CHAPTER 40
Chapter 40: Ampon
HINDI ko na gustong bumalik pa sa lugar na pinagmulan ko. Kaya ko ginawa ang lahat upang makatakas ako sa poder ng mag-asawang umampon sa akin. Subalit heto ako ngayon. Nakabalik pa rin ako at isinumpa ko na ito dati pa.
Kakambal ko na nga talaga ang malas at hindi ako maaaring maging masaya na tila wala akong karapatan. Minsan ko na nga lang pinagbigyan ang sarili ko na magsaya kasama ang lalaking hinahangaan ko ay saka pa ako maibabalik sa impyernong ito. Walang katapusan na paghihirap na tila ito na nga ang kapalaran ko at wala akong ibang choice kundi ang tanggapin na lamang ito.
Hindi ko na rin alam kung muli ko pang makikita si Milkaine o baka hindi na.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Wala akong malay noong dalhin nila ako sa Japan. Kakaibang gamot ang sleeping pills na itinurok nila sa leeg ko.
Kung nagising lamang ako ay baka magagawa ko pang makatakas. Pasalamat na lamang ako at hindi nila ako pinagsamantalahan habang wala pa rin akong malay. Malalaman ko pa rin kasi kung ginalaw nila ako.
Maglilimang araw na akong nakakulong sa madilim na silid na ito. Alam kong nasa basement ako ng bahay. Noong nagkamalay ako ay isang araw na walang laman ang sikmura ko. Tiniis ko ang gutom at uhaw. Pero dahil mapakikinabangan pa ako ay binigyan pa rin nila ako ng makakain. Isang araw lang akong walang kain pero pakiramdam ko ay nagtagal iyon ng isang linggo dahil sa sunod-sunod kong pagsubo ng kanin na muntik pa akong mabulunan.
Nakarinig naman ako nang marahan na yabag ng sapatos sa hagdanan at ang pagtanggal ng lock sa pinto kasabay ang pagbukas nito. Mula sa labas niyon ay pumasok ang liwanag at ang isang ginang na nagpahirap sa akin. Suot niya ang mamahalin niyang bestida.
Nakaupo lang ako sa malamig na sahig at yakap ang mga binti ko. Maliban sa mga karton na nasa loob nito ay wala na ibang mapakikinabangan dito. Wala sana akong balak na matulog dahil gusto kong magbantay pero hindi ko pa rin mapigilan ang antok.
“Froyee, sariwa pa ba ang pagkababae mo?” nakangising tanong ng asawa ng hapon.
Siya ang ina ni Haruki, ang nanay-nanayan ko. May dala na naman siyang tray na naglalaman ng mga pagkain. Ibinaba niya iyon sa sahig na nasa harapan ko mismo. Ang tinutukoy niyang sariwa ay kung birhin pa ba ako.
“Ilang beses ko nang sinabi sa ’yo na hindi na ako birhin,” matigas na saad ko at sa labis na galit ay malakas na sinampal niya ako pero hindi ako nagpakita nang kahit na ano’ng emosyon.
“Hindi na ako nagtataka pa, Froyee. Tumakas ka rito sa poder ko pero naging pûta ka rin pala sa bansang iyon. ’Di hamak na mas maganda pa ang buhay mo rito kaysa roon,” usal niya at malamig ang mga matang tiningnan ko lang siya.
“Nagkakamali ka,” sambit ko.
“Huwag mo akong sagot-sagutin, Froyee.” Hinawakan niya ang panga ko at sa higpit nito ay bumaon ang mahaba niyang kuko sa balat ko. “Tandaan mo na ako pa rin ang nagpalaki sa ’yo, pinakain at binihisan kita!”
“Pero ginawa mo rin naman akong pûta!” sigaw ko nang hindi ko na rin napigilan na sigawan siya.
“Dahil doon ka lang makababawi sa utang na loob mo sa amin!”
“Eh, ’di sana hindi mo na ako inampon noon!” Hindi na lang sampal ang ginawa niya at sinabunutan pa niya ako. Kahit masakit ang paghila niya sa buhok ko ay tiniis ko ang sakit at hindi ako magpapakita sa kaniya ng kahit na ano’ng emosyon.
“Huli na para magsisi! Bumalik ka na lang sa dati at magbigay ng aliw sa mga customer natin nang may mapala ka pa!” nanggagalaiting sigaw niya sa ’kin.
“Hindi. . . Hindi na ako susunod pa sa mga inuutos mo, Mama.”
