Chapter 9
Chapter 9
Friends
Nagmamadaling binuksan ni Hope ang pinto ng booth. Basta niya na lamang ako itinulak papasok kaya muntikan pa akong nadapa. Nilakasan ko rin ang loob dahil sa binabalak na pagharap sa takot na gusto ko ng lagpasan. Mabuti na lamang at hindi gaanong madilim dahil sa patay-sinding ilaw at mga nakasinding kandelabra sa bawat sulok ng silid.
Tahimik ang paligid. Tanging ingay lang ng malakas na muling pagsara ng pinto ang narinig ko. Nagsimula na akong maglakad upang makahanap ng puwesto bilang isang White Lady. Isinabay ko na rin ang pagsuyod ng tingin habang nagbabakasakaling makita si Sir Mendez. Alam kong pahirapan ang paghahanap ko sa kanya dahil sa dami ng mga malignong karakter na nagkalat. Malaki rin kasi ang espasyo ng silid.
Nang makarating sa isang sulok kung saan mayroong isang props na balon ay huminto na ako. Naisip ko na mainam itong puwesto ng isang White Lady. Tumayo ako nang deretso at ginulo ang buhok para in character kumbaga. Makalipas ang ilang minuto ay muling nagbukas ang pinto at pumasok ang grupo ng mga babaeng estudyante. Matinis na tilian at sigawan ang umalingawngaw sa buong booth. Nagsimula ng magtrabaho sa pamamagitan ng pananakot ang mga maligno.
Marahil na siguro sa takot ay may mga ibang estudyante na nakikipagsabunutan na sa mga maligno. Gusto ko sanang matawa sa hitsura ng manananggal namin na nakikipagbuno na sa isang babaeng estudyante. Umayos ako at inalala ang dapat na gawin at iasta.
Napatingin ako sa gilid nang makaramdam ng presensiya na bigla na lang tumabi sa akin. Bahagyang nanlaki ang mata ko nang makitang si Sir Mendez ito na isang bampira nga ang costume. Sa paningin ko ay nagmumukha siyang laid-back na version ni Dracula sa suot na black fit shirt at ripped black jeans. Naglagay lamang siya ng signature na vampire cape sa kanyang likod.
"Hey," pagbati niya sa malalim na boses.
Nakatunganga lang ako habang nakatitig sa kanyang napakaputlang mukha na may bahid ng kaonting daplis ng dugo sa gilid ng kanyang mapulang labi.
"Nasaan na 'yong infamous na moustache?" unang mga salitang nasambit ko may masabi lang. "Dracula ka 'di ba?"
"Modern version," sagot niya sabay ngisi na nakapaglantad sa kanyang pekeng pangil. "Bampira pa rin naman."
Hindi na ako muling nakapagtanong pa dahil mas umingay pa ang tilian ng mga estudyanteng nasa loob ng booth. Nang ibaling ang tingin sa kanila ay saka ko pa lamang nakita na palapit na pala sila sa puwesto namin ni Sir Mendez. Doon na ako naghinala na baka si Sir ang dahilan nito.
Sinulyapan ko ang guro at nakita ang tila ba ay naiinip niyang hitsura. Kalmado siyang nakasandal lamang sa may pader na may bungo sa magkabilang gilid habang pinagmamasdan ang mga estudyanteng nasa harap na niya. Kung umasta siya ay parang wala namang pilit sa kanyang parte ngunit hindi naman ito nakabawas sa excitement na ipinapakita ng mga estudyante.
Nang makalabas na ang maiingay na schoolmates ay nakapagpahinga rin kami pansamantala.
"Okay lang ba sa'yo na nandito ka kahit na medyo madilim?" si Sir.
Hindi na ako nagtaka pa kung bakit niya naisip ito. Marahil naalala na naman niya ang nangyari noong huli kaming nagsama sa iisang silid.
"Opo. I'm trying to face one of my fears now." Sa tingin ko ay dalawang fears yata ang hinaharap ko ngayon. Fear of the dark and fear of him.
Muli kaming binalot ng katahimikan kaya naging awkward na naman ang atmospera naming dalawa.
Tumikhim ako at muli siyang pasimpleng sinulyapan.
"A-Akala ko po ba ayaw niyong maging Dracula? Bakit nagbago ang isip niyo, Sir?"
Banayad siyang napatingala sa kisame. Nadepina nito ang leeg niya kaya klarong-klaro ko ang hubog ng kanyang Adam's apple.
"I guess it's because my feelings have changed too," pabulong na pahayag niya.
