Kabanata 18- PAUNANG BABALA
Sidapa
Inilapag ko si Jelie sa aking higaan na kailanman ay hindi ko natulugan. Sa totoo lang ay hindi ko kailangan ng mga gamit dito. Nilagyan ko lamang upang kahit papaano ay maging pangkaraniwan. Para lamang hindi ko maramdaman na hindi ko kailangan ng kahit ano. Mabuhay ako ng wala ang lahat ng ito ngunit nais kong magkaroon.
Inilapag ko ang abo ni Julie sa isang maliit na mesa at nagtungo ako sa aking silid-aklatan upang tingnan ang libro ng kamatayan. Ang silid-aklatan ko ay hindi pangkaraniwan. Mga aklat ng kamatayan ang tanginang narito... kulay itim ang balat at walang pagkakakilanlan maliban sa taon na nakasulat. Ang ngalan ni Julie ay naguhitan na. Natapos na rin ang kanyang pagdurusa.
Si Jelie ay ibang usapan... ang kanyang pighati sa pagkaulila sa kapatid ay nagsisimula pa lamang. Totoong masasanay siya na wala ito, ngunit may isang parte ng kanyang puso ang habang buhay na magiging bato... magiging butas... dahil wala na ang nagmamay-ari no'n.
Nauunawaan ko siya, kung bakit niya hiniling na mabuhay pa ito kahit nahihirapan. Siguro kaya ko siya pinagbigyan, dahil alam ko ang pakiramdam. Minsan kong naramdaman iyon. Minsan kong naramdaman at hindi na nais maulit pa.
Masalimuot ang pagdadaanan ni Jelie. Kung maari lang ay hindi na niya danasin pa iyon. Ang mga taga-bantay ng tarangka ay dapat na may alam. Alam niya dapat ang mundo na kanyang binabantayan. Sa hindi ko maintindihan na kadahilanan ay hindi siya tinuruan ng kanyang angkan. Basta na lamang siyang pinabayaan na maglakad sa mundo at tuklasin ang mahika na mayroon siya. Hindi dapat ganoon ngunit iyon ang nangyari.
Nasa malalim akong pag-iisip ng may maamoy akong usok ng kandila. Napabuga ako ng hininga nang marinig ang mahinang pagtawag ng Manggagaway sa akin. Hinayaan ko siya na tumawag... akala ko ay titigil din ngunit naubos ang isang kandila ay hindi ito tumigil. Minarapat ko siyang puntahan.
Sa bundok ng Atok ako dinala ng usok. Naroon silang apat na nanginginig sa ginaw mula sa hamog.
"Ano na naman ang inyong kailangan?"
Napatayo si Bunao mula sa pagkakaupo sa harapan ng kandila. Si Zandro at Carol ay nanatiling nakaupo. Si Amihan ang siyang lumapit sa akin kasama si Bunao.
"Hindi namin mahanap ang lambana," wika ni Amihan na ikinasaya ko ng kaunti.
"At ano ang kinalaman ng pagtawag ninyo sa akin?"
"Alam naming hindi dapat kami tumawag sa iyo ngunit ikaw lamang ang may ugnayan kay Jelie—"
"Tigilan ninyo ang tao. Namatay ang kapatid niya," putol ko sa pasakalye ni Bunao. Napasinghap si Carol at tumayo sa tabi nila Amihan.
"Kumusta siya?" tanong nito.
"Malungkot, lagay naman magsaya. Namatayan nga," pabalang na sagot ko. Tumayo si Zandro upang ipagtanggol ang asawa nang awatin siya ni Bunao.
"Tigilan ninyo si Jelie."
"Siya lang ang huling baraha namin," giit ni Amihan.
"Huwag kayong makasarili," singhal ko sa kanila na umalingawngaw sa paligid. "Ilalagay ninyo ang ngalan niya sa libro ko gaya ng ngalan ninyo?"
Napasinghap ang tatlo maliban kay Zandro na natigil sa pagpupumiglas.
"Ano ang ibig mong sabihin?" tanong ni Bunao sa akin.
Napabuga ako ng hininga at humalukipkip. "Kayong lahat, maliban si Jake ay nakasulat sa libro ko. Pinili ko kayang huwag kuhanin. Ngayon, kung ipipilit ninyong mangdamay, guguhitan ko ang ngalan ninyo sa libro at bahala na kayong bawian ng buhay."
"Nagsisinungaling ka!" sigaw ni Zandro sa akin.
"Gusto mong subukan? Mauuna ako sa iyo."
"Sandali..." awat ni Amihan sa amin at pumagitna ito. "Ang ibig mong sabihin, no'ng laban sa Pampanga ay kami ang—"
"—susunduin ko, tama," dugtong ko. "Kaya tigilan ninyo ang tao na nagluluksa."
Nagpumiglas si Zandro kay Bunao at nagsusuntok ito sa hangin. Isang sigaw na mas tamang sabihing alulong ang pinakawalan nito bago napaluhod sa lupa at iyon ang pinagtuunan ng galit.
