Kabanata 14- ANG PROPESIYA

Sidapa

Nagpaiwan sa sakayan ng jeep si Jelie. Ayaw magpahatid sa akin kaya iniwan ko siya sa sakayan at sumunod na lang sa kanya nang hindi niya nakikita. Tama ang hinala ko na sa kubo siya pupunta.

"Sino 'yan?" tanong nito mga ilang segundo mula ng bumaba siya sa jeep. "Kung sino ka man, may kaibigan akong ano... Buang," aniya na ikinailing ko. "Kung lagalag kang kaluluwa, may kaibigan rin akong kaya kang pakalmahin, kahit forever pa."

Napabuga ako ng hininga sa kabaliwan nitong isa na ito. Lumakad ka na!

"Makikiraan sa inyong kaharian. Isang taong makikiraan papunta sa kanyang patutunguhan."

Nagsimula na naman siyang mag-orasyon. Naglakad siya papasok ng gubat kung saan naroon ang kubo niya. Ang mga espirito ng gubat ay pawang mga nakatingin sa akin.

"Wala akong kukunin," bulong ko sa kanila. Ang isang puno ay yumuko ng kaunti sa akin upang pagtugon. Payapang nakaraan si Jelie sa gubat patungo sa kubo niya.

"Juicekuh, bakla, sino ka bang sunod nang sunod sa akin. Stalker ka ano?" Humarap si Jelie sa gawi ko at namewang. "Show yourself."

Baliw yata ito!

"On the other hand, manigas ka diyan. Huwag kang papasok. Ipapatukhang kita sa espirito ng kagubatan."

Sumunod ako sa kanya sa loob ng bahay. Gaya noong una ay nahiga lamang siya sa kama doon.

"Bigyan mo pa ako ng kaunting oras, Julie," bulong niya.

Napailing akong muli. Nahihirapan na ang kapatid niya ngunit dahil hiniling niya na huwag kong kuhanin muna, hindi ko muna kinuha si Julie.

"I will be fine alone. Just not today."

Nagbuntong hininga si Jelie at naupo sa gilid ng kama. Inihilamos niya ang dalawang kamay sa mukha niya.

"Tangina, nakalimutan ko na naman ang mukha ni Dodong. Paano ko ba idi-describe kay Julie si Dodong? Hay, animal na Dodong ito, isama ko na lang kaya sa hospital?"

Bakit ang hilig magmura ng babaeng ito?

Pinapanood ko siya habang naguguluhan na nakaupo. Habang iniisip niya ang itsura ko ay mas lalo niyang nakakalimutan. Ganoon naman talaga ang nakakakita sa akin. Nakakalimutan ang mukha ko.

"Bathala, isang halik lang," sigaw niya. "Ayaw kong mabuhay ng matagal nang hindi clear skin."

Napatigil muli si Jelie sa kakagalaw. Parang may naalala ito at nagmamadaling kinuha ang kahon niya sa ilalim ng kama. Binuklat niya ang libro ng mahika.

"May point si Dodong, baka hindi naman kailangan si Bathala ang makiss ko. Baka pwedeng kahit sinong god... kahit pa si Kamatayan."

Naramdaman kong napanganga ako sa sinabi nitong si Jelie.

"Iw, si Kamatayan."

Napataas ang kilay ko.

"Si Dodong kaya may kilalang god? Shit, I need to research. Si Bathala lang ang kilala ko."

Nagsalubong ang kilay ko. Poproblemahin ko pa yata ang problema niya ngayon.

"Hay, punyeta, hindi ko mabasa ang ibang nakasulat."

Pabalang na ibinato ni Jelie ang libro sa kahon at sinipa ito papasok sa ilalim ng kama. Nahiga muli sa kama si Jelie at nakatulog.

Nang masigurado kong tulog na tulog na nga ito ay binuksan ko ang isang lagusan papunta sa bahay ko. Oo, meron akong bahay na nasa pagitan ng mundo ng mga tao at ng engkanto. Dito ay walang nakakapunta maliban sa akin.

Kinuha ko ang aklat ng kamatayan at binuksan ang mga pahina. Limang pahina na ang nadagdag at nananatiling buhay si Julie. Ang mga kasabayan niya na naisulat sa pahina ay nakatawid na sa kabilang buhay. Tanging ngalan niya ang naiwan.

Natingin ako sa mga everlasting na bulaklak na dinadala ni Jelie at naiipon ko. Hindi pa nalalanta ang mga ito. Hindi gaya noon... lahat ng hawakan ko ay namamatay.

Kung tutuusin ay maari ko na ring guhitan ang pangalan ni Julie upang matapos na ang pagdurusa niya. Siguro, hindi na muling pupunta pa si Jelie sa Diplomat kapag nasanay na siya sa lungkot ng pagkawala ng kapatid. Baka nga hindi na sila nagtagpo nila Amihan kung ginawa ko lang ang tungkulin ko noon pa. Malalagay pa siya sa alanganin ngayon.

