Chapter 1: Birthday
PAST. Early 2010.
Kasalukuyan kong binabagtas ang kahabaan ng sidewalk kasabay ng ilang kotseng dumaraan sa tabing kalsada.
Nakayuko ako at pinanonood ang aking lumang mga sapatos na salit-salit sa paghakbang.
Nilalakad ko ang layong isa't kalahating kilometro araw-araw patungong Adkins Elementary School hanggang sa aming bahay o kabaligtaran naman kapag ako'y nanggaling mula sa bahay.
"Happy 9th birthday, Maya!"
Napatigil ako sa aking paglalakad nang marinig ko ang sabay-sabay na pagbating iyon. Nilingon ko at pinagmasdan ang kumpol na mga bata habang pinagigitnaan nila ang isang batang babaeng nakasuot ng pulang bestida, nakapusod ng maayos ang makapal nitong buhok habang katabi ang isang malaking cake.
Lumapit ako nang bahagya sa nakabukas na gate mula roon, kung nasaan sila upang mas makita ko sila nang malapitan.
Bigla na lang umukit sa labi ko ang maliit na ngiti nang matanaw ang mahahabang mga banderitas na nakasabit sa itaas, mga palamuti sa paligid, mga regalo at ilang mga pulang lobo na sumasayaw dulot ng hangin.
Sa totoo lang, hindi ko maiwasang mainggit habang nakatuon ang atensyon ng mga bata sa kanya. Na tila mangha at masaya sa pagdiriwang ng kaarawan ng batang babae.
Ngayon ang munting kaarawan niya... at para sa lahat, siya ang pinaka-espesyal.
"Ihipan mo na ang kandila, anak," utos ng kanyang ina na masaya sa tabi nito.
Mula sa kanyang likuran ay naroroon ito at hindi maalis ang mga ngiti sa labi nang makitang masaya ang kanyang anak sa simpleng pagdiriwang nito.
Binigyan niya muna ito ng matamis na halik sa pisngi bago pumikit at ihipan ang apoy na umaalab sa itaas ng kandila.
Ang mga bata ay nagpalakpakan matapos niya iyong hipan kasabay ng kanyang munting hiling.
Lahat ay masaya at nagagalak sa masayang selebrasyon.
Hindi maglaho sa labi ko ang ngiti. Nawala ang inggit na akin at napalitan ito ng kasiyahan. Tulad niya, nararamdaman ko rin ang pagpapahalaga ng kanyang ina na kailanman hindi ay ko naramdaman sa aking tinuturing na ama-amahan.
Nagtagal lang ako ng ilang saglit sa kaarawan ni Maya at agad na umuwi upang hindi na abutin pa ng dilim sa daan.
Huminga ako nang malalim nang makarating ako sa tapat ng aming bahay. Tumahol ang mga aso sa paligid at hindi ako nakilala dahil halos madilim na.
Napatigil ako bigla nang makita si papa sa tapat ng pintuan.
"Umalis ka nga sa pinto, Sheryl. Bibili pa ako ng alak. Huwag na huwag mong tangkaing pigilan ako at malilintikan ka na naman sa akin!" pagbabanta niya rito.
Halos wala na sa katinuan si papa dahil sa sobrang kalasingan. Dala-dala pa nito ang walang lamang bote ng alak.
"Bernardo, maawa ka naman sa sarili mo. Nauubos na ang ipon mo, wala akong trabaho, lalo ka na at kailangan mo pang magbigay ng sustento sa matandang nasagasaan mo," pagmamakaawa ni mama sa kanya.
Mangiyak-ngiyak siya habang pinipigilan si papa sa tangkang pagbiling muli ng isa pang bote ng alak para punan ang pagkauhaw nito rito.
Habang humahakbang ako papalapit sa kanila. Nagsisimula na ring bumilis ang kabog ng dibdib ko. Bakit hindi pa rin ako nasasanay? Paulit-ulit na lang silang ganito sa tuwing uuwi ako ng bahay. Bakit halos naririndi at nasaksaktan pa rin ako sa pag-aakalang naging bato na ang puso ko sa pagkamanhid sa kanila?
