Chapter 19: Lured Into Nightmare (Part 2)
PRESENT. Lucid Dream.
Nagising akong pawis na pawis at halos mabilaukan na sa paghahabol ng hininga. Para akong nanggaling sa napakalalim na dagat at ngayon lang nagkaroon ng pagkakataong makahinga mula sa pagkakalubog.
Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng lugar. Isang pamilyar na kuwarto, pamilyar na mga gamit at pamilyar na pakiramdam.
Nagbalik na ba ako sa mundo ng panaginip?
Napapikit ako sandali nang biglang sumakit ang ulo ko. Kumikirot.
Ang asul na ilaw. Matingkad at nakakabulag ang liwanag na tinataglay nito. Halos kainin ang kabuuan ko at kuhanin ang enerhiyang mayroon ako. Kahit na ang aking kaluluwa ay hindi pinalampas nito.
Isa lang ang magpapatunay na nakabalik na ako sa mundo ng panaginip. Iyon ay ang makita kung nasa mukha ko pa ang mahabang peklat.
Mabilis akong nagtungo sa harap ng salamin.
Oo, naririto na nga ako.
Dahil sa mundong ito, lahat ng masalimuot na naganap sa akin sa reyalidad ay burado.
"Taliyah, hindi ka pa ba babangon d'yan. Mahuhuli ka na sa klase..."
Napalingon ako. Iyon ang boses ni mama. Naririto sila. Buhay sila.
Agad akong nagtungo sa labas at hinanap si mama. Nang makita ko siyang naghahanda ng agahan ay dali-dali ko siyang niyakap. Mahigpit na mahigpit.
"Oh, anak. Ang higpit naman yata ng yakap mo sa akin?"
Gusto ko lang siyang yakapin nang yakapin. Tila ba ayoko na siyang makawala pa sa akin. Ayoko na silang mawala pa.
"Umupo ka na at kumain. Hindi ako makapaghahanda rito sa higpit ng yakap mo. Maupo ka na."
Ngumiti ako. Tumango at sinunod siya.
"Ang sasarap naman po ng mga pagkain!" masaya kong sambit sa kanya. Sobrang gaan ng pakiramdam kong makita si mama.
Ordinaryong agahan para sa ordinaryong araw pero para sa akin, ang lahat ng nakahain sa mesa ay tila naging espesyal. Hindi nasasabing espesyal ang maraming handa o mamahaling pagkain sa mesa. Ang importante, sama-sama kayong pamilyang pinagsasaluhan ito.
"Mama, nasaan po pala si papa?" tanong ko habang nagsasandok ng kanin.
Naghihintay ako nang sagot mula sa kanya, ngunit nanatili lang siyang tahimik at nakatingin sa akin.
"Anak, ayos ka lang ba? Maganda naman ang gising mo. Napanaginipan mo na naman ba ang papa mo?"
Dahan-dahan kong ibinaba ang sandok. Hindi ko alam kung ano ang pinagsasasabi ni mama.
"Mama, hindi ko po kayo maintindihan," tila ba blangko kong saad.
"Anak, Taliyah, matagal nang wala ang papa mo," may lungkot sa boses niya.
Nanigas ako sa kinauupuan ko. Matagal nang wala si papa? Ano'ng sinasabi niya?
"Sinabi ko na nga ba't nakikita mo pa rin siya sa panaginip mo. Alam mo, mahal na mahal ka niya, Taliyah. Kahit na hindi ka niya tunay na anak at kadugo ay nagpaka-tatay siya para sa iyo."
Hindi ako makapagsalita sa mga sinasabi ni mama. Parang bigla akong napipi.
Ano ba ang nangyayari?
"Taliyah, bakit, anak? May problema ba?"
"Wala na po si papa?" halos basag ang boses ko. Nangingilid ang luha sa aking mga mata.
Naglakad si mama papunta sa akin at tinabihan ako. Hinawakan niya at hinimas ang kamay ko.
"Tatlong taon na, anak. Tatlong taon nang patay ang papa mo..."
Nanlalamig ang buo kong katawan. Hindi ko na maramdaman ang mga kamay ko. Tila ba namamanhid at nawalan ng pakiramdam. Ano ba ang mga sinasabi ni mama?
Hindi ako makahinga nang maayos. Dahan-dahan akong tumayo na parang bibigay at babagsak sa sahig.
