CHAPTER 33

Chapter 33: Blessings

PAREHO kami ni Miko na may magandang balita at parehas din na ikasasaya naming dalawa. Hindi na bago sa akin ang eksenang ito subalit hindi ko magagawang tanggapin dahil sa batang nasa sinapupunan ko na. Ang magiging anak namin. Hindi ko siya puwedeng isakripisyo para lang mabigyan ako ng pagkakataon na muling makakita.

Aaminin kong natuwa ako dahil isa ng pag-asa iyon para tuluyan akong gumaling ngunit mas importante sa akin ang buhay ng anak namin kaysa ang makakita ako. Isang blessing, katulad nang sinabi ko kanina.

Isa rin na oportunidad para sa akin ang muling magkaroon ng donor. Mukhang may masuwerte ring tao na kagaya ko ang mabibigyan nito. Ang mga matang iyon ay hindi pa para sa akin.

"Bakit ganyan ang reaksyon mo, Jean?" Umiling ako at ngumiti.

"Napakagandang balita naman 'yan, baby. Pero...ibigay na muna natin iyon sa iba na mas nangangailangan," sambit ko.

"Ha? Why? Actually si Grandpa talaga ang may connection no'n kaya nagkaroon agad tayo ng donor pero bakit mukhang...ayaw mo, Jean?" nalilito niyang tanong.

"Hindi naman sa ganoon, Miko. Masaya nga ako pero..."

"Jean is pregnant," diretsong sabi ni Ate Novy at naramdaman ko na natigilan siya. "Alam kong matagal niyong hinintay ito, Miko. But you can't sacrifice your unborn child para lang makakita si Jean. Maski siya ay pipiliin niyang tanggihan 'yan." Tumango ako.

Hinawakan ako ni Miko sa siko ko at nararamdaman ko pa ang panginginig ng kamay niya.

"O-Okay lang na tanggihan 'yan, 'di ba?" tanong ko na nababahala rin.

"S-Siyempre. K-Kahit na gusto kong... makakita ka na pero... T-Totoo bang... uhm... buntis ka, Jean?" nauutal na tanong niya at bumigat yata ang paghinga niya. Mukhang nabigla siya sa narinig.

Ibinigay ko na sa kanya ang gamit kong pregnancy test. Isa lang iyon pero wala ng duda na buntis na nga ako. Lalo na nararamdaman ko na rin ang sintomas ng isang nagdadalang tao. "I'll call our family physician, Miko," narinig kong sabi ni Kuya Michael.

Inabot nga iyon ni Miko at ipinaliwanag sa kanya ni Ate Novy. Hindi agad siya nakapag-react. Ramdam ko ang pagtaas-baba ng dibdib niya.

"Hindi mo ba napapansin? Lumalabas na ang sintomas ng pregnancy niya, she's really pregnant. Hey, Miko... What kind of reaction is that? Good God..." Natawa pa si Ate Novy.

Mayamaya lang ay niyakap na niya ako at naririnig ko na ang pagsinghot niya. Sumiksik siya sa leeg ko at doon siya umiyak. Maririnig na nga ang paghikbi niya. Wala naman akong ibang ginawa kundi ang yakapin siya pabalik.

"Maiwan ko na nga muna kayo at hahanapin ko pa si Lenoah." Kinawayan ko lang si Ate Novy. "Congratulations, new parents," sambit pa niya at pareho niya yatang hinawakan ang mga ulo namin ng boyfriend ko.

Inalo ko na lang si Miko, matagal bago siya nahimasmasan at saka lang kami umupo sa sofa. Nasa bahay pa rin kami ng kuya niya. "God, baby... Parang... parang nanalo lang ako sa lotto—pero hindi naman pala ako naglalaro no'n. Sobrang saya... at ang ganda ng balitang iyan, Jean. Daddy na ako, daddy na talaga ako," sabi niya at hinalik-halikan ang tiyan ko. Natatawa na lang ako sa naging reaksyon niya.

