CHAPTER 1

Chapter 1: Donna’s Introduction

DONNA JEAN V. LODIVERO’S POV

“DJ DONNA, ano po ba ang gagawin ko? Ang boyfriend ko po kasi ay nagalit sa akin, dahil pinagselosan ko po ang pinsan niya! Hindi ko naman po kasi alam na pinsan niya ang babaeng iyon!”



Napakamot ako sa kilay ko nang marinig ko ang hinaing niya. Simpleng problema lang naman iyon, pero mahirap para sa kanila na bigyan ng solusyon. Dahil inuunahan sila ng pagdududa.


Naka-on air kami ngayon at may sarili akong confession booth. Ang Kuya Daizo Hart ko mismo ang nag-gift nito sa akin, habang nasa madilim na mundo pa rin ako at ginagawan pa niya nang paraan ang operasyon ko.

Yes, bulag ako at ilang taon na akong ganito, pero sanay naman na ako. Na kahit minsan ay hindi rin nagiging successful ang surgery ko, ngunit hindi ako nawalan nang pag-asa na muling makakita.

Dahil naniniwala pa rin ako na bibigyan din ako nang chance na makita ang magandang tanawin sa mundo. Gusto ko na si Kuya Hart ang una kong makikita. Ang pinakamamahal kong nakatatandang kapatid at ang nag-iisa kong kuya.


High school pa lamang ako nang namatay ang parents namin, dahil sa car accident at isa ako sa nadawit sa aksidenteng iyon. But I survived, dahil hindi pa iyon ang oras ko. Iyon nga lang nang magising ako from coma ay dilim na lamang ang nakikita ko.


Kung wala lang siguro si kuya sa tabi ko ay baka hindi ko kayanin at saka nagpapasalamat pa rin naman siya, dahil hindi ko raw siya iniwan. Na nilabanan ko pa rin si kamatayan.


Mahirap noong umpisa, dahil sino naman ang masasanay agad na wala kang nakikita na kahit na ano kundi ang dilim lang?


Nahirapan nga ako ngunit nakaalalay sa akin si Kuya Hart at para sa kaniya ay kakayanin ko. Hangga’t nasa tabi ko lang siya ay patuloy akong lalaban.


“DJ! Ano na po?! Hindi ko po kayang mabuhay na wala ang boyfriend ko!” Napaigtad ako sa gulat, nang muli kong narinig ang boses ng isa kong listener, na nag-c-confess sa mga oras na ito. Nahuhulog kasi ako sa malalim na pag-iisip.


“Pttff—”

“Kuya, behave,” mahinang sita ko sa aking kuya, nang marinig ko ang pagpipigil niya na tumawa.

Talaga naman, oh. Ang kapatid ko talaga ay makikinig lang siya, tapos tatawanan niya lamang ang mga hinaing ng harty ko. Paano ba naman, e hindi pa siya na-in love kahit na minsan? Mas gusto niyang alagaan ako kaysa ang magkaroon ng girlfriend.

Tatandang binata siya kapag hindi siya maghahanap ng babaeng mamahalin niya, dahil wala akong planong pakawalan siya. That’s a biro lang naman. Deserve ni kuya ang magkaroon ng family na mamahalin niya rin bukod sa akin.

“Ano ba kasi ang ginawa ng pinsan ng boyfriend mo at nagselos ka sa kaniya ng bonggang-bongga, harty?” tanong ko naman.

Harty 10.3 ang station ng booth ko, dahil gusto ko na pangalan ng aking kuya. Siya ang dahilan kung bakit naging DJ ako at may sarili rin kaming studio. Minsan pa kapag may na-i-invite kaming singer ay may bus din kami. Siyempre, may sarili kaming driver.


Si Kuya Hart kasi ay isa siyang doctor. Busy rin kung minsan, pero never siyang nawalan nang oras para sa akin. Ako kasi ang first priority niya. 24 years old na ako pero parang isa pa rin akong bata kung tratuhin niya.


