Kabanata 7- SA GUBAT

Sidapa

Alam n'ya ba na hindi aso kung hindi aswang ang nasa bahay nila? At ang libro na hawak niya... kung hindi ako nagkakamali ay iilan lamang ang mayroon niyon at pawang mga taga-batay lamang. Ngunit kung talagang taga-bantay siya ng tarangka, bakit hindi niya alam gamitin ang libro? Maari kayang nakuha niya lamang ito sa kung saan?

Napabuga ako ng hininga at sinundan ang babae.

Napahinto siya sa pagbaba ng hagdanan at lumingon sa likod? Nakikita niya ba ako?

"Sino iyan?" tanong niya.

Mukhang hindi.

"Kung sino ka mang multo ka, huwag ngayon."

Hindi ako multo.

Nagmamadaling lumabas ng Diplomat ang babae at parang wala sa sariling lumakad palabas.

Saan ka pupunta?

Sinundan ko siya nang hindi niya ako nakikita. Pinili kong magtago upang malaman ko kung sino talaga siya. Bakit may aswang sa bahay nila? Ang makakita ng multo ay normal na dahil mayroon talagang mga tao na mas malakas ang pakiramdam ngunit ang aswang?— sa panahon ngayon? 

Malayo-layo na ang nalakad ng babae at parang nasa parte na ito ng Baguio na hindi pa nararating na kabihasnan. Sa isang daang pantao lumiko ang babae. Nagsasalita siya ng mahina... sa sobrang hindi ay muntik ko ng hindi marinig.

"Makikiraan sa inyong kaharian. Isang taong makikiraan papunta sa kanyang patutunguhan."

Paulit-ulit niyang sinasabi iyon habang hinahawi niya ang mga sanga ng puno, dumadaan sa lupang daanan paakyat ng bundok. Sinundan ko siya... kahit nakailang beses siyang huminto at lumingon sa likod, hindi niya ako nakita. Nararamdaman marahil niya ako— na hindi pangkaraniwan. Makikita o mararamdaman lamang ako ng tao kung sila ay malapit ng mawala o kung nanaisin ko.

Sa isang maliit na kubo na natatakpan ng matatayog na damo huminto ang babae. Muli ay luminga siya sa palingid at nang makitang walang tao ay bumigkas siya ng ilang salita at ang waring malapit ng magibang kubo ay napalitan ng maliit na bahay na gawa sa kahoy.

Huminga ng malalim ang babae bago binuksan ang pintuan ng bahay. Sumunod ako sa kanya at nang makatapak ako sa isang bato ay nakaramdam ako ng mahika.

"Sino 'yan?" pasigaw na tanong ng babae. Doon ko napansin ang mga bato na nakapalibot sa hangganan ng lupa ng bahay. Humakbang ako papasok bago pa malukuban ng mahika ang buong bahay. Isang ibon mula sa puno ang lumipad at napabuga ng hininga ang babae.

"Ibon lang pala," bulong nito.

Sumunod ako sa kanya papasok. Pawang walang gamit sa loob ng bahay maliban sa tulugan, isang lamesa at upuan, maliit na kusina na may kakaunting pagkain at palikuran. Naupo ang babae sa kama at nilapag ang libro.

"Bakit may aswang sa bahay?" bulong nito.

Ah... alam niyang aswang iyon.

"At bakit ako nawalan ng malay?" Naiiling na tanong niya sa sarili. "Sa dami ng tao, si Dodong pa ang nandoon."

Pakiramdam ko ay napakunot ng kaunti ang noo ko.

"Ah, shit! Lintik ng lalaki na iyon. May sa pusa yata— bigla na lang sumusulpot."

Natahimik ang babae pagkatapos magtungayaw sa akin. Halos magwala ito. Pinagpapalo ang unan sa pader at bigla na lamang umiyak pagkatapos.

"Ayaw ko nito," wika niya.

Alin?

"Dapat isinama ninyo ito sa hukay," muling sigaw niya.

Iyak siya nang iyak hanggang wala na siyang lakas upang kumilos pa. Nahiga siya sa kama at doon ay nanahimik. Nakatingin siya sa kisame, nakalahad ang dalawang kamay at umaagos ang mga luha.

Nanatili akong nakatayo at hindi nakikita. Hinintay ko ang susunod niyang gagawin.

"Sino si Bathala at bakit kailangan kong hanapin?" bulong niya.

Sa unang pagkakataon mula ng ibaon ko sa limot ang salitang 'pakialam' ay nakaramdaman kong napataas ang dalawang kilay ko.

"Saan ko hahanapin ang diyos na limot ng mga tao? At bakit ako?"

Naiinis na bumangon ang babae sa higaan at lumuhod sa tabi ng kama. Itinaas niya ang sapin at hinila ang isang kahon na kahoy sa ilalaim nito. Doon niya inilagay ang libro. Isinaradong muli ang kahon at sinipa pabalik sa ilalim ng kama.

Mukhang wala siyang balak umalis ng bahay na ito. Minabuti kong lumabas ng bahay at iwan siya ngunit... paano ako lalabas ng hindi niya malalaman na naparito ako— o na may kasama siya? Kapag dumaan ako sa panangga na nilagay niya, aalis na naman siya at hindi ko alam kung may pupuntahan pa siya na ligtas.

Anong kaguluhan ang hatid ng babae na ito? Isa pang naghahanap kay Bathala.

Kinabukasan na akong nakaalis sa bahay ng babae. Sumunod ako sa kanya na umalis. Isang gabi lamang akong nawala ay nagkalat ng ang mga galang kaluluwa sa paligid. Napapailing akong nagtrabaho at hinayaan ang babae na bumalik sa hospital kung saan naroon ang kapatid niya.

"Oras ko na ba?" tanong ng kapatid ng babae.

"Sino ang kausap mo?" natatakot na tanong ng babae sa kapatid. Umiling ako at sumenyas sa bata na hindi pa. Kumaway ako ng bahagya sa kanya at saka inunang hanapin ang mga lintik na kaluluwa na nagwawala sa hospital.

Sa pilitan ko silang hinila patawid sa kabilang buhay. Wala akong panahong magbigay pa sa kanila ng pagpipilian. Gusto kong magpahinga... gusto kong matulog... gusto kong mawala na lang.... ngunit hindi ko ala mang pakiramdam ng lahat ng iyon. Kasing tanda ko ang mundo at kahit kailan hindi ko pa naranasang matulog at magpahinga. Isang sumpa ang mabuhay ng habambuhay.

"Mabubuhay ka pa ng matagal," wika ng babae sa kapatid habang papalayo ako sa kanila. "Kahit ipagpalit ko ang kaluluwa ko kay kamatayan."

Napahinto ako saglit at nilingon siya.

Hindi ko nais ang kaluluwa mo, hangal. Aanhin ko iyan?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top