Chapter 2: Scar
PAST. Early 2010.
"Sheryl, wala pa ba tayong pagkain? Huwag mong sabihing wala at ako'y pagod at nagugutom na!" aboridong bulalas ni papa pagpasok na pagpasok pa lang ng bahay.
Sambakol ang mukha at mainit na ang ulo niya. Mas magtataka ako kung hindi siya ganoon.
Ibinaba niya ang kanyang bag na dala at padaskol na umupo sa sofa na akala mo pagod na pagod sa buong maghapon.
Nagbabasa ako noong hapong iyon ng libro sa sala. Ang sabi sa akin ni mama noong tinanong ko kung saan nagpunta si papa kanina ay naghanap daw ito ng trabaho.
Kung natanggap man siya, hindi dapat ganyan ang taas ng boses niya at hindi dapat ganyan ang salubong niya. Tila ba masama na ang timpla nito kanina pa.
"Hoy, ikaw na bata ka! Kuhanin mo nga iyong alak ko sa ref. Dalian mo!" pagmamadali niya.
Agad kong isinarado ang libro at sinunod siya. Palagi akong natataranta sa t'wing ako ang inuutusan niya. Ayokong magkamali, minsan ko nang natikman ang hagupit niya.
"Kumusta naman ang paghahanap mo ng trabaho?" tanong ni mama habang isinasalansan ang mga pinggan sa mesa.
Nakangiti ito habang kinukumusta ang resulta sa paghahanap ng trabaho nito.
Pumalatak ito at matalim na tinitigan si mama. "Hindi pa ba halata? Iinit ba ang ulo ko nang ganito kung natanggap ako sa kompanyang papasukan ko?" pamimilosopo niya.
Prente at bagsak ang katawan niyang nakasandal sa sofa. Tila tamad na tamad at iritable dahil hindi ito natanggap.
Binuksan ko ang ref, naramdaman ang lamig na nanggaling mula roon subalit 'di ko maalis ang titig ko sa kanya.
"Tanginang agency iyon! Akala mo kung sinong malilinis. Hindi ako natanggap dahil nalaman nila noong nagpasa ako ng papeles na nakulong ako ng isang taon. 'Lang hiyang buhay ito! Pagkamalas-malas naman!" palasak niyang sabi.
Nagawa niya pang sipain ang maliit na mesa sa harapan niya na dahilan ng pagkagulat naming dalawa ni mama.
Ihinagis na lang niya basta ang kanyang bag sa kung saan dahilan para makabasag siya ng pasong wala namang kinalaman sa kung anong galit mayroon siya. Kap'wa kami nagulat ni mama sa pagkabasag na iyon.
Nagiging marahas na naman siya sa mga gamit.
"Bernardo, ano ba, huminahon ka naman. Marami pang mga trabaho r'yan. Huwag ka naman agad mawalan ng pag-asa."
Kumuha ako ng isang bote ng alak, binuksan ito at ibinigay kay papa.
Agad naman itong tumayo na parang may nasabi si Mama na agad na ikinagalit nito.
"Pag-asa? Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo, Sheryl? Matagal na akong nawalan ng pag-asa, simula nang dumating ang batang iyan sa pamamahay ko!" usal niya na dinuduro ako. "Nagkandaletse-letse na ang buhay ko. Ni hindi nga tayo mag-kaanak tapos sasabihan mo akong huwag mawalan ng pag-asa?"
Napapansin ko ang mga ugat ni papa na umukit sa kanyang sentido dahil sa sobrang pagmamaktol at pagkadismaya.
Parang ano mang oras sasabog ito at tila magwawala.
"Ikaw ang dapat makinig sa kung ano man iyang sinasabi mo!" ganting sagot ni mama. "Kaming dalawa ni Taliyah, hinding-hindi kami nagsasawang pakisamahan ka. Malaki na ang naging sakripisyo namin sa mga pananakit mo at d'yan sa ugali mo. Hindi kami nawawalan ng pag-asa na darating ang panahon na magbabago ka, na tatalikuran mo ang lahat ng hinanakit mo at muling magkakaroon kami ng halaga sa iyo."
Kahit ito ay hindi na rin mapigilang magsalita habang nangingilid ang luha sa mga mata.
