Chapter 17
Chapter 17
Pagbabago
Binisita kami ni Lolo sa condo nang lumuwas siya ng Maynila para sa birthday ni Papa. Hindi ito ang unang beses na nagkita sila ni Lake ng personal. Ipinakilala ko na rin sila sa isa't-isa noong halos isang taon na kaming magkarelasyon ni Lake.
Umuwi ako ng mansiyon para sa birthday celebration ni Papa at nanatili rito ng dalawang araw dahil na rin sa kahilingan niya. Mahirap din naman sa akin ang bumukod at ang malayo sa kanya dahil nakasanayan ko na silang makasama ni Mommy sa iisang bahay. Kaya lang ang tensiyon ng relasyon namin ni Mommy simula noong huli naming pagtatalo ang nag-udyok din sa akin na bumukod.
"Gusto mo bang bigyan kita ulit ng sisiw?" si Lolo habang nasa balkonahe kami at umiinom ng kape.
Ngumiti ako at inilapag sa mesa ang tasa.
"Lo, hindi niyo na po mapapalitan si Pepe."
Mahina siyang natawa at dahil dito ay nadepina ang kulubot sa kanyang noo. Purong kulay puti na rin ang kanyang manipis na buhok. Ginapangan ako ng lungkot. Tumatanda na nga ang lolo ko.
"Hindi pa rin ba kayo nagkakaayos ng Mommy mo?"tanong niya matapos ang ilang sandali na pagiging tahimik.
Niyapos ko ang sarili dahil sa lamig ng simoy ng hangin. Masyado pa kasing maaga.
"Nag-uusap naman po kami. Kapag nga lang nandiyan si Papa."
Tumango siya at muling uminom ng kanyang kape. Inilapag niya itong muli sa mesa at napatanaw siya sa malayo.
"Alam kong minsan, masyadong perfectionist iyang si Valena pero lagi mong iisipan na ina mo pa rin siya, JC. Walang ina na maghahangad na mapasama ang kanyang anak," mahinahon niyang pangangaral.
Yumuko ako at tinitigan ang mga daliri. Pinagmasdan ko ang singsing na bigay ni Lake.
"Hindi ko naman po 'yan kinakalimutan, Lo." Bumuntonghininga ako at pagod siyang nginitian. "Minsan lang talaga, masyado na niyang minamaliit ang isang tao..."
Tiningnan niya ako. "Ano bang sabi ni Lake sa'yo?"
"Na hayaan ko na lang daw si Mommy. Na dapat respetuhin ko pa rin siya. Kilala niyo naman po si Lake."
Ngumiti siya na para bang inasahan na niya ito.
"Hindi na ba talaga siya mag-aabogado?"
Nagkibit ako ng balikat. "Siguro nga. Ewan ko lang. Iniiwasan ko na rin po kasing banggitin ang bagay na 'yan. Ayokong mauwi na naman sa pagtatalo."
"Dismayado ka ba sa desisyon niya, JC?"
Pansamantala akong natigilan dahil sa naging tanong niya. Si Lolo lang talaga ang may kakayanang magtanong sa akin nang ganito na nagpapaalala sa akin na magpakatotoo sa sariling saloobin.
Marahan akong tumango at malungkot siyang tiningnan. "Medyo po."
Sa kabila ng pagiging matapat ko at pag-amin sa totoong nararamdaman ay hindi ako hinusgahan ni Lolo. Puno pa rin ng pang-unawa ang kanyang mga mata.
"Naisip ko na rin 'yan. Kilala kita. Noon pa man, achiever ka na. At siguro maski ayaw mong ikumpara kita sa nanay mo, hindi ko maiiwasan. Masyado kayong magkatulad lalo na sa mga ambisyon sa buhay."
"Masamang bagay po ba 'yon, Lo?" sabi ko. "Gusto ko po na maayos ang lahat. Na may mapagtagumpayan na bagay na pwedeng ipagmalaki."
"Hindi naman 'yan masama, JC. Basta ba huwag mo lang kakalimutan kung ano talaga para sa'yo ang mas importante."
"Hindi naman po siguro mangyayari 'yon," paninindigan ko.
"May mga tao na hindi mo na mababago pa ang pananaw at paniniwala sa buhay," dagdag niya pa.
Sa sinabi niya ay muli kong naisip si Lake. Mababago ko pa kaya ang pananaw niya? Kung hindi ko man mababago ang pananaw niya ay sana nga tama lang ang desisyon ko na suportahan siya.
