Chapter 2
Chapter 2
Pepe
Kung gaano ka-kalmado ang pasimpleng pagsuri niya nito ay matinding kabaligtaran naman ang taranta na naghari sa damdamin ko. Mas nauna pa yatang kumilos ang katawan ko kaysa isipan. Parang kidlat akong napatayo na alam kong ikinagulat ng lahat.
Binitiwan ni Sir Mendez ang pagsulyap sa folder na pagmamay-ari ko at nakisali na rin sa mga kaklase kong gulantang na nakatingin sa akin.
"Yes, Miss Villarejas?" malamig niyang untag.
Dumiin ang pagkakakapit ko sa gilid ng upuan. Isang beses akong napakurap habang nangangapa sa susunod na sasabihin. Nilunok ko ang bumara sa lalamunan.
"U-uh... I..." tanging salita na lumabas sa bibig ko. Napatingin ulit ako sa mga kaklase na nanatiling nakamasid sa akin. May tanong din sa kanilang mga mata at halatang nag-aabang sa sasabihin ko.
"You suddenly stood up. Do you wanna say something to the class?" pag-uulit ni Sir. May kaonting babala na sa likod ng kanyang kalmadong boses.
Nangatog ang tuhod ko. Hindi man sinasadya ay dumapo ang tingin ko sa folder na hawak pa rin niya. Sinundan niya ang tingin ko. Naningkit ang mga mata niyang nakatititig na rin sa folder. Sa tingin ko ay may halong kuryosidad na. Bahagyang umangat ang kanyang kabilang kamay na siyang may hawak ng folder at akmang bubuksan pa ito.
"I'm ready for the long quiz, Sir!" sigaw ko na medyo napapikit pa. Ako mismo ay nagulat sa isinambit.
Unti-unti akong dumilat. Marahan kong sinulyapan si Sir Mendez at pagkatapos ay maingat na iginala ang tingin sa mga kaklase. Halata sa kanilang mga hitsura ang pagkairita.
Dinig ko ang pagsuko sa likod ng buntonghiningang pinakawalan ni Sir Mendez. Ibinaba na niya ang hawak na folder sa mesa kasama ng iba pa.
"Okay. Everybody, get your pen and paper."
Sabay-sabay na daing ang narinig ko mula sa mga kaklase. May iilan pang nagmura. Nakahinga naman ako nang maluwag.
"Ang selfish! Porque't matalino! Tse!" pasaring ng iba na alam ko namang ako ang pinariringgan.
Naupo na ako at inabala ang sarili sa paghahanda. Muntik kong mabitiwan ang kinuhang ballpen nang sadya na namang pinatid ni Hope galing likod ang upuan ko.
Inis ko siyang nilingon at sinipat ng tingin ngunit parang balewala naman siyang ngumisi.
"Salamat sa save!" bulong niya.
"Bakit? Nag-aral ka ba?"
Mas lumapad lang ang ngisi niya.
"Hindi rin. Kaya nga hindi ako sasali sa quiz." Pasekreto niyang ipinasilip sa akin ang bondpaper na kanina pa sinusulatan. "Tatapusin ko 'to."
Nailing na lang ako sabay pakawala ng isang malalim na buntonghininga.
Hindi rin ako sigurado kung tama ang mga naisagot ko sa quiz. Masyadong naging okupado ang isipan ko sa folder na nasa mesa habang sinasagutan ang mga tanong ni Sir Mendez. Iniisip ko kung paano makukuha ulit ang sulat bago pa niya ito makita.
Nang matapos ang quiz at lumabas na ng classroom si Sir ay kaagad akong umalerto.
"Tapos ka na?" mabilis na baling ko kay Hope na nagulat pa. Naglahad ako ng kamay. "Akin na. Ako na ang magpapasa kay Sir niyan!"
Mabilis na umaliwalas ang mukha niya. Halatang masaya sa pagprisinta ko. Iniabot niya ito sa akin.
"Okay, babe! Advance sorry na sa minus points ni Sir diyan, ah. Sabihan mo nalang na kasalanan ko—"
Hindi ko na siya pinatapos pa at kumaripas na ako ng takbo palabas ng classroom para sundan si Sir. Nakita ko ang kaagad na pagpasok niya sa faculty room. Nakayuko siya at para bang may mariin na tinititigan na isang bagay.