Nakatayo lamang ako sa isang tabi at saksing pinanonood sila. Kumakabog na namang muli ang puso ko. Gusto ko mang pumasok sa loob ng aking kwarto, ngunit hindi umaayon ang mga paa ko sa kagustuhan ko.
Kusa na ring tumulo ang aking luha kasabay nito ang mabilis na pagkabog ng dibdib ko sa mga naririnig. Parang nagtatambol. Tila ba gustong kumawala sa dibdib ko.
"Magbabago?" Tinuro niya ang kanyang sarili. "Ako, magbabago?" Ngumisi ito dahil akala niya isa iyong biro. Napasinghap ito. "Akala mo ba madali para sa akin na magbago na lang bigla at makitungo nang maganda sa inyo? Hindi mo alam ang mga pinagdaanan ko, Sheryl. Simula nang napunta sa atin ang malas mong anak, halos sa araw-araw na ginawa ng Diyos, walang iba akong hiniling na sana bigyan niya ako ng isa pang pagkakataon para magbago... subalit ito, nasaan ako ngayon? Patuloy pa ring naghihintay sa hiling na iyon! Hindi ko magamit ang katawan at pinag-aralan ko para kumita ng pera, natuluyan na akong naging walang silbi. Palagi na lang akong naririto sa bahay, tapos kapag umiinom ako palagi mo pa akong pinipigilan. Tanginang buhay to, oh!"
Kasunod niyon ay dinuro niya si mama. "Kung hindi kayo nawawalan ng pag-asa na magbabago pa ako, pwes, ako na ang nagsasabi sa inyo na hinding-hindi na darating ang araw na iyon!" nagngingitngit ang mga ipin niyang singhal. "Umalis kayo sa harapan ko, mga letse! Lalo ninyong sinisira ang araw ko!"
Padabog itong nagtungo sa hapag, umupo at kumain.
Napansin ko si mama na nakatingin lang kay papa saka huminga ito nang malalim. "Hindi magandang kumain ng masama ang loob. Baka hindi ka matunawan." mahinahong paalala nito.
"Wala kang pakialam!" bastos na tugon nito kasabay niyon ay madidinig mo ang pagtatalo at malakas na pagkalansing ng kutsara't tinidor.
"Taliyah, anak, pumasok ka na sa kwarto mo."
Sa kabila ng mga nangyari, nakukuha pa rin ni mama na ngumiti na parang wala lang, na parang okay lang siya, na parang maayos lang ang lahat.
"Pero mama, tutulungan ko na po kayong asikasuhin si papa," sambit ko habang yakap-yakap ang libro.
Lumapit siya sa akin at ihinaplos ang palad niya sa pisngi ko. "Magpahinga ka na, maaga pa ang pasok mo bukas. Ako na ang mag-aasikaso sa papa mo."
Niyakap ko siya. "Mama, gisingin n'yo na lang po ako kung kailangan ninyo ng tulong."
Mas hinigpitan ko ang yakap sa kanya.
"Oo, ako na ang bahala. Matulog ka na." Hinalikan niya ako sa ulo matapos niyon.
Agad akong pumasok sa loob ng kwarto. Ang mga sunod na pahinang binasa ko ay hindi ko na nagawang maintindihan kakaisip sa nangyari kanina.
Malaki ang nagiging epekto sa akin ng palagiang pagtatalo nila. Hindi ko magawang ituon ang atensyon ko sa pag-aaral. Palagi na lang silang sumasagi sa isipan ko. Iyon na lang palagi ang bagay na gumugulo sa t'wing nasa konsentrasyon ako ng pagbabasa.
Hanggang sa dinapuan na ako ng antok at nakatulog habang lukot na nakatabi sa akin ang librong binabasa ko.
"Bernardo! Tumigil ka na! Parang awa mo na."
Hindi pa man lumalalim ang tulog ko ay muli na naman akong nagising dahil sa sigaw at pagmamakaawa ni mama sa sala. Naalimpungatan akong tumayo at lumabas ng kuwarto kahit pa'y hindi pa tuluyang gising ang diwa ko.
Nadatnan at tumambad sa akin ang mga basag na plato at mga picture frame sa sahig habang hawak-hawak ni papa ang isang bote na nabasag sa kamay niya.
