Chapter 3: Midnight Rain

PAST. Early 2010.

Bente quatro oras na ang lumipas at wala pa ring humpay ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Malamig ang simoy ng hangin, basa ang kalsada at maputik ang lupa. Nababasa ang mga dahon tuktok ng puno at nadidiligan ang ilang mga halaman uhaw sa ilang linggong walang ulan.

Uhaw rin ang ilang mga halamang nasa paso na nalimutang diligan.

Nag-iisa lang ba akong gumagaan ang pakiramdam sa tuwing umuulan?

Pumapatak ang ulan mula sa ibabaw ng aking payong habang mariin itong hawak-hawak. Naririnig ko ang lagaslas ng tubig mula sa dulo pabagsak sa lupa.

Masaya ako ngayon simula nang lumabas ako ng bahay. Ang sabi sa akin ni mama ay galit na galit sa akin si papa at hintayin ko munang makatulog siya sa kalasingan bago ako bumalik. Tila ba kailangan kong pumatay ng oras upang maiwasan siya.

Kung sakaling magtagpo kaming dalawa sa loob ng bahay, tiyak sasama na naman ang timpla no'n lalo na kung paano ako pakikitunguhan.

Ilang taon ko nang pinakikisamahan si papa. Pero sa tuwing magwawala siya, naroroon pa rin ang takot ko kung ano pa kaya niyang gawin–isa na roon ang kapansin-pansing mahabang peklat sa aking mukha.

Dinala lang ako noon sa clinic, tinahi ang hiwa at niresetahan ng gamot. Akala ko noong araw na iyon ay pagmamalasakitan na ako ni papa at aalagaan, subalit mukhang mas lumala pa ang sitwasyon.

Sa tuwing gagastos siya ng pera at ako ang makikinabang, umiinit ang ulo niya at panay ang masasakit na salitang pambawi sa ginastos niya para sa akin.

Nagpalipas ako ng maghapon sa parke 'di kalayuan sa aming bahay. Nakaupo lamang ako sa bakal na upuan na may silong habang dala ang nakatiklop na payong.

Humina nang kaunti ang buhos ng ulan subalit patuloy pa rin ang pagpatak nito mula sa kalangitan.

Pinagmamasdan ko lang kung paano basain ng ulan ang buong parke, mula sa mahaba at sementadong mga daanan, mga mahahabang upuan, malawak na damuhan at pati na ang mga nagtataasang puno.

Mula sa kabilang parte ng parke, naroroon ang kalsada at waiting shed, kung saan tumitigil ang mga bus galing sa bayan ng Montserrat para maghatid ng mga pasaherong gustong magtungo ng Norwester.

"Tsk! Badtrip naman! Papagalitan ako nito ni mama pag-uwi ko ng bahay."

Nailipat ko agad ang aking atensyon sa nagsalita.

Isang batang lalaki, nakatayo sa aking gilid, halos kasing edad ko lang mula sa tindig at kilos na patuloy ang pagpapagpag sa kanyang damit na nabasa dulot ng ulan.

Napansin ko ang paghingal niya dahil sa pagsugod sa ulan na walang panangga para hindi mabasa.

Pinapanood ko lang siya habang hinahalungkat ang gamit sa kanyang bag.

Ilang segundo ko rin akong nakatunghay sa kanya. Agad akong naglihis ng tingin nang magtama ang aming mga mata.

"Bata, alam mo ba kung saan ang sakayan ng bus dito?"

Wala akong imik noong una. Hindi ko naintindihan ang sinabi niya dahil sa lakas ng ulan.

"Pst!"

Tumingin ako sa kanya at tumayo.

"Alam mo ba kung saan ang sakayan ng bus dito papuntang Norwester? Naliligaw na yata ako," aniya.

Mahinahon ang kanyang boses at napakasarap pakinggan ng ganoong tono lalo na kapag nasanay kang palaging binubulyawan at nakakatikim ng masasakit na salita.

Oo lang ang isasagot ko, pero hindi ko magawa. Tumango na lang ako bilang tugon.

