sige, Taliyah, ganito...huminahon ka muna." Sinabayan niya akong huminga nang malalim. "Tutulungan kita, dadalhin kita sa lola mo. Huwag ka nang matakot at umiyak."
Napalagay ako dahil sa sinabi niya. Binigyan niya ng seguridad ang kalooban ko. Tutulungan niya ako.
Pagmamalasakitan niya ako.
✦✧✦✧
PRESENT. August 2017.
Alas dose ako ng tanghali nang makasakay ng bus patungo sa malaking bayan ng Grellyn. Tatlong oras na ang nakalilipas at hindi pa rin ako dinadapuan ng antok habang pinagmamasdan ang ganda ng tanawin mula sa bintana ng bus.
Mas lalo akong namangha nang magsimulang dumaan ang sasakyang lulan ko sa mahabang tulay kung saan ito ang nagkukunekta sa syudad ng Brandenton at bayan ng Grellyn.
Noon magkahiwalay pa ang Grellyn at ang Brandenton, pinagi-gitnaan ang dalawang lugar ng isang malawak na dagat at karatig bundok. Gumawa at nagkasundo ang nga namamahala sa bawat kampo na lagyan ng tulay sa pagitan nito para sa mga taong nais magpunta sa bawat lugar ng isa't isa.
Halos limang kilometro ang haba ng tulay na iyon. Mahaba at mas mabilis na transpostasyon kumpara sa maliliit na barko o yate na ginagamit noon.
Oo, aminado akong hindi ako dinalawan ng antok dahil punung-puno ang isipan ko sa mga oras na ito. Marami akong iniisip at pilit pa ring tinatanong sa aking sarili kung tama ba ang naging desisyon kong ito.
Napasinghap ako at napangiti nang bumungad ang ganda ng tanawin.
Ang mahabang kabundukan ay napapaligiran ng malawak na tubig-dagat. Kinakatawan ng lupaing ito nito ang mga naglalakihan puno, masusukal na gubat at madidilim na kuweba.
Ang ilang karatig bundok ay tumutugma sa kagiliran ng puting ulap at asul na kalangitan. Tumutulong naman ang sinag ng araw sa kinang at ganda ng tubig ng malawak na dagat.
Kahit papaano'y nakakatanggal ng problema ang ganda niyon.
Hindi ko muna sinasagot ang mga text ni Jayce sa akin. Gusto ko munang makapag-isip at pilit na hinahanap ang aking sarili.
Lumunok ako ng laway noong lumalim ang dinaraanang kalsada ng bus na sinasakyan ko. Humina ang aking pandinig at bumagal nang kaunti ang pagsagap ko ng hangin.
Ilang minuto pa ang lumipas at dinapuan na ako ng antok at pagod sa biyahe.
"Narito na tayo sa Normount Fields. Sa mga nais gumamit ng banyo o sa mga gustong kumain muna maaari na kayong bumaba. Ito na ang huling bus stop natin bago bumyahe sa pinakadulong destinasyon."
Nagising ako nang magsalita ang kundoktor. May baon akong tinapay sa aking bag. Iyon ang kakainin ko hanggang sa makarating ako ng Emelle.
Kinuha ko ang maliit na papel na ibinigay sa akin ni Jayce noong nag-usap kami sa labas ng diner.
427 Lakeside Inn, Town of Emelle,
Grellyn Province.
Hindi ko alam kung ano talaga ang hitsura ng lugar na iyon. May mga litratong ipinakita sa akin si Jayce at masasabi kong napakaganda ng kabuuan ng Inn.
Muli kong itinago ang papel at itinuloy ang aking pagtulog.
"M-miss..."
Nagising ako sa magkasunod na tapik sa akin.
"Saan po kayo bababa?"
Kakagaling ko lang sa malalim na pagkakatulog. Gising na ako, subalit natutulog pa rin ang aking diwa.
"S-sa, Emelle," nauutal kong tugon.
"Narito na po tayo sa Emelle. Ito na ang huling destinasyon ng bus na ito."