"Salamat din sa inyo ni Grandpa, Miko. Mukhang hindi pa para sa akin ang mga matang iyon," ani ko.

"Babae ang donor mo, Jean. May sakit siya sa puso. Ayaw na rin naman niyang magpagamot kasi wala na raw siyang dahilan pa para tumagal dito sa mundo. Kinausap pa siya ni Grandpa at kusang loob niyang ibinigay ang mga mata niya sa 'yo." Nanikip ang dibdib ko sa narinig.

May mga tao talaga na napapagod nang mabuhay at sumusuko na dahil lang sa wala na nga raw silang dahilan pa upang mabuhay. Sila ang mga taong matapang at hindi natatakot sa kamatayan. Kasi alam nila... Doon sa kabilang buhay ay wala na silang mararamdaman na kahit na ano'ng sakit at habangbuhay ka na rin na magiging masaya.

Sa pagkakaroon ko ng donor ay kailangan na may mga namamatay dahil doon lang kami nabibigyan ng pagkakataon upang gumaling.

"Salamat sa kanya, subalit hindi ko pa matatanggap ang mga mata niya sa ngayon, Miko. Ibigay na muna natin sa mas nangangailangan," ani ko. Sinapo niya ang pisngi ko at hinalikan pa niya ang aking noo.

"Ayokong isakripisyo ang buhay niyo ng magiging anak natin, Jean. Alam kong may darating pa na oportunidad na muli kang gumaling." Tinanguan ko lang iyon. Alam ko naman iyon, eh. Naramdaman ko na lamang ang pagluhod niya sa harapan ko. Napahawak ako sa ulo niya.

"Ano'ng ginagawa mo riyan, Miko?" natatawang tanong ko.

Naramdaman ko pa ang paghawi niya sa suot kong blouse. Napaigtad pa ako nang hawakan niya ang impis kong tiyan. Mainit kasi ang palad niya.

"Gusto ko lang siya kausapin."

"Pero hindi pa naman tayo sigurado kung totoong buntis na ba ako," ani ko. Napalabi pa ako. Siya yata ang mas excited.

"Pero baka nandito na rin siya," giit niya. Hinaplos ko na lamang ang ulo niya habang kinakausap na nga niya ang anak namin. Nang matapos siya ay hinalikan niya ang aking tiyan.

Dumating na rin ang family physician nila na tinawag ni Kuya Michael. Sinuri ako ng doctor at doon din namin nalaman na totoong buntis na nga ako.

Bumalik din kami sa tahanan namin at lahat ng mga kuya at pinsan niya ay dumating pa. Pati na ang mga pamangkin niya pero nasa living room sila na mas pinili ang maglaro. Maliit pa ang tiyan ko pero nasa silid na kami at nakaupo ako sa kama.

Si Grandma Lorainne ang katabi kong nakaupo at sa kaliwang bahagi ko naman ay si Tita Jina. Nasa paanan ng kama nakaupo si Grandpa. Sina Tito M, Kuya Markus at Ate Theza lang din ang nasa loob ng aming kuwarto.

"Ito na yata ang kauna-unahang pagkakataon na hindi matataguan ng anak ang apo natin, mahal ko," aliw na aliw na saad ni Grandpa. Sumang-ayon agad ang kanyang asawa.

Kasi ganoon daw ang nangyari sa iba. Wala silang kaalam-alam na may mga anak na sila. Mabibigla na lamang daw sila kapag makikita na nila ang mga babaeng mahal nila na may kasamang bata at talagang makikilala nila. Sa hitsura pa nga raw ay alam na nila na may dugong Brilliantes ito. Siguro nga ay mas malaki ang pagkakahawig ng mga bata sa kanilang daddy.

Ako gusto ko rin na sana kamukha ni Miko ang aming anak. Wala pa naman akong idea sa mukha ng daddy niya pero alam kong guwapo naman ito. Sa tangos pa nga lang ng ilong niya.