"Hindi na namin kayo kinulit, hindi na namin kayo pinilit na sumama sa amin. Ang sa amin lang ay tulungan ninyo kami na ituro ang tamang daan. Pero para kang tukso na pinaglalaruan kami—"
"Wala akong obligasyon na tulungan kayo," sagot ko sa paratang ni Zandro.
"Dahil makasarili ka—"
Lumabas ang itim na usok mula sa akin at pinalibutan ang apat sa harapan ko. Unang dinaluhan ng usok si Zandro at nabuhal ito habol-habol ang paghinga. Si Bunao ay hindi na nakatiis at nagpalabas ng elemento ng lupa... mga matatalim na bato na hindi sumayad sa akin. Si Amihan ay nagpakawala ng hangin, dinala ng malakas na hangin ang mga batong matatalim papunta sa akin. Lahat ng iyon ay hindi umubra. Isa-isa silang sinakal ng usok at tumumba sa lupa.
"Dodong..."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ko ang boses ni Jelie. Paglingon ko ay naroon siya sa likod ko, naguguluhan kung nasaan siya at giniginaw.
"Bakit ka nandito?"
"Nasaan ako?"
Sabay na tanong namin.
"Uy, ano nangyari sa inyo? Teka, ang ginaw... nasaan ba ako?" naguguluhan ito kung lalapitan sila Amihan na namamalipit sa lapag.
"Paano ka napunta dito? Iniwan lang kitang tulog ah!"
"Malay ko. Naghahanap lang ako ng CR dahil naiihi ako. Teka, naiihi ako. Saan pwedeng umihi?"
Napasapo ako sa ulo ko at hinawakan ang braso ni Jelie. Nakabalik kami sa bahay ko at tinuro ko ang palikuran.
"Teka, nasaan sila?"
Hindi ko siya sinagot. Kanina ay malungkot ito, ngayon ay parang nalilito...
Hinintay kong bumalik si Jelie mula sa palikuran. Nagpupunas siya ng kamay nang lumabas siya.
"Nasaan sila?" naguguluhang tanong nito.
"Paano ka napunta doon kanina?" balik na tanong ko sa kanya.
"Malay ko. Pagbukas ko ng pintuan, gininaw na ako eh."
Nakapagtataka...
"Ano ang ginawa mo bakit namamalipit sila kanina?" usisa niya. "Nasaan ang kapatid ko?"
"Pumanaw na," wala sa loob na sagot ko.
"Alam ko!" naiinis na sagot niya. "'Yung urn ang hinahanap ko."
"Ahh, nandoon," tinuro ko ang kinalalagyan ng abo ng kapatid niya. Napahinga siya ng malalim at parang naubusan ng lakas na naupo sa upuan.
"Ano ang ginawa mo sa mga kaibigan mo, bakit namamalipit kanina?" pag-uulit na tanong niya. Nakataas ang kilay nito sa akin at nakahalukipkip.
"Nag-usap lang kami," sagot ko.
Sasagot sana si Jelie nang kumunot ang noo nito. "Naamoy mo iyon?"
Napabuga ako ng hininga. Ang kulit talaga nila.
"Amoy kandila," dagdag ni Jelie.
"Sidapa," tawag ni Bunao.
"Hinahanap ka ni Buang... I mean Bunao."
"Naririnig mo?" manghang tanong ko kay Jelie.
"Hindi ba dapat?" naguguluhang tanong nito sa akin.
"Sidapa, hindi pa tayo tapos mag-usap!"
"Tara, puntahan natin sila. Nasaan ba ako?"
"Anong 'natin'? Hindi ka lalabas. Bawal kang lumabas."
"Chos, may batas na bawal lumabas? Tara na, bakla. Malungkot dito. Baka mag-iiyak na naman ako."
"Maninigas ka doon sa ginaw!"
"Wala akong jacket na dala, pahiram muna."
"Sidapa!"
"Nagagalit na ang jowa mo, Dodong. Bilisan na natin," biro nito. Malungkot pa ang mga mata niya ngunit pinipilit niyang maging masaya.
"Kung mapilit ka, bahala kang mangatog sa ginaw."
Tumayo ako at hinintay siyang tumayo sa kinauupuan niya. Napakunot ang noo niya at lumakad papunta sa sulok ng bahay. Sinundan ko siya ng tingin. Huminto siya sa tapat ng balabal na ginagamit ko noon.
Humarap si Jelie na may nakakalokong ngiti sa mukha. "Pwede kong hiramin ang costume mo?" tanong nito.
"Hay, bahala ka!"
Mabilis niyang kinuha ang balabal na lumagpas sa kanyang paa. Itinali niya sa leeg ang laso at isinuot ang pandong sa ulo.
"Nasaan ang scythe mo? Pahiram?"
"Wala akong karit. Magtigil ka."
Natatawang lumapit sa akin si Jelie suot ang balabal. "In fairness, bagay sa akin."
"Sidapa!"
"Tara na, baka mag-break kayo ni Bunao. Saan ang daan?"
Napabuntong hininga na lang ako at pinuntahan ang nagmamakaawang si Bunao.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top