Chapter 24

Chapter 24

Angel

"Good morning, Ma'am Caitlyn!" bati ni Ate Jelay sa akin nang pumasok ako sa kitchen.

Nilapitan ko siya upang matingnan ang cookies na pinoporma niya sa mesa.

"Mukhang ibang istilo na naman po 'yan, Ate ah!" nakangiti kong komento habang pinagmamasdan ang hugis namumukadkad na rose na ginawa niya.

"Nang maiba naman po, Ma'am!"

Tumango ako at nilapitan na ang coffee maker na siyang sinadya ko sa kusina. Binuksan ko ang cabinet sa ibaba at kumuha ng isang tasa mula rito.

"Ay! Ako na po niyan, Ma'am!" dinig kong alok ni Ate sa likod.

Nilinga ko siya at mabilis na inilingan.

"Ako na po. Kaya ko naman. "

"Ah sige po," aniya at nagpatuloy na sa ginagawa.

Humarap muli ako sa coffee maker. Sinimulan ko na rin ang paghahanda ng kape.

"Nagkape ka na, Ate?"

"Hindi pa po. Nagmadali kasi akong makaalis ng bahay kanina," tugon niya.

Binuksan ko ulit ang cabinet at kumuha ako ng isa pang tasa. Nagtimpla na rin ako para sa kanya. Matapos ang pagtimpla ng kape ay dinaanan ko siya at inilapag sa mesa ang tasa ng kape niya.

"Naku, Ma'am! Hindi ka na dapat nag-abala pa. Nakakahiya naman po!" singhap niya nang makita ang tasa na inilapag ko.

"That's fine. Let's have another productive day today again, Ate," saad ko at pagkatapos ay nagpatuloy na sa paglalakad palabas ng kusina.

Bumungad ulit sa akin ang abalang café dahil sa marami-raming nagsidatingan na customers na kadalasan ay mga estudyante. Hindi ako nag-atubili pa at tumulong na sa ibang staffs na aligagang nagliligpit ng mga bagay sa mesa. Medyo kulang din ako sa tauhan dahil bago pa naman din ang café.

Matapos maihatid ang order ng customer ay bumalik ako sa counter para kausapin ang cashier namin.

"Lyn, ano na ang sabi no'ng kaibigan mo na balak mag-apply dito?" tanong ko sa kanya.

Huminto siya sa pagtitipa mula sa laptop at nag-angat ng tingin sa akin. May bahid ng hiya ang kanyang ngiti.

"Uh eh... Ma'am, hindi na lang daw po siya tutuloy eh."

Hindi ko naitago ang pagkadismaya. "Ah gano'n ba? Sayang naman. Lagi mo lang i-check ang emails for applicants, ha."

"Sige po!"

Bago umalis ay muli kong tiningnan ang kabuuan ng café. Kailangan na talaga namin ng dagdag na waitress.

Nagtungo ako ng back room kung saan nakapuwesto ang maliit kong opisina. Binuhay kong muli ang computer. Katulad na lang ng mga naunang mga araw ay binisita ko ulit ang kaisa-isang natitirang page na tungkol sa akin. Hindi na ako nagtaka nang makitang nakabalandra pa rin ito at  hindi pa rin tinatanggal.

In black and white photo is my very face. And at the bottom of it is the italicized caption. Jean Caitlyn Villarejas, 25, is still missing.

Kahit anong gawin kong aksiyon para matanggal ang natitirang page na ito ay tila ba may humaharang dito. Ang mga naunang page ay kay dali ko namang napatanggal dahil sa kagustuhan kong burahin ang lahat ng bakas patungkol sa akin. Jean Caitlyn Villarejas is dead. She died on the cliff. And her dark and painful past died with her. I want to leave it at that.

I leaned on the backrest of my chair. Pumikit ako at pansamantalang pinaglakbay ang isipan. I went back to that very moment where I first attempted to take my own life. My very life-changing jump.

Pagbagsak ko sa tubig ay kinain ng matinding lamig ang buo kong katawan. Dere-deretso ang pagbaba ko pailalim dahil sa hindi ko balak na pag-ahon. Niyakap ko ang sarili at naghintay ng sariling kamatayan.

Sumilay ulit ang ngiti sa mga labi ko nang makita ang mga mukha ni Lolo at Papa. Pero parang may mali dahil hindi ang inaasahang nakangiti nilang hitsura ang sumalubong sa akin kundi pagkahabag at puno ng lungkot. Dismayado.