Kahit na nahihirapan at nanlalambot ang mga tuhod ay nagawa ko pa ring makapunta sa kuwarto.
"Taliyah, saan ka pupunta? Ayos ka lang ba, ha?" nag-aalalang tanong ni mama at hindi alam kung ano ang nangyayari sa akin.
Pumasok ako sa loob at isinara ang pinto. Kusa nang tumulo ang luha sa aking mata nang makita ang litrato ni papa sa bedside table.
Napapailing ako at hindi pa rin makapaniwala. Kahit ba sa mundong ito?
Kinabukasan ay nanghihina akong lumabas ng bahay, tila ba tamad at wala akong gana. Mugto pa rin ang mga mata sa pag-iyak. Hindi ako pumasok noong araw na nalaman kong wala na pala si papa at hindi pa rin alam ang dahilan kung bakit bigla na lang siyang nawala nang makabalik ako rito.
"Taliyah, kung masama ang pakiramdam mo ay magpahinga ka na lang muna rito sa bahay. Huwag mong piliting pumasok kung hindi maganda ang lagay ng katawan mo," wika ni mama nang alalayan niya ako palabas ng bahay.
Nakasuot na ako ng uniporme, itutuloy ko na ang pagpasok sa eskwelahan.
"Maayos lang po ako," matamlay kong tugon.
"Tawagan mo ako kung kinakailangan. Susunduin kita."
Pilit akong ngumiti sa kanya.
Naglakad ako. Tila ba nag-iba ang kapaligiran. Parang nagsanib ang usok at hamog sa ere habang walang gaanong hangin.
Hindi pa man ako nakalayo-layo ay napalingon ako sa katabing bahay namin. Binasa ko ang nakasaad sa karatula.
Lot for sale.
Kung hindi ako nagkakamali, doon ang puwesto ng bahay ni Madam Esperanza, pero bakit nawala ang bahay niya sa lugar na ito? Naging isang bakanteng lote na ang kinalalagakan ng bahay niya dati.
Noong una nawala si Toby, tapos ngayon nawala na ang kabuuan ng bahay maging si Madam Esperanza ay naglaho? Paano?
Hindi. Hindi ito totoo. Iniling-iling ko ang pag-iisip ng kung ano-ano.
Naguguluhan na ako. Ano ba talaga ang tunay na nangyayari sa mundong ito? Tila ba ang lahat ng mga naririto ay unti-unting naglalaho at nawawala isa-isa.
Gulo-gulo ang laman ng utak ko. Maghapong nakatulala maging sa klase. Kinausap ako ng isa sa mga professor ko na napapansin niyang matamlay ako at pinapapunta ako sa clinic para makapagpahinga. Sinabi ko naman na kaya ko at hindi lang gaanong maganda ang pakiramdam ko.
Nang matapos ang huling klase ay tamad na tamad akong bumaba ng gusali mula sa pangatlong palapag.
"Nasaan na si Taliyah?!" Tila galit ang tono nito.
Napahinto ako nang marinig ko ang pangalan ko. Nagtago ako sa gilid ng mahabang pader at nakinig sa dalawang lalaking nag-uusap.
"Wala na siya at hindi mo na siya mananakawan ng asul na ilaw. Hindi mo na matutupad ang maitim mong balak."
"Huwag mong ibahin ang usapan dito. Nasaan si Taliyah? Siya ang magiging susi para makalabas ako sa mundong ito!" galit na galit itong sumisigaw.
Nagkakainitan na ang dalawa. Dahan-dahan akong lumapit para makita sila at mas marinig nang maayos ang pinag-uusapan nila.
"Apat na araw na siyang wala sa mundong ito. Nakabalik na siya sa reyalidad."
Sumilip ako. Mabilis na kumakabog ang dibdib ko dahil sa pinag-uusapan nila at walang iba kung hindi ako ang laman ng usapan nila.
Nakita ko si Jayce habang hawak-hawak ang kwelyo ng lalaking nakatalikod sa akin. Galit na galit ang ukit ng kanyang mukha. Nanlilisik sa kaharap niya.
"Hindi... hindi maaari. Kailangan ko siya. Sabihin mo kung nasaan siya! Saan mo siya itinatago?!" bulyaw nito.
