Kabanata 33- BAWANG

Jelie

Nakatulog ako ng mahimbing despite of my condition. Magaling din si Bunao mag-orasyon, hindi na masakit ang sugat sa leeg ko, makati na lang. 'Yon lang wala pa akong boses. Hindi ko pa matatalakan si Dodong.

Bumangon ako na may kakaibang freshness... amoy mother earth ako at feeling Thinkerbell. Syempre wala akong gamit dito kaya naghalungkat ako ng closet ni Dodong na puro itim naman ang pampipilian. Nakakahiya naman na naghahanap pa ako ng underwear niya pero saan niya kaya nilagay at wala akong mahanap. In the end, kumuha na lang ako ng oversize na t-shirt niya at... shit magco-comando ako. Lagay isuot ko pa ang undies ko na bulaklakin?

Wisik-wisik na muna ang ginawa ko sa mukha ko. May mga orasyon pa kasi sa leeg ko na hindi ko makita dahil walang salamin sa toilet pero nakakapa ko at alam kong sala-sala ang pagkakatali ni Bunao sa mga dahon. Mukha akong sunog na suman pagkatapos kong makapag-freshen up.

"Jelie," narinig kong sigaw ni Dodong mula sa kwarto.

Hindi nga ako makasagot, tampalasang Kamatayan ka.

Binuksan ko ang pintuan ng banyo and I make sure na bumalibag ang pintuan sa pader. Napatingin si Dodong sa akin. At dahil hindi nga ako makatalak, namewang na lang ako at tinaasan siya ng kilay.

"Akala ko ay tumakas ka," sabi nito. "Kumusta ka na?"

Nakuha mo pang magtanong!

"Masakit pa ang leeg mo?" tanong niya Lumapit si Dodong sa akin at hinawi ang buhok kong nakatakip sa leeg. Hinampas ko ang kamay niya pero ako ang nasaktan. Taena.

Nagtatalon ako habang pinapagpag ang kamay ko.

"Hindi ka kasi nag-iingat e." Naiinis na kinuha ni Dodong ang kamay ko na nasaktan at hinipan. Ano? Napaso ako? Kailangang hipan?

Masama ang tingin kong binawi ang kamay ko at nagdadabog na iniwan siya sa kwarto. Nagugutom ako. Pwede ba akong kumain?

Naghahanap ako ng makakin sa kusina pero mukhang walang laman ang kusina niya. Pinagbubuksan ko ang mga kitchen cabinet, Diyos ko kahit cup noodles wala.

"Gutom ka ba?" tanong ni Dodong na nakasunod sa akin.

Mukha ba akong busog kung malapit ko ng gibain ang kusina?

Nanlalaki ang butas ng ilong kong pumunta sa working table ni Dodong at naghanap ng ballpen at papel. At least may panulat siya dito.

Nagkadabutas ang papel na hawak ko sa kakasulat ng sagot.

HOY! HINDI TAYO BATI KAYA HUWAG MO AKONG KAUSAPIN! IBALIK MO AKO SA LUPA AT NAGUGUTOM AKO!

Ipinakita ko kay Dodong ang hawak kong bond paper na puro exclamation mark. Nagpigil itong matawa na lalo kong ikinainis. Kumuha ulit ako ng papel at nagsulat.

ANO ANG NAKAKATAWA?!!!

"Wala," sagot niya. Pero nagpipigil tumawa. Naiinis akong nilamukot ang papel at binato sa kanya.

"Bakit ba nagagalit ka? Ako nga ang dapat magalit sa iyo," may kakapalan ang mukhang wika nito. Naningkit ang mga mata kong kumuha ulit ng papel at nagsulat.

BAKIT AKO GALIT? 'ETO ANG LISTAHAN.

1.      HINDI KA NAGPAKITA SA AKIN NG MGA ILANG LINGGO TAPOS MAGTATANONG AKO KUNG BAKIT AKO GALIT?

2.      BIGLA KA NA LANG NAWALA TAPOS BAKIT AKO GALIT?

3.      GINOHOSTING MO AKO

4.      NAGUGUTOM AKO TAPOS WALANG PAGKAIN, SA TINGIN MO MATUTUWA AKO?

5.      WALA AKONG SUOT NA UNDERWEAR, FEEL NA FEEL KO ANG AIR. MAGKIKIDNAP KA NA LANG HINDI MO PA AKO DINALAN NG DAMIT. FUNNY YON? HA?!

Tawa nang tawa si Dodong habang binabasa ang listahan ng kasalanan niya. Nayayamot akong binato ang panulat na hawak ko sa kanya.

"Bwisit ka," wika ko pero kahit sarili ko ay hindi ko naintindihan ang lumabas sa bibig ko. Parang radio na walang frequency na masagap.

"Sandali, Jelie. Makakasama sa iyo ang magsalita. Magsulat ka na lang muna ng nais mong sabihin," ani ni Dodong.

Ay, taena, nakakapagod din magsulat ha!

"Kain muna tayo para mabawasan ang listahan mo kung bakit ka galit," suggestion ni Dodong. I motion myself... Kinuha ko ulit ang listahan at ginuhitan ang WALA AKONG SUOT NA UNDERWEAR, FEEL NA FEEL KO ANG AIR.

Tumatawang napatakip ng mukha si Dodong. At dahil nakatakip ang mukha niya ng kamay tinamaan na siya ng papel na binato ko.

"Paumanhin, Jelie. Hindi ko naisip. Dumito ka lang at bibili ako ng pagkain mo. Ano ang gusto mong kainin?"

Nagsulat ulit ako sa papel.

IKAW

"Ako?" manghang tanong ni Dodong. Nagulat din ako at tiningnan ang nakasulat. Kinuha ko ulit ang panulat at nilagyan pa ng kasunod ang una kong naisulat na.

IKAW NA ANG BAHALA.

"Ahh, sige. Ayos ba ang lugaw muna sa iyo? Baka masaktan ang lalamunan mo e," wika nito. I rolled my eyes because I want to. Iyon na lang ang kaya kong gawing pagmamaldita sa ngayon. Natuto lang ngumiti at tumawa, dinalas-dalasan naman. At ako pa ang pinagtatawanan.

BAWANG.

Itinaas ko ang sinulat ko bago umalis si Dodong. Tumango pa ito sa akin at pinabalik ako sa kwarto niya. Naiwan ako sa bahay niya na nagpupulot ng mga ikinalat ko.

After 5 minutes bumalik si Dodong na may dalang lugaw at... buong bawang.

Itinaas ko ang bawang sa harapan ni Dodong.

Aanhin ko ang hilaw na bawang?

Siguro ay nakita niya sa mukha ko ang inis kaya nagtataka siyang kinuha sa akin ang buong bawang.

"Mali ba?" tanong niya.

Napaiyak ako sa frustration.

"Hala, Jelie, huwag kang umiyak." Niyakap ako ni Dodong habang umiiyak dahil sa gutom na ako at walang pritong bawang.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top