Linggo ng gabi na ako bumalik sa condo. Nanibago pa ako nang makita na naroon si Lake dahil kahit Linggo naman ay may trabaho siya sa gabi.
"May renovation na gagawin sa lobby kaya wala munang event," paliwanag niya nang tanungin ko siya.
Naupo siya sa tabi ko at inabutan ako ng isang kutsara para sa ice cream na kakainin namin.
"Nag-groceries ka kanina?" tanong ko habang binubuksan ang takip ng ice cream.
Pinindot niya muna ang remote ng TV bago ako sinagot.
"Yeah. Bumili na rin ako ng tissue."
Naglagay ako ng isang scoop ng vanilla flavor sa kutsara at sumubo. Nalamigan kaagad ang bibig ko.
"Ako na ang magbabayad sa bills natin ngayong katapusan," pagpresinta ko.
"Ako na. May pera naman ako. Itabi mo na lang 'yang pera mo."
"Okay lang naman. At saka wala akong paggagamitan."
"May pera pa ako sa savings. May gig na rin akong tinanggap sa isang bar. Keyboard player ng isang banda. Naghahanap kasi sila ng ipapalit pansamantala."
Humigpit ang pagkakahawak ko sa kutsara at seryoso siyang binalingan. Ngayon ay siya naman ang abala sa pag-scoop ng ice cream habang nakatingin sa palabas sa TV.
"Bar? Banda? Akala ko ba ayaw mo sa mga ganyang klase ng gig dahil magulo ang lifestyle?" naguguluhan kong tanong.
"I can't be picky. I don't have any choice kaysa naman matengga ako ng ilang araw."
Unti-unti kong ibinaba ang kutsara at inilagay sa lalagyan ng ice cream. Napahilot ako sa sentido dahil sa biglaang pagsisimulang pananakit ng ulo.
Mula sa kutsara na ibinaba ko ay nag-angat siya ng tingin sa akin.
"Ayaw mo na?"
"I'm tired," malamya kong sinabi at saka tumayo. "Matutulog na ako."
"You okay?" nag-aalala niyang tanong. Nasa akin lang ang buo niyang atensiyon.
Bago tumalikod ay ginawaran ko muna siya ng ngiti kahit na medyo pilit.
"I'm fine. Napagod lang ako. Hindi ka pa matutulog?"
Napasulyap siya sa suot na relo at kumunot ang kanyang noo.
"Maaga pa. 7 pm pa lang."
Wala akong gana na tumango. "Sige. Mauuna na akong matulog sa'yo."
Tinalikuran ko na siya at nagsimula nang maglakad patungo sa kuwarto.
"Good night! I love you," pahabol pa niya.
"Night. Love you too," mahina kong tugon at nakakasiguro akong hindi niya narinig.
Pumasok na ako sa loob ng kuwarto at nahiga sa kami. Kahit ilang beses man akong pumikit at pabago-bago ng posisyon sa paghiga ay hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Hindi lang katawan ang pagod sa akin kundi pati na rin isipan.
Gumising ako kinaumagahan na wala sa tabi si Lake. Dahil may pasok pa mamaya ay dumeretso na ako sa banyo at nag-shower. Nang makapagbihis na ay saka pa lamang ako lumabas ng kuwarto at nagtungo sa kusina. Dito ko nadatnan si Lake na abala sa paghahanda ng almusal.
Kaagad na kumalam ang sikmura ko dahil sa mabangong amoy ng nilulutong pagkain. Nang tingnan ang mesa ay may nakalapag na rito. May toasted bread, hotdog, bacon, at scrambled eggs.
"Good morning! Thanks for this breakfast," nakangiting intrada ko at umupo na. Dumapo ang tingin ko sa nakalapag din na isang baso ng fresh milk. Nanlabi ako at tiningnan siya.
"I want my coffee, baby," paglalambing ko.
"Not today," aniya at naupo na rin sa tapat ko. "Nagkape ka na kahapon at alam ko madalas kang nagkakape sa office."
Ngumuso ako at pinulot na ang tinidor. "I need to be active."
"It's not good for your health, Jean," istrikto niyang saway.
Bumuntonghininga ako at nagsimula na lang kumain.
"Ihahatid mo ako ngayon at susunduin mamayang hapon?"
