CHAPTER 40

Chapter 40: Face to face

KAHIT gaano ka rin kagalit sa isang tao kung mas matimbang ang pagmamahal mo sa kanya ay magagawa mo pa rin naman siyang patawarin ng paunti-unti. Hindi dahil isa ka lang marupok. Ayaw mo lang siyang makita na nasasaktan o takot kang nawala siya sa 'yo. Kung nasasaktan ka man niya hindi sa pisikal kundi mentally and emotionally, aminin man natin o hindi ay siya lang ang kayang gumamot sa kirot ng ating dibdib. Siya lang ang may kakayahan na tanggalin ang negatibo at agam-agam sa iyong isip at puso.

Alam kong sa mga oras na ito ay ganoon ang nangyari kay Miko. Nang walang salitang namutawi mula sa aking bibig maliban sa paghikbi ko. Tila lalabas ang aking mga mata sa sobrang sakit nito. Umakyat hanggang ulo ko at parang mahahati rin ito.

"Jean... J-Jean..." Sunod-sunod ang pagpatak ng mga luha ko. Naghalo-halo ang emosyon na nararamdaman ko.

Hindi bale na ang makaramdam ako ng sakit basta muli kong nayakap ang lalaking mahal ko. Hindi na bale kung nahihirapan akong huminga basta ramdam ko ang mahigpit niyang yakap.

"A-Ano'ng nangyayari kay Jean?" narinig kong nag-aalalang tanong ni Tita Jina, nang makita niya ang aming sitwasyon.

"M-Mom... May... may blood spotting na naman siya!" Nawalan ako nang malay pagkatapos kong marinig iyon. Kung hindi lang ako bulag ay baka umiikot na nga rin ang paningin ko.

Nagising ako sa pamilyar na amoy at ang ambiance nito. Maririnig ko ang isang monitor na alam kong nagmumula iyon sa tibok ng puso ko. May kirot sa kaliwang pulso ko at naiipit ang hintuturong daliri ko.

Wala na akong nararamdaman na sakit ng mga mata at ulo ko. Iyon nga lang, nakararamdam ako ng panghihina at mabigat ang aking katawan.

Nang sandali kong pinaglandas ang kanang palad ko sa aking tiyan ay naramdaman ko pa ang umbok nito. Inaamin ko kanina bago ako nawalan nang malay ay kinabahan ako. Kinakabahan ako at natakot sa posibilidad na mangyayari.

Gusto kong bumangon pero hindi kaya ng aking katawan. Nakaramdam din ako ng matinding pagkauhaw pero mukhang wala akong kasama sa loob ng hospital.

Tama nandito ako sa hospital. Ito ang unang beses na sinugod ako sa hospital dahil siguro sa sinabi kanina ni Miko na may blood spotting ako. Napabuntong-hininga na lamang ako.

Muli akong pumikit at may narinig ako na pamilyar na yabag ng mga sapatos. Dalawang tao ang papasok sa silid na ito.

"What the fvck are you doing here?!" Napadilat ako sa lakas ng boses ni Miko. Kahit nasa labas siya ay nararamdaman ko talaga ang lamig nito.

Sino kaya ang kausap niya at galit na galit agad siya?

"I want to see her. Let me in." Naguguluhan ako. Bakit nandito rin si Randell? Paano niya nalaman na sinugod ako sa hospital? Ano ba ang ginagawa niya rito?

"Ang kapal ng mukha mo. Sa tingin mo ay papayagan kita na makita ang fiancé ko?"

"Kaibigan ko lang si Jean. Walang—" Tinanggal ko ang dextrose sa kamay ko nang makarinig na ako ng kalampag sa labas. Nagusot ang mukha ko dahil sa kirot ng pulso ko nang tanggalin ko ang IV ko.

Kahit mabigat ang katawan ko at nanghihina talaga ako ng husto ay nagawa kong bumangon at nakababa mula sa kama. Nagpapasalamat na lamang ako at wala akong masyadong nasagi na mga gamit. Agad akong nakarating sa pintuan at inikot ko ang doorknob saka ko pinihit pabukas.

"Let go of my brother! Maganda ang atensyon namin sa pagpunta rito!" Boses iyon ng kapatid ni Randell.

"Saan ang hindi niyo maintindihan na hindi kayo puwedeng dumalaw sa kanya?!" malakas na sigaw nito.

"Miko..." sambit ko sa pangalan niya.

Maglalakad pa sana ako nang mabilis siyang nakalapit sa akin at ikinulong niya ako sa mga bisig niya. Sobrang higpit pa na parang ayaw niya akong pakawalan.

"Jean," tawag sa akin ni Randell. Pumihit sa direksyon iyon ang ulo ko pero hinawakan ni Miko ang mukha ko at inalalayan niya akong makapasok ulit sa loob ng hospital room ko.

Mahigpit kong hinawakan ang braso ni Miko at narinig ko ang mabibigat niyang paghinga.

"Papasukin mo sila, Miko."

"Huwag mong subukan na maubusan ulit ako ng pisi ng pasensiya, Donna Jean," malamig at may diin na saad niya.

"Papasukin mo siya para malaman mo na wala naman kaming relasyon!" Hindi niya ako pinakinggan. Narinig ko lang ang malakas na pagsara ng pintuan. Pinangko niya ako at maingat na ibinaba sa kama. Mabilis na gumapang ang isang kamay ko sa kama at nahawakan ko ang unan. Walang sabi-sabi ko itong ibinato sa kanya.

Narinig ko lang ang pag-tsk niya at kukuha pa sana ulit ako nang pinigilan na niya ako. Hinawakan niya ang kaliwang kamay ko at dahil nasa malapit na siya ay ilang beses kong pinalo ang balikat niya.

