Chapter 26

Chapter 26

Customer

I could feel his eyes on me. Alam kong sinusundan niya ako ng tingin hanggang sa marating ko ang sasakyan. Kinalma ko ang sarili at binuksan na ang pinto ng kotse. Pumasok na ako sa loob at inilapag ang paper bag na naglalaman ng beans na iniabot ng supplier kanina.

Sinulyapan ko si Lake na hindi pa rin umaalis sa kanyang puwesto. Salamat na lang at tinted ang sasakyan ko kaya hindi niya nakikita ang pagmamasid ko pabalik sa kanya.

He is wearing a blue tailored suit. Sa kanyang porma ay halatang papunta pa sa trabaho. What is he doing here? Dapat nasa korte siya at wala rito sa lugar ko!

Inis at kabado kong binuhay ang makina ng sasakyan. Masyadong makapit ang pagkakahawak ko sa manibela. Pinaandar ko na ito at natanaw pa rin sa rearview mirror ang pananatili niya sa puwesto. Binilisan ko ang pagpapatakbo ng sasakyan dahil sa takot na sundan niya ako.

Saka pa lamang ako napanatag nang makalayo-layo na at natatanaw na ang café. Sinadya kong hindi iparada ang sasakyan malapit sa cafe at baka matunton niya pa ang pinagtatrabahuhan ko kung sakaling nakasunod man siya sa akin. Nang maiparada na ang sasakyan sa tapat ng isang old chinese restaurant ay lumabas na ako. Luminga muna ako upang siguraduhin na wala ang sasakyan niya.

Siyam na minuto ang inilakad ko marating lang ang café. Binuksan ko kaagad ang pinto nito at natataranta nang naglakad papasok. Hindi ko na nga napuna pa ang pagiging abala ng mga empleyado dahil sa nagsisidatingan na customers. Dumeretso  ako sa back room at pumasok sa loob ng opisina. Doon ako nagtago ng halos isang oras.

"My offer still stands," si Alec na ka-video call ko kanina pa. Nasa labas na naman yata siya dahil sa nakikita kong mga puno sa kanyang likuran. "Let's run away, go to Iceland, and live as nomads."

"No, thank you." Umirap ako at napahilot sa sentido. Hindi na muna ako lumabas ng opisina at tinawagan siya pero parang nagsisisi na ako sa ginawa dahil mukhang aalaskahin niya na naman ako.

"We can live in an igloo then." Ngumisi siya at mas sumingkit lang ang kanyang mga mata. I can see now why women fall for his charms.

Kinagat ko ang ibabang labi at inignora ang kanina pa niyang pagbibiro. Ginawaran ko siya ng seryosong tingin.

"Sa tingin mo ba matutunton niya talaga ako rito?"

"Kung matalino nga talaga siya gaya ng sabi nila." Nagkamot siya sa bandang leeg at may tinanaw sa ibaba. Nahihilo na rin ako dahil sa paglalakad niya.

"I'm pretty sure Attorney Mendez is not an idiot, Angel. Ngayon na alam na niyang nasa San Luis ka, sigurado ako na hahanapin ka talaga niya."

Nakarinig ako ng tunog ng umaagos na tubig sa linya niya. Mas itinutok ko ang naniningkit ng mga mata sa video niya. Na para bang kapag ginawa ito ay makikita ko kung nasaan siya.

"Where the hell are you?"

"Now the question is," pagpapatuloy niya at hindi pinansin ang tanong ko, "what are you gonna do about it?"

Natahimik ako sa tanong niya at napaisip ng isasagot. Batid ko ang pag-angat niya sa hawak na cellphone dahil ngayon ay kita ko na ang buo niyang katawan. Pati na rin ang rumaragasang talon sa bandang likuran niya.

Gamit ang isa niyang kamay ay inangat niya ang laylayan ng suot na itim na tshirt. Nang maangat na niya ito hanggang dibdib ay klaro ko na ang kanyang abs lalo na nang kagatin niya ang laylayan ng tshirt at tuluyan itong hinubad galing likod.

Ngumisi siya at itinutok na ang camera sa ibang deriksiyon. Kusang umawang ang labi ko nang makita ang kinatatayuan niyang pampang. Bumagsak ang panga ko nang makita naman ang kulay asul na tubig sa ibaba nito.

