TBH 43: Hindi kadugo

"Siguradong na trauma na si Airah sa loob ng dark room." Masiglang sabi ng babae.

Tinawagan niya ang detective na isa sa pawn niya sa larong ito. Nagpadala ito ng video recorder sa kanya sa kung ano na ang nangyayari kay Airah.

Kitang-kita niya ang panginginig sa takot ng dalaga habang yakap ang sarili at nakaupo sa isang sulok ng madilim na silid.

"So sad. Mas mag-eenjoy sana ako kapag nakikita ko ang reaksyon ni Aida. Pero mukhang hindi na mangyayari yon kasi ang galing makapagtago ng babaeng yon." Sabi ng babae habang pinapanood ang video sa kanyang cellphone.

Tinawagan ulit niya ang detective. "Gawin niyo na ang plano." Utos niya bago ibinaba ang cellphone na may ngiti sa mga labi.

"Oras na para bawasan na naman kayo." Sambit niya pa.

***

"Dalawang araw na a. Bakit pinagbabawalan parin tayong dalawin si Ate Airah?" Naiiyak ng sambit ni Aina.

"Anong gagawin natin? Makukulong si Airah kapag may nangyaring masama kina Throne at Lolo pero wala parin tayong nakuhang ebidensya na magpapatunay na wala siyang kasalanan." Sagot ni Aiden.

"Wala na munang lumabas ng mansion habang hindi pa nalulutas ang gulo. Lahat kayo babantayan ang mga kinikilos ng mga nasa paligid niyo maging sa mga katulong at mga bodyguards. Kahit pa sa mga butler niyo." Paalala ni Aikoh sa kanila.

"Ipapakulong ba talaga si Ate Airah? Makukulong ba talaga siya?" Tanong ni Aina.

"Hindi naman siguro. Ang worst lang ay ang ipapatanggal siya sa pagiging Lionheart posible ring ipapadala sa ibang bansa." Sagot ni Raven.

Bahagya namang kumalma ang mga pinsan maisip na kahit papano hindi naman sa kulungan ang bagsak ni Airah.

***

Sa hospital.

Habang nakahiga ang Don isang nurse ang pumasok sa ward niya. Sinuri pa nito ang paligid bago naglakad palapit sa nakahigang pasyente.

Nanginginig ang mga kamay niya at tinanggal ang life support ni Don Art saka siya nagmamadaling umalis dahil sa mga yabag na papalapit.

Tinakbo ni Throne ang ward ng lolo niya. Mabilis na binuksan ang pintuan at napatda siya sa kinatatayuan.

Nakita niyang naka-straight line na ang linya sa monitor.

"Grandpa!" Nanghihina niyang sambit at napaatras.

Dumating si Arthron at sumalubong sa kanyang paningin ang straight line ng monitor.

"D-dad?" Mabilis niyang nilapitan ang ama at natuklasang wala na itong hininga. "Hindi. Dad. Gumising ka. Doctor. Tumawag ka ng Doctor. Throne." Tawag niya sa nakatulalang anak.

"Throne!" Sigaw niyang makitang nakatulala ang anak.

"O-opo." Sagot ni Throne at tumakbo na palabas. Hinanap ang Doctor ng lolo niya ngunit napatigil siya makita ang balita sa TV.

"Sumabog ang sasakyan na sinakyan ng isa sa tagapagmana ni Chairman Arthuro Lionheart."

"Tagapagmana? Sino na naman ang napahamak?" Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ni Throne sa balita. Habang dinadasal na sana walang mangyayaring di maganda.

"Si Miss Airah Aragon ay isa sa mga tagapagmana ng Chairman ng L Group at isa sa main suspect sa nangyaring aksidente ng Chairman at sa isa niyang apo na si Young Master Throne Lionheart."

"Tumakas umano ang babae sa tulong ng sinuhulan nilang pulis at sumakay sa isa sa mga patrol car ngunit habang tumatakas bumangga ang sasakyan sa isang malaking truck at ang malala nahulog ang dalawang sasakyan sa bangil. At wala ng nakakaalam kung mareretrieve pa ba ang katawan ng mga sakay ng mga sasakyang ito o hindi na."