“Tingnan natin. . . Halika, ipapakita ko sa ’yo kung ano ang nangyari sa taong tumulong sa iyo noon. Pinili mo ang kalayaan, Froyee? Puwes paghihirap at hinagpis ang isinukli mo sa kaniya!” Parang binundol nang kaba ang dibdib ko sa narinig na sinabi niya.
May hinala ako na baka si Hiruki ang tinutukoy niya pero wala naman siguro silang ginawa dahil anak nila ito. Mahigpit niyang hinawakan ang braso ko at buong puwersa niya akong itinayo. Dinala niya ako sa labas at hinang-hina ang katawan ko dahil sa nararamdaman kong kaba. Natatakot ako na baka may ginawa sila kay Hiruki.
Huminto kami sa isang silid at natitiyak kong nasa basement pa rin ito. Sinipa niya lamang ang pinto kaya bumukas ito. Dilim lang ang makikita ngunit hinanap niya ang switch ng ilaw at tumambad sa ’kin ang isang lalaking nakaratay sa maliit na kama.
Ang mas ikinagulat ko ay ang kaliwang binti niya na may puting tela ang nakabalot doon.
“H-Hiruki. . .” sambit ko sa pangalan niya at bumitaw ako kay Mama Chalmer. Parang dinudurog ang puso ko sa nakita kong kondisyon niya.
Malaki ang pinagbago ng katawan niya. Nangangayat siya at humahaba na rin ang buhok niya.
“Tingnan mo ang bunga ng ginawa mo, Froyee. . .” nakangising saad niya.
“Ano’ng ginawa mo?! Ano’ng ginawa mo sa kaniya?!” galit na galit na sigaw ko at kulang na lang ay sugurin ko na siya para saktan din. Kating-kati ang palad ko na sampalin siya.
“Pinakagat namin sa aso!” natatawang sagot niya. Nandilim ang paningin ko at akma na akong lalapit sa kaniya nang may humawak sa pulso ko. Nakita kong si Hiruki iyon na nahihirapan pa siyang iangat ang katawan niya. Binalingan ko ulit ang babae.
“Napakasama ninyong mag-asawa! Anak ninyo si Hiruki! Paano ninyo nagagawa ’to?!”
“Froyee, wala akong anak na traydor! Kaya ikaw, ihanda mo na ang sarili mo kung gusto mong mabuhay pa ang lalaking iyan. Alalahanin mo na may pinapainom kaming gamot sa kaniya para sa sugat niya.” Pagkatao niyang sabihin iyon ay iniwan na niya kami. Nakaupo ako sa kama at tiningnan ko ang kalagayan ni Hiruki.
Sunod-sunod na pumatak ang mga luha ko. Ngayon lang ulit ako umiyak. Naaawa ako sa kalagayan niya.
“H-Hiruki. . . A-Ano’ng nangyari?” naiiyak na tanong ko at hinawakan ko ang panga niya. Dahan-dahan naman siyang umupo at hinawakan niya ang kamay ko. Gusto kong malaman ang nangyari sa kaniya. Gusto kong malaman ang lahat-lahat pagkatapos nang pagtakas ko. “Ano’ng ginawa sa ’yo ng mga taong iyon?! Sumagot ka, Hiruki!” sigaw ko at inalog ko pa ang balikat niya para lang magsalita siya.
“A-Ayos lang ako, Froyee. . . B-Bakit nagpahuli ka pa rin? Bakit bumalik ka pa rin dito?” tanong niya at hinampas ko siya sa dibdib niya. Narinig ko pa ang mahinang pagdaing niya.
“S-Sagutin mo ang tanong ko, Hiruki. A-Ano’ng ginawa sa ’yo ng mga magulang mo?” muling tanong ko. “Gusto kong malaman ang lahat-lahat. Sabihin mo sa ’kin, please. . .”
“N-Noong nakaalis ka. . . Dinakip nila ako at dinala sa isang lugar. May malaking aso na inalagaan si papa at pinahabol nila ako. Kinagat ng aso ang binti ko. Pasalamat na lang ako at pinagamot nila agad ako pero hindi tuluyang naghilom ang ang sugat,” paliwanag niya at ramdam ko sa boses niya ang kakaibang takot at kaba.
“B-Bakit nila nagawa iyon sa ’yo? Anak ka nila,” mariin na sambit ko. Umiling lamang siya.
“Hindi, Froyee. . . Hindi nila ako tunay na anak dahil hindi nila magagawa iyon sa akin,” sabi niya at tumigas ang ekspresyon ng mukha niya.
“Ano. . . Ano ang ibig mong sabihin?” kinakabahan na tanong ko.
“Ampon din ako, Froyee. . .”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top