Kabanata 3- TAGA-SUNDO
Sidapa
Mula sa krus na kinauupuan ko ay nakita ko siya. Isang taong mausisa na hindi alam ang ginagawa. Hinayaan namin siyang pumasok gaya ng mga turista sa umaga. Hinayaan namin siyang maglakadlakad sa loob. Aalis din ito. Maiinip sa kawalan ng makikita o tatakbo kung mayroong magpakita.
Nanahimik ako sa itaas—nakaupo sa krus kung saan tanaw ko ang lahat. Pinapakinggan kung may sisigaw sa loob—wala. Wala pang nagpapakita, kung ganoon.
Umiihip ang hangin, at bumababa ang ulap. Tahimik ang paligid at pansamantala kong nakalimutan na may tao pa pala hanggang sa marinig ko ang himig niya.
"Wow," wika niya at dumungaw sa baradilya. Nasa paanan siya ng krus na kinauupuan ko.
Wala ang mga multo... kung kailan ko kailangan ng mananakot ay nanahimik sila. Takot silang lumapit sa akin ngunit matapang na rin na nasa paligid ko sila. Narito ang isa sa tawiran. Maari silang tumawid ano mang oras... o itatawid ko sila kung gagawa sila ng hindi ko nais. Kaya siguro hindi nila ako nilalapitan o ginagambala sa pananahimik ko—maliban sa isang tao na ito.
Napansin ko ang bulaklak na hawak niya. Iniikot-ikot niya ito. Pinaglalaruan ng mga daliri at nang mapagod ay inilapag niya iyon sa paanan ng krus.
Hindi na muli siyang nagsalita. Nakatuon lamang ang paningin niya sa mga ilaw na unti-unting nagpapakita. Tahimik kami... at unti-unti kong nalimutan na mayroong tao sa paanan ko hanggang sa sumigaw ang gwardiya sa ibaba.
"Hoy, hindi na pwede ang turista dito. Bumaba ka na diyan."
Noong una ay akala ko, ako ang sinasabihan hanggang mahagip ng ilong ko ang amoy bulaklak.
"Bababa na po."
"Bilisan mo bago ka pa malaglag diyan."
"Hindi po ako tatalon," sagot ng babae.
"Baka ilaglag ka ng madre. Bilisan mong bumaba," sigaw muli ng gwardiya.
Sa isipan ko ay gusto kong tumawa ngunit hindi gumalaw ang mukha ko. Nakalimutan ko na kung paano.
"Oho. 'Eto na po."
Umalis sa pagkakasandal ang babae sa baradilya at tumingala. Nakikita niya ba ako? Pagkatapos ng ilang sandali ay umalis siya. Sinundan ko siya ng tingin hanggang mawala siya sa anino papuntang loob. Muli ay nakinig ako kung mayroong sisigaw ngunit wala.
Usok— may usok ng kandila na naman akong naamoy. Amihan! Bakit ba hindi ninyo ako tigilan?
"Hindi ka pwedeng gabihin dito."
Nasa baba na pala ang babae at pinapagalitan na ng gwardiya. Nakayuko siya habang hinahatid ng gwardiya sa labas.
"Kapag may nangyari sa iyo, bata ka, ako ang mawawalan ng trabaho."
"Sidapa, diyos ng kamatayan, dinggin mo ang tawag ng taga-bantay—"
Ang tigas naman talaga ng ulo ng mga ito. Minarapat kong puntahan sila at aliwin ang sarili sa mga sasabihin ng grupo ng Manggagaway.
"Huwag kang pupunta dito kapag gabi," narinig kong huling bilin ng gwardiya sa babae bago ako nagtungo sa kamaynilaan.
"Sidapa, diyos ng kamatayan, dinggin mo ang tawag ng—"
"Hindi kayo marunong umintindi—"
"Sidapa!"
Napailing ako sa mga nagriritwal na mga nilalang.
"Amihan, hindi ako papanig."