"Sa bunsong apo nating lalaki lang ang nagmana sa 'yo, mahal ko. Alagaan mo nang mabuti ang nobya mo, apo. Nakalulungkot man na hindi siya maooperahan dahil isang pangarap niya ang muling makakita. Ngunit panganay niyong anak ang dinadala niya. Mas piliin na muna natin siya," pahayag naman ni Grandma sabay hawak sa aking kamay. Medyo nakaramdam ako ng pag-iinit sa magkabilang pisngi ko dahil sa aking narinig na panganay naming anak.

May susunod pa nga kaming anak kung ganoon? Hala, sigurado ako na tuwang-tuwa si Miko.

"Nasabi mo na ba ito sa kuya niya, Miko? Lagot ka sa nakatatanda niyang kapatid. Binahay mo na nga at binuntis pa, " ani Kuya Markus. Na parang tinatakot niya rin ang kuya ko.

"Kuya, hindi naman 'yon magagalit sa akin, 'no? Buntis din ang asawa niya at saka ako ba ang aasahan niyo na wala kaming gagawin ni Jean sa kama namin?" Ay talaga naman, oh.

"Eh, ano naman ang connect do'n, Miko? Binuntis mo lang naman ang kapatid niya at alam naman namin na may mangyayari talaga sa inyo," segundo naman ni Ate Theza. Alam kong nagbibiro lang sila.

"Eh, natural po. Boyfriend ako ni Jean, Theza baby."

"Iyon nga. Boyfriend ka lang niya at hindi pa asawa," sabi pa ng sister-in-law niya. Natawa ang iba nang dumaing siya na parang pinagkakaisahan nga siya ng pamilya niya.

"Anyway, dito na muna ako matutulog at sasamahan ko si Jean," wika ni Tita Jina.

"Thanks po, Mom."

"Kung ganoon, kailangan na nating ayusin ang engagement party niyo." Nagulat pa ako sa sinabi ni Tito M. Engagement party? Kailangan pa ba iyon?

"Kayo po ang bahala, Dad," aniya.

"Puwede naman siguro ang civil wedding, Dad. Para maging fair naman po tayo kay Daiz. Ipinagkatiwala na po niya sa atin si Jean. Tapos ngayon..."

"Kuya naman, huwag mo akong tingnan ng ganyan," parang batang saad ni Miko.

"Lagot ka sa nakatatandang kapatid niya."

"Theza baby naman eh..."

"Stop calling my wife like that, Miko."

"Psh, Theza baby." Ay, ang kulit naman.

Mayamaya ay dumating na sina Kuya Hart, Ate Zedian at ang pamangkin ko. Nag-alala pa si Kuya pero nang makita niya ang mga taong kasama ko ay pormal na binati niya ang mga ito.

"Nabigla ka ba namin, hijo?" tanong ni Tita Jina.

"Nag-alala po ako sa kapatid ko, Tita. Tumawag si Miko na basag ang boses niya. Akala ko ay may masamang nangyari kay Jean."

"Mabuti pa ay maiwan na muna natin sila para makapag-usap na sila," ani Grandpa.

"May gusto ka bang kainin, Jean?" untag na tanong sa akin ni Grandma.

"Kayo po ba ang magluluto, Grandma?" birong tanong ko.

"Of course, malakas pa naman ako. Ako ang naghahanda ng agahan ng Grandpa niyo," sabi niya.

"Kayo po ang bahala. Salamat po." Lahat sila ay lumabas na. Ang presensiya na lamang nina kuya, Dazian at ate ang nararamdaman ko, siyempre pati na ang mahal kong nobyo.

"Mukhang alam ko na kung ano ang dahilan nang pagtawag mo, Miko," komento ni Ate Zedian.

Kapag nalaman ni Kuya na buntis na ako ay alam kong magagalit siya kay Miko. But knowing my boyfriend ay hindi siya takot na mapagalitan. Dinadaanan niya lamang sa tawa at pagbibiro ang lahat ng bagay. Ganito na ang ugali niya at wala siyang kinakatakutan.