"Huwag ka nang bumili ng alak at itulog mo na lang iyang kalasingan mo!" singhal ni mama habang hindi hinahayaang makalabas pa si papa ng bahay para pagbigyang maka-isang bote pa.
"Bakit, sino ba'ng nagsabi sa iyong lasing na ako? Tumabi ka nga r'yan!"
Ihinawi siya nito sa daraanan nito, ngunit hindi natinag si mama at tila naging pader sa harapan niya.
"Masasaktan ka na naman sa akin," pangmamata niya rito.
Pilit na tinatanggal nito ang mga braso ni mama na nakaharang at nagsisilbing bakod niya sa naka-awang na pinto.
"Tumigil ka na, Bernardo! Parang awa mo na! Huwag mo nang lustayin ang pera mo!" pagsusumamo ni mama sa kanya habang umaagos ang mga luha sa kanyang pisngi.
Nanlaki ang mga mata ko sa sunod na ginawa ni papa.
Para akong biglang nakuryente nang masaksihan ang malakas na pagsampal niya sa pisngi ni mama. Rinig na rinig ko ang lakas ng sampal na iyon. Matunog.
Sumikip bigla ang dibdib ko sa nasaksihan.
Napabalikwas ng upo si mama habang idinadampi-dampi ang kanyang palad sa pisngi at ininda ang sakit dulot ng sampal na iyon.
Humahangos ito at umiiyak. Gusto kong tulungan si mama na nakaupo sa sahig, ngunit tila nabato ako sa aking kinatatayuan.
Wala akong magawa.
Lulundo-lundo si papa na naglakad palabas at panandaliang napahinto nang makita ako sa daan.
Pupungay-pungay niya akong pinanlisikan at dinuro. "Ikaw, ano'ng ginagawa mo rito? Wala kang pamilya rito, bakit ba paulit-ulit ka na lang na umuuwi sa bahay na hindi ka naman kabilang? Bakit paulit-ulit ka na lang umuuwi at nagbibigay ng kamalasan sa pamamahay ko? Umalis ka rito! Alis!" pananaboy niya sa akin.
Napalunok ako at napapikit dahil sa mga sinabi niya. Gusto ko mang marinig iyon sa aking kaliwang tainga at palabasin sa kanan ay ginawa ko na, subalit imbes na pumasok iyon at lumabas sa magkabila kong tainga, tumagos agad iyon patungo sa puso ko.
Bahagyang aamba si papa sa akin, ngunit napaatras lang ito dahil hindi miya makontrol ang kanyang sarili sa kalasingan.
"Bernardo, hayaan mo na ang bata!" Agad na nagtungo sa akin si mama. "Taliyah, anak, halika... pumasok ka na sa loob," mahinahong sabi niya.
Hawak-hawak pa rin nito ang kanyang nasampal na pisngi at hinila ako gamit ang isa niya pang kamay para ligtas akong dalhin sa loob.
Siya si Bernardo, ang ikatlong asawa ni mama. Nagsama sila matapos mamatay ang tunay kong ama at matapos niyang hiniwalayan ang pangalawa. Akala ko dati ay hindi sila magtatagal dahil sa kagaspangan ng ugali nito, ngunit ang sabi ni mama sa akin, mahal niya raw si papa Bernardo at hindi niya ito kayang iwan.
Pinipilit ko pa rin siyang tawaging papa kahit na hindi naman niya ako tinuturing bilang isang anak. Kahit na respetuhin niya man lang ako bilang tao siguro ay ayos na.
Noon pa man hindi ko na gusto ang ugali niya. Sinasaktan niya ako at maging si mama. Walang nakakaligtas sa kalupitan niya, lalo na 'pag nakainom pa siya. Sabay kaming umiiyak ni mama sa tuwing sasapit ang gabi at muling kakalimutan ang lahat ng nangyari kapag dumating na ang umaga.
Mahigpit ang hawak ko sa kamay ni mama habang dinadampian ng basa at malamig na bimpo ang kanyang nasampal na pisngi.
"Anak, pasensya ka na, ah." Hinaplos-haplos niya ang likuran ng aking kamay. "Tiisin mo na lang muna ang papa mo at magbabago rin iyan."