Itinuro ko ang waiting shed sa kabilang bahagi ng parke kung saan tumitigil ang mga bus ng Montserrat patungong Norwester.

Muli sana siyang susugod sa ulanan nang pigilan ko siya, "Saglit lang!"

"Mayroon akong payong, sasamahan na kita para hindi ka mabasa."

Gusto kong magmagandang-loob kahit na hindi ko pa siya nakikilala. Alam kong mabuti siyang bata, naiintindihan ko rin ang sitwasyon niya.

Ngumiti lang siya sa akin at binuksan ko ang aking payong.

Magkasabay kaming naglalakad. Wala akong salitang maibato sa kanya dahil miski ako, nahihiya siyang kausapin.

Ilang minuto kaming hindi nag-usap. Naiilang pa rin ako sa kanya lalo na sa tuwing magtatama ang aming mga tingin.

Hindi ako komportable.

Nang makarating kami sa waiting shed. Naghintay kami ng susunod na bus.

"Dito ka ba sa Montserrat nakatira?" tanong niya para putulin ang katahimikang pumapagitan sa aming dalawa.

Tipid akong tumango. "Malapit lang ang bahay namin mula rito."

Gusto kong maging komportable siyang kausap kaya't sinubukan ko.

"Maganda ang lugar ninyo. Kaso minalas lang talaga ako kasi hindi ko naman inaasahan na uulan nang ganito kahaba. Hindi pa naman ako nakapagdala ng payong."

Nakatingin lang ako sa labi niya na hindi mawala ang ngiti.

"Bakit mo naman naisipang magpunta ng Montserrat? Mabuti't pinayagan ka ng mga magulang mo?"

Habang tumatagal, mas napapanatag akong kausapin siya.

"Pinuntahan ko ang daddy ko rito," aniya, mababa ang boses.

"Daddy mo? E 'di sa Montserrat din kayo nakatira. Narito pala ang daddy mo."

May mga kotseng dumaraan subalit walang bus ang tumigil sa tapat namin.

"Matagal nang hiwalay si mama at si daddy. May sarili nang pamilya ang daddy ko samantalang kaming dalawa na lang ni mama ang magkasama na nakatira sa Norwester."

Hindi ko inaasahan na sa mga ipinakikita niya sa aking ngiti, nagkukubli pala roon ang k'wento ng nakalipas niyang buhay. Kung ano ang tunay na sitwasyon ng pamilya nila.

"Pasensya na at naitanong ko pa."

"Ayos lang, matagal na iyong nangyari. Tanggap ko na naman. Ang sa akin lang, hindi dapat mawawala ang pagmamahal ni daddy sa akin. Hindi ko siya p'wedeng kagalitan dahil daddy ko pa rin siya."

Ngumiti ako sa kanya. "Madalas ka bang pumupunta sa bahay ng daddy mo?"

Tumango siya at nagbigay ng malapad na ngiti sa akin. "Minsan, kapag hindi busy sa school, saka kapag pinayagan ako ni mama na pumunta rito sa Montserrat. Dapat kahapon pa ako nakauwi, malas lang, walang tigil ang ulan."

Napangisi ako sa reaksyon niya.

"Tumatawa ka ba?" nagtatakang tanong niya.

Umiling ako. "Hindi. Ang kulit kasi ng reaksyon mo habang nagsasalita," tugon ko.

"Ikaw, nasaan ang mga magulang mo? Kasama mo rin ba sila?"

Agad akong napatango at nanahimik nang itanong niya ang tungkol sa bagay na iyon.

Subalit kailangan kong ngumiti at itago iyon. "Matagal na akong walang ama. Pero mayroong naging bagong asawa si mama, maayos naman kami," pagsisinungaling ko.

"Ah, ganoon ba," sambit niya.

Sa tuwing mahuhuli ko ang singkit niyang mga mata na nakatitig sa akin. Nawawala ako sa posisyon at nagiging hindi komportable. Hindi ko alam kung bakit.

"Pero kung ako ay may gustong puntahang lugar, gusto kong magpunta ng Emelle."