Naghintay ako ng idudugtong niya rito ngunit hindi na siya muling nagsalita pa.
Ganito ang naging takbo buong maghapon. Hindi rin nagtagal si Sir dahil lumabas na rin siya upang magpalit na. Hindi ko na siya sinita pa at hinayaan na lamang dahil naisip na mabuti nga at pumayag pa siya na gawin ang bagay na hiniling ko kahapon.
Pagsapit ng alas kuwatro ay lumabas na rin ako. Nadatnan ko si Sir Mendez sa labas ng booth. Nakaupo siya sa kabilang mesa at kausap si Ma'am Ramones. Sa kanyang hitsura ay halatang nakapaghilamos na. Kapansin-pansin ang pagpapalit niya ng suot na jeans dahil ngayon ay normal na at hindi ripped. Wala na rin siyang suot na kapa.
Nang masulyapan niya ako ay tipid na ngiti lang ang iginawad ko at dumeretso na sa table kung saan nakaupo si Hope.
"Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ko sa kanya sabay kuha sa bag na nakapatong sa mesa.
"Sasabay ako kay Jerome. Uuwi ka na?"
"Oo. Gusto ko ng magpahinga."
"Mag-chika ka na lang bukas ha," aniya sabay nakaw ng tingin sa mga guro namin na nasa kabilang mesa lang. Alam ko ang ibig niyang sabihin.
Umismid lang ako at hindi na nagsalita pa. Nagpaalam ako sa iba pa naming kasamahan pati na rin kina Sir Mendez at Ma'am. Ilang hakbang palang mula sa kanila ay narinig ko naman ang pagpapaalam ni Sir.
Matulin akong naglakad patungong parking lot kung saan alam kong naghihintay na si Kuya Benj. Alam kong nakasunod lang sa aking likuran si Sir pero hindi ko na ito pinansin pa. Nang matanaw ang sasakyan ay kaagad ko itong nilapitan. Dere-deretso ang pagbukas ko sa pinto nito at pumasok na sa loob.
"Alis na po tayo, Kuya," sabi ko sabay suot ng seatbelt. Dahil sa walang narinig na tugon mula sa drayber ay nag-angat ako ng tingin. Nadismaya ako nang makitang wala pala ito sa driver's seat.
Naisip ko na baka may binili lang ito kaya naghintay na lamang ako. Tanaw ko mula sa bintana ng sasakyan ang pagsulyap ni Sir sa sasakyan ko bago pumasok sa sarili niyang kotse na nakaparada malapit lang din sa amin.
Ilang sandali pa ay nakita ko na rin si Kuya Benj na naglalakad patungong sasakyan ngunit nagtaka ako nang huminto siya malapit sa kotse ni Sir.
Umusog ako para makita ang nangyayari dahil napuna ko na nag-uusap ang dalawa. Nakabukas ang bintana ng front seat ni Sir at tila ba nag-uusap sila ni Kuya Benj.
Matapos ang masinsinang pag-uusap ng dalawa ay patakbong nagpunta si Kuya Benj ng sasakyan namin. Binuksan niya ang pinto ng front seat ngunit hindi siya pumasok bagkus ay dinungaw lang ako.
"JC, may sira yata 'yong sasakyan ng teacher mo. Hindi ba malapit lang din naman ang bahay niya sa mansiyon?"
"P-Pwede naman po siyang mag-taxi na lang!" agap ko.
"Ano ka ba, teacher mo 'yon. Ayaw mo no'n? May plus points ka?" pasaring niya sa mapagbirong tono.
"Hindi ko na po siya teacher, Kuya. Noong first sem lang po."
"Okay lang 'yan! Baka maging teacher mo ulit siya next year," puno ng kumpiyansa niyang sinabi at pagkatapos ay umalis na.
Napapikit ako sa pinaghalong kaba at kaonting iritasyon sa stiwasyon. Pagdilat ko ay nakabukas na ang pinto ng sasakyan at bumungad sa paningin ko ang nahihiyang hitsura ni Sir.
"I really don't want to be a bother. Nasiraan lang kasi ang sasakyan ko," pagpapaliwanag niya. "Sabi ng driver mo na... okay lang daw sa'yo?"
Napatingin ako kay Kuya Benj sa may front view mirror. Mabilis niya akong sekretong kinindatan na para bang may tusong lihim kaming dalawa na pinagsamahan. Naalala ko lang tuloy ang sinabi niya kanina tungkol sa pagkakaroon ng plus points. Magkaiba yata kami ng naiisip na klase ng plus points.