Napako si Throne sa kinatatayuan. Hindi na pinansin na pinagtitinginan na siya ng mga tao. Ilang minuto rin ang nakalipas bago siya naglakad na wala sa sarili.

"Young Master, anong nangyayari sayo? Hindi ka pa maaaring lumabas. Saka ang daming mga reporter sa labas." Sabi ng butler niya sa kanya.

Umalis ito kanina para makabili ng kape. Hindi niya inaasahan na wala na siyang maaabutang tao sa ward pagbalik niya kaya hinanap niya sina Throne at Arthron.

"Yung kotse ko. Nasaan ang kotse ko?" Tanong niya sa butler.

Agad naman siya nitong sinamahan.

"Dito po nakapark ang kotse niyo para di makita ng reporters." Binuksan ng butler ang pintuan ng kotse sa may passenger seat. Ngunit umupo si Throne sa may driver seat at mabilis na pinaharurot ang sasakyan.

Naalarma ang mga bodyguards na nakatago sa gilid.

"Ano pang hinihintay niyo? Sundan siya." Utos ng leader ng team na nagbabantay kay Throne saka mabilis na sinundan ang kotse ng binata. Tinawagan na din agad ang mga hidden bodyguards na nasa paligid ng hospital.

***

"Madam, si Throne, tumakas sa hospital." Sabi ng katulong ni Avey.

Nabitiwan ni Avey ang hawak na kopita ng champagne.

"Ihanda ang kotse ko." Utos ni Avey.

***

Habang nagmamaneho naalala ni Throne ang mga sinabi ni Avey sa kanya.

Naisip niyang iligtas ang kanyang lolo at linisin ang pangalan ni Airah. Pero huli na. Wala na sina Airah at Don Art.

"Kung makukulong ako. Sa palagay mo ba makakawala ka rin? Alam mo ba kung saan ka pupulutin? Sa palagay mo ba mapapatawad ka pa ni Airah?"

"Alam mo ba kung bakit Throne ang pangalan mo?"

"Dahil substitute ka lang."

"Substitute ka lang sa yumaong apo ni Don Art."

"Hindi ka Lionheart at wala kang dugong Lionheart."

"Nabuhay si Airah na ninanais maghiganti."

"Balak niyang pabagsakin ang lahat ng kompanyang meron ang Don."

"Kaya wag kang palilinlang sa babaeng yon?"

"Kala mo ba mahalaga ka sa Don?"

"Alam mo ba na kahit ikaw ang Eldest grabdson niya sa iba parin niya ipinama ang halos lahat ng mga ari-arian niya? Dahil wala kang silbi sa kanya. Kaya ako na lamang ang gagawa ng paraan para hindi tayo maghihirap kung wala na ang Don."

Napapreno siyang bigla nang muntik na siyang makabangga ng mag-ina na tumatawid sa daan.

Natanaw niya ang bangil kung saan nangyari ang aksidente noon kina Aikoh at Airah kasama ang namayapang si Fhaye.

Pagdating ng mga bodyguards wala na si Throne sa kotse nito kaya naman naghihiwalay sila ng landas at nagpatuloy sa paghahanap.

Sa gilid ng bangil naman nakaupo si Throne. Dinama ang malamig na simoy ng hangin.

"Kasalanan ko ang lahat. Kasalanan ko ang lahat kung bakit kayo nawala."

"Kasalanan ko kung bakit kayo namatay."

"Nang dahil sa akin, napahamak kayo."

"Kaya kailangan kong pagbayaran ang mga kasalanan kung ito."

Nanginginig ang mga labi habang binibigkas ang mga salitang ito. Patuloy din ang pag-agos ng kanyang luha.

"Airah, patawad kong selfish ako. Pero hindi ko kayang ipakulong ang aking ina."

Naalala niya ang mga panahong kasama niya ang ina. Mula bata hanggang sa lumaki siya. Inaamin niyang nagkakasala ang kanyang ina at nagawa din nitong manloko ng iba. At pinaniwalang isa din siyang Lionheart gayong hindi naman pala.

