Kabanata 12- PANGAKO
Anya
[PAST]
Nagagalit si Jake. Nakikita ko ito sa kanyang mga mata. At ang galit na iyon ang nagpapabago sa kanya unti-unti. Naging malupit siya gaya ng kanyang mga kapatid. Nawawala na ang liwanag na laging humihila sa akin papunta sa kanya. Kinasisiyahan na niya ang mga panaghoy ng mga kaluluwa.
"Jake," minsan ay pinigilan ko siya nang maparaan siya sa akin. "Galit ka ba?"
"Hindi kita kilala, Adarna," sagot nito at tuluyan akong nilagpasan.
"Ako pa rin ito," bulong ko.
Mula sa kinalalagyan ko ay Nakita ko kung paano kinain si Jake ng kapangyarihan na mayroon siya. Nakita ko kung paano siya Nawala ang kinang niya at nilukob siya ng dilim ng kapnyang pagkatao. Tinanggap niya ang kadiliman na nakakabit sa kanyang pinagmulan.
At nawala na nga ang Jake na minahal ko ng matagal. Ang natira ay ang kanyang mukha sa katauhan ng hindi ko kilala na nilalang.
Nadudurong ang puso ko, hindi dahil sa lupit na dinaranas ko, kung hindi dahil sa mumunting kinang ni Jake na lumalaban ay kanyang pinapatay.
Minsan ay kasama niya ang dalawa niyang kapatid at pinagtutulungan ang isang aswang na hindi nagtagumpay sa misyon na inatang sa kanya.
Pumikit ako upang itago sa paningin ang nakikita. Pinilit kong huwag makarinig hanggang sa tuluyan akong natahimik. Natapos ang pagpapahirap sa aswang nang kitlin nila ang buhay nito.
Pumikit ako hanggang mawala sila... at nang sa palagay ko ay payapa na muli ang kapaligiran sa kabila ng nangyari ay doon ako dumilat.
"Hindi mo kayang tingnan?" nanunuyang tanong ni Jake pagkadilat ko. Hindi pala siya umalis sa harapan ko. "Ganito kami—"
"Hindi ka ganyan."
Nanunuya siyang ngumiti.
"Jake—" Pigil ko sa kanya nang tumalikod siya. "May nais akong hilingin."
Tumatawang humarap si Jake. "At pagbibigyan kita sa anong kadahilanan?"
"Dahil alam kong itinuring mo akong kaibigan noon."
Umiling-iling siya. "Si Anya ang kaibigan ko."
"Ako, bilang si Anya na naging kaibigan mo, Jake... hinihiling ko sa iyo na tapusin mo na ang paghihirap ko. Nanaisin kong sa kamay mo ako pumanaw. Pakiusap, patayin mo na ako at nang makakawala na ako sa tanikala na iginapos sa akin."
Nawala ang pagtawa ni Jake at natulala sa aking harapan.
"Pakiusap," hiling ko at may isang luha na pumatak mula sa akin mata.
"Ganoon mo na ako tingnan para hilingin mo sa akin iyan?" mahinang tanong ni Jake. Naikuyom niya ang kanyang mga kamay dahil sa galit.
"Pinagkakatiwalaan kita. At sa kamay mo, gusto kong magtapos ang Alamat ng Adarna."
Tumalikod si Jake at hindi ko nakita ng matagal na panahon. Hindi ko siya nakita ng mga nagdaang buwan.
Hanggang ang pag-asa ko na makalaya ay naglaho na lang. Nanatili akong nakagapos.
[PRESENT]
"Jake?"
Nararamdaman ko siya. Luminga ako sa paligid ngunit wala akong makita maliban sa madilim na ilog na nakapalibot sa amin.
"Jake? Nandito ka ba sa Kasamaan?" bulong ko sa isip.
"Hintayin mo ako," sagot niya.
Bathala, patnubayan mo siya.
"Parati kitang hinihintay. Mag-iingat ka."
Parati kitang hinihintay... mula noong una tayong naisulat hanggang sa ngayon. Nagdaan man ang mga taon, naging iba-iba man ang iyong pangalan, parati kitang hinihintay.
Nagtatapos man ang buhay natin, sa pagsilang natin muli ay ikaw pa rin ang hinahanap ko. Ikaw pa rin ang hinihintay ko.
"Jake—"
"Parating na ako, Anya. Ano ang nakikita mo sa paligid?"
"Walang hanggang kadiliman."
"Ang mga kapatid ko?"
"Wala sila. Iniwan nila ako pansamantala."
Tanong sa akin nang isang mangkukulam noon, "Hanggang saan ang kahangalan mo, Adarna?"
Hanggang nabubuhay siguro. Habang patuloy akong ipinapanganak. Hanggang mapagod ang puso ko na umaasa. Hanggang mapagod ang puso ko na magmahal.
"Sinaktan ka ba nila?"
"Hindi—"
"Huwag kang magsisinungaling sa akin, Anya. Nangako ka."
Huminga ako ng malalim bago sumagot.
"Parati akong nais saktan ng iyong mga kapatid dahil hindi ako sumusunod san ais nilang ipagawa."
Naririnig kong nagmumura si Jake.
"Huwag kang masyadong magalit at baka magliyab ka."
"Nakuha mo pang magbiro."
"Pinapangiti lamang kita. Baka kasi..."
Huminga ako ng malalim.
"...mahirapan kang mag-alaga ng isang ibon."
Narinig kong bahagyang tumawa si Jake. "Bibigyan kita ng patuka."
Naiiling akong ngumiti. "Baliw."
"Hintayin mo ako, Anya."
"Parati, Jake. Parati."
Si Bathala, noong huli kong makita bago ang pananakop ng mga dayuhan ay puno ng buhay. Nawala bigla ang kanyang kinang at minabuti niyang maglaho na lamang kasabay ng pagkalaho ng pananalig sa kanya ng mga tao. Huwag sanang maglaho siya ng tuluyan, dahil sa kabila ng mga papalit-palit na paniniwala, si Sitan ang nanatiling naghahari sa Kasamaan. Hindi nagbabago bagkos ay lumalakas pa lalo.
Gano'n ang nangyayari sa nakakalimutan, biglang naglalaho sa mundong ibabaw. Kaya ako ay nananatiling naghihintay. Ayaw kong maglaho ang sinumpaang pangako. Dahil ako lamang ang nakakaalala, ako parati ang maghihintay. Ako parati ang maghihintay sa pagbalik ni Juan... ni Jake.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top