Chapter 4


Chapter 4

Rejections

Mag-iisang oras ko ng tinititigan ang mga naunang palpak na cake na inilatag ko sa mesa. May isang sabog, dalawang hindi tumubo, at isang kasin-tigas ng bato. Pinuyat ko pa naman ang sarili kagabi para lang manood ng mga videos kung ano ang tamang proseso para maging matagumpay ang gagawin ngayong araw. Sinabi ko sa sarili na ayaw kong magkamali. Gusto ko pulido ang gagawin. Nagpaturo rin ako kay Manang Loida kaninang umaga.

Ginamit ko na nga ang private kitchen na hindi naman ginagamit para hindi maabala ng mga kasambahay. Masasabi kong hindi talaga madali. First time kong mag-bake ng cake kaya naninibago talaga ako.

Muli akong napatingin sa mga natitirang sangkap. Sa nakikita ko ay huling tsansa ko na ito dahil halos ubos na. Ayaw ko namang magpabili pa kay Manang dahil masyado na akong nag-aaksaya.

Sinulyapan ko ang wall clock na nasa itaas ng pintuan. Wow. Halos buong araw na pala akong nandito sa kusina.

"You can do this again, JC!" pag-cheer ko sa sarili sabay pisil-pisil ng mga daliri.

Kagaya na lamang ng itinuro sa akin ni Manang, una kong pinaghalo ang sugar at butter. Pagkatapos nito ay inihalo ko naman ang itlog. Isinunod ko na rin ang flour at baking soda. Sinunod ko ulit ang lahat ng steps na itinuro sa akin. Ang mga pagkakamali sa nauna ay itinama ko na.

Matapos ang ilang minuto ay natapos din ang paghahalo ko ng mga ingredients. Nang maihugis puso na ito ay ipinasok ko na sa oven. Habang naghihintay ay pagod akong napabagsak ng upo sa silya at napasandal pa sa backrest nito. Pinunasan ko ang pawis na namumuo sa noo dahil sa ginawa simula pa kanina.

Pagkatapos ng kalahating oras ay kinuha ko na rin ang cake mula sa oven. Medyo napapikit pa ako dahil sa kaba at baka palpak na naman. Kung magkaganoon, wala na akong choice kung hindi pagtiyagaan nalang ito.

Dahan-dahan kong inilapag ang cake sa mesa.  Mabango naman siya. Mukhang masarap.

"Puwede na 'to," bulong ko sa sarili at saka kinuha na ang pang-icing.

Siyempre nag-effort din ako sa presentation. Para kung hindi man masarap, mabawi naman sa panlabas na anyo.

"Ang ganda niyan, ah at mukhang masarap," si Manang nang nabisita sa kusina. Lumapit na siya sa mesa at kritikal niyang pinagmasdan ang cake na nagawa ko. "Pero bakit naging maliit na? Parang kasinlaki lang ng kamay mo?"

" 'Konti nalang po kasi ang natira sa ingredients." Itinuro ko ang mga palpak na naunang cake. "Puro po palpak."

Bumunghalit ng tawa si Manang.

"Dapat siguro dalhin mo iyang crush mo rito sa kusina at nang makita niya ang hirap na pinagdaanan mo mai-bake lang siya ng cake."

Ngumuso ako at itinuon na lang ang atensiyon sa cake na nagawa. Masaya naman ako sa naging resulta. Kontento na ako rito. Nga lang, ang tanong eh tatanggapin ba naman ito ni Sir?

"Dumating na po ba sina Mommy?" baling ko kay Manang na nagsisimula ng magligpit ng mga pinaggamitan ko.

"Hindi pa. Tumawag kanina. Sa labas na raw sila magdi-dinner ng Papa mo."

Tumango ako at tinulungan na siya.

"Huwag ka ng tumulong. Tatawagin ko si Lisa para kami na ang magliligpit dito." Hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang laylayan ng suot kong apron. "Magbihis ka na at mag-ayos. Hindi ba ay mamaya mo na ibibigay iyan sa crush mo na bagong lipat lang malapit dito?"

Kinapa ko ang buhok at naramdaman kaagad sa palad ang lagkit nito marahil na rin sa tapon na flour na aksidente kong nadikit sa buhok habang aligaga sa pagtatrabaho kanina. Sinulyapan ko ang orasan. Pasado alas singko na pala ng hapon.

"Sige po, Manang." Umalis na ako ng kusina para umakyat na sa kuwarto.

