Chapter 8
Chapter 8
Booth
Mas dumoble pa yata ang kabog sa dibdib ko hindi lang dahil sa phobia sa dilim kundi pati na rin sa lalaking kasama. Unti-unti akong nanghina hanggang sa nabitiwan ko ang ibinalot na paintbrushes at nagkalat na ito sa sahig. Hindi na ako kumilos pa mula sa kinatatayuan dahil sa nararamdamang takot samantalang ramdam ko naman ang paggalaw ni Sir dahil sa kaluskos na naririnig.
"The power is out." Kasunod ng kanyang marahan na pagmura ay dinig ko rin ang mistulang pagpindot sa switch.
Ilang sandali pa ay nagpailaw na rin siya mula sa flashlight ng kanyang cellphone. Bahagya akong nasilaw nang itutok niya ito sa akin.
"Are you okay?" untag niya dahil sa pagiging tahimik ko.
Bilang pagtugon ay humugot na lamang ako ng malalim na hininga habang pilit na pinapakalma ang sarili.
"B-Bakit walang emergency light?" tanong ko. Nang tanawin ang labas ng bintana ay purong kadiliman din ang nakikita ko. Mukhang buong campus ang naapektuhan.
"This is an old classroom. Baka hindi na naisipan na lagyan pa. Come on, let's get out of here."
Gustuhin ko man ang humakbang papalapit sa kanya ay hindi ko magawa dahil nagpirmi na ang mga paa ko sa sahig at natatakot na matumba. Pumikit ako nang mariin at nagsimula na naman ang hindi maipaliwanag na pagsikip ng dibdib ko. Hinaplos ko ito habang patuloy pa rin na pinapakalma ang sarili.
"Ms. Villarejas?" Sa pandinig ko ay mistulang malayo ang kanyang boses gayong alam ko naman na humakbang na siya papalapit sa akin.
Gaya na lamang ng kadalasang nangyayari sa tuwing nasa dilim ako, sinakop na naman ako ng lamig sa buong katawan. Halos nanlulumo na ang mga tuhod ko dahil sa panginginig nito.
"JC, are you alright?" untag niya na may bahid na ng pag-aalala ang boses.
Namanhid na ang buo kong katawan sa lamig maski nagsisimula na naman akong pagpawisan. Tanging pagsinghap lang ang kaya kong pakawalan.
"Shit!" malutong niyang pagmura sabay tuluyang paglapit sa akin at marahan niyang hinawakan ang braso ko. "You are afraid of the dark."
"It's alright, JC. I'm here," paulit-ulit niyang pag-alu sa akin at banayad na hinaplos ang aking braso. "God, you're shaking. Shh."
Sa haplos niya ay nanghina ako. Hinayaan ko ang sarili na pansamantalang sumandal sa kanya. Sa kadiliman ay nagpaubaya na muna ako. Noong una ay ramdam ko ang pagdadalawang-isip niyang yumakap sa akin ngunit kalaunan ay mukhang mas nanaig ang pag-aalala niya.
Napakalma ng kanyang mainit na yakap ang takot na sumakop sa buong pagkatao ko. Unti-unti na akong napakalma nito. Hindi ko na namamalayan kung ilang minuto kaming ganoon. Siguro kung hindi lang kami nasa ganoong sitwasyon ay kinilig na ako. Pansamantala kong nakalimutan ang pag-iwas sa kanya.
Mas sumandal pa ako at isiniksik ang sarili sa mainit niyang katawan. Napanatag din ako ng kanyang mabangong amoy. Kaonting perfume, ngunit mas dinaig ito ng natural na amoy ng kanyang katawan. Ang lakas maka-lalaki.
"Inaamoy mo ba ako?" sambit niya bigla sa mapaglarong tono.
Mariin akong napapikit sa kahihiyan at muntik pang matampal ang noo.
"Bumalik na pala ang ilaw," anunsiyo niya na nagpadilat at nagpabalik ng wisyo ko. Ang liwanag na nga!
Para akong natamaan ng nanggagalaiting kidlat at kaagad na lumayo mula sa kanya. Sa kahihiyan ay nag-iwas ako ng tingin.
"M-May i-ilaw na pala," sabi ko kahit na halata na naman.
Inabala ko na lamang ang sarili sa pagpulot ng mga paintbrushes na nasa sahig. Ngayon na nagbalik na ang liwanag ay nagbalik na rin ang pagiging asiwa at taranta ko sa presensiya niya.
Hindi man siya nagsasalita ay batid ko naman ang tahimik na pagmamasid niya sa akin. Ganoon nga siguro katindi ang titig niya dahil ramdam ito ng katawan ko.