May iilang mga estudyante na nakatingin sa akin kaya umayos ako ng paglalakad kahit na napakalakas pa ng tibok ng puso ko.
Huminto ako sa bukana ng pintuan ng faculty room at huminga ng malalim. Tinatagan ko ang loob at pumasok na. Iginala ko ang tingin sa buong silid at nakita ang iilang teachers sa kani-kanilang upuan.
Bawat paghakbang ko malapit sa lokasyon ni Sir Mendez ay nakakatakot. Dumeretso ako sa mismong desk niya na nasa sulok malapit sa may bintana. Nakaupo na siya sa kanyang silya at nagsisimula na yatang mag-check sa mga ipinasang reaction papers.
Nang nahinto na ako sa tapat ng kanyang mesa ay walang kibo siyang naglahad ng palad na hindi man lang ako tinitingnan. Napalunok ako habang pinagmamasdan ang mga ugat niya sa braso at ang malapad niyang palad.
Sa nanginginig na mga kamay ay iniabot ko sa kanya ang reaction papers namin ni Hope. Sinuri niya ito.
"Why are you giving me two outputs?" tanong niya sa mababang boses.
Napakagat ako sa ibabang labi. Maski hindi naman siya nag-angat ng tingin mula sa hawak na ngayong reaction papers ay pakiramdam ko mistulan pa rin niya akong ginigisa.
Lumunok ulit ako at idinapo ang tingin sa folder na nasa pinakaibabaw ng reaction papers na ipinasa ng mga kaklase ko kanina. Hindi niya pa naman siguro ito nabuklat?
"Uh... T-Those are my output and also Miss Calope's, S-Sir."
Sa wakas ay nag-angat na siya ng tingin. Kalmado siyang sumandal sa backrest ng inuupuang swivel chair habang pinagmamasdan ako. Gusto ko namang matunaw dahil sa sidhi ng pagtitig niya sa akin. Ngayon ay kulay brown ang kanyang mga mata. Sa paraan ng pagtitig niya ay para bang pati kasulok-sulukan ng lihim ng pagkatao ko ay nakikita at alam niya.
"Mali po 'yong folder na naipasa ko... kanina," sa maliit na boses ko sinabi.
Ilang segundo niya pa akong tinitigan. Hindi ko na nakayanan pa na suklian ang tingin niya. Bigo akong napayuko dahil naduduwag na naman.
"Here," malamig niyang pahayag na muling nagpaangat ng tingin ko. Hawak niya ang folder na pinakaasam-asam kong mabawi.
"T-Thank you, Sir!" Alisto kong tinanggap ang folder at saka tumalikod na.
Matulin akong humakbang papalayo sa kanyang mesa. Ang buong akala ko ay makakatakas na ako mula sa kanya ngunit nagkamali lang ako nang marinig muli ang kanyang boses.
"Miss Vilarejas..."
Natihil ako at halos mabuwal pa mula sa kinatatayuan. Unti-unti ko siyang nilingon. Kung nabasa man niya ang love letter na ginawa ko ay tanggap ko na ang hatol na maaari niyang ipataw sa akin.
"You'll get minus points for the late submission," tanging nasabi niya.
Tulala ako habang naglalakad papalapit sa nakaparadang sasakyan sa school parking lot. Mariin kong tinititigan ang bitbit na folder kung saan wala na sa peligro na nasa loob ang isinulat na love letter. Hindi pa rin ako sigurado kung nabasa na ba ito ni Sir Mendez. Baka naman hindi. Ang agap ko kanina kaya imposibleng nakita niya ito.
"Hindi ka pa ba nalulunod diyan sa lalim ng iniisip mo, JC?"
Napaangat ako ng tingin dahil sa narinig na pamilyar na boses. Umangat ang sulok ng labi ko nang makita si Lolo na nakapamulsang nakatayo sa gilid ng sasakyan. Napuna ko na mas dumami pa ang kulay puti niyang buhok. Mas tumanda na rin siya kung ikukumpara sa huli naming pagkikita. Ang cute niyang tingnan sa suot na puting polo at kulay gray slacks. May gusot pa ang gilid nito at halatang hindi niya naplantsa nang maayos.
