TBH 68: Magtutulungan

Sa bawat hakbang na gagawin ni Aikah humahakbang naman palayo ang sinumang madadaanan niya. Rinig na rinig rin niya ang mga bulungan nila.

"Siya iyong anak ng babaeng kriminal di ba?"

"Oo nga. Dito pa talaga siya nagtransfer."

"Umiwas kayo baka mamaya matulad kayo sa tagapagmana ng Lionheart."

"Kung gano'n, totoo ngang may pumatay sa panganay na apo ng yumaong Don?"

"Pinapatay nga ng kanyang ina si Miss Airah, kaya posibleng sila din ang nagpapatay sa Donya at sa panganay na apo di ba?"

"Bakit siya hinayaang makapasok dito? Hindi dapat tumatanggap ng mga anak ng kriminal ang paaralan natin."

Lalong napayuko si Aikah. Wala na siyang mapupuntahan. Lahat nalang ng mga nakakakita sa kanya, tinatawag siyang anak ng kriminal.

Nanlalabo na naman ang kanyang paningin at nagbabadya na namang tumulo ang mga luha sa mga mata.

Walang may gustong lumapit sa kanya o ba kaya kausapin siya. Madalas pang naapi na mas malala pa dati.

Hawak niya ngayon ang tray kung saan nakalagay ang in-order niyang pagkain sa canteen nang bigla na lamang may bumangga sa kanya.

"Ops! Sorryyyy." Sabi ng babaeng bumangga sa kanya na ikinabitaw niya sa hawak na tray. Kumalat sa sahig ang pagkaing in-order niya. Umalingawngaw naman sa paligid ang tawanan.

"Pasensya na ha, di ko sinasadya." Maarteng sabi ng babae habang nakalagay ang isang kamay sa bibig.

Tumulo naman ang luhang kanina pa pinipigilan ni Aikah.

"Oemje umiyak siya." Sambit ng babae at suminghap. "Wag kang umiyak please. Natatakot na ako. Baka mamaya ipapatay din ako ng Mommy mo." Niyakap ang sarili at kunwari nanginginig sa takot. Sabay tawanan na naman ng mga nasa paligid.

"Ops! Sorry rin." Sabi ng pamilyar na boses kasunod ng hiyaw ng babaeng nakahilamos na ngayon ng kanin, pansit at iilang buto ng isdang nakabitin na ngayon sa kanyang mahabang buhok.

Maririnig ang malakas na singhap ng lahat kasunod ng katahimikan. At ang ilan ay napapigil pa ng hininga.

Napaangat ng tingin si Aikah at nakita ang babaeng nakaawang ang bibig habang namimilog ang mga mata na tila ba gulat na gulat sa sinapit. Napatili itong muli makita ang bituka ng isda na nakabitin sa buhok.

"You b*tch. How dare you." Nanginginig ang boses na sigaw ng babae.

"Sorry miss. Im not a b*tch but a monster. A beautiful dangerous monster. Wanna try how monstrous I am?" Sabi ng babae na may nanghahamong ngiti sa labi. Nakamaskara ito at nakasumbrero. May mahabang buhok na halos tumakip na sa mukha kaya di nila makikita ang hitsura nito.

"Who are you?"

"Aikah's monster sister I think?" Sagot ng babae.

May kilala bilang monster sister ng mga Lionheart noon, iyon ay ang tunay na tagapagmana ni Don Art at ang tunay na Lionheart.

"Miss Airah?" Napaatras ang babae matapos makilala kung sino ang kaharap.

Narinig nilang palaging ipinagtatanggol ni Airah ang mga kapatid na inaapi ng iba ngunit nagbago ito noong pinagtangkaan siya ng masama ng mga sariling kapatid.

Tatalikod na sana si Airah ngunit tinawag siya ng babae.

"Sandali."

Tumigil siya at nilingon ito. Napalunok ng laway ang babae makita ang cold niyang tingin.

"Masama ang babaeng ito bakit mo siya ipinagtanggol? Ginawa ko lang ito dahil ipinaghihiganti kita."

"Tama. Kaya ako naiinis sa babaeng ito dahil sa ginawa nila sa pamilya ni Airah kaya di dapat ipagtanggol ni Airah ang anak ng babaeng pumatay sa kanyang Kuya di ba?" Habang iniisip na tama siya sa ginawa niya kay Aikah muli na namang itinaas ng babae ang noo.

"Oo nga naman. Hindi niya dapat ipinagtanggol si Aikah dahil masasama sila." Sagot ng isang estudyante sa gilid.

"Pinapahirapan lang naman natin si Aikah dahil sa mga kasalanang ginawa niya at ng kanyang ina, kina Airah kaya di dapat magagalit si Airah. Ipinagtatanggol lang natin siya."

Naitikom ng huling magsalita ang kanyang bibig makita ang matalim na tinging ibinigay ni Airah sa kanya.

"Huwag niyong gawing dahilan ang kunwari concern niyo para i-justify ang pambu-bully niyo sa iba. At wag niyong gamitin ang kunwari paghihiganti para sa iba, upang pagtakpan ang kasalanang gusto niyong gawin."