“Dj Donna naman, slight lang naman po ang pagselos ko. Hindi naman po bonggang-bongga talaga,” drama pa niya na may kasama talagang pagsinghot nang malakas.


Tumingin ako sa direction ni Kuya Hart, kahit hindi ko siya nakikita ay alam ko ang ’saktong puwesto niya at kayang-kaya ko pa ring tapatan ang mga mata niya. Kung kaya’t minsan ay hindi halata na isa akong bulag.

Gumalaw ang mga daliri ko para pindutin ang isang button at nang hindi kami maririnig. Dahil sisitahin ko si Kuya Hart.


“Kuya Hart naman, e,” aniko.

“Hindi raw siya nagselos ng bonggang-bongga, baby girl. Dahil slight lang daw iyon pero sumisigaw na nga siya sa kabilang linya at umiiyak pa. Pttff—”


“Kuya! Huwag mong pagtawanan! Baka mamaya niyan ay mas bonggang-bongga pa ang pagseselos mo sa magiging girlfriend mo. Makikita mo! Ako po ang unang tatawa sa ’yo!” banta ko pero as if naman ay seseryosohin iyon ni kuya.

“Hindi iyan mangyayari, Jean. Hindi ko alam ang salitang selos,” pagtanggi niya. Malakas talaga ang loob niya. Palibhasa ay wala pa nga siyang girlfriend. Psh.


Muli ko ring pinindot ito para may maisasagot na ako sa babae. “Alam mo, harty. Hindi ka naman talaga magseselos sa pinsan ng boyfriend mo kung hindi malala ang ginawa nito—”


“Yakap lang naman po iyon at super close pala talaga nila!” sabat niya sa akin. Ay...hindi ako pinatapos na magsalita.


“Ka-harty, ang selos ay parte na iyan ng buhay natin, especially sa buhay pag-ibig, pero palagi mong tatandaan na may tamang kalalagyan ang pagseselos at kung ito ay wala sa oras ay talagang magiging complicated lang ang lahat. Ang gagawin mo lang sa boyfriend mo ay hayaan mong pahupain ang init ng ulo niya sa ’yo at hintayin mo na siya mismo ang unang pupunta tayo upang makipagbati,” mahabang litanya ko.

Galit na galit po talaga siya, DJ...”

“Ano ang ginawa mo para magalit siya?” I asked her again.


“Nasabi ko po na magsama silang dalawa ng pinsan niya at break na kami!” sigaw niya at napahilot naman ako sa sentido ko.

“Iyan ang sinasabi ko na may kinalalagyan ang selos. Kung nagseselos po tayo ay huwag nating hayaan na lumabas mula sa ating bibig ang salitang pakikipaghiwalay. Kahit nasabi mo lang iyon sa sama nang loob ay puwede pa ring mauwi sa totoong hiwalayan. Tandaan ninyo po palagi, mga ka-harty. Isa mang biro ang salitang break-up ay hindi pa rin po iyon maganda. Minsan ay nagiging sakit po iyan emotionally, kasi parang lumalabas din po na ang dali-daling sabihin ang mga katagang iyon na parang balewala na agad sa ’yo ang feelings. Ka-harty, ang isang maliit na bagay na pagtatalunan ninyo ay huwag po nating palakihin,” mahabang saad ko at nagsunod-sunod na nga ang paalala ko sa kanilang lahat bago ako nagpaalam.

Nagpatugtog na ako ng kantang ni-request ng babae kanina at kahit papaano naman ay nawala na raw ang bigat sa dibdib niya. Hintayin na lamang daw niya ang sinabi ko na pupuntahan siya ng boyfriend niya para makipagbati sa kaniya. Hindi naman ako nagkakamali sa mga nagiging hula ko. Dahil lahat nang sinasabi ko ay nagkatotoo naman.


“Kumain ka muna, Jean.” Pinaandar ko lamang ang upuan kong may gulong at naramdaman ko na may pumigil nito para ipirmi na rin sa kinalalagyan nito.


