Kabanata 10- BIRINGAN
Jelie
Sumasakit ang batok ko. Nabagok ba ang ulo ko nang bumagsak ako?
"Mukhang tinatakasan kayo ng kaibigan ninyo," wika ko sa mga estrangherong ito. "Babalik na ako ng hospital. Nawindang lang ako sa nangyari."
"Naniniwala kang aswang ang dumalaw sa kapatid mo?" tanong ni Buang.
"Ano nga ulit ang pangalan ninyo? Pasensya na at hindi ko natandaan."
"Ako si Rose, ito si Carol at Zandro at ito si Bunao."
"Ako si Jelie." Malapit sa katotohanan ang Buang sa Bunao. "Alam kong taga-Maynila kayo at hindi naniniwala sa Aswang."
"Naniniwala kami," sagot nitong si Carol. "Sa katunayan, naniniwala kami sa mga bagay na mahirap paniwalaan."
"Nauubusan tayo ng oras," sabat ni Bunao.
"Ayaw tayong tulungan ni Sid—" Napatingin sa akin si Carol at saka nag-alis ng bara sa lalamunan. "Ni Sid," pagtatapos niya sa sasabihin.
"Anong tulong ba ang hinihingi ninyo? Baka matulungan ko kayo."
Heto na naman ako. Kahit hindi kailangan ng tulong, sige lang ang presinta. I've got a Matulungin Award noong kinder.
"Puntahan muna natin ang kapatid mo," ani ni Rose.
"Oo nga pala. Okay sige, bahala kayo. Sumunod kayo kung nais ninyo."
Sumunod nga ang apat sa akin. Si Dodong ay hindi ko natanaw sa krus noong palabas kami ng Diplomat Hotel. Naglakad ako papunta sa sakayan ng jeep nang hablutin ako ni Buang—Bunao— at para akong kuneho na naitaas mula sa lupa. Napasigaw ako ng wala sa oras.
"Sasakyan," turo niya sa van na dala nila nang maibaba niya ako.
Nakatingin silang lahat sa akin pati ang mga multo sa Diplomat ay nakatingin sa akin. Napakamot ako ng ulo.
"Alam n'yo guys, nakatingin ang mga multo sa atin."
"Damn, tara na." Nagmamadaling sumakay ng van si Carol. Si Rose naman ay hinintay akong makasakay bago siya sumakay.
"So, we therefore conclude na nakakakita ka ng aswang, multo and the likes..." nababuga ng hininga si Carol sa conclusion niya habang nasa zigzag na daan kami.
"Yup."
"She may be a gifted," wika ni Rose.
It's more of a cursed.
"Alam mo ba ang Biringan?" tanong ng nagdidrive na si Zandro.
Napalaki ang mata ko at kulang na lang ay tumalon ako mula sa umaandar na van.
"Bakit alam mo ang Biringan?" balik na tanong ko sa kanyan.
"May alam ka sa Biringan?" balik na tanong ni Rose.
"May alam kayo sa Biringan?" balik na tanong ko.
"Alam mo kung saan ang Biringan?" tanong ni Bunao sa akin.
Naihilamos ko ang dalawang kamoy ko sa mukha. Naisip kong magkaila. "Lugar ang Biringan?"
"May alam siya," wika ni Zandro. "Kailangan namin ang tulong mo. Parang naroon ang kaibigan namin."
"Parang... hindi kayo sigurado." Nanlalambot akong napasandal muli. "Wala akong alam."
"May alam ka," giit ni Bunao.
"Wala."
"Mayroon."
"Mapilit ka. Eh 'di ikaw ang pumunta doon. Ayaw kong mamatay," naiinis na sagot ko. Napapreno si Zandro at kamuntikan na akong lumabas sa windshield kung hindi lang ako nahawakan muli ni Bunao sa hood na suot ko.
"Look, ganito kasi—" Nagtangka muli akong isalba ang sarili ko pero alam n'yo naman ang kasabihan, nahuhuli ang isda sa bibig.
"May alam ka nga. Sabihin mo na," utos ni Bunao.
"Hey, kung makautos ka... hari ka?"
"Ako ang huling hari ng Tondo," sagot nito.
"Dapat Asiong ang pangalan mo hindi Buang."
"Bunao," pagtatama ng apat na kasama ko sa van.
"Isang sabi mo pa ng Buang, malilintikan kang babae ka," banta ni Bunao sa akin. Nakuha ko pang humalukipkip at um-atittude.
"Nasa Samar ang Biringan," wika ko. "Iyon lang ang alam ko."
"Saan sa Samar?" tanong ni Rose.
"Puntahan muna natin ang kapatid ko at tulungan, pwede?" sarcastic na sagot ko.
"Hindi ka makakatakas sa amin."
"Bunao!" saway ng dalawang babae sa kanya.
"Alam mo, hindi tayo bati. Kaya pala ayaw kayong kausap ni Dodong. Huwag mo akong inisin Buang ka, hindi ko ituturo sa inyo ang Biringan."
Sinaniban yata ako ng engkanto at nakuha ko pang manakot sa kanila. Ako na walang alam sa Biringan ay nagpapaka-dalubhasa sa pagpapanggap na may alam. Magaling ka talaga, Jelie.
Sa hospital kami tumungo at natutulog si Julie nang dumating kami. Si Bunao ay lumapit sa kapatid ko at hinawakan ang noo nito.
"Kailan pa siya naging ganito?" tanong niya sa akin.
"Magdadalawang taon na," wika ko. "May magagawa ka ba?"
Umusal siya ng ilang salita na pamilyar sa pandinig ko ngunit hindi ko naman maintindihan. Pagkaraan ng isang sandali ay tumingin sa akin si Bunao at umiling. Napabuga ako ng hininga at sinenyasan sila na lumabas ng silid kasama ko.
"Kinuha ng engkanto ang lakas ng iyong kapatid," wika ni Bunao na nakapagpamaang sa akin. "May kinain ba siyang bigay ng mga ito?"
"Wala siyang nabanggit, although may sinabi siyang binibigyan siya ng itim na kanin ni mama na matagal ng patay."
"Doppelgangers?" tanong ni Carol sa akin.
"Hindi ko alam iyon."
"Mayroong kinain ang kapatid mo o tinanggap mula sa isang engkanto. Tatlong bagay... at kapag tumanggap ka ng tatlong bagay mula sa engkanto, mapapasakanya ka. Sa lagay ng kapatid mo ay pinili ng engkanto na kuhanin ang lakas niya," paliwanag ni Bunao.
"Putang..." Napatakip ang dalawang kamay ko sa bibig ko bago pa ako tuluyang makapagtungayaw.
"Wala na tayong magagawa."
"Sinong engkanto? Anong klaseng engkanto?" Nagsimulang manginig ang kalamnan ko.
Umiling si Bunao. "Hindi ko alam. Marami ang uri ang engkanto. Kailangan mong makausap ang kapatid mo. Baka natatandaan niya na may binigay sa kanya. Kung malilipon natin ang tatlong bagay na iyon, maari nating mahanap ang engkanto."
Nagtiim ang bagang ko sa pinaliwanag ni Bunao. Isang pasya ang nabuo sa isip ko na hindi na kinailangang pag-isipan; magbabayad ang engkanto na iyon.
"Ano ang tanong ninyo sa Biringan. Pupunta kayo? Sasama ako."
"Teka," habol ng apat sa akin. Mabilis akong naglakad palabas ng hospital bago pa ako tuluyang umiyak sa harapan nila.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top