Chapter 25
Chapter 25
The Encounter
"Why are you asking me that?" Mataray na nagtaas ng isang kilay si Lyn kay Ate Jelay. "Next time, don't ask me those kind of questions, all right?"
Lihim akong napangiti at nagpatuloy na sa paglalakad malapit sa counter.
"Ang galing ng pangongopya mo sa'kin, Lyn ha!" sabi ko at peke siyang tinaasan ng isang kilay.
Madali siyang napaayos ng pagtayo at pinulot na ang mop samantalang ang kaharap naman niya kanina na si Ate Jelay ay nagpatuloy na sa mabilisang pagpupunas ng mesa.
"Hehe. K-Katuwaan lang po, Ma'am..."
Nakangiti akong naiiling na lang. Huminto sa pagma-mop si Lyn at nakapameywang pa niya akong hinarap.
"Pero, Ma'am, grabe! Sobrang istrikto niyo po talaga dati!"
"Bakit? Istrikto pa rin naman ako hanggang ngayon, ah." Kinuha ko ang menu card at inilagay sa ibaba ng counter upang mailigpit.
"Pero 'di na po kasing-istrikto gaya ng dati! Medyo chill na po kayo... nga lang secretive pa rin." Ngumiwi siya.
"I guess I've... changed." Inignora ko ang huli niyang sinabi. Nagkibit-ako ng balikat sabay sulyap sa may pintuan. "Hindi na yata tutuloy sa pag-apply 'yon."
" 'Yong bagong waitress, Ma'am Caitlyn?" si Ate Jelay na tapos na sa kanyang ginagawa at ngayon ay nakaupo na lang.
Tumango ako. "Baka nagbago ang isip. Or may be she found another job."
Naupo na rin si Lyn sa tabi ni Ate Jelay.
"Ma'am, close po ba kayo ng may-ari nitong café?" pang-uusisa niya. "Nabanggit niyo sa'min dati na lalaki ang may-ari nito. O baka naman kayo po talaga ang may-ari, pa-humble lang!"
Naglakbay ang isipan ko kay Alec.
"Trabahante lang din ako rito, Lyn gaya niyo," matipid kong sagot. Muli kong sinulyapan ang pintuan. "Hindi na siguro talaga dadating 'yon. Mauuna na ako sa inyo kasi may dadaanan pa ako."
Tiningnan ko si Ate Jelay. "Kayo na po ang bahalang magsara ng café, Ate."
"Sige po," awtomatikong sagot niya.
Iniwan ko silang dalawa at bumalik ako sa loob ng opisina para kunin ang mga gamit. Matapos maisara ang pinto ay lumabas na ako ng café at dumeretso sa nakaparadang sasakyan.
Dumaan ako sa isang convenience store para bumili ng tissue dahil naubusan na sa bahay. Pagpasok sa loob ay nagtungo na ako sa shelves nito. Wala akong napansin na tao sa loob at mukhang walang ibang customer maliban sa akin. Tanging ang nag-iisang binatilyong cashier lang din ang naroon.
Kumuha na ako ng limang tissue roll at dumeretso na sa counter para magbayad. Nang malaman ang halaga ng babayaran ay dinukot ko ang itinuping isang libo sa loob ng suot na jeans at inilahad ito sa cashier.
Napakislot siya ng mata nang makita ang iniaabot ko.
"Wala po ba kayong mas maliit na halaga diyan? Wala po kasing gaanong customers ngayong araw eh."
"Wala na eh. 'Yan lang din ang perang dala ko."
Nagkamot siya sa ulo at napilitang tanggapin ang pera. Napasulyap siya sa isang pinto sa labas.
"Teka lang po, ah. Try ko pa sa labas diyan sa karenderya at baka may pamalit sila," paalam niya.
"Sige. Okay lang. Salamat." Tinanguan ko siya.
Lumabas na siya mula sa counter at naglakad patungo sa labas ng pintuan. Naiwan naman ako pansamantala sa loob.
Iginala ko ang tingin sa kabuuan ng munting convenience store. Maliit lang ang espasyo nito kaya kaonti lang din ang mga tinda. Nakagawian ko na ang magpunta rito dahil na rin sa kadahilanang wala masyadong mga customers at tahimik lang. Nga lang, hindi mabuti sa isang negosyo.
Habang abala ang mga mata sa paggala ng tingin ay narinig ko ang pagbukas ng pinto sa bandang likuran. Lumingon ako ngunit wala namang nakitang taong pumasok. Kumunot ang noo ko sa pagtataka. Baka naman guni-guni ko lang din iyon.
