Jake
Naghintay kami sa pampang. Walang nakakaalam kung gaano na katagal kaming nakatayo roon. Hanggang ang tatlong Diwata ay naupo na sa batuhan at si Z ay nanghihinang sumunod sa kanila.
"Wala pa ba?" naiinip na tanong ko.
"Maghintay ka," sagot ni Sidapa sa akin.
Sa paglipas ng mga oras ay mas lalo akong hindi napakali. Si Z ay namamalipit na sa sakit ngunit wala kaming magawang paraan.
Si Sidapa ay nakatingin sa kadiliman at inaabangan ang bangkero.
"Jake, huwag kang mainip," ani ni Anya sa isipan ko.
Napahinga ako ng malalim at tinanaw rin ang kawalan.
"Nag-aalala ako maging kay Z. Nakagat ng tiyanak."
Napasinghap si Anya.
"Ano ang lagay niya?'
"Namamalipit sa sakit."
"Huwag kang mag-alala, magagamot ko siya. Maghintay ka lamang ng kaunti pa."
"Kumusta ka na d'yan?"
"Natutulog ang dalawa mong kapatid," sagot ni Anya.
"Hindi mo sinagot—"
"Ayos lamang ako."
"Nandito na," wika ni Sidapa na bumasag sa katahimikan.
"It's about damn time," bulong ko.
"Mag-iingat ka. Kung ano man ang hilingin niya, ibigay n'yo lamang," paalala ni Anya sa akin.
Kung kabiruan ko lamang si Sidapa, bibiruin kong kapatid niya ang bangkero dahil pareho sila ng suot. Ang pinagkaiba nga lamang ay kalansay na ang kamay ng bangkero at nakalutang sa hangin.
"Sidapa, diyos ng kamatayan... hindi ko akalain na makikita kitang muli."
Hindi kumibo si Sidapa at itinuro niya ang gawi sa bangkero.
"Ahh... ang anak ni Sitan at ang mga anak ni Bathala. Naparito kayo sa ilalim ng Kasamaan? Ano ang maipaglilingkod ko?"
"Nais naming tumawid," mabilis na sagot ko.
"May kapalit—"
"Ano ang kapalit?" agad na tanong ko.
Matagal bago kumibo ang bangkero. Wari'y naninimbang kung ano ang gusto niya sa amin.
"Sa taga lupa, ay ang laso na nakatali sa kanyang binti."
Napapikit si Marari at palihim na umiling ngunit walang nagsalita.
"Kay amihan ay isang dahon na lunti. Sa anak ng Bathala ay tatlong bituin. Kay Sidapa ay ang aking kaluluwa at sa iyon, anak ni Sitan ay ang ala-ala ng ipinunta mo rito."
"Hindi—"
"Aalis na ako kung ganoon."
"Sandali—" pigil ko. "Anong ala-ala ang nais mo?"
"Ang ala-ala mo sa ibong adarna."
"Jake—" sambit ni Anya sa aking pangalan.
"Bakit?" hindi ko naiwasang tanungin.
"Kailangan ko ba ng dahilan?" balik na tanong ng bangkero sa akin.
"Ibigay mo na, Jake. Kailangan kong magamot ang iyong kaibigan sa lalong madaling panahon. Kung aalisin niya ang laso ay magiging mabilis ang pagkalat ng lason sa kanyang katawan."
"Paano kitang maililigtas kung hindi kita maalala?"
"Magtiwala ka."
"Pagkabalik namin sa lupa ay mapapasaiyo ang ala-ala ko sa ibong adarna."
Napapikit ako ng mariin nang sabihin ko ang aking huling pasya.
"Bueno, akin na?" lumahad ang bangkero sa amin. Unang tumayo si Z at inabot ang laso na binigay sa kanya ni Mayari kanina. Agad na napaupo si Z pagkabigay ng laso sa bangkero.
Ang tatlong Diwata ay isa-isang nagbigay ng bituin sa bangkero ay mapapansing nabawasan ang kanilang kinang.
"Sidapa, kailangan ko ng lagusan," wika ni Ms. Rose sa nananahimik na diyos ng kamatayan.
Isang tango ang isinagot ni Sidapa at gumawa ng isang maliit na lagusan na tamang-tama lamang na makakadaan ang isang dahon.
Tinangay ito ng hangin patawid ng lagusan at dumapo sa kamay ng bangkero.
"Ahh, nakahawak muli ako ng sariwang dahon mula sa itaas," saad ng bangkero na may kaunting kasiyahan sa tinig. "Sidapa?"
"Sa pagtawid namin sa kabilang pangpang, pagtapak ng huling kasama ko sa lupa, mapapasaiyo ang iyong kaluluwa."
"Hindi iyan—"
"Maiiwan ako rito kung ganoon," sagot ni Sidapa sa bangkero na napakamot sa ulo.
"Sige... ayos na sa akin ang kasunduan na iyan. Ikaw," baling nito sa akin.
"Sa paglabas namin sa Kasamaan ay mabubura ang ala-ala ko sa ibong adarna at mapapasaiyo." Nagsisikip ang dibdib ko sa kahihinatnan namin.
"Kung ganoon ay tayo na," wika ng bangkero at tinuro nito ang kanyang bangka na mukhang lulubog ano mang sandali.
Tahimik kaming naglakbay sa ilog. Nakatayo kaming lahat at halos walang gumagalaw habang nagsasagwan ang bangkero. Si Z ay nakakapit sa balikay ko at nahihirapan na sa lason na unti-unting bumabalit sa buo niyang katawan.
"Konti na lang Z," wika ko sa kanya.
"Anya, patawad."
"Marami akong ala-ala na maibabahagi sa iyo, Jake. Ilang salin-lahing ala-ala... hindi lamang ang buhay na ito tayo nagkita, huwag kang mag-alala."
"May kasalanan ako s aiyo, Anya."
"Huwag mo ng isipin, Jake—"
"Kailangan mong malaman bago ako mawalan ng ala-ala. Gusto kong ipangako mo na ipipilit mong ipaalala sa akin ang lahat."
"Jake—"
"Mangako ka."
"Pangako."
"Ngayon, making ka... ikinasal tayo ng hindi mo alam. Patawarin mo ako."
"Jake—"
"Ipaalala mo sa akin na ako ang iyong kabiyak, Anya."
"Kaya ba may ikawalong kulay na lumitaw sa akin?"
"Anong—"
"May itim akong balahibo, Jake... nagkaroon ako ng itim na balahibo."
"Maghanda—" wika ni Sidapa na pumutol sa usapan namin ni Anya. "Malapit na tayo."
"Malapit na kami, Anya."
"Gising na si Diego at Pedro," sagot ni Anya. "At naamoy nila kayo."
"Naroon ang aking mga kapatid," pagbibigay ko ng impormasyon sa lahat.
"Mabuti... nang masundo ko na sila," sagot ni Sidapa sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top