Unti-unti silang nawala at nabalisa ako dahil hindi ko na muli silang mahagilap. Mas papailalim sana ako sa pagbabakasakaling naroon sila ngunit natigilan ako nang may biglang kung anong puwersa ang humatak sa akin paangat. Sa panghihina na rin ay nagpadala ako sa puwersang ito.

Unti-unti kong naramdaman ang sariling katawan na inaangat. Gusto kong dumilat upang magreklamo sa ginagawa ng puwersang ito ngunit sobrang bumigat ang mga talukap ko. Naramdaman ko ang sariling likod na nakalapat na sa isang matigas na bagay.

"Jesus Christ! Manong, 'yong ilaw!" Dinig ko ang malayong boses ng isang lalaki. Nakaramdam din ako ng maraming kaluskos dahil sa abalang paggalaw.

"Shit!" malutong na pagmura ng parehong boses. "Jean?!"

Bumigat ang pakiramdam ko nang maramdaman ang paglapat ng isang bagay sa aking dibdib. Sunod-sunod nitong idiniin ang puwersa sa bandang dibdib ko at maliban dito ay naramdaman ko rin ang paglapat ng malamig na mga labi sa naninigas ko ng mga labi. The mouth was giving me air. Doon ko na napagtanto na nire-revive niya pala ako.

Dumilat ako upang pigilan siya. Hindi niya pwedeng sirain ang tadhanang ginawa ko para sa sarili. Sa pagdilat ko ay binungad ako ng marahas na sinag ng ilaw na nagmumula sa isang malaking flashlight na hinahawakan paangat ng isa pang lalaki. Imbes na mga salita ang lumabas sa bibig ay tubig ang lumabas kasabay ng pag-ubo ko.

Tumagilid ako upang mapagbigayan ang sarili na mailabas ang lahat ng tubig na bumara sa lalamunan. Nang mailabas na yata ang lahat ng ito ay binalingan ko ng tingin ang taong nagbigay ng hangin sa akin. Suot niya ang kulay itim na rash guard. Nang matamaan ng sinag ng ilaw ang kanyang mukha ay kimunot ang noo ko dahil sa pamilyar niyang hitsura. Hindi rin nagtagal, napasinghap ako sa gulat nang tuluyan na siyang makilala.

"A-Alec?" anas ko sa garalgal na boses. Ramdam na ang hapdi sa lalamunan na nakipagsabay sa dinaranas kong hapdi sa mga mata. "Anong... Anong g-ginagawa mo  rito?"

Pabagsak siyang naupo sa gilid ko. Na para bang pagod na pagod. Walang tigil sa pagtaas-baba ang kanyang dibdib dahil sa hingal. May pag-aalala, pagpapasalamat, at bigat sa kanyang mga mata. Sa kabila ng pinaghalong emosyon na mga ito ay nakuha niya pa rin ang magbigay ng pilyong ngisi.

"Waiting for a fallen angel," aniya at mabigat na napayuko.

Alec Von Cua saved me that very dark night. That very dark moment in my life. He continued saving me during my next dark days. As I repeatedly tried to take my own life, he continuously showed me the will to live.

"What are we doing here?"magaspang kong tanong sa kanya sabay gawad ng matalim na tingin sa silid.

Matapos niya akong madatnan na muntikan na namang maglaslas sa loob ng hotel kung saan niya ako pinatuloy ay hinigit niya ang palapulsuhan ko. Halos kaladkaran na niya ako sa galit palabas ng hotel at papasok ng kanyang kotse.

Nagkrus siya ng kanyang braso at komportableng sumandal sa backrest ng upuan.

"We're here to meet someone, Angel," sagot niya gamit na naman ang naging nickname niya sa akin simula nang tumalon ako.

"Babalik na ako ng hotel!" Marahas akong tumayo at isang beses na humakbang.

"Sure. I'll just reveal to the public then that you're actually alive..." pagbabanta niya.

Madali ko siyang nilingon at nakita siyang may hawak ng cellphone sa isang kamay. Hindi ako nagdalawang isip pa na hablutin ang cellphone na hawak niya. Mahigpit ko itong hinawakan sa dalawang kamay at napilitan na sa pag-upong muli sa tapat niya.

