Kabanata 22- KINABUHI

Sidapa

Hindi ko alam bakit tumawa ako gayong mukhang mamaga ang mukha ni Jelie dahil sa kagat ng bubuyog. At hindi ko alam kung bakit sumasakit ang panga ko sa kaunting segudo na tumawa ako.

Lumabas si Jelie mula sa silid na suot ang isa sa mga pangginaw ko.

"Nanguha ka na naman ang 'di iyo," wika ko sa kanya. Umikot lamang ang mga mata nito at saka nag-inat.

"Hindi mo ako binigyan ng bra. Lagay maglakad-lakad ako ng bakat lahat."

Oo nga pala, babae nga pala, kailangan ng babae ang mga ganoong gamit ngayon.

"Nasaan tayo?" tanong nito at sumilip sa bintana na puro kadiliman ang labas.

"Sa bahay ko."

"Saang parte tayo ng mundo at bakit ang dilim? Sa kweba?"

"Nakakatawa iyon?" pabalang na tanong ko sa kanya upang hindi ako muling matawa.

"Bakit naka-smile ka?"

Nakangiti ba ako?

"'Yong mukha mo kasi," wika ko.

"Bwisit..." bulong nito.

"Mamamatay ka sa kalokohan mo, Jelie."

"What will I do? Iyon talaga ang natatandaan ko. Mali ba ako ng pronounciation?"

Naiiling-iling ko. "Ewan ko sa iyo. May oras pa. Matulog ka muna. Babalik tayo ng Baguio. Doon kayo magkita nila Amihan."

"Sino si Amihan?" balik na tanong niya at naghigab."

"Si Rose."

"Bakit Amihan? Mayabang ba siya o malakas ang hangin?" Seryoso naman ang mukha niya sa tanong pero bakit mukhang nanloloko.

"Siya si Amihan, ang diyosa ng himpapawid."

Napanganga si Jelie.

"Hindi mo alam ang alamat?" tanong ko. Umiling-iling ito.

"Nag-aral ka ba?" nang-uuyam na tanong ko na ikinadikit ng mga kilay niya. "May dahilan kung bakit mayroon kayong alamat. Oo nga at hindi eksakto ang nangyari sa alamat at ang iba ay binabali ng tao upang umayon sa panuntunan at pang-unawa ninyo ngunit may pinagmulan ang bawat kwento."

"Nadamay na naman ako sa badtrip mo sa tao. Hindi na tinuturo iyan sa eskwelahan, paano namin matututunan?" balik na tanong niya. Napaisip ako, may punto siya.

"Ayon sa kwento, si Amihan ang pumagitna noon kay Bathala at Aman Sinaya noong nag-aaway ang dalawa."

"Sino si Amang—"

"Aman Sinaya... Siya ang diyosa ng karagatan."

"Nasaan ka sa panahon na iyon? Bakit babae ang umaawat sa dalawa at hindi ikaw?" balik na naman na tanong niya. Minsan ang hirap din sagutin ng tanong nito.

"Nagmamasaid sa kanila."

"Ay bakit? Talagang chill-chill ka lang?" Namewang ito sa akin.

"Alam ko ang hangganan ko, hindi gaya mo. Ayan ang napala mo, kita mo," turo ko sa mukha niya. "Nawala noon si Amihan. Ang sabi sa alamat ay naging ibon ito at siyang tumulong sa unang tao."

"Si Eva at Adan," sabat ni Jelie na mukhang natutuwa at nakakasunod na siya sa kwento.

"Si Malakas at Maganda. Siya ang ibon na nagpalaya sa dalawa mula sa kawayan."

"Shit, wala na akong sinabing tama," bulong ni Jelie na ikinailing kong muli.

"Matulog ka na."

"Saan ka matutulog?" nanlalaki ang mga matang tanong niya at iyon ang pagkakataon ko na ako naman ang napaikot ang mga mata.

"Hindi ako natutulog."

"Like ever?" manghang tanong niyang muli. "Bakit?"

"Matulog ka na. Mukha kang pagkaing tsino sa itsura mo. Bilisan mo."

"Ang bossy mo," wika niya at naghigab muli. "Mamaya ulit. Kwentuhan mo ako ng mga kwentong bayan."

