Chapter 15: The Opportunity

PAST. Late 2010.

Noon pa man asul na ang paborito kong kulay. Madalas akong tanungin ng mga pinsan ko kung bakit asul ang pinaka paborito ko dahil halos lahat sa kanila ay pula o dilaw ang paborito.

Para sa akin ang asul na kulay ang nagsisilbing kulay ng kalinisan at kapayapaan. Parang langit, kulay bughaw. Parang malinaw tubig mula sa malinis at malawak na dagat.

Ilang araw na lang at malapit na ang pasko. Hindi pa rin mawala sa labi ko ang mga ngiting kanina pa nakaukit. Dahil ngayon ang unang pagkakataon na bumili si mama ng maliit na christmas tree habang napapalibutan ito ng makukulay na christmas lights at palamuti. Doon pa lang ay nadarama ko na ang kapaskuhan, lalo na kapag lumalabas ako ng bahay at sumasalubong sa akin ang malamig na simoy ng hangin.

Tinulungan ko si mama kaninang ayusin ang mga dekorasyon na pinamili niya. Maganda ang pagkakaayos namin sa sala, nakaka-engganyong pagmasdan lalo na siguro kapag sumapit na ang dilim.

Kung makikita man ito ni papa, tiyak matutuwa at maiibsan kahit papaano ang kalungkutang nadarama niya.

Ilang buwan na ang nakalilipas matapos siyang maaksidente na dahilan para hindi siya makalakad ngayon. May ilang sakit na rin siyang iniinda dulot ng ilang komplikasyon sa aksidenteng nangyari. Patuloy na ang paghina ng kanyang katawan.

Napapansin ko rin na mas tahimik siya ngayon at palaging nakatulala na lang sa labas ng bahay.

Laking pasalamat ko sa kanya at pinatira niya kami ni mama rito sa pamamahay niya. Kung hindi siguro dahil sa kanya, baka pakalat-kalat na ako sa lansangan ngayon.

Kahit na ilang beses na niya akong pinagbuhatan ng kamay, pinagsalitaan ng mga masasakit na salita, binalewala, kinutya at parang malas sa paningin niya ay hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa kanya. Pilit kong iniintindi ang sitwasyon at sinusunod na lang si mama sa kung ano ang gusto nitong mangyari.

Malaki ang utang na loob ko kay papa. Kaya't ngayong nasa wheelchair siyang nakaupo at hindi kayang alagaan ang sarili, minabuti ko na lang na suklian ang utang na loob na iyon.

Huminga ako nang malalim habang nakatitig ako sa salamin mula sa aming k'warto.

Bakat at nakaumbok pa rin ang mahabang pilat sa aking mukha. Sa tuwing maaalala ko kung bakit ako nagkaroon nito—noong gabing iyon ay hindi ko pa rin maiwasang masaktan at matakot.

Kahit na pilit kong kalimutan, hindi na siguro mabubura sa memorya ko ang pangyayaring iyon. Na tila dadalhin ko na ang nasalimuot na pangyayaring iyon habangbuhay.

"Sheryl, anong kahibangan ito?" Mula sa labas ng aking kuwarto ay tumagos ang malakas na singhal ni papa.

Nakarinig din ako ng magkakasunod na pagkabasag at pagkapunit ng ilang bagay.

Mabilis akong lumabas ng kuwarto.

"Bernardo, itigil mo iyan! Ano ba!" Nakita ko ang tangkang pagpigil ni mama kay papa dahil sinira niya ang mga dekorasyon sa dingding na inayos namin kanina. At naputol ang maliit na christmas tree na kanina'y matayog na nakatayo sa sulok ng sala.

"Ano ba sa tingin n'yo ang ginagawa ninyo?" galit na tanong ni papa habang nakakuyom ang mga palad na nakapatong sa mga hita nito. Nagtatangis ang kanyang mga ipin sa galit.

"Hindi mo ba nakikita? Dekorasyon iyan para sa nalalapit na pasko! Tingnan mo kung ano ang ginawa mo? Sinara mo ang lahat!"

Dahan-dahan akong lumapit kay mama at agad na hinawakan ang kamay niya. Nakapanghihinayang ang mga nasirang dekorasyon na nagkalat sa sahig.

"Mama, hayaan niyo na po. Iligpit na lang natin ang mga dekorasyon na p'wede pang gamitin," malumanay kong sabi mula sa pagitan nilang dalawa. Kung mayroon mang dapat umintindi, kami iyon.

Nararamdaman ko ang tensyon mula sa sala. Mas minabuti ko na lang na pakalmahin si mama para tumigil na sila sa posibleng maganap na namang pagtatalo.