Sinuot din niya ang paborito niyang lumang brown na sapatos. Mistulang nahulog ang puso ko. Walang abiso ay tinakbo ko ang distansiyang nakapagitan sa aming dalawa at mainit siyang niyakap.
"Grabe naman makayakap itong batang 'to. Parang isang taong hindi tayo nagkita, ah," natatawa niyang sinabi.
Kumalas ako sa yakap upang tingnan siya.
"Lo, naman! 'Hindi na po kayo nasanay sa'kin."
Magiliw niya akong tinapik sa balikat at pagkatapos ay iminuwestra na ang sasakyan.
"Halika na sa loob at kanina pa kami naghihintay ni Benjie sa'yo."
Mahina akong natawa at nagpatianod sa kanya.
"Kailan po kayo lumuwas at saan po kayo galing, Lo?" tanong ko habang umaandar na ang sasakyan at nasa daan na kami.
"Kaninang umaga pa ako dumating dito sa Maynila. May ka-lunch meeting lang ako kanina malapit sa eskuwelahan ninyo. Naisipan ko na daanan ka nalang."
Tinitigan ko siya gamit ang mapagdudang tingin. Ilang beses na rin siyang nabiktima ng mga ganito kaya naman ay hindi ko maiwasan ang hindi kutoban sa tuwing nalilihis na naman siya sa landas ng pagnenegosyo niya.
"Tungkol po saan? Bagong ideya sa negosyo na naman?"
Tumikhim siya at nag-iwas ng tingin.
"Wala. May pinag-usapan lang kami ng kaibigan ko."
"Lo, sabihin niyo na po sa'kin. Paano ko po kayo mapagtatakpan mula kay Mommy kung 'di ko alam."
Maingat siyang napasulyap sa nagmamanehong si Kuya Benj. Alam ko ang hindi niya maisatinig na pangamba kaya inunahan ko na siya.
"Kakampi po natin si Kuya Benj. Hindi niya tayo isusumbong."
Nag-approve sign ang drayber namin. Nagkamot si Lolo sa kanyang batok sabay ngiwi. Sa huli ay sumuko na siya.
" 'Yong kaibigan ko kasi... May itatayo siyang van rental business. Naghahanap siya ng kasosyo."
"Magkano raw po ang magiging capital?"
"Five hundred thousand pesos, JC."
Naningkit ang mga mata ko.
"Saan naman po kayo kukuha ng ganoon kalaking pera para riyan, Lo?"
"Naisipan ko lang na i-loan iyong pensiyon ko at—"
Mabilis ko siyang inilingan at nagpilitik pa ako ng dila para makita niyang hindi ako sang-ayon sa binabalak niya. Ipinagkrus ko ang braso at bahagyang tumagilid para maharap siya.
"Maximo Ponciano Alcalla," istriktong pagbanggit ko sa buo niyang pangalan, "always remember the first rule in business. Never risk your final card."
"Sa tingin mo, apo hindi ko na dapat ituloy? Nakakaengganyo rin kasi iyong sinabi ni Ruben sa akin, eh." Dinig ko ang kawalan na ng kumpiyansa ni Lolo sa sarili.
"Lolo, ilang van daw po ba? Brand new ba?"
"Isa lang! Second hand na."
Mabilisan akong nagkalkula sa isipan. Tumibay pa lalo ang pagdududa sa akin.
"Sinabi rin po ba ng Ruben na 'yon na five hundred thousand din ang ibibigay niya?"
"Uh...Naku... Hindi lang ako sigurado."
Nasapo ko ang sariling noo. Pasensiyoso kong binalingan ulit ang matandang pinakamalapit sa puso ko.
"Scam po 'yon. Huwag kayong nagpapaniwala do'n, Lo."
Ilang segundo siyang tahimik na napaisip bago muling nagsalita.
"Kung sabagay, mukhang hindi mapagkakatiwalaan ang taong 'yon."
Natatanaw ko na mula sa labas ng pintuan ng sasakyan ang malaking gate ng mansiyon.
"Saan mo po ba kasi 'yon nakilala at talaga bang kaibigan niyo 'yon?"
