CHAPTER 42

Chapter 42:  Acceptance

LULAN na kami ng sasakyan niya at bumibiyahe na nga kami pauwi pero walang pag-uusap ang nangyari sa pagitan namin. Sinusubukan naman niya akong kausapin at dinadaldal niya ako ngunit hindi ako nagsasalita at kapag nagtatanong siya ay tango at iling lang ang naisasagot ko.

Oo, kanina pa ako tahimik at kahit hindi ko siya masyadong pinapansin ay pinagpapatuloy pa rin niya ang pagsasalita. Siya lang ang maingay.

“May gusto ka bang kainin, Jean? Para sa dinner natin? Gusto mo bang ipagluto kita o mag-o-order na lang tayo?” Umiling lamang ako at nanatiling nakatutok sa pintuan ng kotse niya ang mukha ko, even though na wala akong nakikita. Gusto kong iparating sa kanya na wala akong interes na makipagkuwentuhan sa kanya. Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya at ilang beses na tumikhim. Nang akma niyang hahawakan ang kamay ko ay mabilis kong binawi. Hinawakan iyon ng kanang kamay ko. “Galit ka pa ba sa akin, Jean? Donna Jean...”

“Magmaneho ka na lamang,” malamig na saad ko.

“I-I am sorry, Jean...” Pumikit ako at nagpakawala nang malalim na hininga. Ilang beses na niyang sinabi ’yan.

“Mahirap magpanggap na okay tayo, Miko. Hayaan mo muna akong mapag-isa at huwag mo akong kausapin. Hindi mo naman tinupad ang sinabi ko sa ’yo na iharap sa akin ng mga taong iyon,” ani ko.

“Okay,” tipid na sambit niya. Tumahimik nga siya pero naririnig ko ang pagsinghot niya. Alam kong tahimik siyang umiiyak. Sa halip na punahin ko ulit siya ay nanahimik na lamang ako.

Sa pagdating namin sa mansion ay sinalubong kami ng pamilya niya. Nagulat pa ako dahil parang alam nila na uuwi na ako ngayon at sumama na nga ako kay Miko. Subalit hindi ko pa nga masasabi na okay na ulit kami.

“Ayayay, nandiyan na sila,” sambit ni Grandma.

“Salamat naman at naiuwi mo na sa bahay niyo ang fiancé mo, Miko. Kung ako lang talaga si Jean ay hindi kita patatawarin kahit lumuha ka pa ng dugo.”

“Grandpa. Huwag mo naman po siyang bigyan ng idea,” komento ni Miko.

“Ang bibig mo, mahal ko. Apo pa rin natin si Miko,” suway naman ni Grandma.

“Huwag mo siyang ipagtanggol, Lorainne.”

“Grandpa naman...”

Hinalikan nila ang magkabilang pisngi ko at inakay papasok ng bahay. Doon nila ako tinanong kung paano ako napapayag ni Miko na umuwi kasama siya. Siyempre nagkusang loob din ako at gusto ko lang patunayan ang tungkol sa caller na iyon. Sana nga lang ay hindi totoo. Sana nga lang—

Pero kung nagsasabi siya ng totoo. Kung ganoon... May alam din siya at pinasubaybayan niya ang bawat galaw at kilos ko?

Nauwi lamang ako sa malalim na pag-iisip at kung ano-ano na ang pumapasok sa utak ko. Panay ang pagbuntong-hininga ko. Paano kung makipagkita na lamang ako sa taong ito? Pero delikado pa rin naman. Hindi iyon maaari.

Maniniwala kaya si Miko kapag sinabi ko ang tungkol dito? Ngunit ayokong dagdagan ang problema niya. Sa ngayon ay mananahimik na muna ako.

Dalawa lang kami ni Miko ang kumain ng hapunan namin at katulad nga ng sinabi ko na hindi pa kami bati ay hindi ko siya kinikibo. Ngayon lang nangyari sa amin ang kumain ng walang imikan. Naninibago man ako pero pinagsawalang bahala ko na lamang iyon.

Hindi na ako nagreklamo pa nang sinamahan niya ako na maglinis ng katawan ko. Siya rin ang tumulong sa akin nang magbihis ako. Isang malaking bestida at may blazer pa siyang ipinasuot sa akin. Maasikaso siya kahit ang pagpapatuyo ng buhok ko ay siya pa rin ang gumawa.

Nang makahiga na ako sa kama ay inayos niya ang kumot sa aking katawan. Nang pumikit ako ay hayon na naman ang paninitig niya.

“Ano pa ang ginagawa mo riyan? Hindi ka pa ba matutulog?” malamig na tanong ko.

“Sa labas ako matutulog.”

“Bahala ka kung ayaw mong tumabi,” naiiritang saad ko at tumalikod na ako mula sa kanya. Akala ko nga ay tuluyan na siyang lalabas pero hindi.

Humiga nga siya sa tabi ko at niyakap ako kahit nakatalikod ako. Muli kong pinikit ang mga mata ko at hinayaan ko na lamang siya. Sumiksik pa siya sa balikat ko at tumatama ang mainit niyang hininga roon.

Ang huli kong namalayan ay ang paghalik pa niya sa sentido ko at sa paghaplos niya sa umbok kong tiyan.

Lumipas pa ang maraming araw at kahit papaano ay nawawala na rin ang hinanakit ko kay Miko. Bumabawi naman na siya at nararamdaman ang pagbabalik niya sa dati. Iyon nga lang ay sa tuwing sinasabi niyang mahal niya ako ay hindi ko na nagagawang sagutin pa.