"Hindi mo ba inisip ang perang ginastos mo r'yan? Gastadora ka talaga! Paano na ang pambili sa gamot ko? Mag-isip ka naman, Sheryl! Hindi ko alam kung bakit pumatol ako sa makitid ang utak na tulad mo," asik nito at mababanaag ang disgusto sa kanyang mukha.

Natigilan ako sa sinabi ni papa at nasasaktan ang puso ko.

"Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos. Walang hiyang buhay 'to, oh!" Sinipa niya ang putol na christmas tree sa sahig at padabog na tinalikuran kami saka umalis.

Pilit niyang pinaandar ang wheelchair at pumasok sa kanyang kuwarto.

Nakatulala lang si mama sa mga dekorasyong sira-sira mula sa sahig ng sala. Napakagandang pagmasdan ng mga ito kanina, subalit manghihinayang ka kapag nakita mo kung gaano ito nasira nang lubusan.

Mabilis na humihinga si mama, humihikbi at tumulo na ang luha sa kanyang mga mata. Makikita mong nagpipigil ito ng galit.

"Mama, hayaan niyo na po, magagamit pa naman natin ang ilan sa dekorasyon dito. Magpahinga na po kayo sa kuwarto, ako na ang maglilinis dito."

Nanatili lang siyang nakatayo at napatingin sa akin saka pilit na ngumiti. Niyakap ko siya ng mahigpit. Alam ko ang galit na nadarama niya ngayon. Sa simpleng yakap na ginawa ko, siguro kahit papaano ay mapapagaan ko ang pakiramdam niya.

✦✧✦✧

DAY 20. Present Dream.

Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin ang mga tungkol sa sinabi ni Reece sa akin. Posible kaya kung bakit hindi siya makaalis sa panaginip kong ito dahil si Jayce ang kumukuha ng asul na ilaw na daan niya para makalabas dito? Siya ba talaga ang nagnanakaw ng oportunidad na mayroon si Reece?

"Taliyah, dahan-dahan lang sa tubig."

Bigla akong natauhan mula sa malalim na pagkakatulala nang marinig ko ang boses ni mama. Napatingin ako sa mga platong hinuhugasan ko. Agad ko namang sinarado ang gripo dahil kanina pa patuloy na bumubuhos ang tubig at natatapon lang.

"Sorry po," sambit ko at napatingin ako sa kanya na dahan-dahang lumapit sa akin ng may kaunting pag-aalala sa kanyang mukha.

"Ayos ka lang ba, anak? Mukhang malalim ang iniisip mo."

Umiling ako. "Napaisip lang po ako, mama," tugon ko.

"Kung masama ang pakiramdam mo. Iwanan mo na ang mga pinggan d'yan at ako na ang magtutuloy."

Napaisip ako bigla. Sa mundo ng reyalidad, kilala ni mama si Jayce dahil naikuk'wento ko rito ang tungkol sa kanya noon pa man.

"Mama, naalala niyo po ba si Jayce? Iyong kaibigan kong palagi kong ikinuk'wento sa inyo?"

Kumunot ang noo niya. "Jayce? May kaibigan ka bang Jayce ang pangalan?"

"Opo, iyong matangkad at hindi gaanong kaputian. Tapos matangos ang ilong at medyo singkit ang mga mata?" pagpapakilala ko sa kanya kung sakaling may matandaan siya sa mga aspeto ng hitsura na nabanggit ko.

"Wala akong maalala, anak. Si Reece lang ang kilala kong kaibigan mo pati na ang mga babaeng kaklase mo. Sino bang Jayce ang tinutukoy mo? Kaklase mo rin ba siya?"

Ngumiti ako sa kanya. "Hindi po." Napasinghap ako dahil hindi kilala ni mama si Jayce dito. "Hayaan n'yo na po, mama."

Ilang saglit lang ay umalis na si mama. Napatingin ako sa bakuran at nagsisimula nang dumilim ang paligid.

Mas lalong nadagdagan ang mga katanungan ko. Paanong hindi nakikilala ni mama si Jayce? Posible bang burado ang mga memorya nila sa panaginip ko? O ako lang ang may matinong alaala rito?

Habang tumatagal, mas lalong gumugulo ang mga naiisip ko. Mas nagiging konplikado na ang mga posibilidad sa utak ko. Gusto ko mang tahiin ang lahat pero hindi ko alam kung saan magsisimula. Nananatiling hiwa-hiwalay ang bawat piraso. Parang isang puzzle na, hindi ko alam kung saang parte magsisimula.