"Tulungan na kita—"
"Hindi na!" pasigaw na awtomatikong pag-ayaw ko sa alok niya. Mabilisan ko namang muling naibalot sa manila paper ang mga ito kaya hindi na rin siya nakaalma pa.
Ipinasok ko ang ibinalot na paintbrushes sa loob ng isang kahon na nasa may sulok at pagkatapos ay aligagang kinuha ang bag na nakapatong sa ibabaw ng stool.
"I have to go home now, Sir," paalam ko na hindi siya tinitingnan. Ang gusto ko lang ay ang agarang pag-alis.
Hindi ko na narinig pa ang sagot niya dahil mabilis na akong lumabas ng silid.
Hindi ako mapakali habang nasa loob na ng sasakyan at bumibiyahe pauwi. Parating tumatakbo sa isipan ko ang buong nangyari. Naiinis ako sa sarili dahil nalaman niya pa ang pinakakahinaan ko. Ang takot sa dilim.
Pagdating ng mansiyon ay dumeretso ako sa kuwarto nina Mommy. Ang sabi sa akin ni Manang ay kararating lang daw ng ina ko samantalang nagpaiwan na muna si Papa sa restaurant kasama ang kasosyo sa negosyo. Naging desidido na akong muling komprontahin si Mommy sa noon pa man ay tanong na bumabagabag sa isipan ko.
Kumatok muna ako ng dalawang beses sa pinto bago ito binuksan. Nadatnan ko si Mommy sa harapan ng kanyang vanity mirror. Kasalukuyan siyang nagtatanggal sa suot na eleganteng gold-tone faux pearl earrings.
"You are very late. Magbihis ka na at kumain ng dinner," kalmante niyang pagpuna. Nakatuon ang atensiyon sa sariling repleksiyon sa harapan ng salamin.
"I sent you a message earlier about my whereabouts," pagpapaalala ko at nilapitan siya. Nasa gilid ako ng kama at nakatayo sa kanyang likuran.
"I want to ask you something," marahan na panimula ko.
"I'm tired, Jean. Your Papa and I had a long day. Let's talk about it tomorrow."
"Hindi po ba talaga ako na-kidnap noong bata?" deretsahan at walang paligoy-ligoy kong tanong.
Kapansin-pansin ang panandaliang pagtigil niya sa ginagawa. Marahil ay nagulat sa paksa na napili kong banggitin. Maingat niya akong nilingon at nakita kong mabilis niyang inayos ang hitsura. Ngayon ay tinitingnan na niya ako na para bang may binanggit akong isang wala namang kwentang bagay.
"Seriously? That insane question again?" singhap niya.
"Mom—"
"Bakit? Ano na naman ba ang pumasok diyan sa malawak mong imahinasyon?" Muli siyang humarap sa salamin. Binuksan niya ang drawer at kumuha ng hairbrush mula rito. Kalmado niyang inumpisahan ang pagsusuklay ng kanyang mahabang buhok na kulot sa bandang dulo.
"I just feel like... I just feel like something happened before. Like..." Hindi ko madugtungan ang sasabihin dahil maski ako gulong-gulo rin.
Iritado niyang ibinaba ang brush at inis akong nilingon.
"I am your mother! I should know if you had been kidnapped in the past!"
Natahimik ako dahil sa sinabi niya. Tama rin naman siya. Kung sino man ang mas higit na nakakaalam ay walang iba iyon kundi siya lang.
"I'm sorry," bawi ko. "Naguguluhan lang po ako."
"Sinabi ko naman sa'yo na ihinto mo na 'yang pag-attend ng session mo with your therapist. He's just making you more confused, feeding you with lies!"
Pagod akong bumuntonghininga. Mismong ako ay hindi na alam ang iisipin pa. May mga piraso ng alaala na bigla na lamang dumarating sa akin ng kusa. Hindi ko lang alam ang pagkakaiba kung alaala nga ba o baka imahinasyon lang.
"Sige po. Good night," sabi ko na lang at lumabas na ng silid.
Pumasok ako sa sariling kuwarto at nag-shower. Matapos maligo at makapagbihis ay bumaba ako upang kumain ng hapunan. Hindi rin ako nagtagal sa hapag dahil wala akong gana kumain.
Umakyat ako ng kuwarto at tinawagan si Lolo.
"Tama ang Mommy mo. Kung na-kidnap ka man noong bata eh 'di sana alam namin," sabi niya matapos kong magbahagi ng saloobin.
"Pero, Lolo, paano kung...kung nawala ako noon? Tapos kaagad din namang nahanap..."
