Kabanata 24- SA LABAS
Sidapa
"Marikit, nandirito na kami."
Hinanap agad ni Bunao ang kanyang kabiyak nang makaraan kami sa lagusan. Si Jelie ay nililibot ang paningin sa buong bahay at nang lumabas si Marikit dala ang kanyang anak ay kaagad na yumakap si Bunao dito.
"Shit, may lovelife pala si Bunao," nakangiting bulong ni Jelie sa akin.
"Sidapa," bati ni Marikit nang makita niya ako. "May kasama kayo? Ako si Marikit, Kit ang tawag ng iba sa akin."
"Ako si Jelie, baka hindi ako ipakilala ni Dodong ng maayos. Hello Kit, ang cute naman ng baby mo."
"Sino si Dodong?" nagtatakang tanong ni Marikit na ikinatawa ni Carol at Amihan.
"Si Sidapa," nakangiting sagot ni Bunao. Napatingin si Marikit sa akin at napanganga ng kaunti. "Ikukwento ko mamaya. Sa ngayon, kailangan namin ang mapagkalinga mong mga kamay upang ayusin ang aklat na ito."
"Naks sa pick-up lines," kumento ni Jelie bago niya pa mapigilan ang sarili.
Nangiti si Kit sa kanya at inabot ang libro mula kay Bunao. Si Bunao naman na tinakasan ng pakiramdam ay ngumiti nang kuhanin ang anak sa asawa.
"Aw, marunong pa lang ngumiti si Bunao," tukso ni Jelie. Si Carol ay ngingiti lamang sa naririnig.
"Uuwi muna ako sa amin," paalam ni Amihan. "Balitaan ninyo ako."
Si Jelie ay sumunod kay Marikit at binantayan ang libro niya.
"Aalis muna ako," wika ko. Napatingin si Bunao sa akin at nakakalokong tumingin.
"May babalikan ka?" tanong niya.
"Kakausapin lang."
"Talaga?" nanunuyang tanong niyo. "Bumalik ka agad. Baka umuwi ng Baguio si Jelie, maabutan ka sa lugar ng krimen."
"Saglit lang ako," saad ko bago ko binuksan ang lagusan at bumalik ng Baguio.
Madali lang hanapin ang grupo ng lalaking kausap ni Jelie kanina. Laking tuwa ko nang lumitaw ang pangalan ng mga ito sa aklat ko. Hindi ko na kailangang isulat pa ang pangalan nila— mabuti.
Naupo ako sa itaas ng puno at tinanaw ang mabilis na sasakyan na malalaglag sa bangin. Nagtatawanan pa ang mga sakay nito kahit binubusinahan na sila ng mga nakakasalubong.
"Bilisan n'yo pa nang maghiwa-hiwalay ang katawan ninyo," bulong ko.
Isang ngiti— kung gumalaw man ang aking labi— ang ginawa ko nang marinig ko ang malakas na sigawan ng laman ng sasakyan. Mula sa punong kinauupuan ko ay tumalon ako at lumapag sa sasakyang nakataob. May mga humihingi ng tulong sa loob ng sasakyan. Tiningnan ko ang libro ko kung sino-sino na ang naguhitan.
Ignacio Reyes
Ahhh, buhay pa.
Nagkakaingay na ang mga tao na nakadungaw mula sa itaas ng daan. Matarik ang bangin na binagsakan ng sasakyan kung kaya walang makababa na tao basta-basta upang tumulong. Naupo ako sa tapat ng bintana ng sasakyan at piniling magpakita kay Iggy.
"Masakit?" tanong ko.
"Tulong," ani nito.
Isang nakakalokong ngiti ang isinagot ko. "Nais kong maghirap ka pa ng ilang minuto."
"Tulungan mo ako."
"Bakit ko gagawin?" nakakalokong tanong ko. "Sige pa, magsalita ka pa upang umagos ang dugo mo at unti-unti kang mamatay."
"O kaya ay tapusin mo na ako."
"Hindi basta-basta binibigay ang kamatayan, kailangan mo itong paghirapan." Kung kaya nanatili akong nakaupo habang nakatitig sa mga mata niya at nag-aagaw buhay.
Maya-maya ay nakaamoy ako ng kandila.
Hinahanap ka ni Jelie.
"Hay, pasalamat ka at kailangan ko ng umalis." Hinawakan ko si Ignacio sa noo na may sugat. Napahiyaw ito sa sakit. Mula sa dugo niya ay ginuhitan ko ang pangalan niya sa aking libro. "Pasalamat ka sa maaga mong pagpanaw. Hindi muna kita ihahatid, nais kong maghabulan pa tayong dalawa."
Binuksan kong muli ang lagusan at bumalik sa bahay nila Bunao.
"'Uy, saan ka galing?" tanong ni Jelie nang makita niya akong pumasok sa kainan.
"Sa labas."
"May dugo 'yang daliri mo," puna ni Jelie.
"May kinausap lang ako."
"Ahhh," sagot ni Jelie. Napabuga ako ng hininga nang magpatuloy siya sa pagkain. Tinuro ni Marikit ang gawi ng palikuran at pinaghugas ako ng kamay.
Mula sa palikuran ay naririnig ko ang telebisyon nila na nakabukas.
"Isang nagbabagang balita," ani ng tagapagbalita. "Isang sasakyan ang nalaglag sa bangin sa Baguio City."
"Oh shocks, may aksidente na naman," narinig kong komento ni Jelie. Binagalan ko ang paghuhugas ng kamay.
"Napag-alaman na mga turista ang nasabing mga naaksidente. Walang nakaligtas sa limang sakay ng sasakyan na kinilalang sina..."
Binanggit ang pangalan ng mga nasawi at huling binanggit si Iggy.
"Sidapa," sigaw ni Jelie mula sa kainan. "Anong ginawa mo?"
Wala nga akong ginawa, masama ba iyon?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top