Ibinaba niya ang hawak na tinidor at napahilot siya sa noo. Nahalata kong sinadya niyang mag-iwas ng tingin.
"Wala akong kotse ngayon. Hiniram ni... Elvis," aniya na tinutukoy ang bago niyang kaibigan sa tinutugtugang hotel.
Ginapangan ako ng pagdududa. "Hiniram? Bakit naman siya manghihiram ng kotse eh ang sabi mo dala-dalawa pa nga 'yong sasakyan niya 'di ba?"
Imbes na sagutin ako ay yumuko siya at tahimik na nagpatuloy sa pagkain.
"Lake, nasa'n ang kotse mo?" mariin kong tanong habang seryoso siyang tinititigan.
Unti-unti siyang nag-angat ng tingin. Nakita ko sa mga mata niya ang pagiging guilty rito.
"Isinangla ko," pag-amin niya sa wakas. "Babawiin ko rin naman 'yon kapag naging okay 'tong bagong gig."
Umawang ang labi ko dahil sa matinding gulat. Ni wala akong kahina-hinala sa ginawang desisyon niya.
"You what? Bakit mo isinangla?" gulantang kong tanong.
"Ibinayad ko no'n pang-down payment sa condo."
Huminga ako nang malalim at pinakalma ang sarili.
"Akala ko galing... galing sa savings mo ang ipinambayad dito?"
"It couldn't be enough, Jean. We picked the expensive one."
"Then how come you never told me all about it? Para kung alam ko lang, eh 'di sana nasabi ko sa'yo na pumili na lang tayo ng mas mura?" Hindi ko na napigilan pa ang sarili at medyo nagtaas na ng boses.
Pumikit siya nang mariin at napahilot sa kanyang sentido.
"Calmn down, Jean. Mababawi ko rin naman 'yong kotse ko."
Napahimalos ako sa mukha at tumahimik na muna para makapag-isip. Hindi ako makapaniwala na humantong kami sa ganitong sitwasyon.
"Tatanggapin ko na lang 'yong sasakyan na iniaalok ni Papa sa'kin," sambit ko sa wakas.
Hindi siya nagkomento kaya kinuha ko itong pagsang-ayon niya sa gagawin kong desisyon.
Umalis ako ng condo nang walang paalam sa kanya. Sa totoo ay naiinis ako sa sitwasyon. Ang buong akala ko ay maayos naman ang naging desisyon na paglipat namin. Pinanatag ko pa ang loob ni Papa na okay ang lahat at ipinangalandakan ko pa kay Mommy na kaya naming pangatawanan ni Lake ang desisyong ito.
Stress ako buong araw sa trabaho. Napuna naman ito ng iilang kasamahan ko kaya nagtanong sila kung okay lang ba ako. Tumango ako at nagpanggap na okay nga lang. Parang nahihiya ako na aminin sa kanila ang totoong nangyayari. Nahihiya akong umamin na may problema kami sa pinansiyal na bagay. At isa pa, hindi rin naman kami close para maglatag ako sa kanila ng personal na problema.
Palabas na ako ng building para umuwi na sana nang bigla na lang bumuhos ang malakas na ulan. Wala pa naman akong dalang payong at kailangan ko pang mag-arkila ng taxi.
"Kung minamalas ka nga naman! Ugh!" inis na sabi ko sa sarili at umatras bahagya sa gilid.
Sinabayan pa ito ng pagkalam ng sikmura ko sa gutom dahil hindi ako kumain ng tanghalian. Nagkaroon ako ng pag-asa nang may huminto sa tapat ng gusali kaya maski umuulan ay lumapit ako at ipinatong ang bag sa ulo para hindi masyadong mabasa kahit na napakaimposible pa, sa lakas ba naman ng buhos ng ulan. Ngunit bago ko pa mabuksan ang pinto ng sasakyan ay naunahan ako ng iba.
"Sorry!" Umatras ulit ako at bumalik sa pwesto kanina. Mas nakaramdam lang ako ng lamig dahil nabasa na.
Binuksan ko ang bag para kunin ang cellphone at tawagan si Papa. Hindi ko rin yata kayang pumasok ulit sa building at umakyat ng third floor para lang puntahan siya at humingi ng tulong. Ida-dial ko na sana ang private number niya nang maalala ang sitwasyon. Paano kung tanungin niya ako kung bakit wala si Lake para sumundo sa akin? Wala yata akong lakas ngayong araw para magpaliwanag pa sa kanya tungkol sa nangyayari.