Punung-puno pa rin ng pag-asa ang boses niya sa kabila ng lahat. Positibo at naniniwala pa rin siyang darating ang araw na iyon.
Kung totoo mang magbabago pa ito, sana noon pa ay ginawa na niya. Paulit-ulit pa rin niyang pinagtatanggol ito kahit na maling-mali na ang mga trato niya sa aming dalawa.
Halos araw-gabi naming sinasalo at sinasalag ang galit niya sa mundo, kahit na wala naman kaming nagawang kasalanan sa kanya.
Gusto kong magsumbong sa mga pulis dahil may pagkakataong ginugulpi niya si mama at pinagbubuhatan ako ng kamay. Pero palagi akong pinipigilan ni mama at pinaaalalahanan na huwag na huwag kong gawin ang bagay na iyon. Lumilipas daw ang mga araw at malapit na itong magbago mula sa madilim na buhay na nakasanayan nito at matinding galit sa mundo.
Nanatili na lang akong tahimik, nakikinig at sinusunod siya sa kung ano ang gusto niyang mangyari. Alam kong nahihirapan na ako, alam kong noon pa man ay masakit na para sa akin at hindi na matiis ang mga ginagawa ni papa. Si mama lang naman ang inaalala ko, nagiging lakas at sandigan ko para maging matatag.
"Mama, dapat hindi n'yo na po siya pinigilan kanina. Hayaan n'yo na lang po siyang gawin ang mga gusto niyang gawin," giit ko habang pinunasan ang luhang tumulo sa kanyang mata.
"Hindi ko maaaring hayaan na lang siyang lustayin ang ipon niya, Taliyah. Magsasampa ng kaso at magde-demanda ang matandang na-aksidente niya kapag huminto ito sa pagbibigay ng sustento," paliwanag nito sa akin.
Marahan kong sinusuklay ang kanyang buhok gamit ang mga daliri ko. "Kahit ano pong pigil ang gawin n'yo sa kanya, mama, wala pa rin kayong magagawa sa mga gustong gawin ni papa para sa sarili niya. Ayoko lang po kayong nakikitang nasasaktan."
Lumabi ako sa kanya dahil sa totoo lang, naaawa ako nang sobra sa tuwing nakikita ko siyang umiiyak at nahihirapan. Parang doble ang nararamdaman kong sakit kapag ganoon ang nagiging sitwasyon.
Napapikit ako nang halikan niya ako sa ulo. "Basta, Taliyah, magpakatatag ka para sa akin. Dapat tibayan mo ang loob mo araw-araw gaya ng ginagawa ko. Alam mo namang nakikitira lang tayo sa bahay ni Bernardo. Kung aalis tayo at iiwanan siya, wala tayong ibang matutuluyan. Wala akong maipapakain sa iyo at alam mo naman iyon, hindi ba?" panaka-naka ang paghikbi niya iyong binanggit.
Tipid lamang akong tumango at sumang-ayon sa kanya.
Sakripisyo at pakikisama ang kailangan namin ngayon at sa darating pang mga araw.
"Ayoko nang pag-usapan ang papa mo, anak," aniya. Malapad itong ngumiti sa akin. "Happy birthday nga pala, ito, may binili ako kanina para sa iyo." Inilabas niya ang maliit na kahon na may nakabuhol na pulang laso sa tuktok nito.
Bumakas na lang ang ngiti sa aking mga labi at tila naging emosyonal. Hindi niya nalimutan ang kaarawan ko ngayon. Hindi niya pa rin nalilimutang surpresahin ako. Kahit na may nangyari kanina, naibsan ang sakit na nararamdaman ng aking dibdib nang batiin ako ni mama. At masaya ako na mayroon pa siyang baong regalo para sa akin.
Nang buksan ko iyon nang may ngiti sa aking mga labi ay tumambad sa akin ang isang maliit na cake. Nakasulat doon ang aking edad na sampu at ang aking pangalan. Mula sa pinakailalim, nakalagay roon ang 'love, mama & papa'.