Ngayon ko lang narinig ang lugar na iyon.

"Emelle? Dito rin ba ang lugar na iyan sa Brandenton?"

Umiling siya. "Ang Emelle ay hindi na sakop ng Brandenton. Ang bayan na iyon ay parte na ng probinsiya ng Grellyn."

Bata pa lang siya subalit ang mga lugar na nalalaman niya ay marami na.

"Mukhang maganda nga r'yan. Malayo ba ang Emelle mula rito?"

"Oo, pitong oras ang byahe sabi ng mama ko."

Mahaba ang pitong oras. Nakakabagot.

Natigilan kaming dalawa nang may bus na tumigil sa harap naming dalawa.

"Maraming salamat sa 'yo!"

Humakbang siya palapit ng bus.

Ngumiti lang ako sa kanya at nagpaalam.

"Jayce ang pangalan ko!" sigaw niya bago tuluyang pumasok.

"Taliyah!" sagot ko naman habang patuloy ang pagkaway para magpaalam bago tuluyang umandar ang bus.

Hindi maalis ang ngiti sa aking labi habang naglalakad ako pabalik ng bahay.

Gabi na nang makauwi ako at halos pumatak na rin ang alas dyes.

"Bernardo! Ano'ng ginagawa mo?"

Sa labas pa lang naririnig ko na ang sigawan mula sa loob.

Napatigil ako. iIang hakbang ang layo mula sa pinto.

Mahigpit ang hawak ko sa aking payong habang patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan.

"Hindi mo nakikita? Pinag-impake ko na ang malas mong anak! Wala na akong magagawa, Sheryl."

Hindi ko marinig nang maayos ang mga boses nila sa loob. Pero alam ko na ang kahihinatnan ko.

Napaatras ako nang bumukas ang pinto at bumungad sa akin si papa na dala-dala ang dalawang malaking bag.

"Bernardo, huminahon ka!"

Nanginginig ang pagkakahawak ko sa payong at nakatitig lang sa kanila.

"Hoy, ikaw, ayoko nang makita ang pagmumukha mo rito. Ito na ang huling beses na magkikita tayo!"

Dinuro agad ako ni papa nang makita niya ako sa labas na nakatingin sa kanila.

Sumikip ang dibdib ko sa sinabi niya. Nangingilid ang luha.

"Ano ba, Bernardo! Hayaan mo na ang bata!" pagpipigil ni mama sa kanya.

"Hindi, Sheryl! Gusto kong magsimula ulit. Gusto kong magbagong buhay. Pero hindi kasama ang batang iyan!"

Tuluyan nang ihinagis ni papa ang mga bag na bitbit niya sa tapat ng paanan ko.

Nabasa ito at nalublob sa naipong tubig sa lupa.

"Umalis ka na, huwag na huwag ka nang babalik. Sawang-sawa na ako sa ganitong buhay."

Nagpipigil ako sa paghinga, hindi ko maatim ang gagawin niyang pagtrato sa akin nang ganito.

Hindi ko na mapigilang umiyak. Nanginginig ang mga binti ko maging ang aking katawan hindi lang dulot ng malamig na hangin, kung hindi pati na ng mga salita ni papa na parang balang tumatama sa akin.

"Hindi mo maaaring gawin iyan kay Taliyah, parang awa mo na, bata pa siya!" Lumuhod si mama sa paanan niya.

"Kung naaawa ka sa kanya. Pwes, lumabas ka sa bahay ko, magsama kayong dalawa!"

Ito na ang pagkakataon naming iwanan si papa. Magkasama na kami ni mama at magsisimula ulit ng panibagong buhay.

Ngunit...

Lumapit sa akin si mama.

"T-taliyah, anak, makinig ka sa akin, okay?" Sinaklob niya ang kanyang mga palad sa magkabila kong pisngi saka umiyak. "I'm sorry. Patawarin mo ako, anak. Hindi ko kayang iwanan ang papa mo. Kailangan niya ako, alam kong maiintindihan mo ang magiging desisyon ko."