Gusto lang talaga nilang mang-api at naghanap lamang sila ng dahilan kung bakit sila nang-aapi.

"Nang-aapi kayo tapos sasabihin niyong para sa ibang tao? Nang-aapi kayo at nang-aagrabiyado dahil iyon ang ikinakatuwa niyo. Wag niyong gawing dahilan ang ibang bagay. Ang mali ay mali at ang kasalanan ay kasalanan kahit ano pa ang dahilan niyo. Ginusto niyo at ginawa niyo tapos sasabihin niyong para sa akin? Naghahanap lang kayo ng dahilan idadamay niyo pa ang ibang tao?"

Pinakaayaw marinig ni Airah ang salitang 'ginagawa ko ang bagay na ito para sayo o dahil sayo.' Mga katagang kinasusuklaman niyang marinig.

Ganito ang katagang palaging sinasabi ni Nova sa mga anak kapag pinipilit niya ang mga itong gawin ang mga bagay na ipinapagawa niya sabay sampal sa anak kapag hindi sinusunod ang gusto niyang mangyari.

Ganito din ang sinabi ni Aida ngunit hindi naman gusto ni Airah ang mga ginagawa ng ina.

"Ginawa ko ang mga bagay na ito para sayo Airah. Para sa ikabubuti mo." Ang naalala niyang sabi ng kanyang ina noong sabihan niya itong tigilan na ang paghihiganti.

"Ginagawa niyo ang bagay na gusto niyo at hindi para sa ikabubuti ko o para sa akin. Dahil ang ginagawa niyo ay hindi ang bagay na talagang ikabubuti ko. Iyon lang ang bagay na inaakala niyong tama para sa inyo." Ang sagot niya noon bago magpasyang kailanma'y hindi manghihingi ng tulong o suporta sa ina.

Napailing siya para mawala ang anumang biglang sumagi sa kanyang isip bago hinarap muli ang mga estudyanteng nagtatawanan kanina.

"Wag niyong gawing dahilan ang pagkakamali ng iba upang pagtakpan ang pagkakamaling ginagawa niyo."

"Bawat kasalanan, may kanya-kanyang bigat. Iba ang bigat ng kasalanang meron ang kanyang ina iba din ang bigat nitong ginagawa niyo. Hindi dahil makasalanan ang taong ginagawan niyo ng masama ay mabuti na kayo at tama ang ginagawa niyo. Ang mali ay mali at kailanma'y di magiging tama. At kasalanan ba ng anak ang kasalanan ng ina? Siya ba ang gumawa ng krimen? Ginusto ba niya?"

Kahit gaano man kabigat ang kasalanang ginawa ni Nova at Avey kina Airah at sa iba pa, iniisip ni Airah na walang kinalaman ang mga anak dahil hindi naman sila ang gumawa nito. Kung nagkasala ang isa hindi dapat magbabayad ang lahat lalo na kung inosente naman talaga ang mga ito. Kung tinangka mang manakit ni Aikah noon, tinangka palang at hindi pa nagagawa. Iba ang bigat nito sa kasalanan ng ina. Higit sa lahat, nagsisi na ito at wala naman siyang kinalaman sa kasalanang hindi naman siya ang may gawa.

Isa sa may lakas na loob na lalaking estudyante ang sumagot. "Siya pa rin ang dahilan kung bakit gumawa ng krimen ang kanyang ina. Hindi ba para sa magandang kinabukasan nila? Di ba dahil gusto ng kanyang ina na sila ang magiging tagapagmana ng Lionheart kaya may kasalanan din siya." Katwiran nito na ikinatango naman ng iba.

"Kung sa akin siya nagkasala, sa akin siya humingi ng tawad. Ganoon din sa Diyos. Kung sa Diyos siya nagkasala, sa Diyos siya manghihingi ng tawad. Hindi sa inyo o sa ibang taong walang kinalaman dito." Natahimik muli silang lahat sa narinig.

"Paano kung pinatay ako ng papa o mama mo ibig ba nitong sabihin na maaari ka na ring ikulong?" Biglang tanong niya sa lalake.

"Bakit ako ang makukulong e papa ko ang gumawa ng krimen?" Sagot ng lalake at nagtaka kung bakit tumahimik muli ang lahat sa kanyang sagot.

"Ano ang mararamdaman mo kung papahirapan kita bilang kabayaran sa kasalanan ng iyong Ama?"

Naitikom na ng tuluyan ng lalake ang bibig at di na muli pang nagsalita pa. Wala na ring sumagot pa. Ang babae namang kaharap ni Airah ay dahan-dahan na sanang tatalikod, nagbabaka-sakaling makakatakas kay Airah. Alam niya kung ano ang ginawa ni Airah sa mga estudyanteng nang-api kay Aikah at sa mga half-siblings niya. Kundi napapadrop-out, nabubugbog.

"Aalis ka lang ba?" Napaigtad ang babae marinig ang sinabi ni Airah.

Mabilis itong humarap kay Aikah. "I'm sorry Aikah. I'm so sorry." Sabay pikit ng mga mata.