Hinintay kong mag-umaga sa mundo ng mga tao bago ako bumalik doon. Sa hospital muna ako nagtungo at nanundo bago ako pumunta sa Diplomat. Alam kong magpapakita ang apat doon. Marapat na makausap ko sila bago dumating si Jelie.

"Sabi na at dito ka namin matatagpuan."

Napalingon ako sa likuran nang magsalita si Bunao.

"Alam mo ba kung nasaan si Jelie?"

"Tanungan talaga ninyo ako ng mga nawawala. Ano ang tunay na pakay ninyo sa tao?" tanong ko sa kanila. Minarapat nilang umupo sa semento at napilitan akong sumunod sa kanila. Si Zandro ay hindi nagsasalita at hindi ni isang beses akong tinapunan ng tingin.

"Akala ko ay titigilan na ninyo ako," pasaring ko pa.

"Naisin man namin ay ikaw lamang talaga ang gabay namin, Sidapa," makahulugang sagot ni Bunao. "At ang iyong kaibigan ay maaring makatulong din sa amin."

"Tao iyon, madaling mamatay," paalala ko sa kanila.

"Nauunawaan namin ang sitwasyon." Bumuntong hininga si Amihan at dumukmo sa tuhod.

"Siya nga ba? Kung nauunawaan ninyo ng tunay ay hindi na tayo nag-uusap sa mga oras na ito."

"Nabasa ko sa aklat ng mga alamat na darating ang araw na ito, Sidapa. Magsisimula raw ang simula sa araw na magpatuloy ang lahi ng mandirigma. Pinigilan naman kami, alam kong alam mo iyan ngunit nangyari ang dapat mangyari. Noong panahong naisulat ba ang wakas sa libro na para kay Zandro, naisulat rin ba ang pangalan niya sa libro mo?" tanong ni Carol pagkatapos ng mahabang paliwanag.

May iilan na naiwan na pangalan na hindi naguhitan sa libro ng kamatayan. Isa na roon si Zandro at si Marikit.

Tumango ako bilang sagot kay Carol na ikinaputla niya.

"At ano ang mangyayari?" halos hindi niya masambit ang tanong.

"Napaglipasan na si Zandro gaya ni Marikit na pinili kong iligtas sa hiling ni Bunao. Hanggang dumating ang oras na kailangan nilang pumanaw, hindi maguguhitan ang ngalan nila maliban na lang kung guguhitan ko."

"Kung ganoon ay maari mong pigilan ang kamatayan kung nais mo?" maingat na tanong ni Amihan.

"Amihan—"

"Rose. Kailan mo ba ako tatawagin sa pangalan ko?"

"—may kakayahan akong piliin ang nais kong buhayin tama, ngunit mawawala ang balanse ng buhay."

Si Carol ay nanahimik at mukhang malalim ang iniisip.

"Sandali... may naalala ako," wika nito pagkatapos ay tumingin sa akin. "Ang sabi sa aklat ng propesiya—'Sa pagdating ng panahon na limot na ang lahat, mayroong darating na isang babae na makakabasa ng lahat. Magbabago ang takbo ng alamat. Sa pagdating ng panahon na iyon, mabubuhay ang bagong mandirigma, makakalaya ang manggagaway at may isang babaeng hindi matatakot sa kamatayan. Magbubukas ang bagong siglo kung saan laganap na ang kasamaan ng mga tao. Ang mga nalalaman ay magiging katanungan at magsisimula muli ang lahat sa simula.' Dumating ako na nakabasa ng lahat ng nakasulat sa mahahalagang libro at nagbago ang takbo ng alamat ng Libro ng Ada. Sa pagdating ko, nabuhay ang bagong mandirigma— si Zandro— nakalaya ang manggagaway—si Bunao— at may isang babaeng hindi matatakot sa kamatayan—si Jelie. Hindi siya takot kay Sidapa."

"Nasa propesiya siya," bulong ni Amihan.

Nasa ganoong pag-uusap kami ng dumating si Jelie.

"Hi, guys," bati niya. Limang pares ng mata ang natingin kay Jelie na ikinawala ng ngiti nito.

"Bakit ganyan ang tingin ninyo na parang pagkakaisahan ninyo ako?" tanong niya. Hindi ko alam ang gagawin. Kung nasa propesiya siya gaya ng sinabi ni Carol, hindi magtatagal ay malalagay ang pangalan niya sa libro ko, gaya ng pangalan ng lahat ng kausap ko ngayon.

------

A/N
kung matatandaan ninyo sa The Book Maker, sinabi na ni Carol ang propesiya na iyan. At karamihan ay si Marikit ang hula kung sino ang babae na hindi takot sa kamatayan.
Surprise!!!
HIndi si Kit ang tinutukoy kung hindi si Jelie na hindi takot sa Kamatayan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top