CHAPTER 35
Chapter 35: Accident
TATLONG buwan na ang pinagbubuntis ko at sa mga panahon na iyon ay palaging si Tita Jina ang kasa-kasama ko sa aming mansion. Pati na ang isa naming kasambahay na palaging nagbabantay sa akin at sumasama rin siya sa flowershop. Tumutulong na rin siya, dumarami na rin kasi ang customer namin, eh.
Binibisita rin ako palagi nina Ate Theza, Rea, Ate May Ann at Ate Novy. Pati na rin ang iba pa. Si Kuya Michael ay hindi niya pinakawalan ang Mommy ni Lenoah. Dahil sa halip ay tinawagan niya ang mga nakababatang kapatid nito at pansamantalang nanatili sa mansion nila. Nakiusap kasi siya, goods hindi galit sa kanya ang mga kapatid nito.
Siya naman ay sa bahay ng parents niya siya umuuwi. Tinitingnan niya lang kung maayos ba ang kalagayan ng mag-ina niya. Sa ganoong sitwasyon na siya dumidistansya at hinahayaan na muna niya ito na makasama ang mga kapatid nito.
Na wala muna siya sa tabi ng kanyang mag-iina. Matigas din naman kasi ang puso ni Ate Novy at nagawa niya ring tiisin si Kuya Michael. Alam kong may pagmamahal pa naman siya. Nasaktan lang siya at takot ng magtiwala pa, ngunit pasasaan ba’t malalampasan pa rin niya iyon. Masakit naman talaga ang masaktan ng lalaking mahal mo na lubos mong pinagkatiwalaan.
Mabuti na lamang ay mabait ang fiancé ko at ako pa ang mas natatakot na baka ako ang makapanakit sa kanya. Hindi ko kaya iyon.
Ang kaso lang ay mukhang nagkaroon ng problema si Miko. Kahit hindi ko siya nakikita ay alam kong bagsak ang kanyang mga balikat. Panay rin kasi ang pagbuntong-hininga niya at matamlay rin siya noong binati niya ako.
Nagpasama tuloy ako sa kasambahay namin para lang ipagtimpla siya ng kape. Mayroon siyang opisina rito at doon kami nagtungo.
“Ilagay mo na lang po sa table, Ate,” ani ko sa kasambahay namin. Alam ko naman kasi na mas matanda siya kaysa sa akin.
“Baby,” tawag niya sa akin at inalalayan niya akong makaupo sa tabi niya.
“Okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong ko sa kanya at hinaplos ko ang panga niya.
“Hindi,” tipid niyang sagot sa akin. Sabi ko na nga ba na hindi siya okay.
“Sabihin mo kung ano ang problema mo. Baka matulungan kita, Miko,” utas ko.
“Ayokong ma-stress kayo ng triplets natin, Jean. Okay lang po ako, Miss. Huwag mo akong alalahanin. Dapat nga ay ako ang mag-alala sa kalagayan mo dahil hindi lang isang munting Jean ang dala-dala mo,” naaaliw na sambit niya at ako naman ang napangiti. Munting Jean. Gusto ko ang tinuran niya.
“Ayos lang din ako. Mukhang malungkot ka kasi,” giit ko at bumuntong-hininga pa siya. “Ano na? Sabihin mo na sa akin, please...” Hinalik-halikan ko ang pisngi niya. Marahas na bumuga siya nang hininga.
“Ang pinapatayo naming building. Gumuho iyon at balik...sa umpisa ang gagawin namin. Nagsisimula pa lamang kami pero pumalpak na agad ang unang project namin,” problemadong saad niya. Ramdam ko ang bigat ng kalooban niya.
“Bakit gumuho? Hindi ba matibay ang materyales na gamit niyo? Hindi ba ay sinusuri niyo ’yon?” nagtatakang tanong ko.
Sa pagkakaalam ko ay bago nila gagamitin iyon ay susuriin pa nila kung matibay ba ito o puwedeng gamitin. Sila pa naman ang mapanuring tao kasi alam nila ang trabahong ginagampanan nila. Hindi sila basta-bastang kumikilos kapag hindi sila sigurado.
“Ganoon na nga. Mas pinili kasi namin ang mababang presyo lang para makatipid kami sa budget at ang sabi rin kasi ng supplier namin ay matibay naman daw iyon. Ilang beses pa namin sinubukan at ipinakita nila ang sample nito. Akala ko ay magiging sapat na iyon pero hindi. Gumuho pa rin at ang mas masaklap maraming construction workers namin ang na-injured. Sa halip na gagamitin ang perang pambili ulit ng materyales ay nakuha na iyon para ipagamot sila sa hospital at ang natitira ay pagtustos na sa mga pamilya nila dahil nawalan ito ng mga trabaho. Sunod-sunod ang problemang dumating. Paano pa namin uumpisahan kung pati ang client namin ay nireklamo na rin kami? Hinihingi ko pa ang advance payment nila pero hindi pa rin naibigay kasi nga... Haist,” mahabang paliwanag niya.