Kumirot ang puso ko sa mga sinabi niya. Hindi ko inaasahan na manggagaling iyon mula sa kanya.

Umaagos ang luha sa aking mga mata kasabay ng malakas na buhos ng ulan.

Wala sa sarili kong nabitiwan ang payong at nalaglag ito sa lupa at agad akong pinaliguan ng ulan na walang humpay sa pagbasak mula sa madilim na langit.

"P-pero mama..."

"Anak, sana maintindihan mo. Patawarin mo ako!"

Hinila ni papa si mama papasok sa loob ng bahay at padabog na isinarado ang pinto.

Naiwan ako sa labas. Mag-isa at giniginaw sa lamig.

Parang akong isang papel na basang-basa sa ulan. Ano mang oras, maaari akong mapunit at matunaw hindi dahil sa naipit na sitwasyon, kung hindi dahil sa sakit na aking nadarama.

Akala ko magiging kakampi ko si mama. Siya ang sandigan ko nang tumuntong ako sa bahay na iyon, subalit hindi ko aakalaing iiwanan na lang niya ako nang ganoon. Na parang isang pusa na aabandunahin na lang basta-basta.

✦✧✦✧

PRESENT. July 2017.

Naalala ko noong gabing pinaalis ako ni papa sa bahay. Hindi ako nagtanim ng sama ng loob kay mama sa naging desisyon niyang piliin si papa at iwanan ako.

"Hoy, Taliyah, natunganga ka na naman d'yan. Maraming hugasing pinggan sa kusina. Baka gusto mong kumilos-kilos d'yan?"

Narinig ko ang boses ni Bianca mula sa kabilang mesa habang inililigpit ang mga pinagkainan ng mga customer.

Tumayo ako at dumiretso patungong kusina. Tumambad sa akin ang tambak na hugasin doon.

Sa kalagitnaan ng paghuhugas ko sa mga pinggang hindi ko naman pinagkainan, muli kong naalala ang masalimuot na gabing iyon.

Kinabukasan noong araw na iyon, ang sunod na ginawa ko ay naghanap ng trabaho kahit na sa murang edad pa lamang. Kung hindi ako gagawa ng paraan, mamamatay akong kumakalam ang sikmura.

Namasukan ako bilang tindera ng isang panaderya at taga-lako ng pandesal tuwing umaga. Mahirap noong una, subalit nasanay ako dahil iyon ang buhay. Ganoon tumatakbo ang oras at umiikot ang mundo. Kung hindi ako kikilos, malamang ay mamamatay ako sa lansangan.

Tatlong buwan ang lumipas at nagkita kami ni mama sa isang karinderya kung saan malimit akong kumakain at naglilinis 'pag may bakanteng oras.

Niyakap ko siya noong oras na lumapit siya sa akin, mahigpit na mahigpit. Umiiyak kaming dalawa at gusto na niya akong kuhanin at pinapabalik sa bahay ni papa.

Noong una ay tumanggi ako dahil kaya ko na namang mag-isa at tatlong buwan na rin akong huminto sa pag-aaral para magtrabaho na lang muna at sustentuhan ang sarili ko sa murang edad.

Nai-kwento niya sa akin ang lahat nang nangyari kay papa kaya't napagdesisyunan niyang hanapin ako para tulungan siya sa pag-aalaga rito. Dahil ako na lang ang inaasahan at matatakbuhan niya. Wala nang iba pa.

Base sa kanya, naaksidente si papa noong araw na nagmamaneho siya ng motor dahil natanggap siya bilang isang messenger sa isang kompanya.

Ilang araw siyang namalagi sa ospital para magpagaling, subalit napuruhan ang kanyang likuran at ang kanang paa niya kaya't ang paliwanag ng doktor na matatagalan ang paggaling niya. Nagkaroon rin ng ibang komplikasyon ang kanyang internal organs dahil babad sa alak ang atay niya noon pa man.

Madalas na itong nakahiga at nakaupo na lang sa wheelchair at tila ba ayaw na ayaw na niya sa kanyang buhay.