Tumayo ako at tinulungan niya akong buhatin ang aking dalang bag at maleta.
Bago tuluyang pumasok ang kundoktor pabalik ng bus ay kinusap ko ito. "Kuya, alam n'yo ba kung saan..." kinuha ko ang maliit na papel sa aking bag. "427 Lakeside Inn?" tanong ko sa kanya at nagbabakasakaling alam niya ito.
"Lakeside Inn? Iyong parang maliit na gusali sa dulong bahagi ng Emelle?" Hindi ko alam, pero tumango na lang ako sa kanya. "Sumakay ka ng taxi paglabas mo ng terminal na ito. Itanong mo sa mga driver, paniguradong alam nila ang lugar na iyan."
"Sige po, Kuya, maraming salamat."
Muli kong tiningnan ang papel. Binitbit ko ang maleta at nagsimula nang maglakad.
Naghintay ako ng taxi sa labas ng terminal. Tumingin ako sa kalangitan. Maitim na ang ulap at nagbabadya na namang bumuhos ang ulan. Sana hindi ako abutan.
Pumara ako ng taxi. May isang huminto sa akin. Napansin kong bumukas ang bintana ng taxi. Sinabi ko ang pangalan ng lugar kung saan ko nais magtungo. Hindi na nagtanong pa ang driver at mukhang alam na niya kung saan ako ihahatid.
Pumasok na ako sa loob at naupo sa passenger seat.
"Uhm, M-manong, ilang oras ho ang byahe patungong Lakeside Inn?" tanong ko at isinuot ang seatbelt.
Lumingon siya sa akin at pinaandar na ang sasakyan. "Kalahating oras lang ma'am, dipende kung maaabutan tayo ng malakas na ulan sa gubat."
"Ano ho? Gubat? Dadaan po tayong gubat?"
Hindi ko maintindihan kung bakit ako biglang kinabahan ng sabihin niya ang salitang iyon.
"Yes ma'am. Ang Emelle ay magubat na bayan. Maayos naman ang kalsada sa gubat na daraanan natin. Huwag kayong mag-alala at ihahatid ko kayo hanggang Lakeside Inn ng ligtas."
Nakahinga ako nang maluwag sa sinabi niya.
"Bakit n'yo pala nais magtungong Lakeside Inn? Magbabakasyon ba kayo?"
Tumango ako.
"Maganda ang lugar na iyon kung gusto n'yo talaga ng sulit na bakasyon."
Napapatango nalang ako. "Ah, ganoon po ba?" Mukhang tama si Jayce. Maganda nga ang lugar na iyon base kay manong.
Mahaba rin ang kalsada noong pumasok kami sa gitna ng gubat. Noong una ay natakot ako dahil kakaiba ang pakiramdam ko, subalit napalagay ako dahil alam kong mabait ang nagmamaneho ng taxi na sinasakyan ko.
"Narito na tayo ma'am."
Tumigil ang taxi sa tapat ng isang Inn. Agad siyang bumaba at pinagbuksan ako ng pinto.
Hindi ko maialis ang aking tingin sa ganda ng establisyimentong tinigilan namin. Hindi kalakihan ang Inn, subalit maaliwalas ang dating at malinis ang mga pasilidad nila. May guwardya na nasa labas, mula sa tabi ng entrance.
Napansin ko ang nakakaakit na disenyo ng gusaling iyon habang pinahahalagahan nila ang mga halaman at punong nakapaligid doon.
"Maraming salamat." Saka ako nagbayad sa kanya.
"Magandang umaga, Ma'am," bati sa akin ng guwardya at walang pagdadalawang isip na tinulungan ako sa aking mga dala.
Napatango ako at nagpasalamat.
"Good morning, Ma'am! Maligayang pagdating sa Lakeside Inn," pagbati naman ng babae sa akin mula sa reception desk ng Inn.
Nakasuot siya ng kombinasyon ng puti at maroon na coat habang nakaayos ang hapit at pusod niyang buhok. Napaka-presentableng niyang tingnan.