"Dahil ba ang lahat ng iyong mahalin ay nawawala?" tanong ni Carol. Napatingin ako sa kanya at siya naman ay napa-atras sa kinatatayuan. Si Zandro ay mabilis na tinabihan ang asawa. "Nabasa ko lang," wika ni Carol at itinaas ang isang libro na hawak.
"Hindi ka namin pipilitin na pumanig, Sidapa. Ang nais lamang namin ay magtanong sa iyo dahil ikaw lamang ang makakasagot sa aming mga katanungan." Gusto kong umiling ngunit hindi nila ako nakikita. Nakatago ako sa dilim, sa anino ng puno.
"Una, hindi ninyo ako dapat tinatawag sa sementeryo. Pangalawa, hindi ako—"
"Isa ka sa kasing tanda ng mundo kaya alam mo ang lahat," sabat ni Carol.
"Salamat sa pagpapaalala."
Napakamot ng ulo si Zandro at Carol habang si Amihan ay nalaglag ang balikat.
"Mayroon kaming hinahanap. Biringan— alam mo ba kung saan?" tanong ni Zandro.
"Alam ng Manggagaway," sagot ko.
"Alam niya kung saan ang Biringan ngunit hindi kami makakapasok," wika ni Amihan.
"Amihan—"
"Rose... Rose ang pangalan ko."
"Tigilan na ninyo ang kakasunod kay Sitan. Darating ang panahon na mawawala ang mga tao. Tanggapin na ninyo iyon."
"Hindi sa panahon namin," sagot ni Zandro. "Nasa kanya ang kaibigan namin."
"Na anak niya... baka nakakalimutan ninyo."
Hindi sila nakakibo na tatlo.
"Ano ang itsura ng susi?" tanong ni Carol.
Hay... hindi talaga sila hihinto.
"Susi! Ano ba ang susi?" balik na tanong ko sa kanya.
"Saan namin ito makikita? Nasaan ang susi ng tagabantay ng tarangka?" tanong muli ni Carol.
"Magbasa ka lang baka may makuha kang sagot." Iniwan ko sila na isinisigaw ang pangalan ko. Ayaw ko ng makialam. Gusto ko ng magpahinga... gaya ni Bathala na tumalikod na lamang bigla at nawala.
Sa kalaliman ng gabi, nagpunta ako sa mga hospital at kinuha ang mga kaluluwa ng mga pumanaw. Tinulungan ko silang makatawid ngunit ang iba ay ayaw pa ring sumama.
"Mananatili ka kung hindi ka manggugulo," banta ko sa isang kaluluwa na pumanaw dahil sa aksidente sa daan. "Sa oras na gumanti ka, ako mismo ang maghahatid sa iyo kay Sitan."
Huli kong pinuntahan ang bata sa Baguio General Hospital. Parati ko itong pinunpuntahan ngunit hindi pa siya binabawian ng buhay. Nakapagtatakang naroon ang kapatid niya ngayong gabi. Nakadukmo ito sa kama ng bata habang natutulog.
"Kukunin mo na ba ako?" bulong nang bata.
"Nakikita mo ako?"
Tumango siya. "Parati, nitong nakakaraang linggo."
"Hindi pa kita kukuhanin," sagot ko.
"Natatakot—" wika niya at huminto.
"Natatakot ka?"
Umiling ito sa itinanong ko. "Natatakot si Ate na mag-isa."
"Hindi naman nakakatakot mag-isa," sagot ko.
Ngumiti ang bata sa akin at saka umubo. Nagising ang kapatid nito at nahinto sandali sa pag-abot ng kamay ng bata.
"Matulog ka na, Julie."
"Ikaw rin Ate."
"Babantayan kita," bulong ng kapatid niya na nakaabot sa pandinig ko.
"Huwag kang mag-alala, hindi pa ako sinusundo." Ngumiti sa gawi ko ang bata bago bawalan ng kapatid na ipikit ang mga mata nito. Nang makatulog ang bata ay umalis na rin ako at bumalik sa krus kung saan payapa akong naupo tanaw ang madilim na paligid. Malapit nang pumanaw ang bata. Kaunting araw na lang... babalik ako bukas.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top