"Or I can just find a taxi?" dagdag pa ni Sir sa boses na may pag-aalinlangan.
Kaagad ko siyang tiningnan ulit.
"Okay lang po! I mean...magkapitbahay lang naman po tayo."
Tunog na parang pagsuko ang buntonghininga na pinakawalan niya bago pumasok ng sasakyan at naupo sa tabi ko.
Sa unang sampong segundo ay pareho lang kaming tahimik habang bumibiyahe. Hindi naman siya nag-effort na magsalita. Wala rin akong topic na naisip pag-usapan. Si Kuya Benj naman ay parang tuod lang habang nagmamaneho kaya halata ang awkwardness namin sa isa't-isa.
Sa sumunod na segundo ay hindi ko na talaga natiis pa ang katahimikan. Pakiramdam ko maririnig na niya talaga maski tripleng pagpintig ng puso ko. Napagpasyahan kong magsalita na.
"May assignment po ba tayo, Sir?" wala sa sarili kong sambit.
Nagtagpo ang kilay niya ngunit nakitaan ko naman ng lihim na ngiti ang sulok ng kanyang labi. Bago pa man niya maibuka ang bibig ay naunahan ko na siya dahil na-realize ko ang naging tanong.
"Sorry po," tikhim ko at nag-iwas ng tingin dahil uminit na ang pisngi sa kahihiyan. "Nakalimutan ko na hindi na p-pala uh...kita subject teacher."
"It's fine. I totally understand," mapitagan niya pa ring sagot. Kahit hindi nakikita ang kanyang hitsura ay dinig ko naman ang ngiti sa kanyang boses.
Naikuyom ko ang palad sa kapalpakan ng topic na naisip. Ayaw ko na namang maging palpak na naman kaya hindi na ako ulit sumubok pa para sa isang usapan buong biyahe.
Nang makarating na ng village ay huminto ang sasakyan sa tapat ng apartment ni Sir. Pareho naming nakita ang insaktong paglabas ng kanyang kasambahay na si Nanay Celia mula sa gate upang magtapon siguro ng basura dahil sa bitbit nitong kulay itim na supot. Napatingin na rin siya sa sasakyan.
"Thanks again for the ride," pagpapaalam ni Sir sabay tanggal ng suot na seatbelt.
Lumabas siya ng sasakyan at sinalubong naman ng matanda. Nagmano siya rito na ikinabigla ko dahil unang beses itong nasaksihan. Ngumiti ang matanda at napasulyap sa akin. Hindi niya ako nakikita dahil tinted ang sasakyan ko kaya ibinaba ko ang bintana upang bumati sa kanya bilang paggalang na rin.
"Good afternoon po!"
Tumango siya at bahagyang humakbang papalapit sa kotse. Iminuwestra niya ang kamay at napagtanto ko na sign language ang ginagamit niya para makipag-communicate sa akin.
Napatingin ako kay Sir para humingi ng tulong sa pag-translate ng sinasabi ni Nanay Celia dahil hindi naman ako marunong mag-sign language.
Naghilot ng sentido si Sir at saka nagbitiw ng buntonghininga. Binalingan niya ako.
"Birthday niya bukas. She wants to invite you for dinner."
"Oh. Happy birthday po pala!" masigla kong pagbati.
"Bukas pa," pagtatama naman ni Sir.
"Pareho rin 'yon." Hindi ko tinanggal ang ngiting nakaplaster sa mga labi para sa kasambahay niya.
Muli itong nag-sign language. Siguro hindi nadala ang cellphone para matipa ang sasabihin.
Tumingin na naman ako kay Sir.
"Pupunta ka raw ba?" pagsalin ni Sir. Itinuro ng matanda ang apartment, "sa apartment. Bukas," si Sir ulit.
May iba pang ginawa ang matanda sa kanyang kamay na hindi ko maintindihan pero hindi na nag-translate pa si Sir.
"Anong sabi?" tanong ko.
"Nothing," aniya na nakakapagduda na naman.
Sinipat siya ng tingin ni Nanay Celia. Halatang hindi rin nagustuhan ang hindi niya pag translate. Nagkamot si Sir ng kanyang batok.
"She wants you to come. Pumunta ka," aniya at pagkatapos ay tumalikod na.
Kumunot ang noo ko dahil sa pagtataka kung bakit pakiramdam ko parang iba ang ginawang translation niya. Hindi ko na ito inintindi pa at binalingan na ang matanda. Matamis ko siyang nginitian.
"Pupunta po ako!''