"Ayoko sa 'yo! Ayoko sa 'yo!" sigaw ko at nag-init ang sulok ng mga mata ko.

"Mas gusto mo ba ang lalaking iyon?!" sigaw niya sa akin pabalik para lang magsimula akong humikbi.

Dahil sa galit niya ay nagagawa na niya akong pagtaasan ng boses. Nagagawa na niya akong pagalitan at parang hindi na siya ang Miko na kilala ko. Ibang-iba na siya ngayon. Dahil lang sa maling paratang niya ay mabilis din nagbago ang pag-uugali niya.

Hindi siya ang boyfriend ko sa Pangasinan na mabait at maalalahanin!

"Ayoko sa 'yo dahil naiinis ako sa 'yo! Akala mo ay ikaw lang ang marunong magalit?! Ako rin! Ako rin ay galit na galit sa 'yo!" umiiyak na sigaw ko at napahawak ako sa tiyan ko ng makaramdam ako na tila may sumisipa.

"Jean..." May himig na pag-aalala na naman ang boses niya.

"Huwag mo akong tawaging ganoon! Hindi ko alam... kung saan mo nakuha ang ideyang niloloko lang kita at gusto kong ipalaglag ang ating mga anak! Kilala mo ako, Miko... Kilala mo ako na mas mahal ko ang mga taong nasa paligid ko! At ang anak ko pa na magagawa kong saktan?! Wala kang karapatan para kuwestiyunin ako sa pagmamahal ko sa kanila!" sigaw ko para lang hingalin ako sa lakas ng boses ko.

"Wala akong karapatan? Anak ko rin ang mga sanggol na dinadala mo!"

"Anak mo nga sila...pero ako na kanilang ina? Pinaghinalaan mo pa ako na masama! Mahal kita at ang magloko lang ang huli kong gagawin!" Naramdaman ko naman ang paglalakad niya patungo sa pintuan. Hinila ko ang unan malapit lang sa akin at muli ko siyang binato. "Ganyan nga! Mahilig kang maglayas ng hindi pa tayo tapos mag-usap! Ganyan ba kababaw ang tingin mo sa akin, Miko? Hindi pa ba sapat ang dalawang taon nating relasyon para paghinalaan ako na may ibang lalaki akong nagugustuhan bukod sa 'yo?! Ganyan ka ba kababaw at mas pinapaniwalaan mo ang mga taong nagsasabi sa 'yo na niloloko lamang kita?! Ang kitid ng utak mo! Napakakitid!"

"Tama na... M-Masama sa 'yo ang—"

"Wala akong pakialam! Miko, ikaw ang higit na pinagkakatiwalaan ko ngunit nagagawa mo lang din akong saktan... W-Wala kang.. puso..." Umaagos na ang mga luha ko sa aking pisngi. Namamaos na rin ang boses ko at walang tigil ang paghikbi ko.

Bumukas ang pintuan. "Ano na naman ba 'to, Miko? Bakit mo pinapatulan si Jean? Alam mong sensitibo ang pagbubuntis niya," suway sa kanya ni Kuya Markus.

Tinabig ko ang kamay niya nang punasan niya ang pisngi ko. I heard him hissed.

"Huwag mo akong hawakan!" asik ko sa kanya at pinagtulakan ko siya.

"Calm down, please..."

"Sabi kong huwag mo akong hawakan! Umalis ka na lang!"

"Oo na! Hindi mo ako kailangang sigawan dahil hindi naman ako bingi!" Lumakas lang ang pag-iyak ko.

"Miko!"

"Nakakaubos ng pasensiya, Kuya!"

"Lalaki ka at habaan mo ang pasensiya mo. Gusto mo bang mapahamak ang mag-iina mo?"

"Sino ang may gusto na mapahamak sila?" laban niya at ramdam ko ang titig nito sa akin.

"Kuya Markus... Puwede bang...umuwi na ako ngayon?" tanong ko.

"Yes."

"Doon na muna po ako sa bahay ng kuya ko," sabi ko at hinawakan ni Miko ang kamay ko.

"You can't do that, Miss," pigil na pigil ang boses niya na mabasag pero wala na akong pakialam pa sa kanya.

"A-Ayaw ko po munang...makasama si Miko." Sunod kong narinig ang kanyang paghikbi. May kirot sa dibdib ko dahil umiiyak siya.

"Baby..."

"Nagawa mo rin naman akong tiisin... Alam mong...buntis ako... Pero hinayaan mo akong...mag-isa... Hinayaan mo akong...umiyak sa gabi sa kaiisip ng mga sinabi mo at akusasyon..." mahinang sambit ko at nag-uunahan na naman ang aking luha.

"Jean..."

"Wala ka namang oras para alagaan ako... Unahin mo muna ang trabaho mo at gawin mong prayoridad. Magiging abala lang ako sa 'yo at kung nasa poder mo ako... magiging delikado rin ang kalagayan namin ng mga anak mo... Mas mabuting... lumayo muna tayo sa isa't isa, Miko." Sa sinabi ko ay mararahas ang bawat paghakbang niya at lumabas siya ng silid. Pabagsak na isinara ang pintuan.

Pinunasan ko ang luha ko gamit ang likod ng kamay ko. Marahan naman tinapik ni Kuya Markus ang ibabaw ng ulo ko.

"That's a good choice, Jean. Lumayo ka muna sa kapatid ko dahil nagiging toxic na siya. Matigas ang ulo ni Miko at alam mong hindi iyon nakikinig sa amin."

"M-Mahal ko po siya, Kuya... Salungat po ang gagawin ko dahil nagagawa na niya akong kausapin ulit pero...hindi ko lang po maiwasan ang masaktan dahil wala siyang tiwala sa akin... Gusto ko munang lumayo sa kanya para maranasan niya ang magtiis din sa akin..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top