Naaawa lang ako habang nagsasalita si mama. Nararamdaman kong nahihirapan na siya sa pag-aasikaso kay papa. Gusto kong siyang tulungan at nakikita ko sa mga mata niya ang paghihirap at mga sakripisyo niya para dito.

Umalis ako sa pinagta-trabahuhan ko at muling sumama sa kanya. Ako na ang nag-aalaga kay papa, nagpapakain at nagbabantay.

Itinuloy kong muli ang aking pag-aaral.

Subalit hindi pa rin nagbabago ang ugali nito kahit na hindi na ito makakalakad pa. Ako pa rin ang sinisisi niya sa lahat ng nangyaring hindi maganda sa buhay niya.

Hanggang ngayon, ganoon pa rin ang sitwasyon namin. Nag-aaral ako habang inaalagaan siya sa tuwing kailangan niya ng tulong ko.

Hinahawi niya ako sa tuwing papakainin ko siya. Pinagpapasensyahan ko na lang ang masasakit niyang mga salita at ramdam na ramdam ko ang galit niya sa mundo. Umiikot pa rin sa akin ang lahat ng mga masamang natamo niya. Ako pa rin ang dahilan ng mga iyon mula sa kanyang mga mata.

Tumatanda na siya subalit ang ugali niya ay hindi pa rin nagbabago.

Natapos akong maghugas at nagpaalam na kay Manager Park na maaga akong maga-out ngayon sa trabaho dahil may aasikasuhin akong importanteng bagay.

Pumatak ang gabi at pumayag naman siya dahil kaunti na lang ang mga customer na pumapasok sa diner.

"Taliyah, may lalaking naghahanap sa'yo sa labas," ani Miguel habang naglilinis ng banyo.

Nag-ayos na ako at lumabas.

Naroroon si Jayce na matiyagang nakatayo at naghihintay sa akin.

"Kumusta naman ang trabaho mo rito?" tanong niya sa akin nang lapitan ko siya.

Si Jayce na lang at si mama ang natitirang taong kilala ko na may pagmamalasakit pa sa akin. Sila na lang ang pamilyang pinanghahawakan ko ngayon at pinagkukuhanan ko ng lakas.

"Medyo nakakapagod pero kinakaya naman," nakangiti kong sagot at binigyan niya ako ng malapad na ngiti.

Natanggap ko ang text ni Jayce kanina. Ang sabi niya, pupuntahan niya ako dahil narito naman ako sa Norwester kung saan sila nakatira.

"Kumusta ka naman sa bahay n'yo? Kumusta ang lagay ng papa mo?"

Ngumuso ako. "Okay lang naman ako. Si papa, Ganoon pa rin ang pakikitungo niya sa akin. May pag-asa pa kaya siyang magbago?" Suminghap ako sa pag-aakalang iyon.

"Alam mo Taliyah..." Umupo si Jayce sa mahabang bangko sa labas ng diner at tumabi ako sa kanya. "Kung noon pa man malaki na ang galit sa iyo ng papa mo, sa tingin ko hindi na siya magbabago. Huwag mo nang hintayin na dumating pa ang araw na iyon. Mapapagod ka lang, dahil hindi na mangyayari pa 'yon."

Ginagawa ko lang na desperado ang sarili kong magbabago pa siya. Umaasa pa rin ako kahit na wala nang tiyansa. Kung mayroon man, siguro katiting na lang at imposible na.

"Madalas kang magsinungaling sa akin, Taliyah. Alam kong napapagod ka na. Tingnan mo nga iyang mukha mo, ang putla mo na at parang stress na stress ka na sa trabaho. Tapos mayroon ka pang inaasikaso sa eskwelahan."

Nag-aalala si Jayce para sa kapakanan ko. Madalas akong magsinungaling sa kanya. Ayokong pati ako ay intindihin niya pa.