Ipinasok ko ulit ang cellphone sa loob ng bag habang humihikbi dahil sa bigat ng pakiramdam. Dala na rin ng frustrations ay napasandal ako sa glass wall ng gusali. Unti-unti akong napaupo at nagsisimula nang humagulgol. Ano ba namang araw 'to? Ang malas-malas ko naman!
Tinakpan ko ang mukha gamit ang dalawang palad at yumuko. Bumuhos ang luha ko kasabay nang pagbuhos ulit ng malakas na ulan.
"Mommy...." hikbi ko sa nanginginig na labi dala na rin ng lamig ng panahon. "Mommy..."
"Jean Caitlyn?" Dinig kong pagtawag ng malalim na boses.
Nag-angat ako ng mukha at pinunasan ang mga luha gamit ang palad. Kahit medyo malabo man ang paningin dahil sa luha ay naklaro ko pa rin ang nag-aalalang mukha ni Alec Von Cua. Mariin niyang tinignan ang disposisyon ko at marahil napansing basa ang suot. Kaagad siyang nagtanggal ng kanyang coat at inilagay ito sa magkabilang balikat ko.
Napamura siya at naglahad ng kamay.
"Come on, I'll take you home."
Tinanggap ko ang kamay niya at tumayo na. May humintong sasakyan sa harap namin at lumabas mula rito ang isang lalaki na may dalang payong. Pinayungan niya kami ni Lake at pinagbuksan ng pinto.
Nang makaupo na sa loob ng sasakyan ay bumuhos ulit ang mga luha ko. Umapaw ang nararamdaman kong awa para sa sarili. Ito ang pinakaunang beses na pakiramdam ko ako na ang pinakamiserableng tao sa mundo sa pagkakataong ito.
Inayos ni Alec ang suot kong coat dahil bumababa ito dulot ng panginginig ng balikat ko. Hindi siya nagsalita at hinayaan lang akong humagulgol sa loob ng kanyang sasakyan. Inabutan niya ako ng tissue na inilingan ko kaya wala siyang nagawa kung hindi ang ibalik ito sa gilid.
"Saan ka uuwi?" tanong niya nang kumalma na ako.
Ibubuka ko na sana ang bibig ko para sabihin ang address ng condo pero napahinto ako. Niyapos ko ang sarili at nilunok ang bara sa lalamunan.
"S-Sa mansiyon. Gusto kong umuwi sa mansiyon," sabi ko.
Inihatid nga ako ni Alec sa mansiyon. Nagkandarapa si Manang nang makita ako nang pagbuksan niya ng gate. Akala niya kung ano ng nangyari sa akin. Mabilis din na natawag ang atensiyon ng aking mga magulang. Sinalubong nila ako sa may pintuan.
Matapos magpaalam ni Alec sa akin at sa mga magulang ko ay umalis na rin siya. Napag-alaman ko na pumunta pala siya kanina sa gusali ng kompanya namin para personal na magpapirma ng isang dokumento kay Papa. Insaktong nadatnan niya ako nang lumabas na siya.
Pumasok ako sa kuwarto at nag-shower. Sa kuwarto na rin ako nagpahatid ng pagkain.
Habang nakaupo sa kama, balot ang kumot sa katawan ay naging tulala ako. May tunog akong narinig mula sa pinto kaya tumayo ako upang pagbuksan kung sino man ang kumakatok.
Nang makita si Papa ay pinapasok ko siya. Hawak niya sa isang kamay ang bag ko na nabasa kanina.
"Napatuyo na 'yan ni Manang," sabi niya at ipinatong ito sa ibabaw ng cabinet. "Your phone's battery also died. Kanina pa pala tumatawag si Lake. Tinawagan ko na siya at ipinaalam na nandito ka."
Tinanguan ko siya at naupo kami sa dulo ng kama.
"Gusto ka sanang kausapin ng Mommy mo kaya lang natatakot siya at baka magkasagutan na naman kayo," intrada niya makalipas ang ilang minutong pananahimik.
Pinagmasdan niya ako at kahit puno man ng katanungan sa kanyang mga mata ay nadaig naman ito ng pag-aalala.
"Are you sure that everything about you and Lake is okay, JC?"
Nagbaba ako ng tingin at pinagmasdan ang mga daliri. Tulala ko rin na pinagmasdan ang singsing.