Ngumiti ako sa kanya.
"Mayroon po kaming apat na bakanteng k'warto. Ilang araw po ang stay n'yo sa Inn?"
Ilang segundo akong nag-isip. Gusto kong manatili rito. Mayroon silang package deal at good offers para sa isang taong bakasyonistang tulad ko.
"Isang linggo," sambit ko.
Pinili ko ang package deal na good for one person. Maliit lang ang kwarto subalit kumpleto ang mga kagamitan sa loob. May sariling telebisyon, banyo, kama, maliit na kusina at magandang view sa labas.
"Noted po, Ma'am."
Inayos na niya ang aking kwarto at pinasagutan niya sa akin ang isang papel para sa impormasyon ko at agad akong hinatid ng isa sa mga staff nila.
"Enjoy your stay, Ma'am," ngumiti ang lalaking staff na nag-escort sa akin sa k'warto ko.
Hindi ko aakalain na mura ang serbisyo nila kumpara noong tumuloy ako sa isang maliit na apartment sa Brandenton.
Maganda ang lugar at pasilidad nila. Kumpleto sa tao at mga kagamitan. Imposible namang hindi maging mahal ang singil nila sa mga guest.
Napakibit-balikat na lang ako. Mayroon naman akong ipon at sa tingin ko ay sapat na iyon para makapag-pahinga ako sa napakagandang lugar na ito.
Tama nga ang offer na kumpleto ang loob ng kwartong ito. Pinag-usapan namin ng babae sa reception desk kanina ang tungkol sa nagustuhan at napili kong k'warto. Magkaparehas nga ang nasa litrato pati na ang buong hitsura nito 'pag nakikita mo na sa personal.
"Ma'am, mayroong telepono sa side table. Kung may kailangan kayo, tumawag lang po kayo r'yan. And keep on the line for our further notice."
Ngumiti lang ako sa kanya at umalis na ito sa kwarto saka iniwan ako.
Nag-ayos na ako ng gamit doon. Hindi ko inaasahan na magiging maganda ang bungad sa akin ng lugar na ito.
Masasabi kong tama ang naging desisyon ko. Lahat ng pinagdaanan ko simula noon, lalo na sa mga kamay ni papa ay mukhang mababawasan iyon, hindi maalis ang ngiti sa mga labi ko dahil sa sayang idinudulot ng lugar na ito. Mayroong kakaibang presensyang hindi ko maipaliwanag.
Tila ba magaan lang ang pakiramdam ko simula nang tumapak ako sa gusaling ito.
Mayamaya ay sumilip ako sa bintana. Natatanaw ko ang napakagandang lugar. Muling lumabas ang araw sa makakapal na ulap kanina. Tumila na ang ulan.
Malawak ang lupain doon at sariwa ang berdeng-berdeng mga damo. Mula sa dulo ay kumikinang ang linaw ng tubig ng lawa mula sa repleksyon ng ataw.
Para itong lakeside golf course.
Huminga ako nang malalim at bahagyang napapikit.
Ito ang lugar na hinahanap ko at hindi inaasahang magugustuhan ito gaya ng inaakala ko. Wala akong pinagsisisihan sa naging desisyon ko. Si Jayce ang nagrekomenda nito at totoo lahat ng sinabi niya.
Nakita ko ang isang lalaki mula sa ibaba. Nagpapakain siya ng mga isda mula sa maliit na pantalan ng lawa.
Naririto ako sa ikatlong palapag ng Inn. Nakikita ko ang kulay ng mga isda.
Puti, itim at kahel. Kay ganda nilang pagmasdan mula sa malayo.
Naaalala ko tuloy ang matandang lalaking nagbigay sa aking ng ganoong uri ng isda noon.
Isang koi fish.
Kahit sa simpleng pagbigay niya sa akin ng isdang iyon, naramdaman ko ang halaga ko at may tao pa ring magpapasaya sa akin kahit na sa maliit na bagay lang.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top