"Mamaya na ulit tayo mag-usap. Tatalon lang ako," halos pasigaw niyang pagkakasabi dahil nasasapawan na ang kanyang boses ng malakas na tunog ng umaagos na tubig.

Ibinaba ko ang tawag at hinayaan na siya sa isa na naman niyang buhis-buhay na libangan.

Magmula noong huli naming pagtatagpo ni Lake ay palagi kong nararamdaman na para bang mayroong laging nakamasid sa bawat galaw ko. Gusto kong isipin na napapraning lang ako dahil sa tuwing naglalakad ay lagi kong nararamdamam na may matang nakatingin sa akin.

Hindi ako mapanatag kahit anumang pilit kong ignorahan ito. Bawat lakad ko ay hindi ko maiwasan ang mapalinga muna sa paligid bago magpatuloy sa paghakbang. Sa kabila ng lahat ng ito ay pinilit kong gampanan ang trabaho. I continued managing the cafe. 

Isang panibagong abalang araw na naman namin sa café. Nagtungo ako kay Lyn sa may counter. Nakipagkuwentuhan muna ako sa kanya at tumulong na rin sa pag-asikaso ng mga orders. Lumiban ang isa ko pang waitress kaya medyo kinapos sa tulong.

"Bukas na natin i-post 'yong bagong discounted menu para sa fiesta celebration na rin ngayong Sabado," bilin ko sa kanya matapos magbayad ng babaeng customer sa order nitong cassava cake at latte.

"Sige po, Ma'am. Kami na nina Winona at Eli ang bahala riyan bukas."

Napansin ko ang paglapit sa amin ni Winona kaya binalingan ko siya ng tingin at nginitian.

"Morning po, Ma'am," nakangiti niyang bati.

"Good morning din, Winona. Puno na naman tayo ngayon, ah," tugon ko sabay linga sa mga customers.

"Oo nga po." Napatingin na rin siya sa paligid at pagkatapos ay muli akong binalingan. "Uh... May nagtatanong po pala sa inyo kanina."

Umalerto kaagad ang buo kong katawan. Unti-unti akong napatingin sa kanya.

"S-Sino raw?"

"Isang Attorney Lake Jacobe Mendez daw po."

Binalot ng lamig ang buo kong katawan. Dumoble rin bigla ang pagtibok ng puso ko.

"Ma'am Caitlyn. Okay lang po kayo?" Dinig ko ang pag-aalala sa tono ng kanyang boses.

Pansamantala akong nawala sa sarili at hindi na alam pa ang tumatakbo sa isipan.

"I'm sorry. I... I need to go," natataranta kong naisambit at naglakad na paalis, patungo sa loob ng opisina.

Lake has found me. Tuluyan na nga niyang natunton ang lugar na parte na ngayon ng bagong buhay ko. I could not hide from him anymore. Hindi na ako lumabas pa ng opisina at nagmukmok na lamang sa loob. Nilunod ko ang sarili sa pag-iisip sa kung ano man ang kasunod na hakbang na gagawin.

Naghintay ako na dumilim na sa labas bago umalis ng café at umuwi ng bahay. Ang noong takot ko sa dilim ngayon ay ginawa ko ng panangga para hindi niya makita. It was very ironic indeed.

Hindi ako pumasok ng trabaho kinabukasan dahil sumama ang pakiramdam ko. Nanatili ako sa bahay at buong araw na hindi lumabas. Bumalik ulit ang lahat ng takot ko. I don't know what Lake would do next. Ngayon maski binabalot ng pangamba ay tila ba naghihintay na lang ako sa susunod niyang gagawin.

I went to work the next day. Hindi puwedeng magpakain na naman ako sa takot gaya ng dati. Sa itinuturing ko ng pangalawang buhay ay tinuruan ko ang sarili na maging matatag at matapang. Napag-isip-isip ko kahapon na hawak ko pa rin ang buhay ko. Maaari akong magdesisyon kung mananatili man sa bago kong katauhan ngayon. Isang ulila at tahimik na namamahala ng isang café sa mapayapang probinsiya.