Isa na rin ako sa mga nakasaksi na mahilig siyang mang-asar sa mga nakatatandang kapatid at pinsan niya. Ika nga ng Mommy niya ay siya mismo ang naging happy pills ng clan nila.

"Baby girl, okay ka lang ba? Wala bang masamang nangyari sa 'yo?" Halata nga sa boses ng aking kuya ang pag-aalala sa akin. Kung sabagay nga naman. Kailan nga ba siya hindi nag-alala sa akin?

"Maayos po ang pakiramdam ko, Kuya. Huwag ka pong mag-alala sa akin. OA lang po itong si Miko," ani ko.

"Inaayos ko ang papeles mo, Jean. Para sa operasyon mo nang tumawag siya. Emergency raw at kailangan kong pumunta rito. Dinaanan ko na lamang ang ate at pamangkin mo. Muntik pa akong magmadali. Ikaw talaga, Miko. Sásakalin na talaga kita kapag nagbiro ka pa sa akin."

"Baka kasi hindi ka pumunta, eh. Anyway, ito ang dahilan kung bakit tinawagan kita. Daiz, huwag ka sanang mabibigla, ha?"

"Ano ba 'yan?"

"Ano..." Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko.

"Kuya, tito ka na po," ani ko. Sana maintindihan niya agad. Nakatatakot mapagalitan.

"Ano?" naguguluhan na tanong niya. Parang nakikita ko na rin ang naging reaksyon niya. "Ano naman ang ibig—"

"Jean is pregnant, babe. Iyon ang gusto nilang sabihin," ani Ate Zedian. Saglit na naghari ang katahimikan sa pagitan namin. Wala ni isang nagsalita, maski si Ate ay hindi rin kumibo. Humigpit lang din ang hawak ni Miko sa aking kamay.

"P-Paano... Paano na ang eye-transplant ni Jean? H-Hindi na magtatagal ang donor at sa loob ng isang linggo..." Nanginig ang boses ni Kuya. Ang kalagayan ko talaga ang inuna niya.

"Hart, huminahon ka muna."

"M-Matagal... Matagal hinintay ito ng kapatid ko, Miko..."

"I'm sorry..."

"Babe, kahit na matagal din nating hinintay ang pagkakataon na ito ay hindi naman natin mapipilit ang gusto natin. Buntis ang kapatid mo at blessings ang baby nila. Pamangkin mo iyon, Hart. May mga pagkakataon lang talaga ang hindi natin inaasahan na dumarating. Sa ngayon ay unahin na muna natin ang pinagbubuntis ni Jean, bago ang operasyon niya. Matutulungan naman tayo ng pamilya ni Miko. Kilala mo rin si Jean. Mas mahal niya ang mga taong nasa paligid niya kaysa sa sarili niyang kapakanan."

"Naiintindihan ko naman... Tanggap ko naman ang pamangkin ko, babe. Sadyang nasasayangan lang talaga ako sa pagkakataon na ito," malungkot na saad ng nakatatanda kong kapatid. Isa nga rin ito sa pangarap ni Kuya Hart. Kaya nagtrabaho rin siya nang husto para mapag-ipunan lang ako ng pera para sa operasyon ko.

"Baka hindi pa ito ang tamang oras, babe."

"Sorry, kung...sana... Gumamit kami ng proteksyon ni Jean." Mahihimigan na sa boses ni Miko ang guilt.

"No, hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. It's alright, that's a blessing. Siguro nga... ito muna ang kapalaran ni Jean," ani Kuya. Naramdaman ko ang paglapit niya sa akin at ginanap ang aking kamay. "It's okay, baby girl. Proud pa rin si kuya sa 'yo. Tingnan mo nga naman, oh. Magiging Mommy ka na. Aba, ayaw mo yatang maging baby girl ni Kuya," aniya na muntik pang pumiyok ang boses niya.

"Baby mo pa rin naman ako kahit may baby na rin sa sinapupunan ko, Kuya Hart. Maraming salamat po talaga sa pag-aalaga sa akin," ani ko at maingat niya akong niyakap.

"Siyempre naman, kapatid kita," aniya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top