Hinaplos ko ang balikat niya at marahan na pinisil ito. Iyon lang pala ang nagpabigat sa dibdib niya at malaking problema nga iyon. “Ganoon talaga ang buhay, Miko. Hindi tayo perpekto at minsan ay pumapalpak talaga. Baka nga may improvement ang building niyo kapag babalik kayo sa umpisa. Hindi naman siguro iyon mahirap gawin,” pag-aalo ko sa kanya.
Ang pagiging palpak at pagkakamali ay kakambal na iyon ng buhay natin. Sa halip na sumama ang loob natin at mawalan ng tiwala sa sarili ay puwede mong gamitin na instrumento iyon upang mas mapabuti mo pa ang sarili mo at kung saan ka ba nagkulang. Kung saan na puwede mong punan ang pagkukulang na iyon.
Ang gusaling pinapatayo nila ay hindi basta-basta. Kung kaya’t kailangan din ang matibay na materyales. Mas mabuti pa nga ang mamahalin ang presyo kasi alam mong matibay siya at hindi mo pagdududahan. Ang kaso lang ay hindi kaya ng budget mo. Mas mabuting may extra talaga.
“Hindi iyon ganoon kadali, Jean...”
“Ano ba ang puwede kong maitulong sa ’yo, Miko? Sabihin mo... Sabihin mo sa akin...”
“Wala. Dito ka lang sa tabi ko ay magiging maayos na ako. Gagawin ko ito para sa inyo ng magiging mga anak natin. Para ito sa pamilya natin, Jean.” Napanguso ako sa sinabi niya. Kami pa rin ang inaalala niya kahit may problema na siya lahat-lahat. Hinawakan niya ang kamay ko at hinalikan ang likod nito.
“Puwede naman siguro akong tumulong sa ’yo...” giit ko pa rin.
“Ibebenta ko muna kay Kuya Markus ang shares ko sa kompanya niya. Hindi ko puwedeng gamitin iyong shares ko kay Grandpa. Baka bawiin niya ang kompanya natin at magiging empleyado ulit ako. Ang sahod ko ay gagamitin ko muna para sa mga construction workers.”
“Kailangan mo ng pera, baby?” I asked him at naramdaman ko ang pag-iling niya. Inaasahan ko na talaga na tatanggi siya.
“Marami akong malalapitan para umutang. Nandiyan ang mga kuya ko,” sambit niya na tinanguan ko.
“Basta magsabi ka lang sa akin kung kailangan mo. Bibigyan naman kita. May natatabi akong pera at hindi ko naman ito mauubos,” ani ko.
“Hindi. Para sa iyo ’yan. Pinaghirapan mo ’yan, baby.”
“Okay. Sige na, inumin mo na ang kape mo bago pa man iyan lumamig. Ako ang nagtimpla niyan,” saad ko. Hindi niya tinanggal ang kamay niyang nasa balikat ko habang sumisimsim na siya ng kapeng ako mismo ang nagtimpla.
“Hindi ka ba pinapahirapan ng mga anak natin?” tanong niya at hinaplos niya ang baby bump ko.
“Hindi naman. Mababait sila, Miko. Sa pagkain nga ay hindi rin sila mapili. Iyon nga lang...”
“Iyon nga lang?” dugtong niya kasi hindi ko natapos ang sasabihin ko.
“Bumigat ako, ’no? Lumaki raw ang pangangatawan ko. Napapansin ko rin ang mga damit ko na hindi na kumakasya, kaya ang Mommy mo ang bumibili sa akin ng mga damit,” ani ko at pinapagaan ko lang ang dibdib niya. Ayokong problemahin niya masyado ang gusaling gumuho. Dapat tanggapin niya na hindi agad nagiging successful ang mga bagay na ginagawa natin at kailangan talaga paglaanan ng maraming oras.
“Sige raw. Bubuhatin kita hanggang sa kuwarto natin,” sabi niya at pinangko niya nga ako. “Medyo... Bumigat ka nga,” komento niya. Nakapulupot na ang mga braso ko sa leeg niya at humilig pa ako sa balikat niya.
“Ah, talaga? Medyo lang?”
“Oo, medyo-medyo lang,” natatawang sabi niya.
