Kabanata 28- NASAAN SI JELIE?

Sidapa

Narinig ko ang pagtawag ni Jelie ngunit hindi ako nagpakita. Naririnig ko siya kahit hindi siya gumamit ng kandila. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko nais na makita niya ako. Ngunit heto ako, binabantayan siya sa pagsasanay nila.

Hindi niya na ba ako nararamdaman gaya noon?

Sa tuwing uuwi sila mula sa pagsasanay ay parami nang parami ang galos at pasa ni Jelie sa mukha at katawan. At sa tuwina ay kumakabog ang puso ko sa anyo niya na nakahiga sa kama. Pagod at nanlalambot pagkaraan ng mahabang araw.

Habang tumatagal ay nabubuo ang pagkakaibigan kina Jelie, Carol, Amihan at Marikit. Nakikita ko ang pag-aalaga nila kay Jelie at ang malasakit ni Bunao at Zandro sa kanya. Mayroon na siyang kasama, maaring hindi na ako kailangan.

Mabilis naman lumilipas ang panahon kahit mabagal para sa akin. Ang mahala ngayon ay ligtas si Jelie at hindi pa lumalabas ang ngalan niya sa libro ko.

Ang araw-araw, gabi-gabi na pagbabantay ko kay Jelie ay nabawasan. Mabuti na rin upang masanay ako at magawa ang dapat kong ginagawa. Sa mga oras na hindi ko siya binabantayan, naghahanap ako ng mga kaluluwa na kailangang itawid at patahimikin na. Ang mga ayaw sumunod ay nakakatikim ng aking lupit.

Sa pagkawala ng presensya ni Jelie sa akin ay siyang naging mainitin ng ulo ko. Kung noon ay napapagbigyan ko pa ang mga kaluluwa na manatili, ngayon ay hindi ako nakikinig sa pakiusap nila. Kung ayaw sumunod ay hinahaplit ko ng karit, kinkaladkad ko patungo sa pintuan ng kabilang buhay. Sinisipa ko pa kung ayaw tumawid kapag nasa pintuan na. Oo, lumitaw muli ang karit na matagal ko nang hindi ginagamit. Nagbalik ang Diyos ng Kamatayan sa dati nitong anyo. Ang anyo na pinangingilagan ng mga buhay at patay na tao.

Isang buwan ang lumipas. Hindi na muli akong tinawag ni Jelie. Ang huli ay noong nagsindi siya ng kandila. Alam kong may hinanakit siya. Nagawa na rin niyang isarado maging ang isipan niya sa akin. Noon ay naririnig ko pa ang diyalogo ng utak niya kahit hindi siya nagsasalita. Ngayon ay lumalakas na siya na nagiging bihasa unti-unti sa larangan ng mahika.

Nakakapagpalabas na siya ng ulan at ugat ng mga puno. Natatawag niya ang mga bubuyog nang hindi na sila kinakagat. Ang mga alakdan ay napapasunod na rin niya. Ang tanging hindi niya magawa ay ang makapagbukas ng lagusan na dapat na siyang matutunan.

Isang gabi— habang nasa Makiling sila at doon magpapalipas ng gabi, dinalaw ko sila at nakinig sa kanilang usapan. Si Bunao ay kaagad na naramdaman ang presensya ko ngunit hindi ang iba.

"Kailangan mo ng matutunan ang pagbubukas ng portal," ani ni Amihan kay Jelie.

"Putol nga ang page, besh. Hindi ko talaga knows sino ang pumilas niyan," sagot ni Jelie. "Hindi mo ba alam, Bunao kung paano?"

Umiling si Bunao. "Tanging matatanda—"

"Kaya nga, matanda ka na, 'di ba?" putol ni Jelie sa sasabihin ni Bunao na ikinatawa ng iba.

"Magkakasundo kayo ni Jake," saad ni Carol na ikinatango ng marami maliban kay Bunao.

"Ano ang gagawin natin sa Biringin kapag naroon na tayo?" bigla ay nag-iba ang tanong ni Jelie. Naging seryoso ang tinig nito.

"Naroon si Carolina. Siya ang tanyag sa lugar na iyon. Kung naroon si Bathala ay malalaman niya," sagot ni Zandro.

"Speaking of Bathala, kailangan ko siyang halikan."

Napatingin lahat kay Jelie maging ako na nagtatago sa dilim.