I should never let my fear overshadow my new peaceful life. Kailangan kong ipaglaban ito. I deserve this. Sa lahat ba naman ng pasakit at paghihirap na naranasan ko sa nakaraan, siguro naman karapat-dapat sa akin ang kapayapaan na mayroon ako ngayon.

Kaya naman sa sumunod na araw, maski alam kong tahasan nang ipinarada ni Lake ang sasakyan sa labas ng café ay nagpatuloy pa rin ako sa normal na pamamalakad ng negosyong ipinaubaya sa akin ni Alec.

Mahigit isang oras na ang pananatili niya sa labas. Nakatanga lang na nakasandal sa pinto ng kanyang sasakyan habang nakamasid sa loob ng café ko. He looks so dignified in his suit.

Makailang beses ko siyang sinubukang ignorahin. At sa tuwing napapasulyap ako sa gawi niya ay mabilis niyang ibinabaling ang tingin sa mga sasakyang nagdaraan sa kalsada. Na para bang hindi ko siya kanina pa nahuhuling nakamasid sa akin.

Pasadyang tumikhim si Lyn na nakatayo sa tabi ko sa may counter. Hindi ako nag-angat ng tingin at nakapokus lang ang pansin sa computer. Dahil batid niya ang pag-ignora ko sa kanya ay muli siyang tumikhim.

"What is it, Lyn?" napipilitang tanong ko.

"Uh... Sabi po kasi ni Winona na 'yong lalaki na nagtanong tungkol sa'yo noong nakaraang araw eh...kanina pa nasa labas, Ma'am."

Nag-angat ako tingin at seryoso siyang binalingan.

"I don't know him," matipid kong sagot at tinugunan ang customer na lumapit sa harapan.

Nag-order lang ito ng take out kaya mabilis din na natapos. Wala ng sumunod sa kanya kaya inabala ko ang sarili sa pagche-check ng emails sa mismong computer na rin na nasa counter.

"Ang pogi niya po, Ma'am. Ang gara ng pormahan.  Mukhang taga-Maynila po," komento ni Lyn sa malayong boses. Nag-angat ako ng tingin sa kanya at nakita kong nakatanaw siya sa labas ng café.

Siguro ay naramdaman niya ang pagmamasid ko sa kanya kaya napabaling na siya sa akin.

"A-acquaintance niya raw po kayo. Hehe," may hiya na niyang dugtong at nagbaba siya ng tingin sa tray at pekeng inabala ang sarili rito, " 'di ba po... uh... yan 'yong sabi ni Winona..."

Pagod akong bumuntonghininga at sumugal ng sulyap kay Lake. Nakita ko na naman ang agaran niyang pagbaling ng tingin sa ibang deriksiyon.

"Baka scammer," sabi ko kay Lyn. "Bebentahan ako ng last will and testament."

"Hala grabe si Ma'am Caitlyn!" singhap ni Lyn. Klaro ko ang hindi pagsang-ayon sa kanyang hitsura. Kumunot ang kanyang noo at halatang napaisip. "Puwede po ba 'yon?"

Ngumisi ako at inilingan na lang ang naging inosenting reaksiyon niya. Lihim kong sinulyapang muli si Lake sa labas. Aksidenteng nagtama ang tingin naming dalawa ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na siya nag-iwas pa ng tingin. Hindi rin ako naduwag na suklian ang tingin niya. Paglipas ng ilang minutong titigan ay bumuntonghininga ako at iniwan na ang counter para pumasok sa loob ng opisina.

Alas singko ng hapon ay lumabas na ako ng opisina. Awtomatiko akong napatanaw sa labas at hindi na nakita pa si Lake. Pati ang kanyang sasakyan ay wala na rin. Nagpaalam na ako sa mga empleyado at lumabas ng café. Bago magtungo ng sasakyan ay tulala akong napatitig sa puwesto kung saan nakatayo si Lake kanina. Matapos itong gawin ay umuwi na rin ako.

Kinabukasan ay ganoon pa rin ang nangyari. Umagang-umaga ay nasa tapat na naman ng café ang sasakyan ni Lake. Nasa labas na naman siya nito. Nakasandal at walang ibang ginawa kundi ang pagmasdan ang loob. Ang pagmasdan ako habang normal na ginagawa ang trabaho. Hindi siya pumasok at nanatili sa labas ng halos dalawang oras.