“Magpahinga na tayo? Wala ka ng ginagawa?” tanong ko.
“Hmm, wala na. Itinuro sa amin ni Grandpa na hindi namin puwedeng dalhin ang trabaho namin sa bahay. Dapat ang pamilya lang daw namin ang bigyan namin ng oras. Ang trabaho ay sa opisina lang dapat ginagawa.”
“Ang bait ng lolo mo, Miko.”
“Actually, iyon na ang hobby ni Grandpa. Si Grandma ang sumisita sa kanya kaya hindi na rin siya nagdadala pa ng mga trabaho niya sa bahay. Dahil magagalit daw ang misis niya,” sambit niya na ikinangiti ko. Ang sweet nilang mag-asawa. Sana ay ganoon din kami ni Miko.
“Naiintindihan ko si Grandma,” ani ko. Maingat niya akong ibinaba sa kama at inayos pa niya ang pagkakahiga ko saka niya ako binalot ng kumot. “Halika na, mahal. Matulog na tayo,” malambing na sabi ko. He let out a short laugh.
“Okay po, Miss,” he chanted. Hindi nga kami nakatulog agad dahil nagkuwentuhan pa kami hanggang sa siya na mismo ang nagpatulog sa akin. Hindi raw ako puwedeng mapuyat.
Akala ko ay magiging maayos na rin ang lahat sa kanya. Na hindi na siya mahihirapan pa. Ngunit muli siyang nagkaroon ng problema at sunod-sunod pa. Kung dati ay hinahayaan ko pa siya kasi ayoko naman siyang pakialaman pero umabot pa rin sa puntong pati siya ay nasaktan.
Anim na buwan na ang pinagbubuntis ko at mabuti na lamang ay inaalagaan ako ng Mommy niya pero kahit malaki na ang tiyan ko ay umaalis pa rin sa bahay para bantayan ang flowershop ni Ate Zedian. Nanganak na kasi siya at si Kuya Hart ang nag-aalaga sa kanya. Babae naman ang second baby nila at malusog na malusog.
Nasa hospital ako ngayon. Sumama ako kay Tita Jina kahit na ayaw niyang sumama ako kasi baka mapahamak pa raw ako. Pero hindi panatag ang kalooban ko kapag hindi ko na sigurado na ayos lang si Miko. Iniyakan ko nga noong sinabi ni Tita na sa bahay na lang akong maghihintay.
“Mom? Bakit isinama niyo pa si Jean?” agad na tanong ng fiancé ko sa kanyang ina. Inalalayan ako ni Tita Jina na makapasok sa loob.
“Gusto niya kasing sumama, eh. Iiyak lang siya sa bahay. Mas lalo silang mapapahamak. She was worried. Dahan-dahan ka lang, hija.” Tumango ako at naramdaman ko agad ang paghawak sa akin ni Miko sa aking kamay.
“Okay lang naman ako, Miss. Bakit pumunta ka pa rito? Mas mabuting nasa bahay ka na lang.” Pinaupo niya rin ako sa hospital bed niya at hinalikan sa pisngi. Hinaplos pa niya ang malaking umbok ng tiyan ko.
“Ano ba’ng nangyari, Miko? Saan ka nasaktan? May gumuho na naman ba na gusali niyo?” sunod-sunod na tanong ko.
“Baby, hinay-hinay lang. Mahina po ang kalaban.” Nagawa pa talaga niyang tumawa sa sitwasyon niya. Hinawakan ko ang braso niya pataas sa balikat niya at siya mismo ang kumuha sa aking kamay para ilagay iyon sa pisngi niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“He’s fine, Jean. Natabig lang ng isa niyang construction worker ang plywood at diretso iyon sa dati niyang pilay. Wala naman talaga siyang injury pero dinala na siya sa hospital para makita na walang nabali sa pilay niya. Dati pa naman siyang naoperahan,” paliwanag ni Kuya Markus. Delikado pa rin iyon.
“Akala ko po ay kung ano na. Sobrang nag-alala ako sa kanya. Pati ang mga babies namin ay sumisipa na rin,” saad ko at natawa na naman si Miko.
“Hindi rin naman kasi nag-iingat ’yang si Miko,” usal naman ni Tita Jina at nararamdaman ko ang pabalik-balik niyang paglalakad.
“Ma-c-confine po ba siya, Kuya?”
“Kailangan lang niyang ubusin ang dextrose niya.”
“Kuya, hindi po iyan uuwi si Jean hangga’t hindi ako kasama.”
“Sasabihin ko na lang sa doctor mo na i-discharge ka. Hindi puwedeng mag-stay rito si Jean. Sige na, lalabas muna ako para makausap na ang doctor mo.”