Kinuha ko ang paperbag na naglalaman ng mga pinamiling tissue at niyapos ito malapit sa sarili gamit ang dalawang kamay.
Ilang sandali pa ay muli akong nakarinig ng tunog ng pagbukas ng pinto. Paglingon ko ay nakita ko na ang binatilyong cashier na naglalakad papasok. Bumalik na siya ng counter.
"Heto na po ang sukli niyo." Inabot niya sa akin ang sukli at tinanggap ko ito.
Nang makaramdam ng presensiya ng iba pang customer sa likod ay gumilid ako para pagbigyang daan ang marahil ay pagbabayad nito. Isinuksok ko ang sukli sa bulsa gamit ang isang kamay habang ang isa naman ay sapo ang paperbag.
"Ito lang sa'kin," dinig kong malalim na boses ng lalaki galing likuran at nakita ko ang bote ng tubig na inilagay niya sa counter. Sobrang lamig siguro nito dahil kita ko ang mga butil ng tubig na lumalandas sa labas ng bote.
"Magkano?" Nanindig ang balahibo ko sa pagiging pamilyar ng kanyang boses.
Mistulang may sariling utak ang katawan ko dahil sa awtomatikong paninigas nito. Gustuhin ko man ang gumalaw at mabilis na lisanin na ang lugar ay hindi ko magawa dahil nag-ugat ang mga paa ko sa lupa.
Sumisigaw na ang utak ko na tumakas at magpakalayo-layo ngunit naging bingi ang buo kong katawan.
"J-Jean?" anas ng boses na tila ba nagbuhos sa akin ng isang malamig na tubig at nagpagising sa akin sa reyalidad ng sitwasyon.
Hindi ako sumugal ng kahit kaonting pagsulyap sa nagmamay-ari nito at bumalik na sa wisyo ang katawan. Mabilis akong tumalikod. Pikit-mata at dere-deretso ang ginawa kong paglalakad palabas ng convenience store.
Sa lahat ba naman ng lugar na maaari niyang mapuntahan bakit nakarating pa siya rito sa San Luis? Hindi niya ako puwedeng makita. Hindi ako puwedeng matunton ni Lake.
Sa mabilis na paglalakad ay halos hindi ko na maramdaman pa ang mga paa kong nakaapak sa lupa. O baka naman namanhid na ito sa labis na pangangatog ng tuhod ko. Bahagya akong nakahinga nang isang dipa na lang ay abot ko na ang sasakyan. Ngunit sa pag-abot ko sa hawakan ng pintuan ng sasakyan ay may humawak sa braso ko.
"Jean... Jean is this really y-you?" Nakakapanlumo ang tono ng kanyang boses.
Panandalian akong pumikit. At pansamantalang hinayaan ang mainit niyang palad na dumampi sa balat ko.
Ilang beses kong nai-imagine ang ganitong pagkakataon sa tuwing napapagawi ako sa pag-iisip. Sa bawat sandaling nangangamba ako kung muli kaming magkita. Desidido akong dumilat na mayroong natutumbok ng layunin at balak. Binago ko ang ekspresyon ng hitsura at pinagkaitan ito ng anumang mahinang emosyon.
Unti-unti ko siyang nilingon sa naniningkit na mga mata. Binawi ko ang braso na hawak niya.
"I'm sorry... Kilala ba kita?" pagmamaang-maangan ko.
May sakit na bumalatay sa kanyang hitsura. Mapaghanap ang kanyang tingin habang mariing tinititigan ang bawat sulok ng mukha ko. Na para bang anumang oras ay puwede akong maglaho.
"Kahit kailan hindi ako naniwalang... patay ka na,"mahina niyang sinabi. Tila ba sarili ang kinakausap. "I knew it... I could feel it..."
Tumikhim ako at nag-iwas ng tingin. Hindi ko kayang tumbasan ang hubad at nakakaantig na pinaghalong pag-asa at pagsusumamo na ipinapakita ng kanyang mga mata.
"Nagkakamali ka... S-Sir." Lumunok ako at matapang siyang tiningnan ulit. "I don't know you."
Ilang minuto niya pa akong tinititigan lang. Mistulang kinakabisado niya ang bawat detalye sa mukha ko. Hindi ko matumbok kung ano ang nakita niya sa mga mata ko dahil sa huli ay mapait siyang ngumiti na para bang tanggap na tanggap ang naging pahayag ko. Ang pagkukunwari ko.