"Pasensya ka na, ito lang ang nakayanan kong bilhin ngayon para sa birthday mo." Tipid siyang ngumiti sa akin. "Sa susunod, mas malaking cake ang ibibili ko para sa iyo. Sa ngayon, pagtiyagaan mo muna ang maliit na cake na iyan."
Gayunpaman ay hindi naapektuhan at nasukat kung gaano kalaki, kamahal o kabaliktaran man nito ang matatanggap ko ngayong kaarawan ko. Ang importante ay ang taong pinakamahalaga sa akin ay hindi nakalimot. Bukal sa kalooban kong tatanggapin ang munting regalo niyang iyon.
Gusto kong umiyak, ngunit hindi bagay dahil kaarawan ko ngayon. Dapat masaya lang ako. Dapat nakangiti lang.
Napansin ko ang pagkunot ng noo ni mama at nagtatakang napatingin sa damit ko. "Taliyah, ano ang nangyari sa iyo at bakit puro mantsa na naman ang uniporme mo?"
Nangilid ang luha sa ilalim ng mga mata ko at nanginginig ang labi dahil doon.
Niyakap ko siya nang mahigpit. "Mama, nagpapakatatag naman po ako." Umiyak na ako sa harapan niya. "Minsan, nakakaya ko pong tiisin ang panloloko nila sa akin at pang-aasar, pero minsan po sumusobra na sila." Ayokong sabihin sa kanya ang mga ginawa sa akin ng mga kaklase ko kanina. Ayokong mag-alala na naman siya para sa akin.
"Anak, maaari ka namang magk'wento sa akin. Ano na naman ba ang nangyari sa iyo? Inaway ka na naman ba nila?"
Patuloy akong umiiyak na nakayakap sa kanya at tumango.
"Binuhusan po ako ni Patricia kasama ang iba ko pang mga kaklase ng gatas at tsokolate kanina," pagsasabi ko nang katotohanan. Hindi ko madiretso ang pagsasalita ko. Nagtataas-baba ang balikat ko sa paghikbi at patuloy na umiiyak sa bisig niya. "Gusto ko na lang pong masanay at maging manhid, pero hindi ko po magawa. Patuloy pa rin po akong nahihirapan at nasasaktan."
Hinimas niya ang aking likuran.
"Tahan na anak, huwag mo na lang silang intindihin. Kung nahihirapan ka na sa eskwelahan at para hindi ka na nila inaapi roon, dumito ka na lang muna sa bahay."
Agad akong umiling. Hindi ko maaaring itigil ang aking pag-aaral nang dahil lang sa kanila. Hindi sila ang magiging hadlang para hindi ko ipagpatuloy ang aking pag-aaral.
✦✧✦✧
PRESENT. July 2017.
Pinusod ko ang aking buhok at huminga ng malalim bago tuluyang pumasok sa loob ng Adkins High.
May ilang estudyante ang nakatingin sa akin. Ngumingiwi at nagtatakip ng kanilang mga ilong, ngunit binigyan ko na lang sila ng ngiti dahil espesyal ang araw na ito para sa akin.
Agad akong dumiretso ng banyo at nagpalit ng uniporme. Dahil bago ako umalis ng bahay kanina, natapunan ako ng alak ni papa habang inaawat ko silang dalawa ni mama na tangka na namang mag-away bago ako umalis.
Ayokong dalhin dito sa eskwelahan ang lungkot at hirap ko sa bahay. Hindi dapat humalo ang kung ano ang mga nangyayari sa bahay, dahil malaki ang magiging epekto niyon kung idadamay ko pa iyon sa aking pag-aaral.
Kailangan kong mag-focus.
Humarap ako sa malapad na salamin at ngumiting pinagmasdan ang repleksiyon ko roon nang matapos akong makapagpalit. Inayos ko pa ang aking kwelyo at ang paldang nakatabingi. Muli kong sinuklay ang aking mahabang buhok at pinusod itong muli.
Mas naging presentable na akong tingnan kumpara kanina.
Nakatatak sa isipan ko na espesyal ang araw na ito para sa akin. Ayokong masira iyon sa isang iglap at dahil lang sa nangyari kanina. Walang rason para magmukmok at malungkot.