Hindi nakalagpas sa akin ang guhit ng ngising tagumpay sa kanyang labi. Ilang sandali pa kaming dalawa na natahimik. Paglaon ng limang minuto ay bumukas ang pinto ng silid. Pumasok ang isang batang babae na sa tantiya ko ay nasa siyam o sampong  taong gulang pa. Simple lang ang suot nitong halatang isang lumang maong na jumpshort.

Umaliwalas kaagad ang mukha ng bata nang dumapo ang tingin niya kay Alec. Sa sigla ay tinakbo niya ang distansiya at nilapitan na ang nakangisi rin na tagapag-ligtas ko.

"Kuya!"

Dumapo na rin si Alec at hinarap ang bata. Ginulo niya ang buhok nito.

"Tangkad mo na, ah!" masiglang bati ni Alec sa kanya.

"Ang dami mo kasing vitamins na pinadala rito sa bahay ampunan!" sagot ng bata sabay hawi sa kamay ni Alec.

"Pa'no mo nalaman? Sabi ko kay Sister secret lang namin 'yon. Tsk," si Alec sa mapaglarong tono.

Ngumisi ang bata at pagkatapos ay napasulyap na sa akin.

"Ah, si Ate Caitlyn mo pala," pagpapakilala ni Alec sa akin dahil siguro ay napansin ang tanong sa mga mata ng bata.

Umusog ng mas malapit pa sa kanya ang bata. "Bago mo na namang girlfriend, Kuya?" pabulong na pagkakasabi nito pero rinig ko pa rin.

"Hindi. Masyado 'yang complicated at high-maintenanced kaya 'di pwede gawing girlfriend," bulong din pabalik sa kanya ni Alec. Halatang medyo nilakasan niya ito para marinig ko.

Nagtagpo ang kilay ng bata at walang dudang hindi niya naintindihan ang pinagsasabi ni Alec. Naupo na lamang siya sa bakanteng silya na nasa tabi ni Alec.

Nag-usap pa silang dalawa. Hindi ako sumali dahil hindi naman ako maka-relate sa pinag-uusapan nila. Wala rin yatang balak si Alec na isali pa ako. Kung hindi lang talaga dahil sa banta niya ay kanina pa ako umalis.

Isinuksok ko sa bulsa ng suot na jeans ang cellphone niyang hawak ko pa rin para mas ligtas mula sa kanya.

"Puwede ka bang magkuwento kay Ate Caitlyn mo tungkol sa parents mo," si Alec sabay sulyap sa akin.

Binalingan ako ng bata at matamis siyang ngumiti.

"Parehong namatay ang mama at papa ko sa isang car accident." Napakagaan ng pagkakasabi niya nito. Kabaligtaran sa masaklap na laman.

"Alam mo ba na two weeks ago, tumalon si Ate Caitlyn mo sa bangin dahil namatay ang Papa at Lolo niya?" singit ni Alec.

Suminghap ang bata at nanlaki ang kanyang mga mata sa gulat habang tinititigan ako.

Nagpatuloy naman si Alec sa kaswal na pagkukuwento.

"Mabuti na lang talaga nasa ibaba ako ng pampang dahil kakauwi ko lang galing sa diving spot sa katapat na isla."

"Bakit ka tumalon?" nagtatakang tanong sa akin ng bata. "Adventurous ka rin ba gaya ni Kuya?"

Walang hiya ang ginawang mahinang pagtawa ni Alec sa tapat ko.

Nilunok ko ang bukol na bumara sa lalamunan at tiningnan ang bata.

"N-No," tipid kong sagot.

Hindi pa rin ako niulubahan ng kuryoso niyang tingin.

"Eh bakit ka tumalon?"

Hindi ako nasagot sa tahasan niyang pagtanong. Maski si Alec na nagligtas sa akin ay hindi ito nagawang itanong sa akin.

"Ah, alam ko na! Malungkot ka siguro 'no?" pagpapatuloy ng bata. "Lilipas din 'yan!"

"H-hindi mo naiintindihan." Mariin akong napatitig sa kanya.

"Dahil ba bata pa ako? Madalas 'yang sabihin ni Sister sa'kin." Ipinatong niya ang magkabilang siko sa mesa at ngayon ay nakapangalumbaba na siya.

Iritado kong sinulyapan si Alec para iparating sa kanya na gusto ko na talagang umalis. Nag-aaksaya lang kami ng oras.

