Chapter 18: Fire

PRESENT. October 2018.

Hindi alam ni Jayce kung ano ang tumatakbo sa isipan ko sa mga oras na ito. Nananatili lang akong tahimik at tulala.

Habang mabilis niyang minamaneho ang sasakyan ay malalim lang ang titig ko sa labas ng bintana. Alam kong nag-aalala siya para sa akin nang malaman kong wala na ang mga magulang ko, pero hindi ko magawang maniwala. Gusto ko na lang isiping mali ang balitang nakalap niya, na nagsisinungaling lang siya sa akin.

Kaso nasa kalsada na kami, direksyon kung saan naroroon patungo ang aming bahay. Pupuntahan namin sina mama at papa at alam ko sa sarili kong maayos lang sila, na maayos lang ang kalagayan nila.

"Taliyah, gusto mong kumain muna bago tayo magtungo sa bahay ninyo? Kanina ka pa kasi hindi kumakain simula noong oras na lumabas tayo ng ospital," nag-aalalang wika ni Jayce. Palingon-lingon siya sa akin dahil kanina pa ako walang imik.

Umiling ako. "Hindi na kailangan, wala akong gana," malamig kong tugon na hindi man lang inilihis ang tingin sa kanya.

"Pasensya ka na, Taliyah. Hindi ko agad naibalita sa iyo na wala na ang mga magulang mo noong araw na nagising ka. Ayokong makaapekto ito sa pagpapagaling mo, na dumagdag pa ito sa mga iisipin mo. Humahanap lang ako ng tiyempong sabihin sa iyo ang lahat ng nangyari noong wala ka pa."

Kahit kailan niya pa sabihin, kahit noon pa o kahit ngayon lang... ganoon at ganoon pa rin ang sakit na mararamdaman ko. Hindi iyon magbabago o mag-iiba.

Dahil simula nang malaman ko ang masamang balitang iyon, parang hindi ito ang reyalidad na ginusto kong balikan. Parang nagkamali yata akong bumalik pa rito. Parang nilalamukos ang puso ko sa sobrang sakit.

Matatanggap at matitiis ko pa ang pakikitungo sa akin ng mga tao rito. Makakayanan at mapagtyatyagaan. Pero ang malamang wala na ang mga taong mahalaga sa akin, tila ba gumuho ang mundo ko. Parang nawalan na lang ng saysay ang lahat.

Ano pa ba ang saysay kung bakit ako bumalik pa rito?

Paano pa ako mabubuhay kung wala na sila?

Halos isang kilometro na lang ang layo namin mula sa bahay at bigla akong nakaramdam ng matinding lungkot at pangamba.

Totoo ba talagang wala na sila? Paulit-ulit ang tanong na 'yan na ginagambala ang isipan ko.

Gusto kong hindi maniwala. Gusto kong pagdating ko ng bahay ay aasahan ko sina mama at papa, na makikita ko silang magkasama at hinihintay ang pagdating ko. Gaya nang sa mundo ng panaginip na nilisanan ko. Masaya, magaan, maaliwalas lang at nababalot ng pagmamahalan ang buong bahay. Subalit nakalulungkot na mukhang hindi na ganoon ang madadatnan ko mamaya.

Noong oras na sinabi sa akin ni Jayce ang tungkol sa nangyari sa mga magulang ko, nabalot na agad ako ng tensyon at pag-aalala. Ni hindi ko man lang naitanong kung bakit at sa paanong paraan sila namatay. Basta't sakit at pighati lang ang biglang namutawi sa aking puso't isipan noong nalaman ko ang balita.

Kaya't sinabi ko kay Jayce na pumunta kami agad at bumisita sa bahay... para tingnan ang tunay na nangyari.

Hindi na naituloy ni Jayce ang balita dahil halos hindi na ako naging interesado noong sinabi niyang wala na ang mga magulang ko. Wala na akong imik simula pa kanina na halos parang mag-isa na lang siya kahit na kanina pa kami magkasama.

Puro buntong-hininga na lang ako sa loob. Dahil iyon na lang ang bagay na magagawa ko para hindi mamuo ang sakit at lungkot na nararamdaman ko. Ayokong maipon iyon dahil baka bigla na lang akong sumabog ano mang oras.

Nang makapasok na ang kotse mula sa kanto kung saan papatungo sa aming bahay, nangibabaw na ang takot sa aking pakiramdam. Habang nilalampasan namin ang mga puno't kabahayaan ay nagsimula nang tumulo ang aking luha nang hindi ko namamalayan.

Walang gaanong tao. Halos patay na ang lugar namin. Kahit mga nakaparadang kotse ay wala kang makikita.

Para kaming pumasok sa isang lugar na nilisanan ng mga tao. Para bang naging ghost town ang buong lugar.

Mula sa kalagitnaan ng mahabang kabahayaan ay nag-iba na ang kulay ng mga ito. Naging itim, purong itim at sira-sira na ang mga ito.

