PRESENT. October 2018.
Mabigat pa rin ako loob ko at mas lalo akong naging hindi komportable habang nakasakay ng bus papuntang Emelle. Alam kong mali itong ginagawa ko, pero ito lang ang tanging paraan na alam ko.
Mas matagal ang byahe ko ngayon kumpara noong unang beses akong nagawi sa lugar na ito. Mayroon kasing road reblocking sa kahabaan ng kalsada ng Normount Fields kanina dahilan para magsikip ang trapiko.
Ligtas akong nakarating sa terminal ng Emelle at agad na pumara ng taxi. Noong una ay nilalampasan ako ng mga driver nang malamang sa isang tagong Inn ako tutungo. Ang dahilan ng pagtanggi nila ay dapit-hapon na at malayo pa ang byahe patungo roon.
Nagpakawala ako nang malalim na buntong-hininga sa paghihintay. Kumusta na kaya si Jayce ngayon?
Alam kong nag-aalala na siya sa mga oras na ito. Hindi ko ito ginawa para takasan siya o kung ano. Gustung-gusto ko lang talagang makita ang mga magulang ko. Wala naman sigurong masama na gusto ko silang makita at mahagkan.
Kapag naging mas mailap ang asul na ilaw sa akin sa pagkakataong ito, mahihirapan akong makabalik sa mundong iyon. Ito ang pagbabaka-sakaling baka naroroon pa ang mga magulang ko. Buhay at masaya.
May humintong taxi sa harapan ko nang pumara ako. Binuksan niya ang bintana ng kotse.
"Lakeside Inn po," wika ko kung saang lugar ako tutungo.
May edad na ang lalaking driver at tila ba noon pa ay ang pagmamaneho na ng taxi ang ikinabubuhay nito. Base sa unang impresyon ko sa kanya ay alam na alam na niya ang pasikot-sikot sa lugar na ito, pati na ang oras ng konsumo ng byahe.
"Pasensya ka na, Miss. Masyadong malayo ang lugar na iyon lalo na't pasado alas singko na ng hapon," pagtanggi ng taxi driver na pinara ko.
Napahawak ako sa pitaka ni Jayce, bahagya itong binuksan. Marami itong lamang pera at ilang maliit na card o ID.
"Dodoblehin ko po ang bayad," giit ko at bakas sa aking boses ang pagiging desperadong makarating doon. Baka-sakaling kagatin niya ang alok ko.
Napakamot ng ulo ang driver. "O siyapa , halika na. Para hindi na tayo abutin ng dilim sa daan. Ikaw na ang huling pasahero ko sa araw na ito at gagarahe na ako," pagpayag nito.
Masaya akong pumayag siya at mabilis akong sumakay sa loob ng kotse.
Buong byahe nakatingin lang ako sa labas ng bintana. Isa lang ang bagay na naglalaro sa aking isipan, iyon ay ang mga magulang kong umaasang buhay pa sa mundong iyon.
"Excuse me, Miss, maaari ba akong magtanong?" wika ng driver na binasag ang katahimikan sa loob ng kotse.
Napalingon ako mula sa rear view mirror at agad na nagtama ang mga mata namin.
"Ano po iyon?"
"Sigurado ka ba talagang gusto mong magpunta sa lugar na iyon?" may pag-aalala sa tanong niya.
Tumango ako at nagtaka. "Bakit po? May problema po ba?" pagbabalik ko ng tanong sa kanya. Wala akong ideya kung bakit niya naisipang itanong iyon sa akin.
"W-wala naman, Miss. Hindi mo ba nabalitaan ang nangyari doon dalawang buwan na ang nakalilipas?"
"Ano po'ng nangyari?" Nakaramdam ako bigla ng takot sa sinabi niya.
"Nabasa ko lang sa diyaryo na mayroong lalaki ang biglang nawala sa lugar na iyon. Matanda at matagal na siyang naka-check in doon. Ayon sa pulisya marami na ang naging kaso na tulad ng nangyari sa kanya rito sa Emelle. Pinaghahanap pa rin siya magpahanggang-ngayon," kuwento niya. Hindi ko maiwasang mangamba. Biglang nagtaasan ang mga balahibo ko.
"Matandang lalaki? Ano'ng ginawa nila sa Inn matapos ang insidente?" kunot ang noo kong tanong.
Napakarami na pala talagang nangyari noong nawala ako.
Nagkibit-balikat ito. "Hindi ko alam kung natuloy ba ang pansamantalang pagsasara nito para magsagawa ang mga pulis ng imbestigasyon."
Napatango na lang ako sa sinabi niya.
Halos hindi na ako kumibo sa gitna ng byahe. Nagsisimula nang dumilim ang kapaligiran. Hindi ko inaasahan na mabilis akong makararating sa Lakeside Inn o hindi ko lang napansin ang mabilis na pagpapatakbo ng driver.
"Masuwerte ka at hindi pa ipinasara ang Inn na ito," sambit nito bago ako nag-abot ng bayad at bumaba.
"Miss, mag-iingat ka sa lugar na ito. Mauuna na ako," pagpapaalam ng driver.
Nginitian ko lang siya at tila ba nagmamadali na siyang umalis.
Maliwanag ang buong Inn. Maganda sa paningin at tulad ng dati, nakangiti na ang mga guwardiya mula sa entrance nito.
"Maganda gabi po, Ma'am," bati nito.
Wala akong dalang gamit o kung ano man, tanging pitaka lang ni Jayce ang dala ko ngayon.
Iba talaga ang dating sa akin ng disenyo ng pagkakasulat sa Inn na bungad pagdating mo pa lang sa lugar.