Anong kwentong bayan? Ang gulo minsan kausap—talaga naman, oo!

Hinintay kong makatulog muli si Jelie bago ko puntahan ang apat sa Atok.

Magliliwanag na doon nang maupo ako sa harapan ng siga na matagal ng namatay ang apoy. Unang bumangon si Bunao, marahil ay naramdaman ako.

"Sidapa, si Jelie?" tanong agad nito. "Biglang nawala kagabi."

"Natutulog," sagot ko. Naaninag ko ang iilang kagat ng bubuyog sa kanyang mukha na ikinatawa ko ng kaunti.

"Mukhang malalaki ang bubuyog na natawag kanina."

Napahilamos ng mukha si Bunao at bumalik ang inis kay Jelie. "Hindi ko alam kung siya ang papatay sa amin o ano. Nagtawag ng ulan pagkatapos ay bubuyog."

Naiiling akong binuhay ang apoy sa harapan ko. Hindi ko kailangan ng apoy, hindi naman ako nilalamig ngunit para sa pagiging normal ay ginagawa ko. Hinahangad ko kahit papaano ang normal na ginagawa ng tao. Naupo si Bunao sa ilang troso na malapit sa akin.

"Ayos lamang ba siya?"

"Namamaga ang mukha gaya ninyo," wika ko.

"Hindi mo pinahupa?"

Umiling ako. "Hayaan mong malaman niya ang kapalit ng pagtulong niya sa inyo."

"Alam kong nag-aalala ka sa kanya," ani ni Bunao.

"Siya nga?"

Natahimik kaming dalawa at parehong nakatingin sa apoy.

"Maraming salamat sa pagliligtas sa amin mula sa kamatayan."

"Ako ang kamatayan, Bunao."

"Na mas pinili kaming laktawan kaysa guhitan."

Natahimik muli kami.

"Magkita kayo sa Baguio ni Jelie," wika ko.

"Pumapayag ka na kung ganoon."

Umiling ako. "Wala akong magagawa sa gusto niya. Hindi ko pag-aari ang taga-lupa."

"Ngunit kung may pagkakataon ay aariin mo?" makahulugang tanong ni Bunao na ikinatingin ko sa kanya. "Ang tagal na buhat ng mawala sa iyo ang—"

"Kinabuhi," bulong ko. "Huwag mong ipaalala, Bunao. Kahit daang taon ang nagdaan, parang kailan lamang iyon sa akin."

Tumayo ako at iniwan si Bunao sa harapan ng apoy. Bumalik ako sa bahay at sinilip ang silid ko. Natutulog pa roon si Jelie. Mukhang mamaya pa ito gigising. Nakakanganga pa e.

Pumunta ako sa silid-aklatan kung saan naroon ang mga libro ko. Mayroong libro doon na itinago ko sa likuran Sa kung saang hindi ko makikita. Naroon ang ngalan niya... si Kinabuhi.

Sa itaas ng pinakadulo ng aklatan, kinuha ko sa likuran ng isang libro ang pinakatatago ko. Naupo ako sa aking upuan at binuklat ang kulat kahoy na pahina. Mga pangalan ng sinaunang taong, mga pangalan na hindi na maririnig sa ngayon.

Kinabuhi.

Nahinto ako sa pahina kung saan naroon ang pangalan niya. Hinaplos ang linya na ako mismong ang gumuhit ilang daang taon na ang nakakaraan.

"Sidapa, parang awa mo na, hayaan mo na akong lumisan," wika niya. Iyon ang pinakamabigat na kahilingan na aking narinig. "Hayaan mo akong tawirin—"

"Hindi."

Mabilis kong isinarado ang libro. Hinintay kong gumuhit ang sakit na nakakapagpaluhod sa akin kung minsan. Dumating siya ngunit hindi ko inaasahan na ang dating nakakapagpaluha sa akin na sakit ay hindi na ganoon. Naroon ito... ngunit parang hindi na gaya ng dati. Parang lumipas na ang hinanakit ko sa sarili. Parang dumaan na ang unos na nanatili ng mahabang panahon. Naroon ang sakit... naroon ang ala-ala. Naroon ang bangungot ng bawat pakiusap niya na hayaan ko siyang lumisan.

Naroon ito ngunit kaya ko ng balikan... sa pakiwari ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top