Alam na ni Manang Loida ang dahilan ng pagiging pursigido ko sa pagbe-bake. Ikuwenento ko sa kanya kaninang umaga ang tungkol sa paghanga ko kay Sir Mendez. Hindi naman ako nagbanggit ng pangalan at alam ko naman na mapagkakatiwalaan ng sekreto si Manang. Sampung taong gulang palang ako, siya na ang nag-alaga sa akin dahil sa pagiging abala ni Mommy sa pag-aartista noon. Itinuturing ko na rin siyang pangalawang ina.

Nag-shower ulit ako. Nang magbihis ay isinuot ko ang sleeveless wine lace trim dress na hanggang tuhod ang iksi. V-neck ito at may floral dress pattern. Tenernohan ko ito ng strappy sandals.

Naupo ako sa vanity room at tiningnan ang mukha sa salamin. Maliit lang ang mukha ko na heart-shaped. Nagmana rin kay Mommy ang maliit ngunit matangos kong ilong. Namana ko naman sa tunay na ama ang malalim na mga mata at ang medyo pagka-chinita nito.

Inilugay ko lang din ang straight at napakaitim na buhok. Naglagay lang din ako ng lipstick sa mga labi kong simetriko na ang ibabang labi ay mas makapal at may prominenting tinatawag na cupid's bow. Dahil sa pagiging fair ng balat ko na minsan ay pumuputla na, kailangan ko talagang maglagay ng lipstick.

Nang disente na tingnan, bumaba na ako upang kunin ang cake na ginawa.

"Hindi ka ba kakain na muna, JC?" tanong ni Manang.

"Busog pa po ako kakatikim ng cake kanina, Manang." Kinuha ko ang cake na nakalagay na sa loob ng kulay pink na kahon. May ribbon na rin sa ibabaw nito.

Nagpaalam na ako at lumabas ng mansiyon. Sinuri ko pa talaga ang paa ko at baka nakalimutan ko na namang magsuot ng tsinelas. Intact naman ang strappy sandals ko kaya walang problema at hindi na yata ako mapapahiya. Madilim na sa labas dahil alas sais na ng gabi.

Nang marating ang apartment ni Sir ay huminga muna ako ng malalim bago pinindot ang buton ng doorbell. Tatlong beses ko itong ginawa bago niya ako tinugunan.

Nakita ko na naman ang kanyang kaswal na suot. Kulay itim na tshirt lang at shorts. Tulad noong nauna ay hindi niya ako kaagad pinagbuksan ng gate.

"What are you doing here?"

Pinalampas ko ang indiperensiya sa tono ng kanyang pananalita.

"Nag-bake po ako ng cake!"masigla kong sinabi. "Sana po tikman niyo, Sir..."

Inip niyang sinluyapan ang bitbit kong cake.

"Hindi ako kumakain niyan. Ibigay mo nalang sa iba."

Akma na niya sana akong tatalikuran ngunit nagpumilit pa rin ako.

"P-Pero pinaghirapan ko po na i-bake to, Sir! Sayang naman 'yong effort ko kung...kung mapupunta lang sa iba."

Naghilot siya ng sentido at pagkatapos ay mabilisang binuksan ang tarangkahan ng pinto ng gate. Walang imik niyang kinuha ang cake mula sa kamay ko. Kumawala naman ang ngisi sa mga labi ko.

"I hope you'll like it, Sir!"

"It's late. You should go home," pagpapaalis niya na naman sa akin.

Hindi na ako umepal pa dahil madilim na talaga. Ngumiti lang ako habang pinagsasarhan niya muli ng gate. Kahit na tinalikuran na niya ay kumaway pa rin ako.

"Bye po!"

Abot hanggang tainga ang ngiti ko habang nasa kama na ng gabing iyon. Hindi ako makatulog dahil kumpara sa mga sulat na naibigay ko, ito ang kauna-unahang beses na tinanggap niya ang ibinigay ko. Siyempre bukod sa school output. At ang maganda nito, harap-harapan pa iyon at hindi ko na ipinuslit lang.

Napaimpit ako ng tili dahil sa kilig. Naninibago rin ako sa sarili. Unang pagkakataon ko ito na maging bold talaga sa nararamdaman. Nasanay lang ako noon na magkimkim ng emosyon dahil iyon ang turo ni Mommy sa akin. Ang sabi niya, ang iniisip at damdamin daw ng isang babae ang pinakamabisang alas kaya dapat ay hindi ito basta-bastang ipinamimigay. Marahil ay nagpapatunay lang talaga ito na hindi kami pareho.