"Friends kami." Ngumisi siya na parang bata lang na nahuli sa kapilyuhan. "Sa facebook."
Hindi na ako nakaimik pa.
Pagpasok namin sa loob ng bahay ay kaagad kaming sinalubong ni Papa. Nagkamayan silang dalawa ni Lolo at nagkuwentuhan. Namayani na naman ang tawanan sa buong mansiyon. Hindi na ako nagtaka pa dahil ganito naman talaga ang nangyayari sa tuwing nagkikita ang dalawa. Ang gaan lang ng turingan nila sa isa't-isa na kung umasta ay parang matagal na ang pinagsamahan.
Napakasimple man ni Lolo dahil hindi naman lumaki sa karangyaan ay hindi naman siya naiintimida kay Papa. Komportable rin ang turing ni Papa sa kanya.
"Hanggang kailan po kayo rito sa Maynila, Tay?" si Mommy habang kumakain na kami sa hapag.
Napasulyap muna si Lolo sa akin bago sumagot.
"Hanggang sa katapusan lang ng buwan, Valen."
"Pupuwede naman na mag-extend ka ng stay rito, Tay," si Papa.
"Mami-miss lang niyan ang probinsiya, Apollo," si Mommy ang sumagot at saka sumimsim sa kanyang wineglass.
Napangiti ako nang may maalala. Binalingan ko si Lolo na nakaupo sa tabi ko.
"Kamusta na po pala 'yong mga kambing?"
Nahawaan ko na rin siya ng sigla.
"Naku, si Esme? May bago na namang anak!" aniya na tinutukoy ang inaalagaan kong kambing noon.
"Talaga po? Bibisita po ako ro'n ngayong summer. Doon po ako magbabakasyon!"
Mahinang natawa si Lolo. Sumabay na rin ako ngunit kalaunan ay tumigil din dahil sa sadyang pagbaba ni Mommy ng hawak niyang tinidor. Ginawaran niya ako ng malamig na tingin.
"Nakalimutan mo na ba na enrolled ka sa business camp ngayong darating na summer, Jean?"
Bumagsak ang balikat ko at napanghinaan ng loob. Pilit kong hinawakan ang natitirang hibla ng pag-asa.
"Pero, Mommy free naman ako sa first week no'n. Kahit tatlong araw lang ako sa province—"
"Why do you always want to go back in that place? There's nothing in there but mountains!" bahagyang tumaas na ang kanyang boses.
Maagap siyang hinawakan ni Papa sa braso bilang pag-awat. Nadismaya pa rin ako kahit na dapat ay masanay na sa pakikitungo niya sa kinalakhang probinsiya. Sa lugar kung saan siya nag-umpisa.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ayaw na ayaw niya sa lugar na pinakapaborito ko.
"That is enough, Valena." May babala man sa likod ng boses ni Papa ngunit nanaig pa rin dito ang pang-unawa.
Napatingin ako kay Lolo na tahimik lang. Pansin ko ang paulit-ulit niyang pagbuntonghininga.
"Next time na lang po ako bibisita, Lolo," sabi ko sa maliit na boses sabay bigo na yumuko.
Naging tensiyonado man ang hapunan ay nairaos naman namin ito ng mapayapa na. Tahimik lang akong pumasok sa loob ng kuwarto at muling nagkulong.
Habang nagsasara ng laptop ay narinig ko ang katok mula sa pinto. Tumayo na ako mula sa kinauupuan at dinaluhan ang nasa likod nito. Pinihit ko ang door knob upang mabuksan ito at bumungad sa akin si Lolo na may bitbit na isang maliit na karton. May maliit na butas sa ibabaw nito.
Nakangiti niyang iniabot ito sa akin. Kumunot naman ang noo ko.
"Ano po 'to?" naguguluhan kong tanong.
"Regalo ko sa'yo para hindi ka na masyadong malungkot sa palasyo na ito."
"Hindi naman po ako malungkot," paninindigan ko.
Pumasok na rin siya sa loob ng kuwarto ko.
"Sabihin mo iyan sa akin ulit kapag nakabalik na ako sa probinsiya at nag-video call na naman tayo."
Mahina akong natawa. Tama naman kasi siya. Lagi niyang nahahalata sa tuwing nag-uusap kami na minsan ay miserable ako.