“Mom, pahingi po ako ng tubig,” paghingi naman niya ang tubig sa Mommy niya. Mabilis kumilos ang kanyang ina kasi nakalapit agad ito sa amin. “Thanks, Mom.”
“Pagbabalatan kita ng mansanas, anak.”
“Sige po, Mommy.” Naramdaman ko naman ang paglapit ni Miko ng bottled water sa bibig ko. “Inom ka muna, baby.”
“Ha? Hindi ba ikaw ang iinom?”
“Pinagpapawisan ka kasi. Tapos parang hinihingal ka.”
“Normal naman ’yan, dahil buntis ang fiancé mo, anak.”
“Baka po nauuhaw siya.” Hinawakan ko na lamang iyon at uminom na ako. Aminado akong nauuhaw nga ako. Ang layo rin kasi nang nilakad namin at sobrang bagal pa namin. “See, Mommy? Naubos po niya ang laman ng mineral water,” aniya at pinunasan pa niya ang butil ng tubig sa gilid ng labi ko.
“Pasensiya na. Nauuhaw nga talaga ako. Ang layo nang nilakad namin ni Tita,” nahihiyang sabi ko. Hinalikan niya lang ang sentido ko. Tapos noong binigyan na siya ng bowl ng mansanas ay ako lang ang nakauubos no’n.
Natatawa na lamang ang mommy niya at ako na lang ang binibigyan niya no’n. Kaya ako tumataba ay dahil lang dito. Malakas na akong kumain kasi apat na nga kami ang kakain.
Inabot pa kami nang gabi saka kami nakauwi. Kaya naman niyang maglakad pero inalalayan pa rin siya ng mga kuya niya. Si Kuya Markus naman ang umalalay sa akin. Magaan ang kamay niyang nasa likuran ko. Mahigpit naman ang hawak ko sa braso niya.
“Apo, ayos ka lamang ba?” Boses iyon ni Grandma Lorainne.
“Opo, Grandma. Ayos na ayos po ang pinaka-favorite niyong apo.”
“Hay naku, lahat kayo ay paborito ko. Palabiro ka talagang bata ka. Mag-iingat ka ulit, okay? Pinag-aalala mo kami masyado at isinama mo pa talaga ang fiancé mo.” Napanguso ako.
“Sorry na po, Grandma. Mag-iingat na po ulit ako,” aniya.
“Hija, ayos ka lang ba?” Ako naman ang tinanong niya.
“Opo, okay lang po ako, Grandma.”
“Ihahatid na muna po namin sila sa bahay nila, Grandma,” ani Kuya Markus.
“Okay, sige-sige.”
Nang masiguradong maayos na nga kami ay saka lang sila nagpaalam sa amin na aalis na. Nagpasalamat pa ako sa kanila.
“Ate, puwede po bang pasuyo ng gatas?” narinig kong pag-uutos niya. Gumamit pa siya ng telepono para lang mautusan niya ang kasambahay namin.
“Para sa akin ba ’yan?” tanong ko.
“Siyempre. Para makatulog ka agad.”
“Okay. Banyo muna ako. Maglilinis lang ako ng katawan.”
“Ate, puwede po bang umakyat ka muna? Kailangan ka po ni Jean.”
“Kaya ko naman na, Miko,” ani ko at nang tatayo na sana ako nang pigilan niya ako.
“Hintayin mo muna ang kasambahay natin.”
“Hindi naman na kailangan,” ani ko.
“Ayoko, Miss. Hindi pa kita kayang alalayan ngayon.”
“Kaloka ka naman,” usal ko at napakamot ako sa ulo ko. Ang overprotective niya talaga.
“Maloka ka na, basta hindi kita hahayaan na pumasok sa banyo ng walang umaalalay sa ’yo,” aniya.
“Ang OA mo—”
“OA na kung OA. Wala akong pakialam, Miss.”
“Ang sungit mo naman,” usal ko.
“Masungit—”
“Bla, bla, bla. Ang dami mong say, Engineer,” saad ko.
“Ang ganda-ganda mo.”
“Tse!” Inismiran ko siya kaya hayon na naman ang pagtawa niya.
“I love you,” malambing na sabi niya.
“Love mo mukha mo,” pambabara ko na ikinadaing niya.
Hindi naman nagtagal ay pumasok na ang tinawag niya at sinamahan nga ako nito sa banyo. Ito pa ang kumuha ng damit na susuotin ko. Hindi naman ako nahiya kasi pareho naman kaming babae. Komportable ako sa presensiya niya. Masunurin kasi siya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top