"Para kanino na naman ba iyang bini-bake mo na cake? May bago ka ng crush?" usisa ni Manang kinabukasan habang abala na ako sa pagdi-decorate nito.
"Wala po akong bagong crush, Manang," sabi ko sabay lagay ng icing na panapos sa design na maliit na pusa.
"Huwag mong sabihin sa akin, JC na iyon pa rin?" Hindi nakalagpas sa akin ang duda at pagtutol sa tono ng boses niya.
"Hindi po," giit ko at naglagay na ng pangalan sa ginawang birthday cake.
"Nanay Celia?" pagbasa ni Manang sa inilagay ko. "Sino naman iyan?"
"My new friend," tanging sagot ko. Inangat ko ang cake upang mailagay sa loob ng ref.
"Shower na po muna ako," paalam ko dahil malagkit na ang pakiramdam sa sarili.
Matapos maligo ay nagbihis ako ng desenteng damit. Isinuot ko ang kulay blue na classy lace dress na mayroong three-fourth sleeve. Naglagay din ako ng kaonting make up at hinati sa gitna ang maiksing straight na buhok bago itinali. Isinuot ko ang ternong kulay asul na strappy sandals. Sumagi sa isip ko na baka overdressed ako para sa okasyon pero naisip din na mas maigi na ito kaysa maging underdressed. Isang mahalagang bagay na itinuro sa akin ni Mommy tungkol sa fashion.
Nang masulyapan ang orasan ay nakita ko na medyo maaga pa at wala pang alas siyete ng gabi kaya naisipan kong magbasa na muna ng libro pampalipas oras. Ayaw ko namang maging maaga sa pagpunta at baka isipin na excited masyado. Makalipas ang halos trente minutos na pagbabasa ay bumaba na ako.
Kinuha ko muli ang cake na inilagay sa loob ng chiller at ang binili kong cat food kanina galing sa mall. Wala naman ang mga magulang ko kaya kay Manang na ako nagpaalam.
Nang makarating sa apartment ni Sir ay bumalik ang kaba ko. Muli na namang bumalik sa akin lahat ang alaala ng rejections. Humugot ako ng malalim na hininga at inisip na lamang na hindi naman ako nagpunta rito para sa kanya kundi para kay Nanay Celia. Itinatak ko sa kokote na sa pagkakataong ito, imbitado na ako.
Pinindot ko ang buton ng doorbell at hindi nagminuto ay kaagad din na pinagbuksan ng gate ni Sir. Una kong napuna ang kasimplehan ngunit desente ng suot niyang white vneck shirt at denim jeans. Mabuti na lang at nag-effort akong magbihis.
Mabilis naman ang paghagod niya ng tingin sa suot ko hanggang sa nagpirmi ang tingin niya sa hawak kong cake at cat food naman sa kabilang kamay.
"P-Para kay Nanay 'to," depensibo kong sinabi. Naalala na hindi siya kumakain ng cake.
Bumuka ang bibig niya na para bang may iaapila ngunit hindi na niya ito itinuloy dahil isinara na niya lamang.
"Pasok ka," pag-iimbita niya. "Ako na ang magdadala niyang cake."
Walang pagdadalawang isip ko itong ibinigay sa kanya dahil nakakangalay din naman sa kamay.
Nang makapasok na ako ay muli niyang isinara ang gate. Tahimik kaming naglakad papasok ng kanyang bahay.
Hindi ko na napigilan pa ang sarili at muli na namang hinagod ng tingin ang sala niya. Ikalawang beses ko na namang pagpasok ito sa kanyang bahay pero naninibago pa rin talaga ako.
Nang nagpatuloy siya sa paglalakad ay nagpatianod na rin ako. Dumeretso kami sa kanyang kusina at nadatnan si Nanay Celia na abala sa paghahanda ng pagkain. Nakasuot siya ng simpleng kulay pulang bestida.
"Happy birthday po!" sabay ngiti ko.
Tumango siya at ngumiti. Inilapag naman ni Sir Mendez ang cake sa mesa kung saan marami ng pagkain ang nakahanda.
Nag-sign language ulit ang matanda.
"She's asking if you baked the cake yourself," awtomatikong pag-translate ni Sir.
Nag-approve sign ako kay Nanay Celia.
"It's like this," sabad ni Sir at ikinuyom niya ang isang palad sabay marahang mistulan na pagkatok.
"Ah. Parang kumakatok lang," mangha kong sinabi at inilagay sa mesa ang cat fat na hawak upang magaya ang ginawa niya.
Iminuwestra ng matanda ang upuan at hindi ko na kailangan pa ang translation ni Sir para lang malaman ang ibig nitong sabihin. Alam kong pinapaupo na niya ako.
