Kabanata 34- ITIM NA TINTA

Sidapa

Kumukonot ang noo ni Jelie sa tuwing makikita niyang nakatingin ako sa kanya. Nabawasan ng isang libong taon ang buhay ko dahil nangyari sa Biringan at siya pa ang may ganang magalit.

Nag-alis ng bara ng lalamunan si Jelie at kinuha ang papel at panulat na dala-dala niya. Nagsulat siya nang may panggigigil sa panulat na kasama.

ANO ANG TINITINGIN-TINGIN MO?

"Binabantayan lamang kita."

Umikot ang mga mata ni Jelie at nagsulat muli. Natatawa ako dahil para siyang guro na kailangang itaas ang sinulat niya sa ibaba ng kanyang baba habang bumubulong-bulong ito na hindi ko naman maintindihan.

PABIBO KA! PAGKATAPOS MO AKONG KALIMUTAN.

"Hindi kita kinalimutan," maagap na sagot ko.

Humaba ang nguso ni Jelie at nagsulat muli.

ANONG HINDI? ANO ANG TAWAG MO SA ILANG LINGGONG HINDI MO PAGPUNTA KAHIT TINAWAG KITA. KAHIT NAGSINDI PA AKO NG KANDILA, DEMONYO KA. NAUBOS NA ANG KANDILA AT LAHAT, HINDI KA DUMATING!

"Hindi ako demonyo," pagtatama ko sa kanya. Nilukot ni Jelie ang papel at binato sa akin.

"Kumain ka muna," ani ko. "Mamaya na tayo mag-usap."

WALANG BAWANG!

Natatawa akong inabot muli ang bawang na iniyakan niya kanina. Nanlalaki ang butas ng ilong ni Jelie na ibinato sa akin ang bawang.

Pagkatapos kumain ni Jelie ay naupo siya sa sala at namintana sa kadiliman ng labas. Nakatanaw siya sa malayo ay hindi ko alam kung tamang istorbohin ko siya sa kanyang pag-iisip.

Sa maikling panahon na nakilala ko siya, binaliktad niya ang kulay abo kong mundo. Aaminin kong nagulo ang buhay ko ngunit binigyan niya naman ng kulay. Kaya marahil tumakbo ako palayo sa kanya noon, dahil hindi ko alam ang gagawin sa ibang kulay maliban sa kulay abo at itim.

"Patawad Jelie sa pagkukulang ko," wika ko na ikinakurap ng mga mata niya. Luminga siya sa akin at tumingala. Naupo ako sa tabi niya at siya naman ay inabot ang kumpol ng papel sa maliit na lamesa.

"Hindi ko alam ang gagawin kung magiging matapat ako."

Nakatingin si Jelie at naghihintay ng kasunod na sasabihin ko ngunit hindi ko alam ipaliwanag. Hindi ako makahanap ng tamang salita upang ilarawan ang nararamdaman ko... ang takot ko.

Nang hindi na ako magsalita ay nagsulat si Jelie.

'YON LANG AG IPAPALIWANAG MO?

Tumango ako nang mabasa ko ang isinulat niya. Napabuntong hininga si Jelie at nagsulat muli.

BAKIT KA NAWALA?

"Hindi ko alam," mahinang sagot ko.

ANONG HINDI MO ALAM?

"Naguguluhan ako," sagot ko s atanong niya.

KANINO?

"Sayo."

Napanganga si Jelie at itinuro ang sarili.

BAKIT AKO?

Ako naman ang napabuntong hininga. Hindi ko alam ang isasagot kaya nanahimik ako.

SINO SI CAROLINA?

Itinapat ni Jelie sa mukha ako ang papel na parang hindi ko mababasa kung hindi niya ilalapit sa akin.

"Pinuno sa Biringan."

Umikot na naman ang mga mata ni Jelie at tinaasan ako ng kilay.

"Naninibugho ka kay Carolina?" manghang tanong ko. Kumunot ang ulo niya at tumingala sa kisame bago nagsulat.

ANO ANG NANINIBUGHO? HUWAG MO AKONG GAMITAN NG MALALIM NA SALITA AT BAKA HINDI AKO MAKAAHON.

"Nagseselos—"

Napatayo si Jelie sa upuan at hinampas sa ulo ko ang hawak na papel. Nagtangka siyang magsalita na ikakasama niya kaya pinigilan ko ng kamay ko ang bibig niya. Nanlalaki ang mata ni Jelie na pinagpapalo ang kamay ko.

"Huminahon ka, masasaktan ka na naman."

Hindi siya nagpaawat sa kakapalag hanggat hindi ko siya binitawan. Naiinis siyang inihagis ang mga papel at wari mo'y aalis na naman. Hindi ko alam bakit binuhat ko siya kung maari ko naman siyang pigilan ngunit natagpuan ko na lang ang sarili kong binuhat si Jelie. At dahil wala nga siyang boses ay hindi ito nakasigaw. Hindi ko napigilan ang sarili ko ng siilin siya ng halik. Napatulala si Jelie at nawalan ng kakayahang lumaban pa.

"Hindi ko alam ang sagot sa mga tanong mo," wika ko nang putulin ko ang maikling sandali na nagdaiti an gaming mga labi. "Ang alam ko lang ay natatakot ako para sa iyo at hindi ito pangkaraniwan sa akin."

Napakurap si Jelie sa harapan ko. Hinawakan niya ang kanyang labi na kanila namang ay nararamdaman kong nakadaiti sa akin. Napahinto si Jelie sa paghawak ng labi niya at tiningnan ang kanyang pulsuhan na may tinta na pumapalibot na parang posas... mga larawan ng balahibo ng uwak at nangingintab. Nakapalibot ito sa kanyang pulsuhan.

"Malalaman ng buong mundo na hinagkan kita." May panghihinayang na wika ko. Napakurap si Jelie sa harapan ako at sumenyas na ibaba ko siya. Pinakatitigan niya ang dalawang pulsuhan niya na naroon ang itim na tinta.

Kinuha niya ang mga papel na nagkalat sa upuan at nagsulat.

PARA SAAN ITO?

Napabuntong hininga ako. "Hindi iyan magtatagal, mawawala rin iyan."

SAYANG, MAGANDA PA NAMAN ANG TATTOO.

Napangiti ako ng bahagya. "Nais mong maging permanente?"

PAANO?

"Pakasalan mo ako," wika ko na ikinalaglag ng panga ni Jelie. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top