Dahil maganda ang tulog kagabi, maganda rin ang gising ko kinaumagahan. Alas nuwebe pa ang first class ko. Alam kong nasa university na si Sir dahil alas otso ng umaga ang una niyang klase.

Nakangiti ako habang nakasakay ng sasakyan. Nang mapadaan sa apartment ni Sir ay kinuha ng pamilyar na kahon ang atensiyon ko. Kaagad kong ipinahinto ang sasakyan kay Kuya Benj.

"May titingnan lang ako, Kuya!" paalam ko at lumabas na ng sasakyan.

Hindi ako makapaniwala sa nakikita. Sa loob ng trash bin na nasa labas ng kanyang gate, nakita ko ang box na pinaglagyan ng cake.

Upang makompirma ang kutob ay dali-dali ko itong binuksan. Tumambad sa paningin ko ang cake na pinaghirapang gawin. Hindi man lang ito nagalaw dahil buong-buo pa.

"JC, baka ma-late ka na!" tawag ni Kuya Benj.

Kusang tumulo ang luha ko. Mas masakit pala ito kaysa sa mga naunang beses niyang pagsoli sa mga ibinigay ko. Narinig ko na naman ang muling pagtatawag ni Kuya kaya pinalis ko ang mga luha at muling ibinalik ang ginawang cake sa pinaglagyan nito ng pinagbigyan ko.

Bumalik ako sa loob ng sasakyan at nanatiling tahimik buong biyahe. Nawala na parang bula ang sigla kanina.  Buong umaga akong naging matamlay. Napansin iyon ni Hope ngunit dahil sa sunod-sunod na klase ay hindi niya na muna ako tinanong pa. Saka pa niya ako tinanong matapos kumain ng pananghalian. Sinabi ko  sa kanilang dalawa ni Jok ang nangyari.

Padabog na itinama ni Jok ang pinaggamitang kutsara sa ibabaw ng mesa. Nakakuha ito ng atensiyon mula sa mga ibang estudyante na kumakain sa canteen.

"Sumusobra na 'yang crush mo, ha! Sino ba siya sa akala niya?" naiinis niyang saad.

"Kumalma ka nga!" saway naman ni Hope sa kanya.

"Paano ako kakalma?! Tao pa ba talaga 'yang crush niya? Sa sobra niyang manhid, feeling ko bato na 'yon, eh!"

"Kasalanan ko rin naman. Masyado akong nagpumilit."

"Tss! Masama lang talaga pag-uugali no'n. Bakit ba kasi kayong mga babae na matatalino, gusto niyo 'yong cold at bad boy?"

"Eh kayo bakit gusto niyo 'yong sexy at outgoing na mga babae?" bato naman sa kanya ni Hope. "At saka bakit ka nga ba sumabay sa amin kanina sa lunch? Akala ko ba may babae ka na naman?"

"Walang spark, eh." Nagkibit ng balikat si Jok at saka napainom ng tubig.

Mahina siyang hinampas ni Hope sa likod.

"Hoy! Letse!  Baso ko 'yan!"

Ipinagpatuloy lang ni Jok ang pag-inom. Inubos niya pa nga ang tubig na laman nito.

Muli naman akong binalingan ng tingin ni Hope.

"Ano na gagawin mo? Susuko ka na ba?"

Bumuntonghininga ako. "Susuko na ako sa cake."

Nagtagpo ang kanyang kilay. "Huh? Sa cake?"

Kinuha ko na ang bag na inilagay ko sa kabilang upuan. Ngumisi ako nang muli siyang tingnan.

"Cookies naman ang pag-aaralan kong gawin."

Nailing nalang siya sa sinabi ko. Tumayo naman ako at naghanda na sa pag-alis.

"Oh, sa'n ka na?"

"May meeting ako with the org. See you sa last subject!" sabi ko at naglakad na paalis.

"Hindi mo ba talaga sasabihin sa'kin kung sino ang crush ni JC?" Dinig kong tanong sa kanya ni Jok.

"Chismoso ka talaga!"

Hindi ko na narinig pa ang isinagot ni Jok kay Hope dahil nakalayo na ako sa kanila.

Pagbe-bake naman ng cookies ang pinag-aralan ko nang makauwi na ng bahay. Si Manang pa rin ang nagturo sa akin. At dahil nga rito ay naibahagi ko na rin sa kanya ang nangyari sa cake na ginawa ko. Hindi niya ako pinigilan sa kabila ng nakakalungkot na nangyari. Sinuportahan niya pa rin ako sa gusto ko.