"It's okay. As long as I know you, Jean... It's okay," nanghihina niyang sinabi sa may pananalig na boses.
Paulit-ulit akong umiling at tinalikuran na siya. Binuksan ko ang pinto ng sasakyan at pumasok na sa loob. Hindi niya ako pinigilan bagkus ay umatras pa siya. Pinaharurot ko na ang sasakyan paalis. Papalayo sa kanya.
Sa gitna ng daan ay parang talon na nagsilabasan ang mga luha ko. Dumiin ang pagkakakapit ko sa manibela habang hinahayaan ang pagbuhos ng mga luha. Alam kong hindi siya naniniwala sa akin kanina. Hindi ko alam kung saan ako mas nasasaktan, ang makita ba siya ulit o ang pagtanggap niya sa pagpapanggap kong hindi siya kilala. Marahil ay pareho.
Ngayon ko napagtanto kung gaano pala talaga kalalim ang naging sugat sa dibdib ko. Dahil sa nangyari kanina ay parang bumalik ang lahat ng masasakit na alaala ng nakaraan ko. Isang sulyap lang sa pamilyar niyang mukha ay bumalik ulit ako sa dating Jean. Broken and unfixable. Na para bang kahapon lang nangyari ang lahat. Mistulang nawala ang halos siyam na buwan na pinaghirapan kong buuin para sa panibagong buhay. Para sa muling pagbangon dahil sa pagkakataong iyon ay gusto kong bumagsak sa harap niya. Gusto kong maging mahina ulit.
Imbes na tumuloy sa pag-uwi ng bahay ay sa dalampasigan ako dinala ng pagmamaneho. Lumabas ako ng sasakyan dahil medyo nahihirapan na rin na huminga. Niyapos ko ang sarili at dinama ang malamig na simoy ng hangin. Hinayaan ko itong manuot sa balat ng namanhid ko ng katawan.
Pinagmasdan ko ang marahan na paghampas ng alon. Tinanaw ko ang liwanag na nasa gitna ng tubig na dulot ng malaking buwan. I gave up everything just to live again. Iniwanan ko ang negosyo, ang mga dating katrabaho, mga kaibigan. Lagi kong iniisip na siguro ay nararapat lang ang ginawa ko. I could never survive being alone. Hindi ako malakas para roon. Maybe I was a coward for choosing the easy way out. Maybe I was a coward for being selfish and for trying to kill myself. But If that act of cowardice of killing myself was the only way for me to be able to live again, I am still grateful.
Umuwi rin ako ng bahay nang maliwanagan na ang isipan at naging mapayapa na ang damdamin. My only wish is for Lake to leave me alone. Sana ay hayaan na niya ako sa bago kong buhay.
Kinabukasan habang nasa trabaho ay nawala ang bakas ng problema ko sa nangyaring pagkikita namin ni Lake. Naisip ko rin na baka naman napadaan lang siya rito sa San Luis. Hindi naman siya siguro magtatagal sa lugar na ito. A renowned lawyer like him has nothing here.
Nahinto ako sa paghihilot ng noo nang makarinig ng katok sa may pintuan ng opisina. Inilapag ko ang binabasang inventory ng café at luminga sa may pintuan. Matapos abisuhan mula sa kinauupuan na pwede ng pumasok kung sino man ang kumakatok ay binuksan niya ang pinto. Nakita ko si Ate Jelay na dumungaw mula rito.
"May Winona po sa labas." Panandaliang kumunot ang noo ko sa kaguluhan. Nang mapuna siguro ito ni Ate Jelay ay nagpatuloy siya sa pagpapaliwananag. "'Yong tinutukoy mo yata na mag-a-apply bilang bagong waitress, Maam."
Mahina kong natampal ang noo nang sa wakas ay naliwanagan na.
"Papasukin mo rito, Ate," utos ko at inilagay na muna sa drawers ang mga papel na nasa mesa.
"Sige po!" tugon niya at muli nang isinara ang pinto.
Ilang sandali pa ay bumalik din siya at kasama na niya si Winona. Iminuwestra ko ang silya na nasa tapat ng desk ko upang doon siya maupo. Mahinhin siyang lumapit dito.
"Maupo ka." Ngumiti ako dahil nababasa na ang kaba sa kanyang hitsura.
"T-Thank you po," sabi niya at naupo na rin. Binuksan niya ang zipper ng bitbit na simpleng bag at naglabas siya mula rito ng dalawang ID.
"Heto po pala ang dalawang valid IDs ko, Ma'am."