"Imposible iyan, JC," tanging nasabi niya.
Umusog ako sa bandang headboard ng kama. Huminga ako ng malalim upang maihanda ang sarili sa susunod na sasabihin.
"Eh kung...kung tanungin ko ang...biological father ko?" Hindi sigurado ang tono ng pagsasatinig ko sa naiisip na ideya.
"Alam mong hinding-hindi ka papayagan ng nanay mo sa binabalak mong 'yan. At ano namang alam no'ng taong sugapa na 'yon bukod sa droga? Kailanman ay hindi siya naging ama sa'yo. Hayaan mo na iyon na mabulok sa kulungan."
Hindi na matapos-tapos ang pag-angil ni Lolo. Nagsisi tuloy ako kung bakit nag-open up pa ako sa balak na gawin. Nang naumay na sa pagsasabi niya ng mga walang dudang dahilan kung bakit hindi ko na dapat subukin pa na puntahan ang ama sa kulungan ay nagpaalam na ako na matutulog. Ibinaba ko ang tawag.
Kung tutuusin ay hindi nga naman talaga naging ama sa akin si Franco. Simula noong mamulat ako at nagkaroon ng sariling pag-iisip ay hindi ko kailanman siya naabutan na nasa tabi. Hindi rin kasi sila nagkatuluyan ni Mommy. Pero tumatanaw pa rin naman ako sa kanya ng utang na loob dahil siya pa rin ang isa sa mga dahilan kung bakit ako nabuhay sa mundo.
Naging masigla at abala ang buong campus sa unang araw ng foundation days. Dumating ako suot ang kulay itim na turtleneck plain crop top at highwaisted faded jeans. White sneakers naman ang sapatos na isinuot ko para mas kumportable dahil alam kong magiging abala sa horror booth.
Sinimulan ang magiging tatlong araw na foundation days ng opening ceremony na binubuo ng iba't-ibang programa at presentasyon mula sa iba-ibang kurso. Pagkatapos ay nagbukas na rin ng mga booth.
"So, ano'ng sinabi ni Sir kagabi?" pang-uusisa ni Hope habang papalabas na kami ng gymnasium kasabay ng iba pang mga estudyante. Katatapos lang ng opening program.
"Tinanong niya lang ako kung iniiwasan ko ba siya."
"Tapos? Deny ka naman kahit masyado kang obvious?"
"Oo siyempre," pag-amin ko. Kinilabutan ako nang maalala na naman ang nangyaring kahihiyan. "Kaya lang, nagka-brown out."
Nahinto siya at hinigit ako sa braso. Hinila niya ako sa may sulok.
"Tapos? Takot ka pa naman sa dilim? Nagyakapan kayo?" Halata sa boses niya ang pagiging sabik sa tsismis.
Bahagya akong natihil dahil naalala na naman ang pagsandal ko kay Sir Mendez.
"Hoy! Ano na?" untag ni Hope.
Wala sa sarili akong napailing.
"Wala. Hindi kami nagyakapan. Halika na nga at may booth pa tayong aasikasuhin."
Inabala namin nina Hope at ng iba ko pang committee members ang mga sarili sa pagbubukas ng horror booth. Kaagad din naman kaming dinagsa ng mga estudyante. Magandang bagay ito dahil ibig sabihin lang ay mukhang malaki ang kikitain ng booth namin na pwedeng gamitin sa donation program na isa sa mga sinusuportahan ng university.
Pagsapit ng hapon ay wala ng masyadong mga estudyante na bumisita ng booth namin kaya nakapagpahinga naman kami. Tumambay muna kami nina Glai at Hope sa labas ng pintuan nito at naupo sa plastic chairs. Habang pinag-uusapan namin ang tungkol sa bagong boyfriend ni Hope ay bigla namang sumulpot si Sir Mendez.
Mabilis na umalerto ang dalawa kong kasama at bumati sa kanya.
"How's the booth?" si Sir sabay sulyap sa akin.
Nag-iwas ako ng tingin at nagkunwaring abala sa pagtingin sa tickets na nasa loob ng kahon.
"Sobrang patok po, Sir!" dinig kong masiglang sagot ni Hope. Hindi talaga siya naiintimida sa guro namin.
"That's good to know..."
Sinundan ito ng nakakaasiwang katahimikan.
"Glai, samahan mo muna ako sa refreshments booth! Nauuhaw ako, eh," bigla na lamang anunsiyo ni Hope na nagpakaba sa akin.
Kaagad ko siyang tiningnan at sinipat. Pabalik-balik naman ang naguguluhang tingin ni Glaiza sa aming dalawa ni Hope.