Bago umupo ay binuksan ko ang box ng cake at inayos ang maliit na kandila rito. Napansin ko ang pagpunta ni Sir sa may kabinet ang pagkabalik niya ng mesa ay may hawak na siyang lighter. Sinindihan niya ang kandila.
Sinimulan ko ang pagkanta ng 'Happy Birthday' ngunit napansin na ako lang ang kumakanta kaya sinipat ko ng tingin si Sir upang sabayan ako. Nagkamot pa siya sa dulo ng matangos niyang ilong ngunit sa huli ay kumanta rin naman.
Matapos ang kantahan ay hinipan na rin ni Nanay Celia ang kandila. Binati ko siya ulit. Matapos ang batian ay sinimulan na namin ang pagkain.
Ang sarap ng mga pagkain. Iba-iba ang putahe at medyo marami gayong kami lang namang tatlo. Siyempre, pinakauna ko ring tinikman ang paborito kong chicken curry.
"Matagal niyo na po bang kilala si Sir, Nay?" tanong ko habang kumakain.
Ngumiti ang matanda sabay sulyap sa amo. Tumango siya at nagpatuloy na sa pag-kain.
"Ten years old pa lang ako nandiyan na si Nanay," si Sir.
Napangiti ako habang naalala si Manang.
"Masungit din po ba si Sir kahit noong bata pa siya?" dagdag na tanong ko.
Nagsimula na namang magkumpas ng kanyang kamay si Nanay kaya bumaling ako kay Sir.
"Hindi. Mabait ako," tanging eksplenasyon niya at nagpatuloy na sa pagsubo ng kanyang kanin.
"Feeling ko nagsisinungaling ka, Sir. Ang daming galaw no'n para sa salitang 'hindi', ah!" pang-aasar ko. Nagiging komportable na.
"That's what she said," giit niya.
Kaagad kong binalingan si Nanay para ikompirma ito. Paulit-ulit na umiling ang matanda.
"Sabi ko na nga ba at nagsisinungaling ka, Sir!" paratang ko.
"Just eat your food, Miss Villarejas," utos niya.
Ibinaba ko ang kutsara at tinidor.
"Tapos na akong kumain. Busog na ako."
Naningkit ang kanyang mga mata at ibinaba ang tingin sa plato ko. May natitira pa rito na isang piraso ng nilutong chicken curry.
"You didn't finish your chicken curry. Hindi mo nagustuhan?" seryoso niyang tanong.
Suminghap ako at pasekreto siyang pinandilatan. Tinakpan ko ang gilid ng bibig at bahagyang inilapit ang sarili sa kanya dahil magkatabi naman kami ng upuan.
"Bakit ganyan ang tanong mo? Ang rude at nakakahiya kay Nanay dahil siya pa naman ang nagluto!" bulong ko sabay sekretong sulyap sa matanda na nakaupo sa tapat. Tahimik lamang itong kumakain.
"So... Hindi mo nga nagustuhan?" bulong niya pabalik.
Tumikhim ako at nang masiguradong hindi naman nakikinig sa amin ang matanda ay mas pinili ko ang maging matapat.
"Masarap naman. Medyo kulang lang ng kaonting asin."
Tumango-tango siya na parang isinasapuso ang sinabi ko.
"Salamat daw sa regalong cake at cat food," si Sir nang magpaalam na ako sa kanila.
"You're welcome po, Nay!" derektang sagot ko sa matanda.
Inihatid ako ni Sir sa gate.
"Thank you po," pagpapasalamat ko nang nasa labas na.
"Sure. Though I'll make sure to add some more salt on the curry next time."
Nawindang ako. "Kayo po ang nagluto no'ng curry?!"
Kalmado siyang nakapamulsa na ngayon. "Yep."
"Sorry po!" agap ko.
Imbes na matawa siya sa gulantang na reaksiyon ko ay nanatiling seryoso ang kanyang hitsura.
"Can we be friends now?" marahan at maingat niyang tanong.
Friends? Tila ba may kung anong sumipa sa puso ko patungong sulok. Ito ba ang tinatawag nilang friendzone?
Pilit kong inayos ang disposisyon sa kabila ng mabigat na nararamdaman.
"S-Sure. If... If that's what you want, Sir."
Masidhi niya akong tinitigan. Kitang-kita ko ang mabigat niyang paglunok dahil sa liwanag na masaganang iginagawad sa amin ng malaking buwan.
"For now," paos niyang sinabi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top