Chapter 16: Odd Reality

DAY 25. Present Dream.

Nakaidlip ako sa sofa kung saan ay kasalukuyan akong nagsusulat ng written report na kailangang tapusin ngayong linggo. Hindi ko maibigay ang buo kong atensyon sa paggawa dahil marami akong iniisip. Nagtataka ako kung bakit nakatulog pa rin ako kahit na naguhuluhan ang isipan ko.

Nagising akong magaang ang katawan. Hindi pa ako nakadarama ng ganitong klaseng pakiramdam simula nang mapunta ako sa mundong ito. Maluwag ang loob ko at tila ba nabawasan ang mga problemang iniisip ko.

Napakibit-balikat na lamang ako. Hindi ito karaniwan para sa akin. Para akong nakasakay sa ulap habang tinatangay ito ng malakas na hangin. Masarap sa pakiramdam at komportable akong nakagagalaw.

Mula sa pinto ng kusina ay pumasok ang napakalamig na hangin kasabay ng makapal na usok na gumagapang sa sahig.

Nayakap ko ang aking sarili.

Nakapagtatakang biglang tumahimik ang buong bahay. Walang ano mang ingay na maririnig, miski ang pagtibok ng puso ko dahil sa nangyayari ay hindi ko na mapakinggan.

"Mama..."

"Papa..."

Nag-iba ang tono ng boses ko. Tila ba may nag-uulit kapag nagsasalita ako. Parang may sumasabay sa akin.

Para bang may mga nakatagong mata ang natingin sa akin at matalim akong pinagmamasdan sa tuwing ako ay hahakbang.

Nagsimula akong kilabutan habang patuloy sa paglalakad mula sa bakuran kung saan nanggaling ang makapal na usok.

Gusto kong sumigaw. Sumigaw nang malakas, ngunit hindi ko man lang magawa iyon. Tila ba may pumipigil sa akin o kaya naman ay ang pakiramdam ng nakalubog sa ilalim ng tubig.

Mabilis na kumakabog ang dibdib ko kasabay ng mga balahibong nagtatayuan dahil sa kilabot.

Ano ang nangyayari?

Kahit na natatakot, nagtataka at kinakabahan ay patuloy akong lumabas at nagtungo sa bakuran.

Nagsisimula nang dumilim ang kalangitan. Hindi ko mawari kung papaano nangyayari iyon dahil ngayon ay tanghaling tapat.

Pinagmasdan ko ang maliit na bodega kung saan ako nanggaling. Mula sa nakabukas na pinto ay kataka-takang may nabubuong maliit na liwanag sa loob. Kumukorteng ilaw na panandaliang bumulag sa akin na dahilan para mariin kong ipikit ang aking mga mata mula sa pagkasilaw.

Isang pamilyar na ilaw. Kulay asul na kawangis ng kulay ng langit na lumulutang 'di kataasan. Maliwanag ito, puro at kumikinang.

Kasunod niyon ay ang tunog ng isang alon kung saan nanggagaling ang asul na ilaw. Parang malakas na alon sa dagat.

Tumigil ako ngunit kusang humahakbang ang mga paa ko papalapit dito. Tila ba inaakit at tinuturuan akong hawakan ang asul na ilaw na iyon.

"Kapag nakita mo ang asul na ilaw. Huwag ka nang magdalawang isip..." Tumining sa akin ang boses ni Reece. Ang mga paalala niya sa akin para sa mundong ito.

Bahagya pa akong inakit nito at hindi na alintana ang liwanag na nagmumula rito. Nanlamig ang buo kong katawan nang mahawakan ko ang nagni-ningning na ilaw na iyon.

Nag-iba ang pakiramdam ko. Para ako nitong hinihigop. Unti-unting kinukuha ang katawan ko. Pati na ang aking kaluluwa.

Sumisigaw ako, ngunit tinalo lang ng puwersa nito ang impit kong pagsigaw.
Napapikit ako habang unti-unting nilalamon ng liwanag sa dilim.

✦✧✦✧

PRESENT. October 2018.

Napabalikwas ako nang bangon mula sa pagkakatulog. Isang malalim na higop ng hangin ang ginawa ko. Para akong nabilaukan na tuyot ang lalamunan.

Hingal na hingal akong nagising. Gusto kong lumanghap ng maraming hangin dahil pakiramdam ko'y walang laman ang aking baga. Wala akong ideya kung ano ang nangyari sa akin matapos akong higupin ng asul na ilaw na iyon. Nakakatakot.

"Taliyah..."