Ayaw niyang mapatalsik sa paaralan. Kung natatakot ang pamilya niya noon sa L Group mas kinatatakutan na nila ang bagong CEO nito. At iyon ay ang ina ni Airah.

Nakahinga siya ng maluwag makitang naglakad na paalis si Airah. Agad namang sumunod si Aikah.

"Bakit mo ako tinulungan?" Tanong ni Aikah habang nakasunod sa likuran ni Airah. Napapakagat siya sa labi sa kabang nararamdaman. Hanggang ngayon nai-intimidate pa rin siya sa half-sister na ito.

"Dahil hindi ka lumalaban." Sagot ni Airah. "Magpalakas ka kung ayaw mo na sa tulong ko."

"Hindi iyon ang ibig kong sabihin." Mabilis niyang sagot. Ilang ulit na huminga ng malalim bago muling magsalita.

"Marami kaming kasalanan sa'yo. Pero tinulungan mo pa rin ako. Mas gugustuhin ko pang magalit ka o ba kaya sampalin mo ako. Nang sa ganoon, mabawasan naman kahit papano ang anumang guilt na nararamdaman ko."

"Kung hindi dahil kay Mommy, hindi sana magiging ganito ang buhay mo di ba? Buo sana ang pamilya mo. Kung hindi kami isinilang ni Kuya Aikoh e di sana hindi mahihirapan si Daddy kung sino ang pipiliin niya at hindi sana niya iiwan ang iyong ina. Kasalanan namin ang lahat pero bakit tinutulungan mo pa rin kami?" Ang inaasahan niya ay pababayaan sila ni Airah dahil malaki ang kasalanan ng kanilang pamilya kina Airah. Ngunit ngayong tinalikuran na sila ng lahat at wala ng iba pang malalapitan, nariyan si Airah.

"Ako, si Kuya, sina Alvira, Ava at Kuya Throne. Kahit sina Aina. Nakita kita nang kausapin mo ang manager ni Alvira para makapagtrabaho siya sa boutique. Binigyan mo rin ng puhunan sina Aina kahit na minsan ka niyang pagtangkaan ng masama. Ikaw din ang nagbabayad sa tuition nina Throne at Ava at ipinadaan sa pamamagitan ng scholarship. Bakit mo iyon ginagawa?"

Tumigil sa paglalakad si Airah at tiningnan ng maigi ang half-sister.

"Hindi ako mabuting tao Aikah. Ginagawa ko lang 'yon para maibsan din ang guilt na nararamdaman ko. Dahil naghihirap sila dahil din sa ginawa ni Mama. Mga magulang natin ang nagkamali at may mga kasalanan. Siya ring dahilan ng paghihirap ng isa sa atin. Alam nating mali sila. Hindi rin natin kayang baguhin ang mga ugali nila o mga pasya kaya bakit ba natin sila gagayahin gayong alam na nating mali di ba?" Para kay Airah, ang dahilan lang ng lahat ng mga nangyayari ngayon iyon ay dahil sa pagkakamali ng mga nauna sa kanila at isinilang sila sa magulong pamilya. Isinilang sila bilang Lionheart. Kung sa ibang pamilya lang sila naisisilang, posibleng iba ang landas na tinatahak nila at pwede ring hindi sila magkakaaway.

"Kung hindi tayo magtutulungan, sino-sino na lamang ang magtutulungan? Maghihigantihan tayo? Ano bang mapapala natin sa pag-aaway dahil magkaaway ang ating mga magulang? Bakit di nalang tayo magtulungan nang sa ganoon malampasan natin ng sama-sama ang mga pagsubok na ito?" Paliwanag ni Airah.

"Hindi natin kasalanan kung bakit nagkaroon tayo ng mga magulang o pamilyang tulad nito. Hindi naman natin ginustong maisilang bilang Lionheart, tunay man o peke. Magiging kasalanan lang kung pati tayo gagawa na rin ng kasalanan. Ayaw ko ng magalit Aikah. Gusto din naman sanang sumaya. Mangyayari lang yon kung mawawala ang anumang galit sa puso ko. Kaya ayaw ko ng magtanim ng galit o sama ng loob. Gusto kong magkakasundo na tayo dahil tayo-tayo lang din naman ang magkakapamilya."

Lalo namang tumulo ang luha ni Aikah sa narinig. Inaakala niyang wala na siyang maituturing na pamilya at wala ng makakasama pa. Ngunit nanatili pa rin si Airah sa kabila ng kasalanang nagawa nila sa pamilya ni Airah.

"Kung gusto mong sumama sa akin para makapagsimula ng panibagong buhay at makalimutan ang masalimuot na mga pangyayari ngayon, sabihin mo lang." Sabi ni Airah sabay bigay sa envelope na hawak.

"Magbati na kayo ng Kuya mo. Kayo nalang dalawa ang natitira tapos di pa kayo nagpapansinang dalawa." Sabi ni Airah bago tumalikod.

Napatingin si Aikah sa envelope. Binuksan ito at tiningnan ang laman.

"Transfer form?"

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top