Tatlong gabi ko rin itong pinagtiyagaan na matutunan. Akala nga ni Mommy na baka may event lang ako sa eskuwelahan. Hindi naman niya ako inusisa pa. Sa mga pagkakataon na ganito siya, ngayon palang ako natuwa.

Maganda ang case na pinaglagyan ko ng cookies. Sa hugis puso nito ay napaghahalataan ang pakay. Isinilid ko ito sa paperbag at dinala sa university kinabukasan.

Matapos ang klase kay Sir ay sinundan ko siya sa kanyang paglabas. Nagtaka ang mga kaklase ko bukod kay Hope na alam na ang balak kong gawin. Hindi pa man kami nakakarating sa loob ng faculty room ay pinansin na ako ni Sir Mendez.

"Sir! Pwede ko po ba kayong makausap?"

Tipid siyang tumango sabay turo sa pinto ng faculty room. Mabilis naman akong tumango bilang pagsang-ayon.

Pagpasok namin sa loob ay walang ibang tao. Marahil ay nasa klase pa o nakauwi na. Dumeretso si Sir sa kanyang mesa, sumunod naman ako.

"Please make it quick. I still have a class to attend."

Pinagtakhan ko ang kanyang sinabi.

"Po? Kami po 'yong panghuling klase niyo 'di ba?"

Hindi niya ako sinagot at nagpatuloy lang sa pagliligpit ng kanyang mga gamit. Kinuha niya na rin ang kanyang kulay itim na laptop backpack.

"S-Sa law school niyo po ba?" dagdag na panghuhula ko.

Imbes na sagutin ang tanong, dumapo ang tingin niya sa bitbit kong paperbag. Dito ko naalala ang pakay sa kanya.

"Ibibigay ko nga po pala 'to," nakangiti kong sinabi sabay abot ng paperbag sa kanya.

"Hindi ako kumakain ng cake—"

"It's not cake po!"agap ko. "Cookies na po 'to!"

Mula sa hawak kong paperbag ay lumipat ang tingin niya sa mukha ko. Mariin niya itong tinititigan. Sa puntong ito ay nakita ko na itim ang kanyang mga mata.

Humugot siya ng malalim na hininga at sa wakas ay tinanggap na ang paperbag na iniaabot ko. Nabuhayan ako ng loob at nagkaroon ulit ng bagong pag-asa.

"Matamis po 'yan!" masiglang dagdag ko pa.

Napuna ko na napangiwi siya na para bang hindi magandang bagay ang sinabi ko. Sanay na siguro siya sa ganitong mudos ng mga babaeng nagkakagusto sa kanya.

Magkasabay kaming lumabas ng faculty room. Umasa ako na sabay din kami sa parking area kaya lang ay nakasalubong pa talaga namin si Ma'am Ramones.

Bahagyang tumalim ang tingin ng babaeng guro nang makita akong kasabayan si Sir. May tanong din sa kanyang mga mata nang makita ang paperbag na bitbit ni Sir Mendez. Nang ilipat niya ang tingin sa lalaking pareho naming gusto ay nagbago kaagad ang hitsura niya. Mistulang naging anghel na nakangiti.

"Do you have a second to spare?"malambing niyang tanong.

Napasulyap muna si Sir sa suot na relo bago tinanguan ang babaeng guro. Napilitan na rin akong magpaalam dahil ayaw ko namang maging tanga. Alam ko ang mga senyales kapag hindi imbitado ang presensiya ko.

"Make it quick kasi may class pa raw pero kinausap pa rin naman si Ma'am Ramones!" palakat ko nang nasa loob na ng sasakyan habang bumibiyahe pauwi.

"Oh, may problema ba sa skwela, JC?"si Kuya Benj na naistorbo ko pa yata sa pagmamaneho niya.

Pinagmasdan ko siya. Sa halos dalawang taon niya palang na pagiging drayber ko alam ko ng nasa trenta anyos palang siya.

"Single ka pa rin, Kuya, 'di ba?"

"Oo. Awa ng Diyos," sagot niya at nasa daan na ang tingin.

"Kung papipiliin ka ng magiging girlfriend mo, Kuya, between college student at working woman na, alin sa dalawa ang pipiliin mo?"

"Siyempre 'yong may trabaho na! Hati na kami sa gastos pang date." Sinabayan niya ito ng pagtawa.

Hindi na ako nagdugtong pa ng sasabihin. Mas lumala lang yata ang inis na nararamdaman ko.