"We're having problems, Papa," pag-amin ko. "I think we're having financial problems. He doesn't have a stable job... He..."
"Tell me what you need, anak," indulhente niyang sinabi.
Sumikip ang dibdib ko dahil sa emosyon. Kung pagmasdan ko siya ay para bang siya lang ang sagot sa mga paghihirap ko. Siya ang tagapagligtas ko.
"I need a car," naiiyak at natatawa kong sinabi dahil sa nararamdamang awa para sa sarili.
"What else?" untag niya sa masyadong mapagbigay na tono. "Do you need money?"
Paulit-ulit akong marahan na umiling. Naisip na kung tatanggap ako ng pera mula sa mga magulang para tubusin ang sasakyan ni Lake ay siguradong hindi niya naman magugustuhan ito.
"I just... I just need a car, Papa," hikbi ko.
Niyakap niya ako at paulit-ulit niyang tinapik ang likod ko upang maalu. Wala man siyang maraming tanong ay mas ramdam ko naman ang pag-aalala niya.
Umuwi pa rin ako ng condo kinabukasan. Hindi ko puwedeng basta na lang takasan ang problema dahil dalawa kami ni Lake sa relasyon. Nagtaka ako dahil wala siyang naging tanong nang makita na may dala na akong sasakyan. Tahimik lang siya kaya minabuti ko na magpanggap na walang nangyari at wala akong kinikimkim na pangamba.
Pareho na rin kaming naging abala sa trabaho dahil nagsimula na siyang tumugtog sa bar kasama ng isang independent na banda. Isang beses lang akong nanood dahil hindi ako komportable sa ingay at dami ng taong nag-iinuman.
Gusto kong punahin na napapansin kong medyo may pagbabago na kay Lake. Kung dati ay istrikto siya at may pagka-uptight ngayon ay nakikihalubilo na siya sa kasamahan sa trabaho. Naisip ko na sana nga lang maganda itong impluwensiya ng mga nakakasama niya.
Palagi na rin siyang pagod pagkauwi galing trabaho dahil alas tres na ng umaga siya umuuwi. Sa umaga naman ay tulog siya at pumapasok ako sa trabaho. Hindi kami madalas magpang-abot.
Sa limang buwan ko sa trabaho ay tinanggap ko na rin ang promotion na inalok ni Papa sa isang mataas na posisyon. Naging isa ako sa mga head supervisor.
Nag-dinner kami kasama ng mga magulang ko sa isang restaurant para i-celebrate ang naging promotion ko. Wala si Lake dahil may trabaho. Patapos na kami sa pagkain nang bigla na lang may tumawag sa cellphone ko. Si Elvis. Tumawag siya para ipaalam sa akin na nasa presinto raw si Lake. Kung dati ay naramdaman ko na ang unti-unting pagbagsak ng itinatag naming relasyon, ngayon ay tuluyan na itong gumuho.
Tinanggihan ko man ang pagpresinta ni Mommy na sumama sa pagpunta ko ay nagpumilit pa rin siya. Pati si Papa ay sumama na rin dahil nangangamba na baka mapahamak daw ako. Kaya sa huli, buong pamilya ang dala ko sa police station.
Habang nasa loob kami ng sasakyan at bumibiyahe ay walang tigil naman si Mommy sa mga panghuhusga niya.
"...I've told you. That man is not good for you!" paglilitanya niya.
"Tama na, My. Please!" sabi ko at deretso lang ang tingin sa daan. Nag-aalala para kay Lake. Kung puwede lang sabihin kay Kuya Benj na paliparin ang kotse mabilis lang kaming makarating doon ay ginawa ko na.
Maski si Papa na nakaupo sa tabi ng driver ay na-stress na sa ingay ni Mommy dahil nakapikit lang siya at paulit-ulit na bumuntonghininga.
"Magmamatigas ka pa rin ba talaga, Jean?! Hiwalayan mo na ang lalaking 'yan!"Halos sumigaw na siya sa inis.
"I love him!" sigaw ko na rin at tiningnan siya.
Kung makatingin siya sa akin ay para lang akong isang sutil na bata na walang kamuwang-muwang sa mundo.
"Until when?" marahas niyang pagbitiw. Mistulan itong punyal na sumugat sa akin. Dumapo ang tingin niya sa daliri ko kung saan nakapuwesto ang singsing. Hindi nakalagpas sa akin ang pandidiri ng kanyang tingin. "Until you marry him?"
