Kabanata 24- SA TARANGKAHAN

Anya


Ramdam ko ang pagdadalamhati at galit ni Jake ngayon libing ng Lola niya bago sumikat ang bukang liwayway.

Kahapon nang sinundo ako ni Jelie at Sidapa sa bahay nila Bunao ay nanlumo ako nang ibalita nila sa amin ni Marikit ang nangyari. Dumating ako sa bahay ng lola ni Jake nang inaayos ni Bunao ang katawan ng matanda. Nakita ko ang bakas ng karahasan sa nangyari kaya nauunawaan ko ang galit ni Jake ngayon.

Tahimik kaming bumalik sa bahay ng lola niya nang malagyan ni Bunao ng panangga ang libingan upang hindi kuhanin ang bangkay ng matanda ng mga Bal-bal gaya kagabi. Sila ang mga kampon ni Sitan na nabubuhay sa pamamagitan ng pagkain ng mga namatay na tao.

Malinaw ang gustOng iparating ni Sitan. Galit siya sa anak at uubusin nito ang mga importanteng tao sa buhay. Isusunod niya ako.

"Anya, mas mabuti siguro na huwag ka na munang umalis sa bahay nila Bunao. Safe ka doon," wika ni Carol. Si Jake ay dinaanan lamang kami at pumanik sa itaas. Sinundan namin siya ng tingin bago kami nagpatuloy sa pag-uusap.

"Baka nga iyon ang mangyari kahit nakakahiya sa mag-asawa."

"Huwag mong intindihin iyon," sagot agad ni Bunao.

Natahimik muli kami at lumipas ang ilang minuto na walang kumikibo. Ako ang nagbasag ng katahimikan.

"Susundan ko muna si Jake. Baka kung ano ang gawin," paalam ko sa kanila.

Pumanhik ako sa ikalawang palapag at sinilip ang silid ng Lola ni Jake ngunit wala siya roon. Ang kabilang pintuan ay nakabukas kung kaya minabuti kong puntahan iyon at baka naroon siya.

Nakaupo si Jake sa kama habang nakatanaw sa bintana.

"Pasok ka, Anya," wika niya nang hindi lumilingon.

Marahan akong pumasok at tumayo sa tabi niya. Itinaas niya ang isang libro na hawak na hindi ko nakita kanina.

Napangiti ako ng kusa nang Mabasa ang pamagat. Ito ang libro na ibinigay ko sa kanya noon.

"Nakita ko lang," aniya.

Tinapik niya ang lugar sa tabi niya at dahan-dahan akong naupo.

"Bakit pakiramdam ko ay hindi ko pa nababasa ang libro?"

"Dahil hindi mo pa nababasa iyan," may lungkot na sagot ko.

"Manatili ka sa bahay nila Kit habang—"

Tumango ako hindi pa man natatapos ang nais sabihin ni Jake.

"Mag-iingat kayo," bilin ko.

"Nadamay si Lola."

Hindi ako nakasagot. Puno ng pighati ang tinig ni Jake.

"At ayaw kong madamay ka, Anya."

"Hindi mangyayari 'yon," sagot ko ngunit alam ko sa sarili ko na isa iyong kasinungalingan.

'Ikaw na lang ang mayroon ako."

"Nariyan pa ang mga kaibigan mo."

"Ikaw ang nag-iisa kong pamilya," mahinang sagot niya na ikinabilis ng tibok ng puso ko.

"Bumaba na tayo," yaya kong bigla at napatayo ako mula sa pagkakaupo. "Naghihintay sila sa iyo."

"Mauna ka na," sagot ni Jake.

Nauna akong bumaba at hinintay namin siya kasama ng mga kaibigan niya. Mali si Jake, hindi lamang ako ang nag-iisang pamilya niya. Nandito sila— sila Zandro, Carol at Amihan para sa kanya. Sila ang hindi sumuko sa paghahanap sa kanya.

Bumaba si Jake na naka-itim mula ulo hanggang sapatos. Ang kakaunti yatang liwanag sa katauhan niya ay naglaho na. Tunay na siya ang anak ni Sitan dahil sa enerhiya na lumalabas sa kanya.

"Ihatid muna natin si Anya at Carol sa bahay ni Kit bago tayo magtungo sa Samar," wika ni Jake na sinang-ayunan ng lahat.

Agad na umalis ang lahat nang maihatid kami ni Carol sa bahay nila Marikit. Hindi mapakali ang dalawa na panay ang lakad sa harapan ko.

"Nais ba ninyong kumalma na dalawa?"