"Uh...sure," si Glaiza na hindi sigurado kung ano ang nangyayari.
Tumayo na silang dalawa ni Hope. Tuso akong nilingon ng kaibigan.
"Babalik din naman kami agad, JC!" aniya at hinatak na si Glaiza papalayo.
Hindi ko napigilan ang sarili at napasulyap na kay Sir. Nagkatinginan kami. Kumalabog na naman ang puso ko dahil sa kaguwapuhan niya sa suot na simpleng crisp white shirt at dark denim jeans. Pakiramdam ko, araw-araw mas lalo lang yata siyang gumagwapo.
Iminuwestra niya ang nabakanteng upuan ni Hope kanina na nasa tapat ko.
"Can I sit here?"
Pansamantala akong naguluhan. Mukha yatang balak pa niya ang tumambay sa labas ng booth. Nga naman, coordinator siya nito kaya siguro may dahilan siya para magtagal. Dinisiplina ko ang sarili dahil hindi naman ako pupwedeng manatili na aligaga sa tuwing nariyan siya. Nagplaster ako ng normal na ngiti sa mga labi.
"Sure, Sir."
Tahimik siyang naupo na at ngayon ay derekta na kaming magkaharap. Hindi ko na magawang mag-iwas ng tingin dahil masyado ng mapaghahalataan.
"The booth's been doing well compared to the others," komento niya sabay sulyap sa iba pang booths na nasa ibang classroom lang.
"Maybe it's because its per group, Sir. Magbabarkada ang pumapasok," paliwanag ko.
Tumango lang siya at muli akong sinulyapan.
"Wala na bang mga estudyante sa loob?"
Napalinga ako sa pinto ng booth.
"Wala na po. Baka bukas na naman."
"Ah." Tumango-tango siya.
"Kukunin niyo po ba ang tickets?" sabi ko nang may mapag-usapan at iniisip rin na baka ito talaga ang pakay niya.
Bumuka ang bibig niya ngunit isinara niya rin agad. Halatang nangangapa sa susunod na sasabihin.
"About the locker," panimula niya.
Kumunot ang noo ko dahil hindi alam ang ibig niyang sabihin. Napasulyap ako sa kabilang building na nasa tapat lang namin.
"Locker po nino?" naguguluhan kong tanong.
Umigting ang kanyang panga na para bang hirap siya sa pagpapaliwanag.
"Tungkol sa locker ni Miss Arta..." muli niyang pagsubok.
Naliwanagan na ako sa tinutukoy niya ngunit hindi pa rin naiwasan ang paniningkit ng mga mata.
"Ang...ang tagal na po no'n," sabay awkward na tawa ko.
"I know. I just..."bumuntonghininga siya, "Miss Calope told me that it was her who put the rat inside Miss Arta's locker."
Nakatanga lang ako habang pinagmamasdan siyang mistulang hirap sa pagsasalita. Nakita ko ang determinasyon sa kanyang mga mata upang magpatuloy.
"I guess, all I'm saying is that... Me, blaming you for it was not a good thing—"
"Nagso-sorry po ba kayo sa akin ngayon, Sir?" gulantang na agap ko.
Napakurap siya at bahagyang umawang ang kanyang labi.
"I... I mean I shouldn't have blamed you for it. I shouldn't have judge you—"
"So nagso-sorry nga po kayo, Sir?" mariing pag-uulit ko. Gusto ko siyang paaminin.
Natigilan siya. Ipinalandas niya ang dila sa kanyang labi at mabigat na lumunok.
"Y-Yes,''parang padaing na pagkakasabi niya. Gusto ko sanang matawa sa ekspresiyon niya sa mukha dahil kung titingnan ay parang napipilitan lang siya sa inamin.
Nabuo ang kumpiyansa ko sa sarili. Lihim akong napangiti dahil ang cute lang niyang tingnan ngayon. Nawala bigla ang istrikto, intimidating, at confident na Lake Jacobe Mendez.
Tumikhim ako at tumuwid ng upo. Deretsahan ko siyang tiningnan sa mga mata.
"I will accept your apology, Sir, in one condition," paghamon ko.
Nagtagpo ang makapal niyang kilay. "What condition?"
"Wala pa po kaming character na bampira sa booth. Pwede po ba kayong maging si Dracula?"
"No, I won't," awtomatiko niyang pagtanggi.
Nagkunwari akong walang pake sa naging sagot niya at kalmanteng tumayo na.
"Okay, Sir. Puntahan ko lang po sina Hope. Mauna na po ako sa inyo."
Iniwan ko siyang tuliro habang nakamasid lang sa kahon ng tickets.