Napasulyap ako sa aking gilid. Naroroon si Jayce, nag-aalala siya sa akin.

Bahagya akong lumayo sa kanya nang tangka siyang lumapit sa akin. Habang maliwanag ang buong kuwarto kung nasaan ako.

"Nagising ka na," nakangiti niyang sambit.

Bumukas ang pinto at may ilang tao ang pumasok. Nakasuot ang lalaking pumasok ng mahabang puting damit habang nasa leeg niya ang stethoscope. Seryoso ang kanyang mukha. Siya siguro ang doktor na tumitingin sa akin.

Nakabuntot naman sa likuran niya ang mga babaeng pamilyar sa akin ang kasuotan. Ang mga nurse.

Para akong tulirong luminga sa paligid. May mga malalaking aparato sa aking gilid na panay ang tunog. Iyon ang nagsusuri at nagsusuporta para sa medikal na aspeto ng kalagayan ko. Napansin ko rin ang maliit na suwero na nakakonekta sa aking kanang kamay at nakatabingi ang oxygen mask sa pagitan ng aking ilong at bibig.

Nasa loob ako ng isang kuwarto. Kuwarto ng isang ospital.

"Taliyah, huminahon ka."

Napansin ni Jayce ang aking pagkabalisa. Ito na ang mundo kung saan ako nararapat. Ito na ang matagal na sinasabi sa akin ni Reece ngunit sa pagkakataong ito, hindi ko na muli siyang makikita pa.

Ang mundo ng reyalidad.

Inalalayan ako ng mga nurse na muling humiga at kumalma.

"Kumusta na ang lagay mo?" tanong sa akin ng doktor. Seryoso ko lamang siyang pinagmasdan.

Mayroon siyang hawak na pad habang sinusuri at inililista niya ang kanyang mga obserbasyon sa akin.

"Maayos lang ba ang lagay niya, Doc?" tanong ni Jayce na bakas ang pag-aalala mula sa gilid ko.

Ngumiti ito sa kanya. "Maayos naman ang kalagayan niya. Sa ngayon, kailangan muna nating obserbahan ang pasiyente sa mga susunod pang araw," paliwanag nito.

"Taliyah ang pangalan mo, hindi ba?"

Tumango ako.

"Maligayang pagbabalik, Taliyah," masayang bati nito sa akin.

Pagbabalik? Alam nila kung saan ako nanggaling?

Hindi ako makapagsalita dahil sa mask na nakatakip sa bibig ko.

Naramdaman ko ang mainit na palad ni Jayce na dumampi sa kamay ko. Agad ko naman itong iniwas mula sa kanya.

Hindi niya inaasahan ang ginawa ko. Nanibago siya sa inasal ko.

Inilingon ko ang tingin mula sa bintana ng kuwarto kung saan matatanaw ang mga puno sa labas. Tumitig lang ako roon dahil biglang nag-iba ang pakiramdam ko.

Gusto kong mapag-isa. Hindi ako komportable kapag maraming tao sa paligid ko. Para akong nasasakal at hindi makahinga.

Umalis na ang doktor na tumingin sa akin at pinuntahan niya si Jayce.

"Normal lang ang pagbabago ng kanyang mood. Epekto rin siguro ng biglaan niyang paggising kanina. Ang mahalaga ngayon ay nagising na siya..." Iyon lang ang narinig kong paliwanag ng doktor dahil naglakad na sila at nag-usap sa labas.

Gusto kong magsalita o tumayo o maglakad. Pero hindi ko magawa. Nanghihina pa rin ako. Kaya na ng aking isipan pero hindi pa ng aking katawan.

Hindi ko na nagawang makatulog sa mga sumunod na oras. Napansin ko si Jayce na nagpapahinga sa couch ng kuwarto at matiyaga akong binabantayan.

Nagkamali ako sa ginawa ko kanina. Hindi ko maintindihan kung bakit ko naipakitang iniiwasan ko siya. Dahil ba sa nangyari sa panaginip kong iba ang ugali ni Jayce doon?

Narito na ako sa mundo ng reyalidad. Iba na ang Jayce na kasama ko, siya na iyong mabait, maalalahanin at mapagmahal kong kaibigan. Siya iyong kaibigang hindi ako tinalikuran kahit na ano pa ang problemang dala at kinahaharap ko.

Pinagmamasdan ko lang siya. Napansin ko ang kanyang katawan, lumaki ang kanyang braso at tila ba tumangkad pa ito nang lubusan.

Huminga ako nang malalim.

"M-may kailangan ka, Taliyah? Gusto mong tumawag ako ng nurse para masuri ka?" Napaupo siya at nag-aalala pa rin sa akin.