"Gan'to kasi 'yon. Nasa akin ang bertud so ang ibig sabihin ay hindi ako mamatay hangga't hindi ko ito naipapasa sa susunod na henerasyon. Kaso , kung hindi ko mahahalikan si Bathala, tatanda ako. As in, kulobot ang balat, gurang, thunders, ganern. Pero kung mahahalikan ko siya, sa lips sana kung hindi naman kapangahasan ang hiling ko, tapos matagal na rin para sulit, hindi ako tatanda kahit mabuhay ako ng matagal."

"Kung makikita ko si Bathala ay ako mismo ang magtatago upang hindi ninyo makita."

Natawa si Bunao at natingin sa kanya ang lahat. Marahil ay narinig ako nito na nagsasalita mag-isa sa dilim.

"Ano na naman ang nakakatawa sa sinabi ko?" naiinis na tanong ni Jelie kay Bunao.

"Nandito si Sidapa," sagot ni Bunao.

"Wala siyang apelyido. Magbabagsakan dito. Nasan ang tarantado?"

Nagtawanan sila sa mabilig na pagsasalita ni Jelie.

"Hindi ko kilala si Sidapa. Hayaan natin ang mga mawala ay manatiling wala."

"Hindi pa ba kayo nag-uusap?" usisa ni Amihan kay Jelie.

"Past is past..." sagot ni Jelie.

Napapangiti si Zandro sa kanya.

"Hindi ko ipipilit ang sarili ko sa mga tao— errr diyos—na ayaw sa akin. Marami pang iba, sa haba ng buhay ko, baka makatagpo pa ako ng mga tatlo o apat pa."

Nagtawanan muli sila sa isinagot ni Jelie.

"Ano ba kasi ang nangyari?"natatawang tanong ni Carol. "May dala akong beer, ano? Game?"

Lumahad si Jelie sa kanya at may inabot si Carol na lata dito. Binuksan ni Jelie ang lata at inisang lagok ito.

"Luh, natapon. Ilabas mo na lahat ng dala mo, Carol. "

Hindi ko gusto ang nakita kong isang karton ng alak ang dala nila Zandro. Lahat ay nagbukas ng tig-isang lata, maliban kau Jelie na pangalawa na ang iniinom.

Ayaw kong marinig kung gaano kasama ang loob niya sa akin kaya iniwan ko sila sa Makiling. Ligtas siya dahil kasama niya si Bunao at Amihan. Naroon din si Zandro na alam kong hindi siya papabayaan.

Ilang oras ba ang lumipas? Nasa dulo ako ng Pilipinas at nakatanaw sa karagatn nang marinig ko ang pagtawag ni Bunao na pawang nagmamadali. Pinuntahan ko ito agad sa lugar na naamoy ko ang usok— sa Makiling.

"Sidapa.... Nariyan ka ba? Kasama mo ba si Jelie?" tanong ni Bunao. Nang marinig ko ang tono ng pananalita ni Bunao ay hindi ako nagdalawang isip na magpakita sa kanya— sa kanila.

"Kasama mo ba si Jelie?" tanong nito nang makita ako sa liwanag ng papasikat na araw.

"Hindi."

"Nasaan siya?" tanong ni Amihan. Sukat sa binitawang tanong ni Amihan ay nilukob ako ng kaba.

"Nasaan si Jelie?" mariing tanong ko. Napaatras ang apat nang makita ang itim na usok na unti-unting lumalabas sa akin.

"Hindi namin alam. Nagising kami na wala na siya," paliwanag ni Zandro.

"Nasaan si Jelie?" Umalingawngaw ang sigaw ko sa tahimik na gubat. Nagliparan ang mga ibon mula sa pagkakahimlay sa mga sanga ng puno.

Sa 'di kalayuan sa amin ay may kaluluwang gala na tumakbo palayo sa amin. Hinabol ito ng usok mula sa akin. Iniharap ang kaluluwa na sa akin na takot na takot.

"Ano ang alam mo?"

"Wala—"

Sinakal ng usok ang multo na tanging ako at si Sitan ang may kakayahang gawin— ang pahirapan ang mga kaluluwa.

"Dinala siya... ang babae. Dinala siya ng isang lalaki palayo dito," sagot ng multo.

"Sinong lalaki?"

"Hindi ko kilala. Ang narinig ko lang ay dadalin siya ng Biringan," sagot ng multo.

Binitawan ng usok ang multong nahihirapan.

At sa unang pagkakataon pagkaraan ng mahabang panahon, makikita akong muli ng mga taga-Biringan. Malilintikan ang may kagagawan nito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top