Inayos ko na ang emosyon pagdating ng mansiyon. Ayaw ko namang pati si Mommy ay magtaka pa sa ikinikilos ko. Mas lalong ayaw ko na mag-alala si Papa. Pinagtuonan ko rin ng pansin ang alagang sisiw na si Pepe upang makalimutan ang masakit na nangyari.

Maaga akong umalis ng bahay para sa eskuwela. Nagbabakasali na baka maabutan si Sir Mendez sa labas ng bahay niya ngunit nadismaya lang nang makita na wala na rin sa loob ang kanyang kotse. Halatang mas inagahan pa ang pagpunta ng university. Excited pa naman ako na tanungin siya kung kamusta ang lasa ng cookies na ginawa ko.

Dumaan ako ng faculty room para masilip kung naroon ba siya. Wala pa namang alas otso kaya hindi pa alam kong hindi pa nagsisimula ang kanyang unang klase.

Huminto ako sa may pintuan at pasimpleng sinilip ang loob nito. Sana hindi ko nalang pala ginawa. Huli na para magsisi sa nakitang ikinaguho naman ng feelings ko para sa kanya. Dahil sa ibabaw ng mesa ni Ma'am Ramones, nakita ko at hindi ako pwedeng magkamali, ang hugis puso na case na pinaglagyan ko ng pinaghirapang gawing cookies.

Nagdilim kaagad ang paningin ko dahil sa nagbabadyang luha. Kaya nga ayaw ko ng rejection dahil sobrang sakit nito. Mabilis akong tumalikod at umalis. Hindi ako pumasok ng klase dahil sa mabigat na emosyon na first time kong naramdaman sa tanang buhay.

Nagpunta ako ng mall at nanood ng sine. Maski action movie ang pinapanood ay walang tigil ang pagbuhos ng luha ko. Mabuti na lang at madilim, hindi ako napapansin ng mga taong naroon.

Buong araw akong tumambay lang sa mall. Mabuti na lang at walang uniporme ang university na pinapasukan ko. Hindi nakakahalata sa mga tao ang pagiging estudyante na nagka-cutting classes. Hindi na ako nagpasundo kay Kuya Benj at sinabing sasabay ako kay Hope. Balak ko na mag-taxi na lang.

Napagpasyahan kong umuwi na rin pagsapit ng alas singko ng hapon. Nasa labas ako ng sikat na fast food habang nag-aabang ng taxi na masasakyan nang bigla na lamang bumuhos ang malakas na ulan.

Papara na sana ako sa taxi na dumaan nang mahagip ng paningin si Sir Mendez na tumatawid patungo sa lokasyon ko sa kabila ng malakas na ulan. Gusto ko sanang tumalikod at umiwas dahil naisip na hindi ko pa siya kayang harapin pero may ibang ideya yata ang katawan ko dahil nanigas lang ito.

Medyo basa sa may dibdib ang kulay asul na polo shirt  na suot niya. Bakat ang matipunong katawan. Nabasa rin ng kaonti sa bandang tuhod ang suot niyang jeans. Napuna ko ang gulat sa mga mata niya pagkakita sa akin. Walang dudang hindi niya inasahan na narito ako. Mabilis naman siyang nakabawi.

"You did not go to class today." Hindi ito isang tanong.

"Good afternoon, Sir," malamig kong tugon. Mas malamig pa sa masamang panahon.

Matalim niyang sinulyapan ang entrance ng mall at pagkatapos ay bumaling sa akin.

"Nag-cutting classes ka o 'di ka pumasok buong araw?"

Masisiyahan sana ako kung concern siya bilang lalaki, pero alam ko namang concern lang siya bilang guro.

"Bakit mo binigay kay Ma'am Ramones 'yong cookies na pinaghirapan ko?" matapang kong tanong. Hindi na napigilan ang sarili.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakitaan ko ng pagkabigla ang kanyang hitsura dahil sa sinabi ko. Umaakto siyang nahuli at nangangapa pa sa sasabihin.

"I...I don't like—"

"Then you shouldn't have accepted it in the first place! Lalong-lalo ng 'di mo na dapat binigay 'yon sa iba!" bulalas ko. Lantaran ng umiiyak sa harap niya.

Bumuka-sara ang kanyang bibig. Halatang hindi alam ang sasabihin. Bago pa man siya makapag-isip ng sasabihin ay pinara ko na ang taxi na dumaan at sumakay rito. Iniwan ko siya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top