Hindi naman dahil wala na akong pagmamahal sa kanya. May tamang panahon pa naman para sabihin ang mga katagang iyon. Huwag muna ngayon na dahan-dahan pa naming ibinabalik ang dati naming samahan.

Noong day-off niya ay inaya niya ako sa garden namin. Hindi ko naman siya tinanggihan dahil isa na iyon sa pag-e-effort niya na muling makuha ang loob ko.

May maliit na unan ang inuupuan ko. Kasi gawa sa kahoy ang green house namin. Siya mismo ang naglagay nito para maging komportable ako.

“Mag-l-leave ako sa trabaho ko. Kabuwanan mo na next week, Jean,” sambit niya.

“Ikaw ang bahala,” ani ko.

“Jean, okay na tayo ’di ba?” Tumango ako. “I want to hear it, baby.”

“Sabihin mo muna sa akin kung sino ang nagsabi sa ’yo na may relasyon kami ni Dr. Randell. Kaibigan ko lang naman siya, Miko. Bakit mo siya pinagdudahan at bakit wala kang tiwala sa akin?” pagsisimula ko na alam kong isa ito sa iniiwasan niyang magiging topic namin.

“Let’s not talk about that, Jean,” sabi niya at pinisil ang kamay ko.

“Gusto kong malaman kung kanino mo narinig iyon,” mariin na usal ko at bumuntong-hininga siya.

“Wala. Kalimutan na lamang natin ang nangyari.” Tumigas ang ekspresyon ng mukha ko sa sinabi niya.

“Naririnig mo ba ang sarili mo, Miko? Kalimutan? Kalimutan na lamang natin ang nangyari? Sinaktan mo ako dahil wala kang tiwala sa akin,” punong-puno ng hinanakit na saad ko. “Akala mo ay okay lang sa akin ang ginawa mo noon? Hinding-hindi ko makalilimutan ang maling paratang mo, Miko,” mahabang saad ko. Hinalikan niya ang likod ng kamay ko.

“I-I’m sorry...” basag ang boses na paghingi niya ng paumanhin. Ako naman ang nagpakawala nang malalim na hininga. Ayokong ma-stress dahil hindi iyon maganda sa kalusugan ko at saka nakapapagod din naman ang makipagtalo pa sa kanya. May simpatya akong nararamdaman.

“Alam ko rin na marami kang problema, tama? Bumagsak na naman ang gusaling pinapatayo niyo,” wika ko. Napasinghot siya. Hinanap ko ang kamay niya at hinawakan iyon.

“Ako lang yata ang walang kuwentang engineer sa pamilya namin, Jean. Akala ko pa naman ay tuloy-tuloy na ang magandang career ko pero hindi... Ang daming nangyari na hindi maganda. Nakakainis lang dahil parang may isang tao na gusto akong pabagsakin,” saad niya at nararamdaman ko ang pagpigil ng galit niyang emosyon. Kapag ganito siya ay nagagawa niyang palambutin ang puso ko.

“Nahanap niyo na ba ang taong nanakit sa ’yo three years ago?” Naramdaman ko naman ang pag-iling niya. Mariin pa niyang hinalikan ang pisngi ko at pinagdikit niya rin ang cheek niya. Nakaupo kasi siya sa likuran ko at nakakulong nga ako sa mga bisig niya.

“Hindi pa...”

Marahil ako rin ang dahilan kung bakit palagi siyang ganito. Ako nga ang dahilan ng paghihirap niya at hindi siya nagiging successful. Ngunit hindi ko naman siya kayang...bitawan na lamang dahil bumubuo na kami ng pamilya at hindi lang siya ang ama ng mga anak ko. Fiancé ko siya at ang lalaking mahal na mahal ko.

“May tiwala ako sa ’yo, Miko. Kahit na nagawa mo rin akong saktan at kinuwestiyunan ang pagmamahal ko sa ’yo...” mahinang wika ko. Humigpit ang kanyang yakap. “Sana...huli na iyon... Sana hindi ko na uulitin pa ang ginawa mo sa akin...”

“I promise—”

“Ayokong marinig ang pangako mo, Miko. Nagkaroon tayo ng matinding pag-aaway at wala akong tiwala sa mga pangakong iyan,” putol ko sa sasabihin niya sana.

“Okay po... Hindi ako mangangako pero...hindi na mauulit pa iyon,” sabi niya at hinawakan niya ang baba ko. Marahan na hinalikan niya ang mga labi ko. Ikinawit ko ang kanang braso ko sa leeg niya at hinalikan ko siya pabalik.

Ngayon niya lamang ako nahalikan ng ganito. Hanggang pisngi, noo at balikat lang ang nagagawa niya. Hindi naman dahil pinagbabawalan ko siya. Kasi baka ayaw niya lang na mabigla ako o magagalit na naman.

“Mahal na mahal kita, Miko... Paniwalaan mo sana iyon,” sambit ko at humihingal pa ako.

“Mahal na mahal din kita, Jean. Mahal na mahal...” Muli niya akong siniil ng halik at buong puso ko namang tinugunan iyon.

Sana nga lang ay tuloy-tuloy na ang magandang relasyon namin ng pinakamamahal ko. Sana lang ay hindi na mauulit pa ang eksenang napakasakit sa dibdib. Sana lang ay huling pagsubok na iyon.

Alam ko naman na darating kami sa puntong iyon, ngunit hinihiling ko na iyon na ang huli.

Pero sadyang mapaglaro nga talaga ang tadhana. Bibigyan pa rin Niya kami ng isang malaking pagsubok na hindi na namin kaya pang harapin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top