Naabutan ko sina Hope at Glaiza na nagpapalipas lang ng oras habang nagkukuwentuhan kasama sina Jok at mga kaklase niyang mga Political Science students. Nakita ko ang pagsiko ni Jok sa nakatayong katabi niyang si Troy Loyzaga.
"Hi, Jean," nahihiyang pagbati nito sa akin.
"Hi," sabay ngiti ko pabalik at tinanguan siya. Binalingan ko ang dalawang babaeng kaklase. "Hindi na kayo bumalik."
"Sorry, babe. Nakipagkuwentuhan lang kami with the future lawyers!" si Hope.
Napatingin akong muli kay Troy nang abutan niya ako ng isang baso ng halo-halo. Mabilis akong napakapa sa bulsa ng suot ng jeans para ipambayad.
"No need. This one is on me," agap niya. Siguro ay nakuha ang balak kong gawin.
"Thank you," sabi ko at tinanggap na ito.
"Kilig na si Loyzaga!"Hiyawan sabay tawanan ng mga kasamahan niya. Pinamulahan pa tuloy siya sa bandang dulo ng kanyang tainga dahil sa panununkso nila. Natawa na rin ako.
Wala sa sarili akong napatanaw muli sa horror booth. Nakita kong nakatanaw na rin sa amin si Sir Mendez. Marahil ay dahil sa ingay namin.
Umupo ako sa bakanteng silya. Hindi ko kita si Sir Mendez sa naging posisyon ko dahil nakatalikod ako sa bandang booth kung nasaan siya.
"Thanks pala sa pag-accept sa friend request ko," si Troy na hindi ko man lang namamalayan ay nakatayo na pala sa gilid ko.
Tinikman ko ang halo-halo na bigay niya at nginitian siya.
"Masarap ba?" nakangisi niyang tanong. Napuna ko ang dimple na lumantad sa kaliwa niyang pisngi.
"Oo naman!"
Nahihiya siyang napakamot sa kanyang batok.
"Ako ang nagluto niyan!"
Mahina akong natawa.
"Nagluto? Eh hindi naman 'to niluluto!"
Kinagat niya ang ibabang labi sabay titig sa mata ko. Hindi ko maiwasan ang mapangiti sa pagiging boyish niya.
"I mean... Ako ang naghalo ng mga sahog."
Sabay kaming nagtawanang dalawa kaya naman ay inasar na naman kami ng mga kasama. Nanatili ako roon at sumali na sa kuwentuhan.
Medyo tanghali na ako gumising sa sumunod na araw. Balak kong alas diyes na pumasok dahil alam ko namang may mga ka-grupo na akong nag-aasikaso ng booth. Upang mas mag-enjoy ay naisipan kong mag-volunteer bilang white lady. Isinuot ko ang puting lace dress na off shoulder at hinayaang nakalugay ang buhok. Hindi na rin ako naglagay pa ng make up sa mukha para maging sadyang maputla.
Pagdating ng campus ay dumeretso kaagad ako sa booth. Nagtaka ako nang makita na mistulang mayroong pinagkakaguluhan sa labas ng pintuan nito. May grupo ng mga estudyante na hindi pa nakakapasok at may kahabaan na rin ang pila. Mas pumatok yata ang booth ngayong araw.
Hindi pa man nakakaupo sa plastic na stool ay hinila na ni Hope ang braso ko. Nakitaan ko ng excitement ang kanyang hitsura.
"Pumasok ka na sa loob, Virgin Ghost!"
May pagtataka man sa inaasta niya at tinawanan ko lamang siya.
"Oo na. Excited much? At White Lady ako, okay?" pagtatama ko.
"Parehas lang 'yon! Nasa loob na si Sir Dracula," aniya sabay tulak sa akin sa may pintuan.
Nahinto ako dahil sa binanggit niya at marahan siyang nilingon.
"Sir Dracula?"
Umirap siya at itinuro ang mahabang linya ng mga kadalasan ay babaeng estudyante na naghihintay para makapasok ng booth.
"Gusto ng mga 'to na makagat ni Sir Mendez! Magpapahuli ka ba?"
Ngayon ay lantaran ng bumagsak ang panga ko sa kanyang sinabi.
"Dracula si Sir Mendez?" gulantang kong tanong. Akala ko ba ayaw niya?
Hindi ko na pinuna pa ang inasal ni Hope nang itulak niya ang iba naming schoolmates na nakaharang para lang makadaan kami palapit ng pintuan.
"Yes, babe! Kaya pumasok ka na sa loob at nang makagat ka na niya talaga!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top