Kasabay ng pagkatigil ko sa naging tanong niya ay ang paghinto ng sasakyan. Alam kong nasa tapat na kami ng police station.
Parehong nagtagis ang bagang namin ni Mommy habang nakatitig sa mga mata ng isa't-isa. Tila ba nagsusukatan kung sino ang unang bibigay.
May dumaang sakit sa kanyang mga mata at nagbago rin ang tono ng kanyang pananalita na hindi ko inasahan.
"Hihintayin mo pa bang tuluyan ka nang matali sa kanya bago ka kakalas?" mahina niyang tanong. Halos mawalan na ng lakas. "Kagaya ng ginawa ko, Jean?"
Ang awra ng pagmamatigas ko ay dahan-dahang natibag. Pumikit ako nang mariin at naramdaman ang pagdaloy ng mainit na luha sa pisngi.
"I... I love him," paos kong sinabi. Huling pagbuhos ng lakas na yata.
"Leave him," mariing utos niya.
Hindi ko alam kung papaano kami nakapasok sa loob. Parang wala na ako sa sarili dahil sa dami ng iniisip. Dahil sa pagdedebate ng puso at utak ko sa mabigat na desisyon na kailangang gawin.
Parang patay ako nang pagmasdan ang likod ni Lake. Nakaupo siya sa harap ng mesa ng isang police officer. Pansamantalang tumigil ang mundo ko nang lumingon siya at magtama ang mga mata naming dalawa. Kitang-kita ko ang gulat sa mga mata niya at alam kong hindi niya inasahan ang pagpunta ko.
Hindi rin nagtagal ang tinginan naming dalawa dahil dumapo ang tingin niya sa mga magulang ko na nasa likod ko lang. Habang ginagawa niya ito ay inabala ko naman ang sarili sa pagtitig sa halatang mga pasa sa kanyang mukha. Nanlumo ako nang makita ang putok sa gilid ng kanyang labi.
Para akong nakalutang at nasa isang masamang panaginip habang humahakbang palapit sa kanya. Nang huminto na sa harap niya ay malungkot ko siyang pinagmasdan. Pansamantala kaming iniwan ng pulis na nagtatanong sa kanya kanina. Naupo ako sa bakanteng silya sa tabi niya.
"Ano na bang nangyayari sa'yo, Lake?" mahina kong sinabi. Sinuri ko ulit ang mga sugat sa kanyang mukha.
Nag-iwas siya ng tingin na tila ba nahihiya pa.
"Hindi ka na dapat nagpunta pa rito. Makakaalis din naman ako rito. I only have to make a statement—"
"I can't do this anymore," bigla kong sambit kahit na alam kong may ibang taong nakakarinig sa amin sa paligid. Maski ako ay nagulat sa sarili pero panandalian lang din ito dahil sa puntong ito ay naging malinaw na sa akin ang lahat. Naging desidido na ako.
"I can't do this, Lake," nanghihina kong pag-uulit habang tinitigan siya nang deretso sa mga mata.
Nangatog ang tuhod ko sa lugmok na ipinapakita ng kanyang mga mata. Bumalatay sa kanyang mukha ang sakit. Lumunok siya at napapikit. Napangiwi siya at nakasisigurado akong hindi ito dahil sa sakit na dulot ng kanyang mga sugat.
"Mahal kita," sabi niya at sumabay ang pagpatak ng kanyang luha. "Mahal na mahal kita, Jean."
"Mahal din naman kita kaya lang... kaya lang hindi ko na yata kaya pa..." hikbi ko.
Pinunasan niya ang kanyang luha gamit ang likod ng kanyang palad. Suminghot siya at nakuha pa rin akong ngitian sa kabila ng kalungkutan.
"Bakit? Nahihirapan ka na ba talaga?"
Humagulgol ako dahil sa matinding awa sa tono ng kanyang boses. Walang tigil sa pagbuhos ang luha ko at wala ng pakialam kahit na may mga taong nanonood. Duwag akong paulit-ulit na tumango. Kinuha ko ang suot na singsing na bigay niya.
"Kahit ba magmakaawa pa ako... wala na talaga?" dagdag niya sa paos na boses. Hindi pa rin nilulubayan ng matinding sakit ang kanyang mga mata.
"I'm s-sorry..." tanging nasabi ko at tuluyan nang tinibag ang relasyon naming dalawa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top