Pinagtitinginan na rin ako ng mga kasamahan sa trabaho dahil kapansin-pansin na ang ginagawa ni Lake. Lalo pa at sa akin lang talaga nakasunod ang tingin niya. Gaya kahapon ay inignora ko siya. Nagpatuloy ako sa normal na ginagawa at nang hindi na naging abala ay pumasok ulit ako ng opisina.

I wanted to confront him. I wanted to tell him to leave me alone. Ngunit paano ko naman magagawa iyon kung hindi niya naman ako iniistorbo? Hindi niya naman ako nilalapitan o kinakausap.

Minsan naiisip ko kung wala ba talaga siyang ginagawa sa buhay. Wala ba siyang trabaho na inaatupag at bakit parang ang dami niyang oras na tumunganga sa labas ng café.

Sa pangatlong araw ay hindi na ako nagtaka pa nang makita ang sasakyan niyang kahihinto lang sa tapat ng café. Naging pamilyar na sa akin ang kanyang sasakyan dahil araw-araw itong nakaparada sa labas ng café. Nang maiparada na ang sasakyan ay lumabas na siya mula rito.

Ngayon ay nakasuot siya ng navel blazer at white dress inner shirt. Naka navy pants din siya at hindi ko man klaro sa malayuan pero sa tingin ko ay brown leather shoes. Sa halip na sa korte ay naririto na naman sa labas ng café.

"Sa tingin mo, Winona, gaano na kaya kalaki ang kinita natin kung sa tuwing napapagawi si Attorney eh pumapasok siya rito at umo-order?" pasaring ni Lyn na ngayon ay nakasandal ang likod sa gilid ng counter.

Imbes na sumagot ay nakita ko ang pagsulyap sa akin ni Winona.

"H-Hindi ko alam..."

"Ano kaya ang feeling na maging girlfriend niya?"pagpapatuloy ni Lyn at ibinaling ang buong atensiyon kay Winona. Sa naniningkit na mga mata ay mariin niyang pinagmasdan ang mukha nito.

"Baka ikaw rin huh, may tinatagong mega rich boyfriend!" nakangising pang-aasar niya.

Napuna ko ang agarang pamumula ng pisngi ng isa ko pang waitress.

"Uy! Secretive din 'to oh!" Mas lalo lang siyang inasar ni Lyn. " Hindi ka man lang nagkukuwento tapos mamaya pala niyan malalaman na lang namin na buntis ka!"

"Tama na 'yan, Lyn," saway ko dahil napapansin na ang hindi pagiging komportable ni Winona sa usapan. "Hindi obligasyon ng isang tao ang ibahagi ang buhay niya."

Mabilis naman na pomormal si Lyn.

"Sorry po, Ma'am. Nagbibiro lang naman ako."

"May customer na magbabayad. Asikasuhin mo muna," utos ko nang makita ang paglapit ng estudyanteng customer sa counter. Para na rin lubayan niya si Winona.

Hinarap na niya ito at magiliw na inasikaso. Nagkatinginan naman kami ni Winona. May iba pang dumating na bagong customer kaya umalis din siya at pinagsilbihan na ito. Naiwan naman ako sa counter at dahil pansin kong medyo abala na ang lahat ay ako na rin mismo ang nagbantay nito. Nga lang, mukhang wrong timing yata dahil ilang sandali pa ay natanaw ko sa pintuan ang nag-aatubiling pagpasok ni Lake.

Mabagal ang ginawa niyang paglalakad malapit sa counter samantalang pakiramdam ko naman ay nasilo ako sa sitwasyon.

Nang tuluyan na nga siyang huminto sa tapat ng counter ay panandalian akong nawalan ng boses habang nakatanga lang siyang tinitingnan.

Nag-iwas siya ng tingin at para bang nahihiya pang napakamot sa batok.

"H-Hi," panimula niyang salubong at sinabayan ng ngiti. "Uh... O-order sana...ako."

Hindi ako kumibo at patuloy lang siyang tinitingnan. Nakatanga pa rin habang tinititigan ang kanyang mukha. May dark circles man sa ilalim ng kanyang mga mata ay hindi pa rin nito nababawasan ang pagiging... gwapo niya.