"Alam mo, nakakafrustrate na kailangang maiwan lagi kami," wika ni Carol.

"Wala tayong maitutulong at dadagdag lamang tayo sa alalahanin nila kapag naroon tayo," paliwanag ko.

"Alam kong tama ka pero hindi mo maalis sa amin ang hindi kabahan," sagot ni Marikit sa akin.

"Magtiwala kayo sa inyong kabiyak."

Napatigil sa paglalakad si Marikit at Carol at minabuti nilang maupo.

"Si Alon ay isang magaling na mandirigma."

"Nakilala mo siya?"

Tumango ako bilang sagot kay Carol. "At si Bunao ay makapangyarihang manggagaway."

Unti-unting nawala ang ngiti ko nang may maramdaman ko na hindi maganda.

"Jake—" tawag ko bigla at napahiga dahil sa hapdi ng likod ko.

"Anya—" nataranta si Carol at Marikit at dinaluhan ko.

"D'yos ko, nagliliyab ang likod niya," ani ni Marikit.

"Jake—Jake," tawag ko.

Hindi siya sumasagot ngunit nararamdaman ko ang init ng apoy. Isang malakas na huni ang lumabas sa aking bibig at napatakip ng tainga sina Carol at Marikit. Nabasag ang mga florera at salamin nila sa loob ng bahay at si Makisig ay biglang umiyak mula sa kanyang silid. Hindi ko mapigilan ang paglabas ng nakakabinging tinig.

Naramdaman kong lumabas ang aking pakpak at unti-unti akong naging Adarna. Lumipad ako palabas sa bintana na may iisang misyon— ang makarating sa Samar.

Gumawa ako ng lagusan gamit ang isang awit na matagal ko ng hindi nagagawa. Sa tarangkahan papasok ng Biringan ay may nagaganap na digmaan.

Si Sitan at si Jake ay nagkaharap at ang nararamdaman kong nakakalapnos na init ay dahil sa apoy ni Sitan na nakapalibot sa katawan ni Jake.

Hindi maari ito. Mamamatay si Jake. Hindi kaya ninuman ang apoy ni Sitan. Tanging si Bathala ang makakasangga sa apoy nito.

Umawit ako ng ubod ng lakas at ang mga kampon ni Sitan ay napaluhod at ang iba ay agad na naging bato. Humina ang pwersa ni Sitan. Sapat upang makawala si Jake sa apoy na gumagapos sa kanya.

Natuon ang pansin ni Sitan sa akin at ako ang hinarap. Ginaya ko ang nakakabinging tinig na kusang lumabas sa akin kanina. Napaluhod si Sitan at nagkatip ng tainga ngunit maging ang mga kabigan ko ay napaluhod din.

"Anya," sigaw ni Jake. Nawala siya sa kanyang konsentrasyon kay Sitan at nabaling sa akin ang paningin.

Napatingin si Sitan sa kanya. Nakita ko ang paggalaw ng kanyang mga mata. Hinagisan niya ako ng apoy upang hindi makapunta kay Jake. Hindi nakita ni Jake ang mabilis na paglapit ng kanyang ama.

Papatayin ni Sitan ang kanyang anak?

Hindi ako nakapag-isip. Mabilis akong lumipad papunta kay Jake. Inabot ng apoy ang ilang balahibo sa aking pakpak. Tiniis ko ang sakit.

Ang kamay ni Sitan ay may nagngangalit na apoy na kasing kulay ng galit na bulkan. Hindi mabubuhay si Jake kapag ito ang tumama sa kanya lalo na sa may puso ang asinta ni Sitan. Ilang metro na lamang ang lapit ni Sitan sa anak. Pumikit ako at umusal ng panalangin kay Bathala.

Gabayan mo ang aking mga kaibigan lalo na si Jake.

Sa bilis ng lipad ko ay naramdaman ko ang pwersa ng pagkakasalpok ko sa dibdib ni Jake. Ilang sandali lamang—ni hindi ko pa nararamdaman ng ganap ang sakit ng pagkakasalpok ko— ay naramdaman ko na ang init ng apoy ni Sitan. Ibinuka ko ang aking pakpak sa abot ng aking makakaya upang matakpan si Jake.

Nakaharap ako sa kanya, natatitig sa kanyang mga mata—mga matang kinakitaan ko ng pagkagulat nang rumehistro sa kanya ang nangyayari.

"Jake, mahal kita," wika ko sa huling sandali.

"Anya," sigaw ni Jake habang nagdilim sa akin ang lahat. 

---------

A/N

Happy New Year mga beh. Enjoy your holiday. 


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top