"Bakit hindi ko naiintidihan?" pagbabalik ng bata sa usapan na akala ko ay tapos na. "Magkaiba ba ang lungkot ng bata at ng matanda?"

Natigilan ako sa inosente ngunit may katuturan niyang tanong.

"H-Hindi ko alam..."

Tumango siya. "Noong una akong napunta rito, sobrang lungkot ko at saka galit ako sa lahat. Pero sabi sa'kin ni Sister na lilipas din naman daw 'yong lungkot ko. May mga pagkakataon lang na babalik 'yong lungkot pero 'di na masyado!"

"T-Talaga?" Banayad ko siyang nginitian.

Malapad siyang ngumisi. "Oo! Kaya wag ka nang tumalon. Malulungkot ang Papa at Lolo mo kapag ginawa mo pa 'yan. Sabi sa'kin ni Sister!"

It was very ironic because that conversation with a little girl became my turning point in life. Nabigyan ako ng pag-asa na baka nga, tama naman siya. Na baka sa kalaunan ay hindi na gaano kasakit pa.

Humingi ako ng tulong kay Alec para mamuhay ulit. Mabuhay bilang isang bagong Jean. At siyempre kaakibat nito ay ang naging hiling ko sa kanya na panibagong lugar kung saan walang makakakilala sa akin. I wanted to start my life all over again. I wanted to start my present life without the shadow of my dark past. I wanted to leave that very broken Jean who jumped off the cliff behind. He granted all of my wishes and he helped me hid myself.

Gumawa ako ng panibagong pangalan. Marahan kong hinaplos ang suot na pin habang pinagmamasdan ang mukha ko na naka-display sa computer. This is the only way I can live again.

"Ako na ang magsasara, Ate! Ingat! " abiso ko kay Ate nang marinig ang pagkatok at pagtawag niya sa likod ng pinto.

Napasulyap ako sa suot na relo at nakitang mag-a-alas sais na pala ng gabi. Nagsimula na akong magligpit ng mga gamit. Balak ko rin ang dumaan sa sikat na restaurant para um-order ng take out. Wala na akong oras para magluto at sanay na naman si Alec sa take out.

Dahil naalala siya ay napatingin ulit ako sa cellphone. Hindi pa naman siya nagre-reply para kumpirmahin sana kung tuloy ang pag-uwi niya ngayong gabi.

Lumabas na ako ng office at nakita na nag-iisang ilaw na lang ang nakabukas sa loob ng café. Kinuha ko ang susi na nasa ibabaw ng counter. Lumabas ako at ni-padlock na ang pintuan. Ipinasok ko sa bag ang susi at tinungo na ang nakaparadang kotse.

Hindi pa man napapaandar ang kotse ay biglang tumunog ang cellphone ko. Binuksan ko ang zipper ng bag at kinuha ito. Napangiti ako nang makita ang naka-display sa screen na caller ID.

"Nag-su-surf ka na ba pauwi rito sa San Luis?" bungad ko.

"I can't make it," tugon niya sa malayong boses sa kabilang linya. Dinig ko rin ang hangin. "Something's holding me up."

"Butanding ba?" pagbibiro ko na ikinatawa naman niya. Hinawakan ko ang manebela ng sasakyan at napasandal ako sa backrest ng upuan. "It's fine. We both know I can never compete with your addiction for an adrenaline rush."

"Dadalhan kita ng danggit. Namingwit kami kahapon. Ibinilad ko sa araw."

Umirap ako sa kawalan. "Alam mo namang hindi ako kumakain ng dried fish."

"Arte talaga..." komento niya at nakarinig ako ng maingay na kaluskos sa linya niya.

"Sige na at ibababa ko na ang tawag," paalam ko. "I guess see you when I see you, Alec Von."

"See you, Angel."

Pinatay ko na ang tawag at muling inilagay sa loob ng bag ang cellphone. Humugot ako ng malalim na hininga at sinulyapan ang kabilang upuan kung saan nakapatong ang mga pagkain na in-order kanina. At least hindi pa rin ito masasayang dahil may ibang makikinabang.

Binagalan ko ang pagmamaneho ng sasakyan dahil sa pagbaybay ng tingin sa gilid ng kalsada. Nang makita ulit ang lalaking pulubi na nakaupo sa tabi ng kanyang kariton sa gilid ng kalsada ay pinahinto ko ang sasakyan. Pansin ko ang agaran niyang pagtayo at ang ngiti sa kanyang mga labi. Siguro ay nasanay na rin siya dahil madalas ko itong ginagawa.