"One black americano." Tumikhim siya at naibalik nito ang wisyo ko sa kasalukuyang pangyayari.

"Take out?" Tumikhim ako para maiwaksi ang bumara sa lalamunan, "Take out...po ba?"

Imbes na sagutin ako ay naging abala siya sa pagtitig sa suot kong name badge pin.

"S-Sir?" Nagtaas ako ng isang kilay. Wala akong pakialam kung nabisto na niya ako. Paninindigan ko talaga ang pagiging ibang tao.

Unti-unti siyang nag-angat ng tingin. Dalawang beses siyang napakurap at pagkatapos ay inabala ang sarili sa paglinga sa mga bakanteng mesa.

"I'll drink my coffee...here. Not take out." Ibinalik niya ang tingin sa akin at alanganin siyang ngumiti. "Puwede naman. 'di ba?"

Hindi ko na pinuna pa ang pagiging makahulugan ng naging tanong niya. Binigyan ko siya ng propesyonal na ngiti na kadalasan kong ginagamit sa mga customers.

"Sure, Sir. Just take a seat as you wait for your coffee."

"Right," aniya at nanatiling nakatitig lang sa akin. Hindi siya umalis sa tapat ko.

Huwag niyang sabihin na maski sa malapitan ay tititigan niya pa rin ako?

Iginala ko ang tingin sa paligid para maghanap ng staff na gagawa ng kape. I am not good in brewing a coffee. Hindi naman ako propesyonal na barista. Simple lang ang kaya ko at for personal consumption lang ito.

Nakita ko na nanatiling abala sa pagliligpit sina Winona at Eli samantalang si Lyn naman ay hindi ko na mahagilap. Sumuko ako dahil wala ng mapagpipilian pa kundi ang personal na asikasuhin ang order niya dahil abala pa ang ibang staffs.

Kumuha na ako ng tasa at sinimulan na ang paghahanda ng kanyang kape. Nagpakulo ako ng tubig at inilagay ito sa French press carafe. Inihalo ko ito sa coffee grounds. I placed the lid and filter on top of the press and started steeping it. Habang hinihintay ito ay may hindi kanais-nais na ideyang naglaro sa isipan ko.

Imbes na 90 seconds lang ay ginawa ko itong dalawang minuto para pumait nang husto at hindi na siya bumalik pa. Lalo na at nanatili siyang nakatayo sa harap ng counter at kahit nakatalikod ako ay ramdam ko pa rin ang pagmamasid niya.

Dahil medyo naaasiwa na talaga sa sitwasyon ay nilingon ko siya at nasilayan pa tuloy ang masidhi niyang titig.

"Would you like to pair your coffee with some pastries?"

Ilang segundo pa ang lumipas bago niya ako sinagot. Napakurap siya. Ngayon lang yata nag-sink in sa kanya na tinatanong ko siya.

"Uh...what would you recommend?"

Pansamantala kong pinabayaan ang kape niya at nilapitan na ang nakadisplay na pastries namin.

"We have blueberry cheesecake, muffins, cassava cake, chocolate cake, cookies..." litanya ko sabay muwestra sa mga ito.

"I'll take you,"parang wala sa sariling tugon niya habang kunot-noong pinagmamasdan ang kakaibang hugis ng cookies.

"Huh?"

Nang marahil napagtanto ang naging sagot niya ay mahina siyang napamura at mabilis akong binalingan ng tingin.

"I mean, how about you?" Kabado niyang ipinalandas ang dila sa ibabang labi. Nagsimula itong mamula kasabay ng unti-unting bahagyang pagpula rin ng kanyang tainga. "What do you...uh recommend?"

"cookies," awtomatikong sagot ko.

"Okay..." Umangat ang sulok ng kanyang labi at may pamumungay na rin sa kanyang tingin.

Gusto ko namang sipain ang sarili dahil sa isinagot. Alam ko kung ano ang naaalala niya rito. I used to bake him cookies.

"Okay. You can find your table and I'll bring your order soon." Mataray akong nag-iwas ng tingin dahil naiinis na rin sa sarili.

"Thank you... Caitlyn," marahang sagot niya. "I'm looking forward to it."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top