Kabanata 11- KWENTO NG BUHAY
Sidapa
Tahimik akong naghihintay sumilim nang dumating sila Bunao kasama si Jelie na mukhang galit na galit. Hinintay ko silang makaakyat sa itaas.
"Hi, Dodong," bati ni Amihan sa akin.
"Problema mo?" tanong ko kay Jelie na pinagpira-piraso ang dalang everlasting.
"Naengkanto ang kapatid niya," tugon ni Bunao. Tumalon ako mula sa itaas ng krus at lumapag sa harapan ni Jelie.
"Anong engkanto?"
"Iyon nga ang hindi namin alam. Pagpipira-pirasuhin ko ang mga engkantong—"
Tampalasan!
Tinakpan ko ang bibig ni Jelie at baka marinig siya ng mga engkanto. Dinadala ng hangin ang bawat himig na nababanggit ang salitang iyan.
"Hanoba!" Sigaw niya mula sa kamay na nakatakip sa kanyang bibig. Pinagpapalo niya ang braso ko hanggang sa tanggalin ko ang kamay ko sa bibig niya.
"Maririnig ka nila."
"Walakongpake."
"Ayaw kong pulutin kita sa—" Nagpigil ako ng galit at baka madagukan ko ang babaeng ito.
"Kinuha nila ang kapatid ko," sagot ni Jelie. Nagsimula na namang mamuo ang mga luha nito.
"Ano ba! Nag-uusap lang tayo. Umiiyak ka na naman."
"Ang sabi ng mga kaibigan mo—"
"Hindi ko sila kaibigan."
"Hindi?" tanong ni Bunao.
"Tutulungan nila akong mahanap kung sino man ang may gawa nito sa kapatid ko."
"At pagkatapos?"
"Pagkatapos ay magbabayad siya."
Napabuga ako ng hangin at napatingala. "Hay, nasiraan na. Alam mo bang marami ang uri nila? Nais mo bang mailagay ang ngalan mo sa libro ng kamatayan?"
"Mayroong Book of Death?" manghang tanong ni Carol.
"Hindi kagaya ng libro mo, Carol."
"Patingin ako Sid—"
Tinitigan ko ng matagal si Carol hanggang sa magtago ito sa likod ng asawa.
"Naroon na ba ang kapatid ko? Ano ang alam mo? Ha?"
Pinagsusuntok ni Jelie ang dibdib ko habang umiiyak.
"Tama na," pigil ni Amihan sa kanya. "May mga bagay kasi na hindi maaring gawin ni... Dodong."
Bakit ba nakakabwisit ang pangalang Dodong?
"Kung matutulungan ninyo akong mahanap ang may gawa nito sa kapatid ko, tutulungan ko kayong puntahan ang Biringan."
Masasapok ko talaga!
"Hangal ka ba?!"
"At bakit hindi? Kung kilala ninyo si Bathala ay ipakilala ninyo sa akin at hinahanap ko."
Nasiraan na nga ng bait ang isa na ito.
"Bakit mo hinahanap si Bathala?" tanong ni Bunao kay Jelie.
Ayan na nga. Nasama ka na sa gulo nila. Bahala ka!
Sumandal ako sa paanan ng krus at hinayaan siyang magpakahangal.
"Hinahanap ko lang," sagot ni Jelie na ikinatawa ko ng nakakauyam.
"Hindi ka nakakatulong, Dodong!" babala ni Bunao.
"Hinahanap din namin siya. Ganito, isama na kaya natin siya. Tutal mukhang siya ang susi na hinahanap natin," mungkahi ni Amihan.
"Mandadamay kayo."
Napatingin ang apat sa akin.
"Tandaan ninyo na nawalan na kayo ng isa."
Hindi ko napansin si Zandro na bigla na lang lumitaw sa harapan ako at hinila ang kwelyo ng suot kong damit. "Kung hindi mo kami tutulungan ay hayaan mo kaming humanap ng paraan. Buhay ng kaibigan at pamilya namin ang nakataya. Hindi mo nararamdaman iyon dahil wala kang pamilya."
"Zandro," awat ni Carol sa asawa.
"Hindi mo mararamdaman ang sakit ng nawalan kaya hayaan mo kami. Ito na ang huling pagtawag namin sa iyo."
"Kung ako sa iyo ay hindi ako magsasalita ng tapos."
Binitiwan ako ni Zandro at umalis. Nakasunod sa kanya si Carol.
"Mapapahamak ka kapag sumama ka sa kanila," babala ko kay Jelie.
"Kailangan ako ng kapatid ko."
"Wala ka ng magagawa. Hindi ba sinabi sa iyo ni Bunao iyon?"
"Kung mahal mo sa buhay ang mawawala, hindi mo ba ipaghihiganti?" naghahamong tanong ni Jelie sa akin.
"Wala akong mahal sa buhay—"
"Wala kang kwentang kausap ngayon, Dodong."
Tumalikod si Jelie at sumunod kay Zandro at Carol. Naiwan si Amihan at Bunao.
"Hindi pa kayo aalis?" tanong ko sa dalawa.
"Wala ka ba kahit kaunting awa kay Jelie?" ani ni Amihan.
"Nakasulat na ang pangalan ng kapatid niya sa libro ko."
"Hindi mo ba mabubura iyon?" tanong ni Bunao. "Gaya ng ginawa ni Carol at Mhel."
Umiling ako. "Hindi."
"Aalis na kami, Sidapa. Maraming salamat. Kami na ang bahala kay Jelie," paalam ni Amihan.
"Hindi ko siya pag-aari upang ipagpaalam mo."
Malungkot na tumango si Amihan sa akin at saka umalis. Naiwan sandali si Bunao.
"Hindi ka pa aalis?"
"May narinig akong kwento noong araw," simula ni Bunao.
"Gaano na katagal iyang kwento na iyan?"
"Kasing tagal mo," nang-uuyam na sagot ni Bunao. "Ang sabi sa kwento, nagmahal raw si Kamatayan noon."
Natawa ako ng bahagya... tawang walang laman.
"Si Kamatayan iyon—"
"Iisa lamang kayo. Nagpalit lamang ang tawag ngunit iisa kayo. Ano ang nagyari sa dati mong minahal?"
Napailing ako. May kurot na naramdaman. Matagal na panahon na hindi ko naramdaman iyon. Parang bago... na luma... na parang lumilitaw na naman ang mga nilimot na pakiramdam.
"Ang sabi ng aking Ina, nito ko lamang natandaan, pasensya na—"
"Dala marahil ng katandaan ang pagiging makakalimutin."
Napatikom ng bibig si Bunao. Muli ay natawa ako ng bahagya.
"Ang sabi ni ina, minahal mo ang buhay mula sa malayo. Binibigyan ka niya ng bulaklak sa tuwing dadalaw siya sa iyo." Tumingin si Bunao sa akin at saka tumingin sa pira-pirasong bulaklak sa sahig na iniwan ni Jelie. "Hanggang sa ang lahat ng binibigay niya ay namamatay."
Hindi ako kumibo.
"At nang ang buhay ay papanaw na, doon mo isinarado ang lahat ng damdamin mo sa mundo."
"Maganda ang pagkakatahi ng kwento ng iyong ina. Mabuti at natatandaan mo pa."
Pinigilan ko ang damdamin na unti-unting nilukuban ng sakit.
"Aalis na ako, Sidapa."
"Mag-iingat ka Buang," sagot ko na ikinahinto niya at ikinatitig ng masama sa akin. "Bunao."
Naiiling si Bunao na sumunod sa mga kasama niya at naiwan akong mag-isa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top