Tinanggap ko ito at masuring tiningnan ng ilang segundo. Matapos itong gawin ay ibinalik na sa kanya.
"Medyo abala ang café lalo na pagsapit ng hapon. Kadalasan mga college students ang customers at minsan atat pa na makuha ang orders kaya kailangan din na mahaba ang pasensiya mo," panimula ko.
"K-Kaya ko po 'yan," agap niya. "Sanay naman po ako sa trabaho."
Ilang minuto ko pa siyang tiningnan. Base sa determinasyon na ipinamamalas ng kanyang mga mata ay walang pagdududa sa sinabi niya.
Sumandal ako sa backrest ng inuupuan. Binuksan ko ang drawer at kinuha na ang nakahandang kontrata.
"Pwede ka na bang magsimula bukas?"
"Po? Tanggap na po ako?" singhap niya.
Isang beses akong tumango. "Yes. Kung tatanggapin mo ang trabaho..."
"Oo naman! S-Salamat po!" Ngumiti siya. Sa isang iglap ay nakita ko ang dating ako sa kanya.
"Alright then. Isa lang ang ayaw ko. At 'yan ay ang pagiging late sa trabaho."
"Hindi ako male-late," pangangako niya. At pinaniniwalaan ko rin ito.
At least nabawasan ang isa sa marami kong alalahanin sa buhay.
Sumuko na si Lake. Hinayaan na niya ako na maging tahimik sa buhay. Siguro nga ay isang dumaang pagkakataon lang ang nangyaring pagkikita naming dalawa o baka nga isang panaginip lang.
Ang pangamba kong magawi ulit siya sa San Luis ay unti-unting naglaho. Baka nga gaya na lamang ng hinala ko ay napadaan lang siya. He is a busy man. He has a lot of more important things to do than running after a girl who claims to be dead.
Nagpatuloy ang normal kong buhay. Tumatakbo lang naman ito sa café at bahay. Maliban kay Alec na palaging lagalag sa iba't-ibang lugar ay sina Ate Jelay at Lyn lang ang palagi kong nakakausap. Nakakausap ko na rin minsan ang bago naming waitress na si Winona. Sa unang linggo niya sa café ay masasabi kong mabilis siyang naka-adjust sa trabaho.
I see my old self so much in her. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi na ako nagdalawang-isip pa na tanggapin siya. Mabait din siya. Minsan nga ay nasusobrahan na kaya umaabot na sa puntong nagiging kahinaan na niya.
Isang hapon, kababalik ko lang ng café mula sa pinuntahan kong supplier ng coffee beans nang madatnan ko ang isang mabigat na eksena. Naiparada ko na ang sasakyan at hawak ang susi nito. Nakita ko si Winona at ang isang matandang babae. Sa magulong buhok ng bago kong waitress ay sigurado akong may sabunutan na nangyari. Nakita ko rin ang hindi maipagkakailang suklam sa mga mata ng matandang babae.
"What is going on here?" tanong ko gamit ang maawtoridad na boses.
Mas nilapitan ko ang kinatatayuan nila, sa gilid sa labas ng mismong café.
Binalingan ko ng tingin ang matanda. Unang kita ko pa lang sa kanya ay batid ko na ang hindi magandang pag-uugali.
"May problema po ba, Ma'am?" mariin kong tanong upang makuha na rin ang kanyang atensiyon.
Inismiran ako ng matanda at mayabang niya lang akong sinulyapan. Kaagad din niyang ibinalik ang mapanghusgang tingin kay Winona.
"Hindi pa tayo tapos," magaspang niyang pagbabanta at pagkatapos ay naglakad na paalis.
Bumuntonghininga ako at binalingan ng tingin si Winona. Nakita ko ang kaonting panginginig ng kanyang katawan.
"See me in the office, Winona," banayad ngunit mariin kong pahayag.
"I do not tolerate scandals in front of the café. Kung may hindi man kayo pagkakaintindihan ng taong iyon, sana ay nag-usap kayo sa isang pribadong lugar." Hindi ko maiwasan ang pangaralan siya sa nangyari. Nasa loob kami ng opisina ko.
Napagmasdan ko ang pagyuko niya. Nangingibabaw sa kanyang disposisyon ang kahihiyan sa nangyari.
"P-Pasensiya na p-po talaga. K-Kasalanan ko po ang lahat," aniya sa miserableng boses.
Malalim akong napabuntonghininga. Idinapo ko ang tingin sa mga galos sa kanyang braso. Halatang kalmot galing sa matanda kanina.