Naglakad ako papasok sa loob.
"Maligayang pagdating sa Lakeside Inn." Napalingon ako sa counter kung saan naroroon ang babaeng bumati sa akin.
Ngumiti ako at tipid na tumungo.
Hindi siya ang babae na bumati sa akin noong una akong nagpunta rito. Baka panggabi ang kanyang trabaho.
"Kuwarto para sa isang tao lang. Mayroon pa ba?" tanong ko.
Nagsulat ako sa papel na pinasagutan niya dahil marami pang bakanteng kuwarto. Sa mga sinabi ng driver ay ang naging dahilan kung bakit walang gaanong nagpupuntang bakasyonista sa Inn dahil sa insidente ng matandang lalaking nawawala.
Inihatid na ako ng isang staff mula sa aking kuwarto. Ngayon, mas maliit na kuwarto ang pinili ko dahil pang isang buwan ang binayaran ko.
"Kung may kailangan po kayo, Ma'am naririto lang po ang telepono," saad ng lalaki habang itinuturo ang telepono sa may bedside table.
"Maraming salamat."
Iniabot na niya sa akin ang susi. Agad akong naghanap ng maaari kong bitbitin sa loob ng k'warto.
Mayroong itim na jacket mula sa loob ng closet at agad ko naman iyong isinuot panlaban sa lamig. May nakita ako sa mesa na flashlight at pito mula sa maliit na pouch bilang emergency kit kapag may aberyang nangyari.
Isinama ko na rin ang pitaka ni Jayce sa loob ng pouch at lumabas na ng kuwarto para magtungo sa campground ng Inn. Didiretso ako sa maliit na bodega sa gitna ng campground at magsisimulang hanapin ang asul na ilaw.
Nakakatakot man ngayong gabi ay hindi ako nagpatinag. Hindi na alintana ang dilim ng paligid.
Nang makalabas ako ng Inn ay agad kong binuksan ang flashlight at naglakad sa kahabaan ng campground.
Mag-isa lang ako at sumasabay ang paghampas ng malamig na hangin sa aking balat. Mas nadadagdagan ang kilabot ko roon.
"Nasaan ka na ba asul na ilaw? Magpakita ka na," mahina kong bulong at hinahanap ito.
Itinutok ko lang ang matingkad na ilaw ng flashlight sa daan at palinga-linga sa madilim na paligid.
Kinakabahan na ako.
Habang nasa kalagitnaan ako ng paglalakad ay naaninag ko ang anino ng isang taong nakatayo at tila ba nakatanaw sa malawak na lawa.
Hindi gaanong maliwanag ang sinag ng buwan dahil kalat-kalat ang maiitim na ulap sa langit ngayong gabi.
Pamilyar sa akin ang aninong iyon. Isang lalaki, may edad na at alam kong palagi siyang nakatanaw roon dahil base sa k'wento niya ay tinatanaw niya ang kanyang asawang yumao mula sa kaligiran ng lawa, kabundukan at langit.
"Mr. Frederick?"
Hindi ako maaaring magkamali. Siya ang matandang lalaking nakatayo malapit sa lawa.
Nagmadali akong naglakad papunta sa kanyang kinatatayuan, subalit sa aking pagmamadali ay napatid ako na dahilan ng pagkaupo ko sa lupa.
Napahawak ako sa binti ko, ngunit nang ilipat kong muli ang tingin sa kanya ay nawala na siya.
"Mr. Frederick?"
Hinanap ko siya sa ibang anggulo, pero hindi na nagpakita ang anino niya.
Namamalik-mata lang siguro ako, dahil sa pagod at pag-iisip ng kung ano-ano.
Dahan-dahan akong tumayo at muling naglakad. Hindi na ininda ang masakit kong binti.
Asul na ilaw, magpakita ka na...
Iyon na lang ang tangi kong hiling... ang mapuntang muli sa panaginip kong iyon at lisanin na ang bangungot ng reyalidad na ito.
Sa aking paglalakad ay bigla akong nanghina. Napaluhod ako sa sahig at nanakit ang dibdib ko.
Napapanganga ako habang hinahawakan ang aking dibdib. Parang nilalamukos ang puso ko. Hindi ako makahinga nang maayos Naninigas ang mga kamay at paa ko.
Mamamatay na ba ako?
Hanggang sa hindi ko na nakayanan at napahiga na ako sa malamig na semento. Bumagsak ang katawan ko sa sahig.
Mula sa itaas ay nagpakita ang asul na ilaw. Unti-unti itong bumababa sa akin. Nakasisilaw ang liwanag na tinataglay nito.
Unti-unti itong dumidiretso sa aking tiyan. At mas lalo akong nanghihina habang nangyayaring lumulutang iyon sa ibabaw ko.
Hahanapin ko ang asul na ilaw, ngunit nagkamali ako, ito ang kusang lumapit sa akin na tila ba ako ang hinahanap nito.
Nanginginig ang mga laman ko. Parang kinukuha nito ang lahat ng enerhiyang mayroon ang katawan ko. Parang iniaalis sa katawan ko ang sarili kong kaluluwa.
Nahihirapan na ako sa paghinga, kulang na kulang na ang hangin sa baga ko. Miski ang aking pandinig, panlasa at pandama ko ay rumurupok na.
Sa mga oras na iyon ay bulag na ang aking paningin dahil puro puti at liwanag na lang ang nakikita ko.
Parang unti-unti na ako nitong pinapatay.
Ito na siguro ang aking huling minuto. Mukhang sa ganitong paraan na matatapos ang buhay ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top