Pamilyar sa akin ang lalaking iyon. Hindi ako maaaring magkamali. Siya si Reece. Nag-aaway silang dalawa.
"Sinabi ko naman sa iyo na nakabalik na siya. Ano pa ba ang gusto mong marinig?" may pagmamataas sa tono ng boses ni Reece.
Napalingon ako sa dalawang babaeng dumating.
Si Zyra at Emily. Saglit lang, bakit hindi nila kasama si Patricia—ang palaging nasa pagitan nila?
"Nag-aaway ba kayo?" tanong ni Emily.
Tinanggal ni Jayce ang mga kamay niya sa kwelyo ni Reece.
Matalim ang mga mata ni Jayce na umalis habang napaluhod ang kanang tuhod ni Reece sa ginawa niya.
Naiwan doon si Reece. Kung hindi pa dumating ang dalawa, mukhang magkakagulo pa sa pagitan nila.
"Reece," mahina kong tawag.
Napalingon ito.
Lumabas ako at pinuntahan siya. "Ayos ka lang ba?" Inalalayan ko siyang tumayo.
"T-taliyah? Anong ginagawa mo rito? Hindi ba't—"
"Bumalik ako," nakangiti kong sambit.
Niyakap ko siya, ngunit agad niyang tinanggal ang pagkakayakap ko sa kanya.
Hinawakan niya ang magkabila kong balikat. "Nababaliw ka na ba? Bakit ka bumalik? Bakit mo sinayang ang pagkakataong iyon?"
"R-reece..." halos pabulong kong sabi.
"Taliyah, hindi mo ba naiintindihan? Hindi ito ang mundo mo, ang mundo natin. Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Huwag mo namang gawing laro ang lahat. Aalis at babalik ka kung kailan mo gusto? Kaunti na lang ang oras na mayroon tayo sa mundong ito at nakuha mo pang bumalik? Para ano—"
Tinanggal ko ang mga kamay niya sa balikat ko.
Naramdaman ko ang mga salitang lumabas sa kanyang bibig. Na halos lahat ay tumagos direkta sa puso ko. Hindi ko inaasahan na sasalubungin niya ako ng sermon.
"Hindi mo alam kung ano ang sakit at lungkot na naramdaman ko noong bumalik ako sa reyalidad. Hindi mo iyon maiintindihan dahil hindi naman ikaw ang nakakaramdam!" Tumulo na lamang ang luha sa aking pisngi. "Bumalik ako sa reyalidad nang masaya, pero tila ba may kulang. At nang malaman kong patay na ang mga magulang ko roon dahil sa sunog, para akong nadurog, para akong nabasag at hindi alam kung paano muling bubuuin ang sarili ko. Alam mo ba ang pakiramdam na iyon, ha? Na bumalik ka para masaktan, na bumalik ka para na lang sa wala. Gusto kong muling masilayan sila, lalo na ang mga ngiti nilang walang kapantay. Kaya ako nagbalik dito hindi para maglaro, Reece, kung 'di ay para muling makita ang mga ngiting iyon mula sa kanila!
"Wala kang alam, Reece! Wala kang alam sa nararamdaman ko! Kung gusto mo nang makaalis dito, hintayin mo ang asul na ilaw para sa iyo! Huwag mong papakialamanan ang mga desisyon ko! Kung gusto ko, babalik ako at nasa akin na 'yon."
Tumalikod ako habang bumubuhos ang luha sa aking mukha. Mabigat ang nararamdaman ko ngayon. Akala ko maiintindihan niya ako ngayong nagbalik ako, hindi pala. Nagkamali ako.
Nagsimula na akong maglakad. Napahinto ako nang hawakan niya ang aking kamay para pigilan ako.
"I'm sorry," mahina niyang wika sa likuran ko. "Hindi ko sinasadya ang mga nasabi ko. Nag-aalala lang ako para sa iyo. Noong araw na nalaman kong nakabalik ka na, masaya ako para sa iyo at nalungkot dahil wala ka na dahil muli na naman akong mag-iisa. Nadala lang ako ng aking emosyon at mapagsalitaan ka ng ganoon. Nababahala lang ako sa magiging kapakanan mo."
Mahigpit niyang hinawakan ang palad ko at humarap sa kanya.
"Pasensya ka na," mahina subalit naramdaman ko ang totoo siya sa sinasabi niya.