"Huwag kang magwala! Nakakahiya sa mga kapit-bahay natin. Madaling araw na at gumagawa ka pa ng ingay." Pilit na pinipigilan siya ni mama.
Muli akong tumayo sa isang tabi habang nakakuyom ang mga kamao. Patuloy na tumutulo ang mga luha sa aking mga mata. Gusto ko silang awatin, subalit nabato ako sa aking kinatatayuan na sanhi para panoorin ko lang silang magbubuntalan.
"Wala kang pakialam, wala silang pakialam! Naririto ako sa pamamahay ko at wala silang magagawa kung ano ang gusto kong gawin. Tumabi ka r'yan!"
Buong pwersa niyang hinawi si Mama na dahilan nang pagbagsak nito sa sahig. "Masaya ako dati, kumpleto at nabubuhay ng matiwasay. Simula nang dumating kayo rito sa pamamahay ko, sunud-sunod na ang problemang dumating sa buhay ko. Bakit ba kasi pinatira ko pa kayo rito? Bakit ba kasi kinuha ko pa iyang anak mong malas? Naging walang saysay na ang lahat. Minalas na ako ng todo-todo at putangina... naging patapon pa ang buhay ko!"
Patuloy na ihinahagis ni papa ang mga gamit na madampot niya. Sigaw siya nang sigaw. Walang tigil, walang humpay.
Nakakatakot ang pagiging bayolente niya. Nakakabahala ang mga ikinikilos niya lalo pa't lasing ma lasing siya.
Naririndi ako. Na parang masisiraan na siya ng bait habang nakahalo ang alak sa sistema niya.
"Tumigil ka na." Lumapit si Mama sa kanya. Pinipigilan siya para sa mga susunod pa niyang babasagin.
"Bitiwan mo ako, Sheryl! Akin ang mga gamit na ito, ako ang nagmakahirap na bilhin ang mga ito. Wala kang pakialam kung gusto ko mang sirain o basagin ang lahat ng ito!" asik niya.
"Tama na! Tumigil ka na!"
Patuloy pa rin si Mama sa pagmamakaawa at nagawa pang lumuhod sa harap nito.
"Dumistansya ka, Sheryl. Huwag mong hintaying magdilim ang paningin ko sa iyo at baka kung ano pa ang magawa ko. Baka makalimutan kong asawa kita," labas sa ilong na pagbabanta nito.
"Itigil mo na ito, Bernardo!"
Nagmistulang estatwa ako sa aking kinatatayuan. Tumatalon ang puso ko sa takot at pangamba.
"Sabi nang umalis ka sa harap ko! Hindi mo ba ako naiintindihan?" Walang salita ang lumabas sa bibig niyang mahina, lahat ng iyon ay malalakas, may punto at may gitil na gitil.
Nagtungo ito ng kusina at bumalik na may kutsilyong mahigpit na hawak.
"Umalis ka sa tabi ko," muli itong nagbanta sa harap ni mama at itinutok niya ang kutsilyo rito.
Nanginginig ang kamay ko at halos lumabas na ang puso ko sa aking dibdib sa bilis ng kabog nito. Hindi ko magawang huminga nang maayos. Nanlalambot ako na hindi ko maintindihan.
"Bitiwan mo iyan, Bernardo. Lasing ka, baka kung ano ang magawa mo." Dahan-dahang dumistansya sa kanya si mama.
Nang makakuha ito ng tiyempo ay agad na kinuha ni mama ang kutsilyo sa kamay nito.
"Ibigay mo sa akin ang kutsilyo!" sigaw nito habang pinag-aagawan nila ang matalim na bagay na iyon.
Nang makita ko kung gaano na kalapit ang kutsilyo sa dibdib ni mama ay dali-dali akong tumakbo mula sa kanila...
"Mama!"
Gusto ko silang awatin pero tumuon ang pwersa nilang dalawa sa pagdating ko.
Napatigil ako at naramdaman na lang ang pagtagas ng dugo sa aking mukha.
"Taliyah?"
Agad na lumapit si mama sa akin habang nakikita ko ang mga mukha nilang gulat na gulat sa nangyari.
Pinagmasdan ko sila. Nanlalabo na ang paningin ko.
Sabay nilang binitiwan ang kutsilyong may bahid ng aking dugo.