"As far as I can see, parang ikaw lang itong napuruhan. Bakit mo inaaku ang lahat ng kasalanan?"
Hindi siya umimik at dahan-dahang nag-angat ng tingin. Nagpatuloy naman ako sa pagpapaalala.
"I hope you settle your differences next time in a private manner, Winona."
"P-Pasensiya na po talaga. Gumawa po kami ng komosyon sa café. Okay lang po sa akin kung tatanggalin niyo ako sa... trabaho. "
Muli kong naalala ang nangyaring insedente kanina. Nakaramdam ako ng awa at kaugnayan na rin sa kanya. For a moment, I could relate with her situation. The old me could relate.
"I know that what happened back there was not entirely your fault," marahan kong pagpapaintindi. "Trust me, I know violence when I see one."
"Just a piece of advice. Don't ever let anyone step on you," dagdag ko.
Matapos siyang paalalahanan ay pinauwi ko na rin siya. Sana nga lang ay maliwanagan siya sa payo na ibinigay ko.
Dumating ang araw ng Linggo. Bumiyahe ako pa-Maynila para dalawin ang puntod ni Lolo at pati na rin ang kay Papa. Tanging sa mga ganitong pagkakataon ko lang hinahayaan ang sarili na sumuong sa peligro na baka may makaalam na buhay pa ako.
I visited the columbarium niche where Papa and Lolo's urns were placed. Sa gitna nilang dalawa ay nakalapag naman ang sa akin. Sa gilid nito ay ang maliit na picture frame ng litrato ko. I know that the urn is empty. Hindi man nila natagpuan ang katawan ko, dahil sa tagal ko ng pagkawala ay ideneklara na rin akong patay. Kung sino man ang nag-asikaso nito ay nagpapasalamat pa rin ako dahil itinabi nila ako kina Lolo at Papa.
I had no news of my mother. Ang nasabi lang sa akin ni Lake noong huling beses akong nagtanong dala na rin ng koryosidad ay lumipat daw si Mommy sa isang tahimik na lugar. I did not ask him where it was. It hurts to care.
Wala rin akong masyadong balita kay Hope. Ang alam ko lang ay kasalukuyan na siyang naninirahan ngayon sa States. Ibang tao na rin ang nagmamay-ari ng Elights.
I usually do not allow myself to dwell in the past. Marahil nga naiiba ang mga pagkakataong ito, sa tuwing napapadalaw ako rito ay pinagbibigyan ko ang sarili na balikan ang alaala ng nakaraan.
Bago magpunta ng café Lunes ng umaga ay dumaan muna ulit ako sa supplier namin ng coffee beans. Halos isang oras din ang itinagal ko sa loob ng shop ng may-ari dahil napasarap ang usapan tungkol sa international importation. Medyo namangha pa siya dahil marami raw akong alam tungkol sa pagnenegosyo. Of course I never told him about my past.
Matapos makapagpaalam sa kanya ay lumabas na ako ng kanyang shop. Huminto muna ako sa gilid at inabala ang sarili sa pagkapa sa susi ng sasakyan na nasa bulsa. Minsan lagi ko na lang itong nailalagay sa kung saan.
Napangiti ako nang sa wakas ay nakita ito. Nang mag-angat ng tingin para magpatuloy na sana sa paglalakad ay nanigas ang ngiti sa mga labi ko. Sa tapat ko, sa gilid ng kalsada ay nakita ko si Lake. Mula sa kinatatayuan ko ay nakita ko ang titig niya sa akin habang nakasandal siya sa bandang pintuan ng kanyang kotse. There was that same pain again in his eyes... and also this time... something else....hope? Hindi ko matukoy.
I quickly looked away. Pinilit ko ang sarili na umaktong parang normal lang. Kung iniisip niya man talagang ako si Jean ay ayaw ko nang paigtingin pa ang hinala niya. Nagsimula akong humakbang ngunit natigilan din dahil sa pagtawag ng boses.
"Miss Caitlyn!"
Gusto kong kainin na lamang ng lupa dahil sa pagbanggit ng supplier sa pangalan ko. Nilingon ko siya at nakita ang paglapit niya sa akin. Inabutan niya ako ng isang paper bag.
"Galing ang beans na 'yan sa Canada. Sample product ko na 'yan sa'yo at kung magustuhan mo, isasama ko na lang sa supplies."
"S-Sige po. Salamat." Tinanggap ko ito at nagpatuloy na sa dere-deretsong paglalakad papunta sa nakaparadang sasakyan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top