Mariin akong napapikit at halos biglang rumihistro sa isipan ko ang mga posibleng nangyari rito noong wala ako.

Sunog. Isang malawakang sunog na halos lamunin ang mga kabahayan.

Apoy. Nagbabagang apoy na halos sirain ang mga alaalang nabuo at binubuo sa mga kabahayang ito.

Bumilis ang kabog ng dibdib ko. Mahina ang puso ko pagdating sa ganitong tanawin. Parang gusto ko na lang pumikit at huwag nang makita pa ang mga ito. Dahil natatakot ako. Baka hindi kayanin ng puso ko ang mga makikita ko.

Naramdaman ko ang paghinto ng kotse.

"Taliyah, narito na tayo," mahinang saad ni Jayce sa akin.

Minulat ko ang aking mga mata.

"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong niya nang mapansing bigla akong huminga nang malalim habang nakatingin lang sa ibabang parte ng kotse kung saan nakikita ko ang dalawa kong paa.

Tinanggal niya ang seat belt ko. Mas nakatulong iyon para makahinga ako nang maluwag.

Tumango ako sa harap niya. Oo, ayos lang ako, ang ibig sabihin ng tangong iyon.

Dapat bang ganito ang maramdaman ko at sabihin sa kanyang oo kahit hindi naman talaga?

Bumaba si Jayce ng sasakayan at pinagbuksan ako ng pinto.

"Gusto mo bang makita ang bahay ninyo o gusto mong umalis na tayo?"

Hindi ko alam kung gusto ko pa bang ituloy ito. Kung gusto ko pa bang makita ang bahay naming tinupok ng apoy. Kung gusto ko pa ba talagang tingnan ito para muling masaktan.

Sa ikalawang pagkakataon ay tumulo ang aking luha mula sa sakit na aking nadarama. Binibigyan ko lang ng dahilan ang mga bagay para lalo akong masaktan.

Inilahad ni Jayce ang kanyang kamay sa gilid ko. Kinuha ko iyon at inalalayan niya akong makalabas.

Habang nakatayo sa kabilang kalsada ay dahan-dahan kong inangat ang aking tingin sa aming bahay.

Nakagat ko ang ilalim ng aking labi.

Kusang tumulo ang aking luha na tila ba may sarili itong pakiramdam dahil sa nakikita.

Hindi na iyon ang bahay na nakita ko noon. Hindi na iyon ang bahay na palagi kong inuuwian noon. Hindi na iyon ang bahay na kahit marami akong naging masamang alaala ay pipilitin pa ring magtiis para hindi masira ang aking pamilya.

Hindi na iyon ang bahay namin. Dahil nabalot na ito ng itim, ng uling. Ang kalahati nito ay halos wala na at naging abo na. Ang natitirang parteng nakatayo ay ano mang oras, maaari nang bumigay.

Natupok ang ilang gamit sa loob. Wala ka nang maisasalbang bagay mula roon dahil halos walang pinalampas ang apoy na iyon.

Huminga ako nang malalim at dahan-dahang naglakad palapit dito.

Habang humahakbang ako, pasakit nang pasakit ang nararamdaman ko. Tatanggapin ko na bang ganito na ang bahay namin? Wala na akong magagawa.

Napahinto ako nang halos makita ko na ang kabuuan ng natupok na bahay. Nang lumakas ang ihip ng hangin ay naamoy ko ang sunog na uling mula rito.

Muli akong napapikit at napasinghap.

Mga sigawan ng tulong. Malaking apoy na nagliliwanag sa madilim na gabi. Mainit at nakakapaso.

Nalulungkot ako kung gaano kasakit ang makulong sa isang lugar habang napapaligiran ka ng nag-aalab na apoy, na para kang ikinulong sa impyerno. Halos wala kang magawa para makaalis dito.

"Nasaan na ang mga labi nila?" halos walang emosyon kong tanong kay Jayce na nabasag ang katahimikang kanina pa nakapagitan sa aming dalawa.

"T-taliyah... matapos ang malawakang apoy rito sa lugar ninyo, maraming namatay, maraming sugatan at naapektuhan dulot nito. Subalit may ilang mga nawawala at ikinalulungkot ko, isa ang mga magulang mo sa mga nawawala. At ayon sa imbestigasyon ng mga pulis ay naabo na sila kasama ng mga gamit sa loob..."

Halos manlambot ako sa narinig. Nanghina ang mga tuhod ko at patuloy ang pag-agos ng luha sa aking pisngi.

"Hindi pa nakikita ang mga bangkay nila," malungkot nitong k'weto sa naging sanhi.

Ganoon ba talaga kalakas ang apoy para hindi na makita ang bangkay ng mga magulang ko? Na tila ba pugon na halos gawin sila nitong abo sa init at pagkalusaw?

Parang binubugbog ang puso ko. Parang natutunaw sa sobrang sakit na nararamdaman kong dalamhati.

Sa kalagitnaan ng sakit na nadarama ko ay nakarinig ako ng isang malakas na tahol. Pamilyar sa akin ang tahol na iyon.