Hanggang sa sumapit ang umaga nang hindi gaanong maganda ang gising ko. Marami akong iniisip kagabi at naapektuhan pati ang pagtulog ko. Mukhang ilang oras lang ang naging tulog ko sa dapat na kailangan ko para sa araw na ito.

Wala akong ganang mag-alsumal at sumabay kina mama at papa. Nag-aalala sila sa akin dahil pagtapos kong magbihis ay agad na akong lumabas ng bahay para pumasok sa eskwelahan.

Hindi pa man ako nakakalayo sa amin ay nakita ko si Madam Esperanza na naglilinis sa front lawn ng kanyang bahay.

Nang magtama ang mga tingin namin ay agad siyang ngumiti at binati ako ng magandang umaga. Napansin ko lang na wala ang alaga niyang aso na palagi nitong kasama.

Napatigil ako at bahagyang lumapit sa maliit nitong gate. Tanaw na tanaw ko ang malinis niyang front yard.

"Madam Esperanza, nasaan po si Toby?" nakangiti kong tanong. Na-miss ko ang aso ni Madam, gusto ko lang itong hawakan bago ako pumasok sa eskwelahan.

Huminto ito at nagtatakang isinandal ang walis na hawak sa bakod.

"Toby? Sinong Toby?" tila walang ideya nitong tanong sa akin.

Ngumisi ako at napakamot siya ng ulo. "Si Toby po, iyong white retriever na alaga n'yong aso."

Hindi niya alam kung ano ang pinagsasasabi ko. "Pasensya ka na Taliyah, pero hindi ko alam kung ano ang sinasabi mo," tangi nitong tugon at bakas sa mukha niya na wala siyang ideya sa kung ano man ang sinasabi ko.

Naguguluhan siya kaya naman ay lumapit siya sa akin.

"Wala akong alagang aso, anak. Mayroon kasi akong trauma pagdating sa mga hayop kaya hindi ko magawang alagaan sila. Kahit na mag-isa lang ako rito sa bahay ay hindi ko maaatim na mag-alaga dahil natatakot ako sa kanila."

Natigalgalan ako sa sinabi niya. Hindi ito ang kuwento niya sa reyalidad ko. Oo, alam kong masungit siya roon at hindi ganito makakausap nang maayos. Pero si Toby? Imposible namang nawala si Toby sa mundong ito. Isa pa, hindi ko aasahan na magkakaroon ng trauma si Madam Esperanza sa mga hayop.

Bakit bigla-bigla na lang ang mga naging pagbabago?

Nakapagtataka lang. Parang naiiba ang takbo ng kuwento sa panaginip na ito.

"Ah, ganoon po ba. Sige po, mauuna na po ako," pagpapaalam ko.

Hindi pa rin maalis sa mukha niya ang pagtataka. "Oh siya, mag-iingat ka."

Napanguso ako habang naglalakad. Nakahawak ang magkabila kong kamay sa shoulder strap ng backback ko.

Ano ba ang nangyayari?

Punung-puno ang isipan ko mula sa byahe hanggang sa nakarating ako ng campus. Marami akong iniisip. Magulo. Sana ay hindi maapektuhan ang mga klase ko mamaya.

Habang naglalakad ako sa corridor ng building ay nakasalubong kong muli si Jayce. Napatigil ako at pinagmasdan siya.

Hindi siya ang Jayce na nakilala ko. Hindi siya ang Jayce mula sa reyalidad ko.

Tinitigan niya ako, mula ulo hanggang paa at ngumisi na parang nang-iinis.

Hindi niya man lang ako nakikilala at agad niya akong nilampasan na para akong hanging dumaan lang sa kanya.

"Jayce, sandali..." Hinawakan ko ang braso niya para pigilan siya.

"Huwag mo akong hawakan. Hindi kita kilala," matalim ang mga titig niya sa akin.

Inilayo ko ang mga kamay ko sa kanya.

"Naaalala mo ba noong hinatid kita sa bus stop sa may parke at pinagsaluhan natin ang payong ko? Basang-basa ka pa nga noon sa ulan." Nagsalubong ang kilay niya. "Ang sabi mo noon, kaya ka napadpad sa parke dahil naliligaw ka. Wala kang dalang payong kaya sumugod ka sa ulan. Tinanong kita kung bakit ka napunta rito sa Montserrat, ang sabi mo pinuntahan mo ang daddy mo. Sinabi mo pa na matagal nang hiwalay ang mga magulang mo dahil may ibang pamilya na ang daddy mo..." dagdag ko.