Inilapag ko ang maliit na kartong kahon sa kama at binuksan ang laman nito. Umawang ang labi ko dahil sa pagkamangha sa nakita.
"Sisiw?" baling ko kay Lolo.
Ngumisi siya.
"Oo. O ayan ha, may alaga ka na. Ang arte naman kasi niyang Mommy mo. May pa-allergy allergy pang nalalaman sa mga balahibo. Pupuwede na 'yan."
Nanlabi ako at marahang hinaplos ang matingkad na kulay dilaw na sisiw.
"Hindi po ba 'to mamamatay, Lo?"
"Hindi kung aalagaan mo. Matibay ang sikmura niyan. Taga-bundok, eh."
Sa pagtataka ay nag-angat ako ng tingin kay Lolo. Nagtagpo ang kilay ko.
"Bakit wala po siyang tunog?" Muli kong mariin na pinagmamasdan ang sisiw na mula sa kanyang maliit na kahon ay mistulang nakatingala na rin sa akin. "Hindi siya nag-iingay. Pipi po ba 'to, Lolo?"
Maingat na napalingon si Lolo Poncio sa saradong pinto.
"Pinili ko talaga 'yang pipi para hindi ka mabisto ng Mommy mo."
Bumagsak ang panga ko.
"Seryoso, Lo?! Pipi talaga 'to? Baka naman nahilo lang dahil sa mahabang biyahe sa bus kaya hindi nakapag-iingay!"
Kampanteng umiling si Lolo.
"Pipi talaga 'yan. Kahit doon pa sa probinsiya hindi na 'yan gumagawa ng tunog."
Gulantang akong nakatingin sa sisiw. Hindi nga siya nag-iingay!
"Anong ipapangalan mo riyan?" untag ni Lolo.
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko. Hindi pa man naitatanong ni Lolo ang tungkol sa bagay na ito ay buo na ang pasya ko sa ipapangalan sa kanyang regalo.
Humilata muna ako sa kama kinaumagahan dahil Sabado naman. Nang maalala ang sisiw na bigay ni Lolo ay mabilis akong napabalikwas ng bangon para tingnan ulit ito. Kinuha ko ang kahon na inilapag ko sa paanan ng kama. Ngumiti ako nang makita na gising na ang sisiw. O baka naman hindi ito nakatulog kagabi?
Nagtungo na rin ako ng banyo para maghilamos. Suot lamang ang kulay grey na leggings, long striped shirt with long sleeves ay bumaba na ako bitbit ang kahon ng sisiw. Sinuklay ko lang gamit ang mga daliri ko at itinali.
Napansin ko na abala na ang mga katulong sa kusina. Nagprisinta si Manang Loida sa pagtimpla ng kape para sa akin pero kaagad naman akong tumanggi dahil kaya ko naman ito.
"Nakita na ba iyan ng Mommy mo, Jean?" si Manang Loida habang tinuturo ang sisiw na inilapag ko sa mesa.
"Hindi pa po, Manang. Hindi naman 'yon magagalit dahil ang sabi lang naman niya na bawal kong alagaan ay ang aso at pusa."
Tumango si Manang at ngumiti. Ipinagpatuloy na niya ang paghihiwa ng mga rekados sa lulutuin para sa agahan. Luminga naman ako sa paligid.
"Hindi pa po ba sila gising?"
"Hindi pa lumalabas ng kuwarto ang Mommy at Papa mo. Pero 'yong Lolo mo naman ay gising na. Naroon sa labas. Nasa terasa at nagkakape."
Tumayo na ako at kinuha ang tasa ng kape. Sa isang kamay ko naman ay ang alagang sisiw.
"Puntahan ko lang po."
"Sige, hija."
Nadatnan ko nga si Lolo na nakaupo sa may teresa. Tahimik lang siyang nakatanaw sa may fountain. Nakita ko na may isang tasa na nakalapag sa ibabaw ng center table nasa tapat niya.
Naupo ako sa bakanteng silya na nasa tapat at binati na rin siya. Nagkuwentuhan kaagad kami tungkol sa pag-aaral ko. Ipinaalala niya rin sa akin ang mga ginawa ko noong bata pa. Pati na rin noong binata pa siya ay ikinuwento niya sa akin.
