Kabanata 17- SIDAPA
Jelie
Wala na siya. Nawala siya sa mismong harapan ko; nakangiti at kumakaway. Masaya na siya na dapat ay masaya rin ako ngunit kahit gaano kalaki ang kaginhawahan na iyon para kay Julie, hindi ibig sabihin ay hindi ako nasasaktan sa desisyon ko na palayain siya.
"Julie," tawag ko sa kapatid ko kahit alam kong wala na siya dito. Kinuha na siya ni... Kamatayan. Sa mismong harapan ko. Si Dodong... bakit...
"Jelie." Nag-angat ako ng tingin mula sa pagkakadukmo ko sa nanlalamig nang kamay ni Jelie.
"Nakatawid na siya?"
Isang tango ang isinagot sa akin ni Dodong. Dumukmo akong muli sa kamay ng kapatid ko at saka umiyak. Si Dodong ay hinagod ang likod ko upang kumalma ako.
Ilang sandali pa ay dumating na ang nurse at nang makita ang lagay ko ay agad siyang tumawag ng doctor. They announced that my sister died.
Sinamahan ako ni Dodong na ayusin ang lahat.
"Jelie, kailangan mo yatang lumagda," wika ni Dodong sa mga documents na nilagay ng nurse sa kamay ko. Si Dodong ang kumuha ng mga papel at pinaalis ang nurse.
"Kalmado siyang tumawid?" mahinang tanong ko.
"Oo."
"May binilin ba siya?"
"Ingatan kita," sagot ni Dodong.
Sa lumipas na oras ay para akong lutang na namaalam rin. Kung wala si Dodong ay hindi ko alam ang gagawin. Ang sakit— parang namamanhid ang buo kong katawan. Para akong kulang na buo, namatay ngunit buhay.
Nagpasya akong ipa-cremate si Julie pagkakuha agad ng funeraria sa kanya. Wala nang rason upang paglamayan pa siya. Wala naman kaming kamag-anak at lalong walang kaibigan.
Nang araw din na iyon, naibigay sa akin ang abo ni Julie na nakalagay sa simpleng urn.
"Saan kita ihahatid?" tanong ni Dodong sa akin habang nakaupo kami sa isang upuan sa funeraria yakap-yakap ang abo ng kapatid ko.
"Wala akong mapupuntahan."
"Kailangan mong magpahinga," wika niya.
"Kailangan ko ba talaga?" balik na tanong ko. Hindi ko namalayan na tumulo muli ang luha ko. Naramdaman ko na lamang ang malamig niya kamay na dumampi sa aking pisngi upang saluhin ang mga luha.
"Ang dami kong tanong sa iyo."
Hindi kumibo si Dodong.
"Ano talaga ang pangalan mo?"
Bumuntong hininga siya at sumaldal sa upuan. "Kung sasagutin ko ang mga tanong mo ay nais kong may kapalit."
"Para ka na ring si Bunao," mahinang sagot ko.
"Nais kong magpahinga ka pagkatapos."
Isang tango ang isinagot ko sa kanya.
"Umalis na tayo dito," ani ni Dodong. Tumayo ako mula sa upuan, sumunod si Dodong sa akin at napatingin sa paligid.
Bakit...
"Paano tayong napunta sa Diplomat?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
"Maraming tawag sa akin. Nag-iiba sa paglipas ng panahon. Nag-iiba sa bawat rehiyon ngunit ang ngalan ko talaga ay Sidapa."
Nakatayo si Sidapa ilang talampakan mula sa akin.
"Ako ang diyos ng kamatayan," dagdag niya.
Napabuntong hininga ako. Naupo ako sa paanan ng krus yakap-yakap ang urn at pumikit.
"Malapit na rin ba ako? Nakasulat ba ako sa libro mo?"
"Hindi."
"Si Julie?"
"Matagal nang nakasulat ang ngalan ng kapatid mo, Jelie."
"At hindi mo siya sinundo dahil parati kong hinihiling na huwag muna?" dagdag na tanong ko. Lumingon ako kay Sidapa upang hintayin ang sagot niya. Isang tango ang binigay niya sa akin.
"Bakit mo ako pinagbigyan?"
"Dahil nakikita kong hindi ka pa handa noon."
"Mayroon bang handa sa mga mahal nilang lilisan?"
Umiling si Sidapa sa akin. "Binigyan kita ng oras dahil iyon ang nais mo at dahil nais kong pagbigyan ka," huminga siya ng malalim at saka lumapit sa akin. Naupo siya sa baradilya.
"May pakpak ka ba?"
Umiling si Sidapa at tumaas ang gilid ng labi. "Hindi ako anghel, Jelie."
"Si Bathala? Tunay ba siya?"
Isang tango muli ang ginawa ni Sidapa sa akin. "Hindi ko alam kung nasaan siya kaya huwag mo akong tanungin."
Huminga ako ng malalim at pinuno ng malamig na hangin ang baga ko.
"Kung maisusulat ako sa libro mo, sabihin mo sa akin ha. Para mapaghandaan ko."
"Kung masusulat ka sa libro ko, lalaktawan ko ang ngalan mo," wika ni Sidapa na ikinalingon ko sa kanya.
"Huwag... hayaan mo ako..."
Hindi siya kumibo.
"Magpahinga ka na, Jelie. Masyado nang mahaba ang araw na ito para sa iyo."
"Wala akong mapupuntahan. Hindi ko nais bumalik sa bahay, hindi ko nais bumalik sa kubo. Ayaw kong mag-isa..."
Isang sandaling nanahimik si Sidapa. Hindi ako sanay na tawagin siya kahit sa isipan ko na Sidapa.
"Hawakan mo muna ang abo ng kapatid mo," wika niya at inilahad ang isang kamay. Kamay na ngayon ko lamang natitigan na kasing putla pala ng patay. Inabot ko kay Sidapa ang urn ni Julie. Tumayo siya at kinuha sa akin ang urn. Pagkatapos ay...
"Matulog ka muna, Jelie," wika niya at parang pinitik niya ako sa noo at nagdilim ang paningin ko. Nawalan ako ng malay... o mas tamang nakatulog ako ng payapa ng gabing iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top