Kumuyom ang mga kamao niya. Napansin ko ang mabilis niyang paghinga at base sa kanyang mukha, nagpipigil ito ng galit dahil sa sinabi ko.

"Sino ka ba para gumawa ng istorya? Una sa lahat, kailanman ay hindi naghiwalay ang mga magulang ko. Buo ang pamilya namin at wala kang alam kung ano ang kuwento ng buhay ko. Ano ba sa tingin mo ang mga sinasabi mo, ha?"

Bahagya niya akong tinapik sa balikat. Nakakainis lang dahil kahit mahina ay naramdaman ko ang puwersa pati na sa sinabi niya.

"J-jayce, iyon ang totoo. Hindi ako gumagawa ng istorya. Iyon ang kuwento ng buhay mo!" pagpupumilit ko.

Seryoso ang mukha niya. Matigas ang panga at mariing nakakuyom ang mga kamao.

"Tangina. Wala kang alam!"

Itinaas niya ang kanyang kamao at mabilis akong napapikit at itinungo ang aking ulo sa tangka niyang pagsuntok sa akin. Galit na galit siya.

Pinansalag ko sa kanya ang mga kamay ko.

"Tumigil ka."

Isang pamilyar na boses ang pumagitan sa aming dalawa.

Nang imulat ko ang aking mga mata ay tumambad sa akin ang malapad na likod ng isang lalaki habang malapit sa mukha niya ang matigas na kamao ni Jayce. Nakasuot ito ng uniporme ng eskwelahan namin.

Dahan-dahan akong umatras. Pinagmamasdan ko siya. Bumilis ang tibok ng puso ko.

Nasa harap ko si Reece. Naririto siya.

"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" mataas ang tono ng boses ni Reece.

Agad na ibinaba ni Jayce ang kanyang galit na kamao.

"Huwag kang makialam dito," anito.

Matalim ang mga mata nitong tinitigan si Reece. Sa kanyang likod ay patuloy pa rin akong kinakabahan sa kanilang dalawa.

Tila ba may kuryenteng nagtatalo sa mga titig nila.

"Hayaan mo na siya, Reece. Umalis na tayo," mahinahon kong sabi at hinawakan ang kamay niya.

"Hindi mo ba alam na babae ang tangka mong saktan? Sa susunod, hindi ko na 'to papalampasin." May pagmamalaki sa boses ni Reece na dahilan para hindi makapagsalita si Jayce.

Natigilan lang ito habang tiim-bagang nakatitig sa aming dalawa.

Nanatiling nakakapit ang kamay ko kay Reece at naramdaman ko ang paghila niya sa akin.

Itinama ni Reece ang kanyang balikat kay Jayce nang lampasan namin siya.

Agad kaming bumaba at tahimik lang ito habang naglalakad kami patungo sa malawak na quadrangle.

Huminto siya sa gitna ng aming paglalakad. "Ayos ka lang ba?"

Nakatingin ako sa mukha ni Reece. Nag-aalala siya para sa akin. Lalo na ang mga mata niya, para ako nitong kinukumusta.

Ngumiti ako ng maliit. "Ayos lang ako. Gusto ko lang siyang kausapin kanina. Kung hindi ka siguro dumating kanina baka tuluyan na akong nasaktan."

Napasulyap ako sa kamay naming magkahawak. Naramdaman kong humigpit ang kapit niya sa palad ko. "Sinabi ko naman sa iyo na huwag kang lalapit sa kanya. Pabanganib ang isang iyon."

"Gusto ko lang ipaalala sa kanya kung ano siya sa mundo ng reyalidad. Mukhang hindi na mangyayari ang gusto kong mangyari."

Huminga ito nang malalim.

"Hindi na talaga. Ilang beses na nating napag-uusapan ang tungkol sa bagay na ito. Ang akin lang, lumayo ka sa kanya. Inilalayo lang kita sa kapahamakan."

Tumango ako ng tipid at napatungo. "Sige, mula ngayon, iiwasan ko na siya," malungkot kong sabi.

"Alam ko nang mangyayari ito kapag nagkita kayo. Kaya gusto kitang bantayan at protektahan. Paano kung ikaw naman ang nakawan niya ng oportunidad na makalabas dito? Mahalaga ang asul na ilaw na iyon kaya't huwag mong hahayaang makuha niya ito mula sa iyo. Tandaan mo, nagtagpo na ang mga mundo ninyo."

Muli akong tumango at umakto na parang bata sa harap niya. Gagawin ko ang lahat ng mga sinasabi niya. Para din naman ito sa ikabubuti ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top