"Lo, naranasan niyo na po ba na makatanggap ng love letter noon mula sa isang babae?" tanong ko matapos ang ilang segundo na komportableng katahimikan.
"Oo naman! Magandang lalaki kaya ako noon!" pagmamayabang niya.
Ngumisi ako at napairap. "Hanggang ngayon naman, Lo magandang lalaki pa rin kayo!"
"Kaya kita paboritong apo, eh!" pampalubag loob niya sa akin.
Natawa ako nang malakas.
"Ako lang naman po ang nag-iisang apo ninyo, Lolo!"
Nagtawanan kaming dalawa.
"Ano po ang reaksiyon o naramdaman niyo no'n?"pagpapatuloy ko.
Napaisip muna siya at pagkatapos ay matamis na napangiti. Mapanglaw na ang kanyang mga mata at para bang inaalala ang nakaraan.
"Siyempre nasiyahan ako. Napakaromantiko kaya no'n. Pagmamahal na hindi masabi-sabi ng harap-harapan kaya idinaan nalang sa sulat."
"Ah." Tumango-tango ako. Sa kaloob-looban ay dumayo ang isipan kay Sir Lake Mendez.
"Bakit? May nagbigay ba sa'yo ng love letter? O may binigyan ka nito?"
"May binigyan po ako," nahihiya kong pag-amin.
Nanlaki ang mga mata ni Lolo at bahagya siyang napaahon mula sa kinauupuan.
"Aba! Ang suwerte ng damuhong iyon sa apo ko, ah. Sumagot ba naman siya?"
Si Lolo talaga, bukod sa walang katapusang pag-iisip ng negosyo, napakatsismoso rin!
"Hindi po. Hindi nga rin po ako sigurado kung nabasa niya. Binawi ko po kasi kaagad."
"Sa mala-anghel sa ganda mong iyan, apo, eh sino ba naman ang tatanggi sa'yo?"
Si Lake Jacobe Mendez. Ang utak ko na mismo ang sumagot.
Muli kaming natahimik at pinagmasdan na lamang ang fountain. Dahil wala ng magawa ay sinulyapan ko ulit ang sisiw sa loob ng kahon. Ngunit laking gulat ko nalang nang makitang natumba ito at wala na ang sisiw sa loob. Madali kong sinuyod ng tingin ang ilalim ng center table.
"Baka natabig kanina dahil sa pagtatawanan natin," kalmanteng panghuhula ni Lolo. "Nandito lang 'yon."
Tumayo na ako at tinanaw ang lawn sa harapan ng bahay. Mabuti nalang at napakalinaw pa ng paningin ko. Nakita ko agad ang kulay dilaw na maliit na bagay. Huli na nang mapagtanto kong papalabas na ito ng gate.
Walang pasabi ay tumakbo na ako papunta rito. Nakalabas na nga ang sisiw. Binuksan ko ang gate at sinundan ito.
"Pepe!" tawag ko sa kanya.
Kumaripas siya ng takbo sa gitna ng kalsada. Mas tinalasan ko pa ang tingin dahil napakaliit niya at natatakot ako na baka mawala siya sa paningin ko.
Dalawang bahay na ang nalagpasan namin. Sa pangatlo ay pumasok siya sa ilalim ng bonsai na nakatanim sa tapat ng gate ng isang apartment. Pumasok ang pilyong sisiw sa loob ng gate.
"Pst! Pepe, hindi natin bahay 'yan! Trespassing ka!" matinis kong bulong dahil siyempre ayaw ko namang makaistorbo sa may-ari ng apartment. Para na akong isang preso dahil nakadikit na ang mukha sa maitim na maliit na gate.
Mistulang nakatingin lang sa akin si Pepe. Sa inaasta nito ay parang ako pa ang naliligaw.
"Pepe, lumabas ka riyan!" mas nilakasan ko ang pagbulong. "Hoy, Pepe!"
"Walang Pepe rito," malalim na boses na nanggagaling sa isang lalaki.
Napaigtad ako at mabilis na nag-angat ng tingin. Sa hindi inaasahang pagkakataon, sa hindi inaasahang lugar, tumambad sa akin si Sir Lake Jacobe Mendez.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top