Tapos naging sunud-sunod na ang mga tahol palapit nang palapit sa akin.

Napalingon ako kung saan nanggagaling iyon.

"Toby!" sigaw ko.

Mabilis na tumakbo sa akin si Toby habang masiglang kumakawag ang buntot.

Nanibago lang ako kay Toby dahil namayat ito, napapalibutan ang mga balahibo nito ng dumi at halos pipilay-pilay na nakarating sa akin.

"Toby, kumusta ka na?"

Napaluhod ako at hinimas ang ulo nito. Pinunasan ko ang aking luha at napangiting nilalaro ang aso.

Bigla itong nagngitngit at humuni na para bang nalulungkot, na tila humihingi ng tulong.

Napasulyap ako sa bahay ni Madam Esperanza. Tulad ng bahay namin, hindi rin ito nakaligtas.

"Nasaan na ang amo mo?"

Kumakawag lang ang buntot nito.

"Kasama ang amo niya sa mga biktimang nawawala. Tulad ng mga magulang mo, ayon sa mga pulis ay baka hindi agad ito nakalabas ng bahay at nakulong sa loob habang kumakalat ang sunog."

Hinawakan ko ang tali ni Toby.

"Jayce, puwede ba nating isama si Toby sa atin? Siya na lang ang natitirang alaala at pamilya kong nakaligtas."

Ngumiti sa akin si Jayce at tumango. "Walang problema."

Buong gabi akong malungkot at dinadamdam ang pagkawala nila. Kahit ano'ng gawin ko, kahit isipin kong hindi totoo ang lahat o kahit pa isipin kong panaginip lang ito ay hindi na magbabago ang nangyari. Nangyari na ang mga nangyari at hindi ko na iyon maibabalik pa.

Ang kailangan ko lang gawin ngayon ay ang tanggapin... tanggapin na wala na sila. Kahit masakit at mahirap.

Halos inabot na kami ng dilim ni Jayce sa daan kasama si Toby. Kumain kami sa isang fast food chain at nag-check in kami sa isang mini hotel.

Mabuti't nakakuha pa kami ng kuwarto dahil halos mapuno na ang mga kuwarto roon. Nagtyaga kami sa pang isa hanggang dalawang tao na kapasidad.

Nakatingin ako kay Jayce na natutulog mula sa maliit na sofa ng kuwarto. Ang sabi ko kanina ay sa kama na siya matulog at ako na ang magpapahinga sa sofa, subalit iniisip niya ang kalagayan ko. Mas komportable raw ako sa kama at para mas makapagpahinga nang maayos.

Mas iniisip niya pa ang kalagayan ko kahit na siya itong pagod at ako na lang palagi ang inaalala.

Nag-aalala na rin ako sa kalagayan at sakripisyo sa akin ni Jayce at gusto kong makapagpahinga na siya at ipagpabukas na lang ang pagmamaneho patungong Norwester.

Malapit sa pinto ay naroroon naman natutulog si Toby.

Dahan-dahan akong humiga at bumuntong-hininga. Napatingin ako sa kisame at bahagyang ipinikit ang mga mata.

Noong nasa mundo pa ako ng panaginip ay pawang perpekto ang buhay roon. Kumpleto ang lahat at naroroon ang mga magulang ko. Lalo't nakakilala pa ako ng bagong kaibigan, si Reece.

Kahit na hindi totoo ang mundong iyon, doon ko naramdaman at natanggap ang tunay na pagmamahal na inaasam ko noon pa man. Ang mundong nagbigay sa akin muli ng kulay.

Binuksan ko ang aking mga mata.

Kung babalik ako sa mundong iyon, makikita kong muli ang mga magulang ko. Kung babalik ako sa mundong iyon, magiging maayos na ang lahat. Magiging okay na ako.

Nagmadali akong umupo. Nag-isip. Nag-plano. Kahit na padalos-dalos.

Nasipat ng aking mga mata ang pitaka mula sa bedside table. Napalingat ako kay Jayce, mahimbing ang kanyang pagtulog.

Alam kong mali ang iniisip ko ngayon. Pero miss na miss ko na ang mga magulang ko. Gusto ko na silang makasama at mahagkan.

"Jayce, patawarin mo ako," mahinang bulong ko at dahan-dahang kinuha ang pitaka niya.

Babayaran kita, pero ngayon kailangan ko lang talaga ng pera, sa isip ko.

Babalik ako ng Grellyn. Pupunta ako ng Emelle at babalikan ko ang Inn na iyon. Kung papalarin akong makitang muli ang asul na ilaw, hindi ako magdadalawang isip pa.

Hindi ako magdadalawang isip na sundan iyon para makabalik sa mundo ng panaginip.

Ito na ang huling pagkakataong tatakasan kong muli ang reyalidad at babalik sa mundong nilisanan ko.

Para lang makapiling kong muli ang mga magulang ko, hahamakin ko na ang lahat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top