Natatawa na lang ako. "Hindi ko na nga alam Jayce kung paano pa ako magiging okay sa lahat ng iyon. Napapagod na ako tapos hindi ko pa nakakasundo ang mga taong malapit sa akin. Para akong baso na nakasalo sa bukas na gripo, kaunti na lang at mapupuno na ako. Hindi ko alam kung ano pa ang mangyayari kapag dumating ang araw na napuno na ako."

Huminga ako nang malalim matapos iyon.

"Why don't you give yourself a break? Pumunta ka sa isang lugar kung saan malilimutan mo ang lahat ng mga problema mo at nakapagbibigay sa iyo ng stress. Hindi ba't nai-kwento ko na sa iyo dati ang bayan ng Emelle, sa syudad ng Grellyn? Maganda ang lugar na iyon, may ipon ka na rin naman at kaya mo nang pumunta roon," mungkahi niya.

"Kung aalis ako, paano na si mama? Paano na ang pagpasok ko sa eskwelahan pati na ang trabaho ko?"

"Kaya nga bibigyan mo ang sarili mo ng pagkakataong magpahinga. Take a leave at mag-catch up ka na lang sa school activities na mami-miss out mo. Trust me, makatutulong ang ilang araw na bakasyon sa isang magandang lugar."

Kilalang-kilala ako ni Jayce. Alam niya kung ano ang makakabuti sa akin at hindi.

Nagpasalamat ako sa kanya at pinag-iisipan ang suhestyon niyang iyon.

Bumuhos ang ulan mayamaya at hinatid niya ako mula sa sakayan ng bus papuntang Montserrat at nagpaalam.

Pagod ako at gusto kong matulog pero naririnig ko ang sigawan mula sa labas ng bahay.

Hindi na ito bago. Palagi na lang ganito. Nasasanay na ako.

Nagsisigawan na naman sina mama at papa.

"Sheryl, hindi ko kailangan ng tulong ng anak mo. Hindi ko maatim na nakikita siya rito sa pamamahay ko."

"Nagmamalasakit na nga sa iyo si Taliyah tapos ito pa ang iniisip mo? Bernardo, mag-isip ka naman. Kailangan ko ring mag-trabaho para sa gamot mo. Kailangan natin si Taliyah, malaki ang tulong niya sa atin!"

"Ang tulong mula sa kanya para sa akin ay hindi isang tulong. Kapag nakikita ko ang anak mo, parang araw-araw akong pinapahina ng putanginang sakit na ito! Papalayasin ko siya sa pamamahay ko. Hindi siya makatutulong sa paggaling ko!"

Mabigat na naman ang loob kong pumasok ng bahay.

Nakatungo akong lumapit kay mama.

"Mama, ayos lang po. Aalis na lang ako." Ayoko nang magtiis kung sa araw-araw na sakripisyo ko ay hindi pa pala sapat.

Pumasok ako sa loob ng aking kwarto at nag-impake.

"Taliyah, anak, hindi mo kailangang gawin ito. Mahina na ang papa mo, hayaan mo na lang siya. Huwag mo na lang siyang intindihin."

"Mama, hanggang kailan po natin siya pakikisamahan at pagpapasensyahan. Tao lang din po ako mama, nasasaktan at napupuno." Bumuntong-hininga ako at umiyak sa harap niya. "Mama, pagod na pagod na po ako."

Umaagos na ang luha sa aking mga mata.

"Tawagan n'yo na lang po ako kung may kailangan kayo. Aalis na po ako at lalayo." Niyakap ko siya.

Ito na siguro ang pinakamadaling paraan para hindi na napupuno ng tensyon ang loob ng bahay na ito.

Sapat na siguro ang ilang taong pagtitiis sa puder ni papa. Oras na siguro para kumawala na ako sa hawla kasama siya.

Binuksan ko ang aking payong at lumabas nang bahay.

Sinalubong ko ang malakas na ulan.

Bitbit ko ang aking mga gamit. Habang dala-dala ang mga alaala sa bahay na kinalakihan ko. Gusto kong magsimula ulit kahit pang-ilang beses ko nang ginagawa ito.

Sa oras na ito, ang sarili ko naman ang iisipin ko at wala nang iba.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top