Agad kong hinawakan ang spoon. Hindi naman pinaramdam sa akin ni kuya na wala akong silbi. Dahil sinasanay niya rin ako sa lahat ng bagay.


Hinawi ni kuya ang buhok ko na humaharang sa mukha ko para makakain ako nang maayos.


“Thank you po, kuya,” pasasalamat ko. Caldereta ang niluto niya.


May mini-kitchen kasi ang bus namin at may mini-bed din. Na minsan ay rito kami natutulog pero kailangan ay nasa lugar lang na hindi ka huhulihin ng mga pulis. Pero malaki naman ang connection ni kuya sa nakatataas sa kaniya.


“Zed, ’lika muna. Kumain ka muna rito,” pag-aaya niya sa driver namin na kaibigan naman ni kuya. Nakalimutan kong tawagin siya para kumain ng dinner namin. Yes, dinner time pa lamang ngayon.


Naramdaman ko ang marahan na paglalakad nito palapit sa amin at umupo siya sa tabi ng aking kapatid.


“Hindi ka ba na-stress, Jean?” tanong sa akin ni Ate Zedian. Babae siya at sinadya siyang kunin ni Kuya Hart para maging comfortable rin ako.


“Hindi naman. Sanay na ako, e,” sagot ko habang marahan na kumakain.

Magkasing edad lang silang dalawa at hindi naman na talagang driver iyang si Ate Zed. Dahil isa rin siyang writer, part time job niya lang daw ang pagiging driver niya, dahil gusto niya na palaging gumagala ang aming bus.

“Sino ang hindi masasanay, e ilang taon na siyang ganyan?” saad ni kuya.


“Hindi raw po siya marunong magselos, Ate Zed,” aniko.

“Ganoon daw kapag hindi pa in love, Jean,” pagsang-ayon niya na ikinasimangot ko.

“Eh, ikaw po ba?”

“Hindi rin. Nakakain ba iyang selos, DJ Donna?” naaaliw na tanong niya at napasimangot ako lalo.


“Oh, baka kaya hindi ninyo nararamdaman ni kuya ang selos, dahil may lihim talaga kayong pagtingin sa isa’t isa na parehong wala rin kayong kinahuhumalingan na ibang tao!” bulalas ko at nakarinig na lamang ako ng isang bagay na tila nahulog sa plato nito. Sunod-sunod na napaubo si Ate Zedian.


Napangisi ako dahil tama pa rin naman ang hula ko at ang nararamdaman kong atmosphere sa paligid namin. Kailan ba ako nagkamali?

Matagal ko naman na talagang nararamdaman ito pero ngayon ko lang nasabi, dahil pinagkaisahan nila ako. Nakakain nga ba ang selos?


“Damn, are you okay, Zedian?” nag-aalalang tanong ni kuya.

“I’m...”

Pangiti-ngiti pa akong kumakain at alam ko na nakatitig silang dalawa sa ’kin.

“Kuya, Ate. Hindi po maganda kung itatago natin ang feelings natin. Dahil baka mahuli po tayo, magsisisi po tayo na hindi natin naiparating iyon sa isang tao kapag nakahanap na po siya ng iba. Pero sabi ninyo ay hindi ninyo alam ang salitang selos, dahil may feelings kayo sa isa’t isa. Nakikita ninyo na walang isang tao ang puwedeng pumasok sa buhay niyong dalawa. Ang tanong... Hanggang kailan po kayo ganyan?” tanong ko na hindi na nila sinagot pa.


Donna Jean V. Lodivero, 24 years old at naging guro ako sa pagdating sa love. Isang DJ at sa madilim kong mundo ay naghatid naman ako ng magagandang aral, love life ng iba.

But believe me, wala pa rin akong karanasan pagdating sa pag-ibig. Ngunit naniniwala ako na darating ang araw ay mami-meet ko rin si someone at mararamdaman ko rin ang love na iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top