Nabuhay siya sa marangyang pamilyang hindi siya nabibilang. Sinikap mapabilang sa pamilyang hindi pala para sa kanya. Inangkin niya ang buhay na nararapat sa iba. At para lamang mananatili siya sa marangyang buhay na ito nagawa ng kanyang ina na gumawa ng malaking kasalanan.

Kung yaman man ang mahalaga. Hindi niya ito ipagkakait sa ina. Kung nakagawa ng pagkakamali ang ina nang dahil sa kanya, siya ang magbabayad para dito.

Nagkamali man ito. Ina parin niya ito at siyang nagpalaki sa kanilang magkakapatid. Ang nagbigay ng buhay sa kanya at nag-alaga sa kanya mula pa bata.

Nagkamali man ito bilang isang tao at nagkasala man sa ibang tao, isa parin itong mabuting ina na kahit nagkaroon man ng mga pagkukulang ina parin niya ito at di na magbabago yon. Gusto niya itong magbago kaya lang kahit maitama man ang isang pagkakamali hindi na maibabalik ang mga buhay na nawala.

Kahit mabuhay man siya at maging pinaka mayaman pa sa buong mundo, hindi parin niya magawang magiging masaya kung ang kapalit ng yamang meron siya ay ang buhay ng mga taong minsang naging mahalaga sa kanya.

Naalala niya ang mga ngiti ni Fhaye noong makita siyang natamaan ng bola. Ang galit nito nang may ginawa siyang di maganda sa bestfriend nito para lang mapansin siya ng dalaga. Cold ito sa iba ngunit masayahin pala kapag nakikilala na ng husto.

Katulad lang ni Airah. Cold kung di ka niya kakilala. Ngunit masayahin ito at may kadaldalan din kung nakilala na ng husto. Nginingitian ka ng matamis, inaalagaan kapag may sakit, ini-engganyo kang kumain kung wala kang gana. Ngunit lumalaban kapag naaagrabiyado na.

"May pagkakapareho kayo ng buhay at pag-uugali ngunit pareho din kayong nagkaroon ng maikling buhay at parehong napahamak nang dahil sa isang katulad ko."

"Patawad sa inyong dalawa. Airah. Fhaye. Susunod na ako sa inyo." Tumayo siya at huminga ng malalim.

"Ayoko ng ganitong buhay. Napapagod na ako. Nasasakal na ako. Gusto ko ng magpahinga."

"Throne!" Tawag ni Raven.

Nagulat siya marinig ang boses ng half-brother niya.

"Anong ginagawa mo diyan?" Pansin niya ang shock sa boses ni Alvira.

"Umalis ka diyan. Mapanganib ang lugar na iyan para sayo." Tumakbo si Alvira palapit sa kanya.

"Kuya Throne, nandito ka lang pala." Hinihingal na sambit ni Aina na nakahawak sa tuhod.

"Kanina ka pa namin hinahanap. Nandito ka lang pala." Sambit din ni Raven.

"Diyan lang kayo. Wag kayong lumapit." Sabi niya makitang naglakad palapit sa kanya sina Aina.

"Kuya! Anong ginagawa mo dito? Umuwi na tayo. Nag-alala na sayo sina mommy at daddy." Ang lumuluhang sambit ni Ava.

Hindi niya maiwasang makaramdam ng kaunting tuwa dahil kahit papano nakita niyang nag-alala ang pamilya niya sa kanya ngunit sumikip muli ang dibdib maalalang namatay sina Don Art at Airah maging si Fhaye nang dahil sa kanya.

"Kasalanan ko ang lahat. Kaya pagbabayaran ko ang lahat ng mga ginawa ko. Walang kasalanan si Airah. Hindi niya ako tinulak. Wala ring kinalaman si Airah sa nangyari kay Grandpa. Ako. Ako ang pumatay kay grandpa. Ako ang may kasalanan ng lahat. Kaya susunod na ako sa kanila." Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito ay may mga liwanag mula sa mga camera ang nagpatay-sindi sa paligid.