Naramdaman ko ang hapdi sa pagitan ng aking kaliwang kilay, patungong ilong at pababa ng aking kanang pisngi. Mahabang hiwa ang nadulot ng matalim na kutsilyong iyon sa aking mukha.
Sinubukan kong hawakan ang dugong patuloy na gumagapang sa aking pisngi.
Nang makita ko ang pulang likido sa aking mga daliri. Nanghina ako. Natakot at nanlambot. Patuloy iyong humihilamos sa aking mukha.
Hindi ako makahinga. Nagdilim ang paningin ko, bumagsak at nawalan ng malay.
✦✧✦✧
PRESENT. July 2017.
"Taliyah, marami pang customers sa labas. P'wede ba'ng bilis-bilisan mo naman ang kilos mo?" singhal sa akin ni Manager Park nang makitang natigil lang ako saglit para magpahinga.
Walang patay na oras kapag dating ng araw ng sabado lalo na't gabi pa. Kahit na nakararamdam na ako ng hapo ay dapat tuloy lang sa trabaho.
Tumango ako at kinuha ang mga menu card.
Nagtatrabaho ako sa isang Diner bilang waitress. Pumapasok ako sa eskwelahan sa umaga, nagtatrabaho sa gabi at huling dalawang araw ng linggo.
Malaki ang populasyon ng tao sa bayan ng Norwester, mula sa syudad ng Brandenton. Narito ang lahat ng commercial buildings at oportunidad para sa ilan na nais magkaroon ng trabaho. Kaya tuwing biyernes o sabado, naririto sila para kumain.
Halos dalawang taon na akong nagta-trabaho sa restaurant na ito. Para makatulong ako kay mama at dagdag pang-matrikula ko sa eskwelahan.
Mayroon na rin akong naipong pera kung sakali mang may pagkagastusan ako.
Kinuha ko ang mga order ng mga bagong dating na customers at inilista iyon sa isang papel.
Hindi pwedeng bababagal-bagal dito. Tiyak mapapagalitan ka dahil made-delay ang orders.
Bumungad sa akin ang usok at mainit na singaw nang pumasok ako sa loob ng kusina para ilagay ang mga papel ng order ng customers. May ilan akong kasama na hindi na rin magkandaugaga sa pagkilos dahil sa dagsa ng mga tao.
Hindi ako maaaring mapagod. Dahil dito ako kumukuha ng ikabubuhay ko–ikabubuhay namin sa bahay.
"Taliyah, paki-entertain naman iyong mga lalaking bagong pasok, please," pakiwari ni Jenna.
Agad kong pinuntahan ang mga lalaking bagong dating at ngumiti sa kanila.
Pansin kong hindi maalis ang titig nila sa akin. Hindi ko maiwasang mailang sa malalagkit nilang mga titig.
"Excuse me, sirs. Maaari ko bang makuha ang orders n'yo?" tanong ko at inihanda ang papel at ballpen para sa orders nila.
Nakatingin sila sa mukha ko. Mukhang naiilang sa mahabang peklat na nakikita nila. Hindi malagkit na tingin ang pinakikita nila ngayon, kung hindi pagkailang sa kapansin-pansing mahabang peklat sa aking mukha.
Sino ba namang hindi iyon mapapansin? Halos nasa sentro ang peklat na iyon sa mukha ko.
Nang matapos ang buong gabi, halos alas dos na rin ng umaga nang maubos ang mga tao sa Diner. Napaupo ako sa pagkasaid ng enerhiya. Nanlalambot ako sa pagod.
"Mauuna na ako, Manager Park," pagpapaalam ng ilan kong kasamahan.
Nagpalit muna ako ng damit sa banyo. Pinagmasdan ko ang aking mukha mula sa harap ng salamin. Huminga ako nang malalim at muling hinawakan ang mahabang peklat dito.
Hinding-hindi ko malilimutan ang nangyari noon. Kung bakit hanggang ngayon, bakas pa rin ang masalimuot na pangyayaring iyon sa buhay ko.
Ang peklat sa aking mukha ay ang marka ng madilim at nakakatakot kong nakaraan. Tila isang bangungot na kailanman ay hindi ko mabubura at dadalhin ko na habambuhay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top