Sumapit ang hapon at magkasama kaming naglalakad pauwi ni Reece. Hinatid niya ako nang ligtas.
"Taliyah..." napahinto ako panandalian nang tawagin niya ang pangalan ko. "Mag-iingat ka kay Jayce. Mag-iingat ka sa lalaking iyon," aniya.
Humarap ako sa kanya. "Narinig ko ang pag-uusap ninyong dalawa kanina. Bakit niya ako gustong makita?"
"Hindi niya dapat malaman na nakabalik ka na. Kaya ayaw kitang iwan basta-basta, gusto kitang protektahan mula sa kanya."
Nakatingin lang ako sa mga mata niya. Mabilis lang ang tibok ng puso ko na tila ba ito na lang ang naririnig ko bukod sa boses niya.
"Reece, hindi ba't gusto niya ring nakawin ang asul na ilaw para sa akin? Paano kapag nagtagumpay siyang makuha ito mula sa akin?"
Inilihis niya ang kanyang tingin sa ibang direksyon. "Dalawang asul na ilaw na ang nakokolekta niya. Isa ay ang para sa kanya, nadagdagan ng isa dahil ninakaw niya ang para sa akin at ang pangatlo ay ang para sa iyo. Kapag nabuo niya ang tatlong asul na ilaw na iyon, magkakaroon siya ng pagkakataong makalabas sa mundong ito at mapunta sa mundo ng reyalidad," paliwanag niya.
Natigilan ako. Nabahala at napaisip.
"T-tatlo ang kailangan niya? Bakit tayo, isang asul na ilaw lang ay sapat na?" magkasalubong ang kilay kong tanong sa kanya.
Huminga ito nang malalim bago sumagot, "Dahil hindi naman siya talaga nag-e-exist sa tunay na mundo. Isa lang siyang karakter sa panaginip mo. Kaya kung makakalabas siya sa mundong ito, mawawalan na tayo ng pag-asang makaalis pa rito dahil napunta na sa kanya ang pagkakataong dapat ay sa atin."
"Saglit lang, paano naman si Jayce na kaibigan ko sa reyalidad?" pagtataka ko.
"Magiging dalawa sila. Isang Jayce mula sa panaginip mo at isang Jayce mula sa reyalidad. Sa madaling salita, ibibigay natin ang mga buhay natin para sa kanya na hinding-hindi mangyayari dahil hindi natin siya hahayaan," malakas ang loob niyang sabi.
Alam kong hindi hahayaan ni Reece na mangyari ang bagay na iyon. Kailangan lang naming magtulungan para sa lalaking iyon.
Halos gabi na rin nang makarating kami sa bahay dahil nag-ikot pa kami sa parke para mag-usap ni Reece. Ipinaghain kami ni mama ng hapunan at marami pa rin kaming pinag-usapan ni Reece lalo na noong mga araw na nawala ako.
Halos apat na araw lang daw akong nawala sa mundo ng panaginip at halos tatlong linggo na noong nakabalik ako sa reyalidad.
Binabantayan niyang maigi si Jayce noong mga oras na nagpakita sa akin ang asul na ilaw. Sinundan niya ito at baka abangan niya ang pagkakataon ko para doon.
Mula sa kusina ay patuloy pa rin kaming nag-uusap ni Reece.
"Kung may dalawa ng asul na ilaw si Jayce at ang isa roon ay para sa iyo, paano ka na makakalabas dito kung wala na ang bagay na iyon na susi mo para makaalis ka rito?"
Nagkibit-balikat siya at umiling. "Hindi ko alam," tanging sagot niya. Hinawakan niya ang kamay ko. "Huwag mo na akong intindihin. Ang mahalaga ngayon ay ikaw at asul na ilaw para sa iyo. Hangga't naririto ka sa mundong ito, tutulungan kitang hindi maagaw sa iyo ang ilaw na iyon. Poprotektahan kita hanggang sa muli makalabas ka rito." May ngiti sa kanyang mga labi.
Halos isang linggo na ang nakalipas matapos akong makabalik dito sa panaginip ko.
Mas naging malapit kami ni Reece sa isa't isa. Palagi kaming magkasama at alerto sa mga posibleng mangyari.
Naging mas maingat ako bawat oras. Doble ingat naman si Reece para sa akin.
