Kabanata 16- PAALAM

Sidapa

Dalawang araw ang lumipas na tahimik si Jelie. Hinihintay ko siyang kumibo pagkatapos ng nangyari sa amin nila Zandro. Pumupunta siya sa Diplomat at nananahimik lamang. Pagsapit ng gabi ay nagpapaalam na uuwi.

"Dodong," tawag niya sa akin habang nakatingin siya sa papadilim nang langit.

"Bakit?"

"Sabi mo 'di ba, kaya mong magpakalma?"

"Oo," maikling sagot ko.

"Handa na akong pagbigyan si Julie. Masyado na siyang nahihirapan."

Napatingin ako kay Jelie na nakatingin pa rin sa langit. "Handa ka na?"

"Mayroon bang handa sa sakit ng pagkawala?"

"Masasanay ka rin sa sakit, Jelie."

"Alam ko." Napabuntong hininga siya. "Alam mo ba kung paano ang process ng soul? Mahihirapan kaya ang kapatid ko? Ayaw ko siyang mahirapan pa ng tuluyan."

"Hindi... hindi siya mahihirapan. Sisiguraduhin ko iyon."

"Kaya mo?" May kaunting pag-asa sa mga mata ni Jelie na ikinalito ko ng kaunti. "'Yong sobrang kalma niya sana para hindi siya matakot."

Isang tango lamang ang isinagot ko. Hindi ko masabi sa kanya ang buong pangalan ko, lalo na kung ano ako. Baka matakot siya.

"Noon niya pa hinihiling na bitawan ko siya. Ako namang duwag ay panay hiling sa Kamatayan na huwag muna."

"Ano ang nagpabago ng isip mo?"

"No'ng pinamukha mo sa akin kung gaano ako ka-selfish para hindi siya pakawalan, in-denial ako noon. Pero after that, sa tuwing nakikita ko si Julie na tinatakasan ng lakas at nahihirapan, unti-unti kong natanggap na tama ka. Ang hiling ko lang ay lumisan siya nang hindi na nasasaktan."

Isang tango ulit ang isinagot ko kay Jelie. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang lungkot at takot para sa kapatid. "Kung kailan ka handa, sabihan mo ako."

"Hindi naman ako natatakot sa diyos ng kamatayan, maari ko siyang kausapin—"

"Alam ko, Jelie," putol ko sa sasabihin niya. "Nakakapagtaka nga at hindi ka natatakot sa kanya."

"Maari tayong pumunta ng hospital bukas."

"Gusto mong samahan ang kapatid mo ngayon?"

Umiling si Jelie. "Bawal akong matulog sa hospital. Ayaw kong matimo sa isip ko ang kalagayan niya ngayon. Gusto ko siyang lumisan na masasayang ala-ala ang bitbit ko at hindi ang pagdurusa niya sa hospital."

Inabutan ko ng panyo si Jelie na hindi na yata namalayan na tumutulo na ang mga luha. Isang pilit na ngiti ang binigay niya sa akin bago tanggapin ang panyo.

"Ilang taon ka na, Dodong?"

"Bakit mo naitanong?"

"Matagal ka na rin bang nabubuhay gaya ni Bunao at nakulong ka lang somewhere? Paano mabuhay ng matagal?"

"Huwag mong isipin na matagal kang mabubuhay, nakakatakot isipin ang mga ganoong bagay. Isipin mo na lang na ang bawat bukas na ilalagi mo ay isang biyaya at hindi isang sumpa. Sa ganoong paraan ay mababawasan ang lungkot mo."

"Ayaw kong... alam mo iyon... isang araw ikaw naman ang kailangang umalis tapos maiiwan na naman ako."

"Hindi mangyayari iyon."

Suminga si Jelie sa panyo at nag "sorry" pagkatapos.

"Alam mo Dodong, sabi ng Lola ko, maraming apo na raw niya ang inilibing niya kaya noong ipanama niya sa akin ang bertud, laking ginhawa raw sa kanya. Ang sakit sigurong ilibing mo lahat ng mahal mo sa buhay tapos ikaw hindi pa rin namamatay."

Nauunawaan ko ang ibig niyang sabihin. Tunay na nakakatakot ang mahabang buhay na hindi ko alam bakit hinahangad ng iba. Sapat na ang nakita mo ang ganda ng mundo sa maikling panahon. Isa sa nakakatakot ay ang mga tao... sa loob ng mahabang panahon, nasira nila ang dating payapang mundo. Sinasama nila sa pagkasira ng lahi nila ang mundong buong palad silang tinanggap.

"Mahirap ngunit kailangang kayanin mo," paalala ko sa kanya. Malungkot siyang tumango.

Kinabukasan ay dinaanan ako ni Jelie sa Diplomat bago kami nagtungo sa hospital. Pagkakita sa akin ni Julie ay ngumiti ito ng payak.

"Julie, siya si Dodong, 'yong lagi kong kinukwento sa iyo."

Hindi na nakakapagsalita si Julie dahil sa tubo nito sa bibig ngunit gising ang mga mata niya. Hinawakan ni Jelie ang kamay ng kapatid.

"Julie, okay na. Kaya ko na," naluluhang wika ni Jelie. "Huwag kang mag-alala sa akin. Maari ka ng magpahinga."

Isang tango ang ginawa ni Julie. Matatag ang mga mata niyang tumingin sa akin.

"Mag-iingat ka. Tumawid ka na agad at huwag kang maglalaboy pa. Okay ako, Julie."

Isang tango muli ang ginawa ni Julie. Si Jelie naman ay dumukmo sa kama upang itago ang mga luha.

"Jelie?" tawag ko sa kanya. "Yayaon na siya. May nais ka pa bang sabihin?"

"Mahal na mahal kita, Julie," wika ni Jelie nang mag-anat ito ng mukha mula sa kama. Hinalikan niya ang noo ng kapatid.

"Dodong, pakalmahin mo siya. 'Yong sobrang kalma, ha."

Hindi ako nagsalita. Nakiraan ako sa tabi ni Jelie at binuhat ang kaluluwa ng kanyang kapatid. Napatulala si Jelie nang makita si Julie sa bisig ko na nakangiti habang ang katawang lupa nito ay nasa kama.

"Ihahatid ko muna ang kapatid mo. Huwag kang aalis diyan, maliwanag?"

Tumango si Jelie sa amin. Si Julie ay kumakaway sa kapatid at nagpapaalam. Habang papalayo kami ni Julie mula sa silid siya sa hospital, nilingon ko si Jelie na naiwan doon. Umiiyak ito habang yakap ang wala nang buhay na kapatid.

"Bantayan mo si Ate ha," bilin ni Julie.

Ibinaba ko si Julie sa harapan ng isang pintuan. Ito ang lagusan patawid sa kabilang buhay.

"Mangako ka," wika pa nito sa akin.

"Pangako," ani ko kay Julie. Ngumiti ito sa akin.

"Salamat. Hindi ako natakot nang makita kita." Pumasok si Julie sa pintuan at nawala ito. Ngayon, hindi ko alam kung paano ipapaliwanag kay Jelie ang nakita niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top