Normal na araw lang ito para sa akin. Walang bago. Nasasanay na lang ako.
Lumabas na ako ng banyo at bumungad sa akin ang tatlong babaeng dapat ay iniiwasan ko.
"Happy birthday, Taliyah! Surprise!" sabay-sabay at maligaya nilang pagbati sa akin.
Natawa ako nang makita ang party hat sa mga ulo ni Patricia, samantalang ang dalawang nasa likuran niya ay may torotot pang bitbit.
Napaatras ako nang nakangiting turingan ako ni Patricia kasama ng dalawang babaeng tila sidekick nito. May hawak itong cake na may nakasinding kandila sa gitna. Dahan-dahan ako sa pag-atras dahil hindi ko na naman alam kung ano ang tumatakbo sa mga utak nila ngayon.
"Oh, bakit ka umaatras? Hindi mo ba nagustuhan ang surpresa namin sa iyo?" ani Zyra sa gilid ni Patricia.
Binigyan ko sila ng pekeng ngiti.
"Uhm, Patricia, hindi n'yo naman kailangang gawin ito."
Kakapalit ko pa lang ng uniporme. Hindi nila maaaring dumihan ang suot ko ngayon dahil ito na ang huling ekstrang unipormeng dala ko ngayon.
"Hindi ba at birthday mo ngayon? Pasalamat ka nga at naalala pa namin ang kaarawan mo. You may now blow the candle,"saad Patricia habang maamo ang mukha.
Malumanay at banayad ang boses nito. Hindi dapat ako maniwala agad. Hindi ganoon ang tunay na katangian ng pagkatao niya.
"Sige na Taliyah, blow your candle," si Emily naman ang nagsalita na may dalang malaking softdrinks.
Nakakatawa lang dahil nag-abala pa sila at nagsuot pa ng party hat para lang sa kaarawan ko.
"Ilang taon ka na, Taliyah?" tanong naman ni Zyra na may dalang party popper.
"Seventeen," sagot ko na suot pa rin ang pilit na ngiti. "Pasensya na, nagmamadali kasi ako." Saka ako umiwas sa kanila at naglakad nang mabilis palayo.
"Sandali lang naman. Make a wish and blow the candle first. Simple lang naman ito, Taliyah, pagbigyan mo na. Sayang naman ang effort namin para dito," pangongonsensya ni Patricia at pinigilan akong makaalis.
Huminga ako nang malalim, lumapit sa kanila at hinipan ang kandila. Sabay-sabay silang nakangiti at tila ba masaya para sa espesyal na araw kong ito.
Nang matapos kong gawin iyon ay biglang nalaglag ang cellphone ni Patricia sa sahig na halata namang sinadya niya. Tila na iyon ang simula ng palabas na plano nila.
"Pwede bang pakikuha ang cell phone ko?" pakiusap niya.
Lumuhod ako, dinampot ko iyon at agad na inabot sa kanya.
Ang mga sumunod na nangyari sa akin ay ang kanina ko pa inaasahan. Hindi ako maaaring magkamali at maloko.
Ang lahat ng 'yon ay pakitang tao lang. Sinimulan na nila ang palabas.
Hindi pa man ako nakatatayo ay sumampal na sa mukha ko ang cake, pinaliguan nila ako ng softdrinks at pinaputok ang party popper na kanina pa nakaantabay kapag nagawa na nila ang eksenang gusto nilang mangyari para sa akin.
"Happy 17th birthday, Taliyah!" sabay-sabay nilang sigaw at nagtawanan.
Napatingin ako sa paligid. Maraming cell phone ang nakatutok sa akin. Dumagsa agad ang mga estudyante at kinuhanan nila ako ng litrato at video habang sabay-sabay na nagtatawanan na tila isa akong payasong nagpapatawa. Naririnig ko pa ang mala-bubuyog nilang halinghingan.
Magiging usap-usapan na naman ako sa buong eskewelahan. Kailan ba matatapos ang paghihirap ko? Hanggang kailan ako magtitiis nang ganito?
Napupundi na ako.
Walang alinlangang tumulo ang luha sa aking mga mata. Nakaluhod ako at hindi alam kung paano muling babangon pa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top