"Throne. Ano ba iyang pinagsasabi mo? Halika na, umuwi na muna tayo." Pakiusap ni Avey na kakababa lang mula sa kotse nito.

"Mommy." Paos ang boses na sambit ni Throne. At mas sumikip lamang ang kanyang dibdib.

Saka siya napatingin sa mga reporters  na na bigla na lamang dumating.

"Kasalanan ko ang lahat. Natuklasan kong hindi ako apo ni Don Art. Hindi ako isang Lionheart. Sa takot na wala akong mamamana, at palayasin sa mansion binalak kong patayin ang Don. Saksi si Airah sa nangyari kaya ni-frame up ko siya."

"Oo. Ako ang tunay na kriminal. Ako din ang nagpapatay kay Aikoh at ako ang dahilan kung bakit marami ang nasawi sa lugar na ito. Ako ang tunay na kriminal at hindi si Airah. Kaya pagbabayaran ko ang anumang mga nagawa kong kasalanan."

"Throne ano ba iyang pinagsasabi mo?" Sigaw ni Avey na nababalisa na.

"Anak kita Throne. Pakiusap, wag mong gawin ang anumang nasa isip mo." Pakiusap ni Arthron at mabilis na nilapitan ang anak ngunit umatras si Throne na ikinatigil ni Arthron.

"Dad, salamat. Dahil ipinaramdam mo sa akin na anak mo ako. Pero hindi ikaw ang ama ko. Niloko ka ni mommy. Hindi kita daddy. Kaya wag mo akong tingnan na parang tunay na anak. Mas lalo lang akong makakaramdam ng guilt."

"Im sorry dad. Im sorry."

"Throne, halika na muna. Pag-usapan natin to." Nagsusumamong sambit ni Arthron.

Umiling naman si Throne. Buo na ang pasya niya. Gusto na niyang tapusin ang lahat.

"Makinig ka Throne. Wag kang padadala sa emosyon mo. Halika muna. Mag-usap tayo."

"Im sorry dad. Pero gusto ko ng magpahinga." Napatingin siya sa bangil.

"Alam ko ang totoo. Alam kong niloloko ako ni Avey pero ayaw kong mabuhay kang walang itinuturing na ama. Hindi kita itinuring na anak dahil sa kadugo kita. Itinuring kitang anak dahil para sa akin anak parin kita." Napatda si Throne sa kinatatayuan.

"Wala akong pakialam kung kadugo kita o hindi. Anak pa rin kita. Anak kita hindi sa dugo kundi sa puso. Kaya sana wag mong isipin na may kasalanan ka sa akin. Ilang ulit ko bang sabihin na hindi pagiging magkadugo ang mahalaga sa isang pamilya kundi ang pagmamahal mo sa iyong pamilya." Mabilis na sabi ni Arthron na halos pasigaw na.

"Hindi dahil sa yaman, hindi dahil sa magkadugo kundi dahil sa magkapamilya tayo sa isip, sa gawa, at sa puso. Kaya wag mong sabihing dahil wala kang dugong Lionheart hindi ka na namin pamilya at aakuin mo na ang kasalanang di mo naman ginawa." Sigaw pang muli ng lalaki na di na napigilan ang emosyon. Hindi niya inaasahang aakuin ni Throne ang mga kasalanang hindi niya ginawa para lamang linisin ang pangalan ng iba. At sinisisi nito ang sarili kung nangyayari ang lahat ng mga aksidente. Dahil lang sa hindi siya isang Lionheart nagawa na niyang sisihin ang sarili.

Nagulat ang lahat sa nalaman. Una ay natuklasan nilang hindi isang Lionheart si Throne at niloko lamang si Arthron ni Avey. Ngunit ang mas ikinagulat nila ay alam pala ni Arthron ang totoo at wala siyang pakialam.

Napahagulhol si Throne hindi niya napansin na wala ng lupa sa susunod niyang aapakan.

"THRONE!" Panabay nilang sigaw makitang nalaglag si Throne sa bangil.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top