Hindi maalis ang kaba sa akin sa tuwing papasok ako sa eskwelahan. Hindi pa muling nagpapakita si Jayce.
Nasaan na kaya siya?
Mas mahihirapan kaming malaman ang mga galaw at plano niya kung hindi namin siya nakikita para mapag-aralan.
Nakaupo kami ni Reece mula sa dulo ng cafeteria habang kumakain.
Dumaan sina Zyra at Emily. Huminto silang dalawa sa mesa kung nasaan kami ni Reece.
"Madalas ko kayong nakikitang magkasama rito. Boyfriend mo ba siya?" tanong ni Zyra.
Ano bang klaseng tanong iyan? Bigla tuloy nag-init ang mukha ko.
"Magkaibig—"
"Tama, boyfriend niya ako." abigla ako sa sinagot ni Reece.
"Wow, kaya pala napapansin kong palagi kayong magkahawak ng kamay at magkasabay umuwi," ani Emily na masaya at hindi mawala ang ngiti.
Hindi na ako nakapagsalita sa sinabi niya at patago kong sinipa ang paa niya sa ilalim ng mesa.
"Ano ba'ng sinasabi mo?" bulong ko.
Wala na akong nagawa nang ngumiti siya ng malapad.
Aalis na sana silang dalawa nang...
"S-sandali lang," pagpigil ko sa kanila.
"Bakit hindi n'yo na kasama si Patricia?" tanong ko at nag-iba ang reaksyon ng mga mukha nila.
"Patricia? Sinong Patricia?" ibinalik lang ni Zyra ang tanong sa akin.
"Si Patricia, iyong isa sa grupo n'yo?"
"Kasama sa grupo? Paano kami magiging grupo kung dalawa lang kami ni Zyra ang palaging magkasama?" walang ideyang saad ni Emily.
"Pasensya na kayo rito sa girlfriend ko. Kung ano-ano lang talaga ang mga naiisip niya." Ngumisi si Reece sa kanila at umakbay sa akin na kinagulat ko.
Girlfriend? Ano bang nakain ng lalaking ito at kung ano-ano ang pinagsasabi sa akin na girlfriend niya ako?
"Sige na, mauuna na kami. Kita na lang tayo mamaya sa klase," pagpapaalam nila.
"Hoy, Reece! Ano 'yang mga pinagsasasabi mo? Girlfriend mo ako?" lukot ang noo kong kompronta sa kanya.
Ngumingisi-ngisi lang siya sa harap ko.
"Huwag mo akong ngingisi-ngisihan. Nakakainis ka, ah." Inirapan ko siya.
"Pagbigyan mo na ako. Kunwari magkasintahan tayong dalawa. Kahit dito lang sa panaginip mo," aniya at nagbibiro na ngayon.
Malapad ang ngiti sa kanyang mga labi.
Nag-make face lang ako sa kanya at dinilaan siya. Kapal ng lalaking 'to. Kami na agad ni-hindi naman siya nanligaw.
Napahinto ako at natulala panandalian.
"May problema ba?"
Umiling ako. "Wala... wala. Nagtataka lang ako kung bakit hindi na nila kasama at kilala si Patricia."
Napatungo ako at nag-isip.
Nang muli akong tumingin kay Reece ay nakita kong naghihintay siya sa sasabihin ko.
"Naikuwento ko na sa iyo ang tungkol kay papa, hindi ba? Noong araw na bumalik ako rito ay wala na siya. Tapos iyong bahay ni Madam Esperanza, si Toby at maging si Madam ay naglaho na lang bigla. Tapos ngayon si Patricia? May ideya ka ba sa mga nangyayari?" Misteryo na ang bumabalot sa mundong ito. Hindi maipaliwanag ang mga pagkawala ng mga tao at bagay-bagay.
Napatayo ako bigla nang mapansin ang kaliwang kamay niya. "Reece, a-anong nangyayari sa kamay mo?"
Napatingin siya rito at nagulat din gaya ng reaksyon ko. Lumapit ako sa kanya sa sobrang pag-aalala.
Wala na ang kaliwang kamay ni Reece. Parang unti-unting nabubura ang kaliwang braso niya.
Ano ang nangyayari sa kanya?
"Mukhang ito na ang simula. Ito na ang mga sensyales ng lahat," aniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top