Nang makalapit na siya sa sasakyan ay binuksan ko ang bintana nito at nginitian siya. Kinuha ko ang supot na naglalaman ng mga pagkain na ni-order ko at iniabot ito sa kanya.

"Spicy chicken wings ang hapunan mo ngayon." Sinulyapan ko ang iba pang mga naroon na nakaupo rin sa tabi. "Marami 'yan kaya mag-share ka sa iba."

Maagap ang ginawa niyang pagtango at tinanggap na ito. Isinara ko pabalik ang bintana at pinaandar na ulit ang sasakyan. May pancit canton pa naman yata sa bahay.

Inagahan ko ang pagpuntang café kinabukasan dahil wala rin naman akong magawa sa bahay. May iilan na rin na customers ang nasa loob. Habang isinasara ang pinto ng sasakyan ay natanaw ko ang isang maputing babae na may mahabang buhok sa labas ng café. Napuna kong pinagmamasdan niya ang flyers na nakadikit sa glass wall nito.

Tuluyan ko nang isinara ang pinto at naglakad na palapit sa café. Imbes na buksan na ang pinto nito ay binalingan ko ang babae ng pansin. Sa malapitan ay naklaro ko ang maputi at pino niyang kutis. Mukha rin siyang mas bata pa kaysa sa akin

"Interesado ka ba?" tanong ko. "I'm the manager."

Mula sa flyer ay mabilis niyang itinuon ang tingin sa akin.

"H-Hi." Mahinhin ang kanyang boses. "Uh... hiring pa p-po kayo?"

"Yes. Kung interesado ka bumalik ka rito bukas at magpasa ng resume. Or you can also send that to us via email."

Nakita ko ang tuwa sa kanyang mga mata sa ibinalita ko.

"T-Talaga po?" Ngumiti siya at naglahad ng kamay. "Winona po pala."

Tinanggap ko ang kamay niya. "Caitlyn."

Pagkatapos makipagkamayan ay humakbang na ako palapit sa pintuan at inabot na ang hawakan ng pinto. Akma ko na sana itong bubuksan nang muli akong napalingon sa kanya.

"You know what...." Tiningnan ko siya sa mga mata at may nakita ako rito na hindi ko matukoy kung ano. Sa huli ay ngumiti na lang ako at nagpatuloy sa pagsasalita.

"Just bring two valid IDs tomorrow. No need for a resumé."

Hindi na ako naghintay pa ng kanyang sagot at tuluyan nang binuksan ang pinto. Pumasok na ako sa loob ng café.

Bago kumain ng pananghalian ay nakatanggap ako ng tawag mula kay Alec. Nga naman,tanging sa kanya lang ako nakakatanggap ng tawag mula sa private number ko sa loob ng siyam na buwan.

"So I checked it out... Well actually, my men checked it out and I just received their report," pambungad kaagad niya sa kabilang linya. Dinig ko ang hampas ng mga alon sa background niya. "Yong may ari ng natitirang page na naka-post sa internet tungkol sa'yo."

Nakuha niya agad ang buo kong atensiyon. "Kanino raw?"

"Pagmamay-ari ng isang abogado."

Awtomatikong humigpit ang pagkakahawak ko sa cellphone.

"W-Who?"

"It's from your late stepfather's close friend, Attorney Pelaez," deklara niya.

Medyo nabunutan man ng tinik ay hindi pa rin mawala ang pangamba ko.

"Why would he do it? H-Hindi naman kami close para... para..." Umasa pa siyang buhay ako.

"I don't know, Angel. Gusto mo personal ko siyang tanungin?  After here, I can just go directly to Manila and meet up with him..."

"No. Please don't," agap ko. "Ayaw kong magduda pa siya sa'yo."

"Tingin mo maiisip niyang binahay kita?" he chuckled at his own joke. Nang marahil ay napuna niya ang hindi ko pagtugon ay tumikhim siya. "Talk to you soon. The wind is calling me. May skydiving activity kami ngayon."

Wala sa sarili kong ibinaba ang tawag at nagpakalunod na naman sa iniisip. Hanggang kailan ko ba matatakbuhan ang mapait na nakaraan?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top