Umiling ako. "Hindi na kailangan. Pinagmamasdan lang kita. Kasi na-miss ko lang ang kaibigan ko." Ngumiti ako sa kanya at ibinalik niya sa akin ang malapad na ngiting iyon.

"Gusto mo bang kumain? Marami akong biniling prutas para sa iyo."

Muli akong umiling. "Maraming salamat, ngunit hindi ako nagugutom." Tinitigan ko lang siya at sinubukang umupo mula sa pagkakahiga.

Agad naman siyang nagtungo sa akin para alalayan ako.

Pinagmasdan ko lang siya dahil nagkaroon ng pagbabago sa hitsura niya. Mas lalo nadagdagan ang kakisigan niya, idagdag mo pa ang matipuno niyang tindig at pangangatawan.

"J-jayce..."

"Bakit, Taliyah?"

"Maraming salamat sa pagtulong sa akin. Pati na sa pagbabantay mo. Tatanawin kong malaking na utang na loob ang lahat ng ito. Babayaran kita kapag nakahanap na ako ng trabaho. Susuklian ko ang lahat ng kabutihang loob na ibinigay at sinakripisyo mo alang-alang sa akin."

Kusang tumulo ang luha sa aking mga mata. Hindi ko maiwasang hindi maging emosyonal sa harap niya.

"Hindi mo kailangang intindihin ang tungkol sa bagay na iyon. Ang importante ay maayos ang kalagayan mo. At nakabalik ka na mula sa pagkawala ng mahabang panahon."

Nagsalubong ang kilay ko sa sinabi niya.

"Pagkawala ng mahabang panahon?" hindi makapaniwalang tanong ko.

Tumango ito. "Taliyah," mahina niyang tawag sa pangalan ko at hinawakan ang kamay ko. "Halos isang taon kang natulog. Tinawagan ako noon ng staff ng isang Inn mula sa Emelle dahil numero ko ang inilagay mo bilang malapit na kapamilya. Napansin nilang halos dalawang araw ka nang hindi lumalabas ng kuwarto mo roon. Nang makita ka nila ay mahimbing kang natutulog at hindi ka mabubuhay kung hindi ka makakakain, kaya't minabuti nilang dalhin ka sa pinakamalapit na hospital para masuri ang kalagayan mo..."

Natigil ako sa sinabi niya. Wala pa akong isang buwan sa mundo ng panaginip, halos taon na ang katumbas dito?

"Daytime fatigue ang unang diagnosis ng doktor sa iyo. Subalit habang lumilipas ang mga araw at buwan ay hindi ka pa rin tuluyang nagigising at lahat ng vital signs mo ay nagiging unresponsive na, lalo na ang pagtibok ng iyong puso. Naitalagang comatose ka nang masuri nila ang parte ng iyong utak na hindi na aktibong gumagana lalo na sa magkakasunod mong seizures."

Nakatingin lang ako sa isang direksyon habang patuloy na tumutulo ang aking luha. Hindi ko magawang tumingin nang diretso kay Jayce dahil sa mga narinig ko sa kanya.

Halos isang taon akong natulog. Matagal akong namalagi sa mundo ng aking panaginip. Pakiramdam ko kakaunti pa lang ang nangyari sa panaginip kong iyon, pero halos isang taon na pala ang lumipas. Mabagal ang oras na nakonsumo sa panaginip, ngunit kinakain nito nang mahaba ang oras sa reyalidad. Doble o triple ang katumbas nito.

Hindi ako makapagsalita. Nag-init ang mga mata ko at bumilis ang kabog ng puso ko. Ito ang reyalidad na binalikan ko. Marami na ang nangyari matapos akong makatulog ng matagal.

"Alam kong mahirap para sa iyo na marinig ang mga sinabi ko. Ayokong ipaalam muna sa iyo ang lahat ng nangyari habang wala ka. Baka makaapekto iyon sa pagpapagaling mo. Huwag kang mag-alala, sasabihin ko sa iyo ang lahat pero uunti-untiin ko hanggang sa matanggap mo," pagpapatuloy niya.

Napasinghap ako. Humugot ng hininga para kayanin ang mga sinabi niya.

Bumalik ako sa reyalidad na ito dahil dito ako nararapat. Pero bakit parang may kakaiba akong nararamdaman. Parang napakaraming nangyari dito habang wala ako. Maraming nagbago.

Parang may mali. Hindi ko sigurado kung ano, pero nararamdaman kong tila may hindi wasto sa mga nangyayari.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top