Chapter 11

Chapter 11

Court

Napakabilis ng takbo ng panahon. Siguro ganito nga talaga ang pakiramdam kapag masaya ka at sadyang hindi mo na lang namamalayaan ang pagdaan ng bawat araw. Nagpatuloy ang pagiging magkaibigan namin ni Sir. Naging kontento na rin ako rito kaysa naman bumalik kami sa dati na iniignora niya lang ako.

Isang hapon ay excited ako na nagtungo sa faculty room para ibigay sa kanya ang ni-bake kong cookies. Ipinaliwanag niya sa akin na sadya raw na kinuha ni Ma'am Ramones ang ginawa ko para sa kanya noon kaya hindi na siya nakaangal pa. Nang nalaman ko ito, naintindihan ko na ang ginawa niya at mas humanga lang ako sa kanya dahil sa pagiging gentleman niya.

Pasimple muna ang ginawa kong pagsilip sa may bintana nang marating ang faculty room. Umaliwalas kaagad ang hitsura ko nang makita si Sir na nakaupo sa likod ng kanyang mesa at halatang abala sa pagbabasa ng makapal na libro. Napasulyap muna ako sa suot na relo at nakitang alas tres na kaya tamang-tama ang pagbibigay ko nitong cookies sa kanya, pang-meryenda na rin niya.

Maigi ang pagpunta ko dahil mag-isa lang siya sa loob ng silid. Bitbit ang paperbag sa isang kamay na may lamang cookies at isang white folder naman sa kabilang kamay ay pumasok na ako. Marahan ang ginawa kong paghakbang upang hindi makagawa ng anumang ingay habang pinagmamasdan siya na sobrang nakatutok sa kanyang binabasa.

Huminto ako sa harap ng kanyang mesa at binasa ang pamagat nito. Isa na naman sa mga law books niya.

"May exam ulit kayo? 'Di ba wala ka namang pasok mamayang gabi?" intrada ko.

Kumunot ang kanyang noo na parang naguguluhan pa kung bakit nasa harap niya ako.

"Wala nga," aniya sabay lapag sa binabasa niyang libro.

"So... deretso ka na uwi ng bahay pagkagaling dito sa school?" usyoso ko.

"May iba pa akong lakad." Ngayon ay nakatuon na ang pansin niya sa hawak kong paperbag.

"Ah. Okay." Umangat ang sulok ng labi ko at inilapag sa kanyang mesa ang paperbag na dala.

"Take a break. Kumain ka muna ng meryenda!"

Napatingin siya sa folder na hawak ko.

"Para saan 'yang folder na dala mo?"

"Para may excuse ako sa ibang teachers kung magtatanong sila kung bakit ako nandito."

Tumango siya, muling kinuha ang libro, at nagpatuloy na sa pagbabasa. Napagtano ko na dinidispatsa na niya ang presensiya ko. Tinalikuran ko na siya at humakbang na papalayo ngunit agad din na tumigil nang marinig ang muling pagsasalita niya.

"Thanks. You're coming to the house tomorrow, right?"

Lumantad kaagad ang malapad kong ngiti sabay lingon sa kanya.

"Bakit? Gusto mo ba akong pumunta?" Nanunukso ang boses ko.

Hindi man lang nagbago ang seryoso niyang hitsura. Parang hindi tumalab ang pagbibiro ko.

"Sabi mo kukunin mo na si Pepe. You left him last week. I can't take care of him for another week," pagrereklamo niya.

Sinimangutan ko siya at inirapan. Kung makapagsalita naman siya, parang pahirapan talaga ang pag-aalaga sa sisiw ko, eh hinahayaan niya lang naman itong maglagalag sa bakuran niya.

"Oo na. Pupunta ako bukas," sabi ko na lang para hindi na siya mainis pa. Tanging pasimpleng pagtango lang ang itinugon niya kaya lumabas na ako at iniwan na siya.

Pumasok na ako sa pang-huli kong klase ngayong araw. Nagkayayaan kami nina Jok at Hope na mag-chill muna sa paborito naming café at ito nga ang ginawa namin pagkatapos ng klase. Punuan ang café dahil Biyernes at talaga namang maraming mga estudyante ang nagha-hang out din dito.

Uminom ako sa in-order na ice tea habang hinihintay namin ni Hope ang pagdating ni Jok.

"Kapag nag-five minutes na talaga at wala pa 'yong mokong na 'yon, ubusin na natin itong pizza ha," nakabusangot na sabi ng kaibigan ko.

"Baka naman nag-goodbye pa sa baby niya," pang-aasar ko.

Kaagad na umasim ang mukha ni Hope. Halata rito ang kanyang disgusto sa bagong girlfriend ng kaibigan namin.

"You're making me lose my appetite, babe."

"Bakit ba hindi ka talaga boto sa bagong girlfriend ni Jok?"

Napangiwi siya. "Hindi ko lang feel ang vibes niya. I don't know."

Magkasabay kaming napalingon sa pintuan ng cafe nang kumalabog ito. Pareho siguro naming inakala na si Jok na ito ngunit nadismaya lang nang pumasok sina Irene at Giselle na halatang mayroong pinag-uusapan.

Tinungo nila ang kabilang mesa na nasa gilid lang din namin.

"Gutom na ako. Kainin na natin 'tong pizza at bahala na 'yong mokong na 'yon," reklamo ni Hope. Nakabusangot ang mukha niya habang kumukuha na ng isang slice ng pizza.

"...sobrang saya siguro ni Ma'am Ramones dahil sa wakas niyaya na siya ni Sir ng date..." Dinig namin na pagkukwento ni Giselle nang maupo na sa katabi ng aming mesa.

Walang kurap na napabaling ang buong atensiyon ni Hope sa dalawa. Ibinaba niya sa plato ang piraso ng pizza na hawak. Ang lakas talaga ng radar niya sa tuwing tsismis na ang pinag-uusapan.

"Anong tsismis 'yan, Giselle? Sinong ka-date ni Ma'am Ramones?"

"Si Sir Mendez," walang pagdadalawang-isip na sagot naman nito.

Bahagyang umawang ang labi ng kaibigan ko at maingat akong sinulyapan bago muling itinuon ang atensiyon sa taga kabilang mesa.

"Legit ba 'yan? Saan mo nakalap ang tsismis na 'yan."

Mataray na inikot ni Giselle ang kanyang mata.

"I saw them with my own eyes. Sumakay si Ma'am Ramones sa kotse ni Sir Mendez. She was even grinning from ear to ear like she won or something."

Ngayon ay nakatuon na ang buong atensiyon ni Hope sa akin. Mariin niya akong tinititigan at nakita ko sa kanyang mga mata ang tanong ngunit sa likod nito ay mayroon ding bahid ng simpatya. Malungkot akong ngumiti para iparating sa kanya na okay lang ang lahat sa akin. Masakit pero wala rin naman akong karapatang magselos dahil wala naman kaming relasyon ni Sir. Ako lang naman itong may gusto sa kanya.

"Baka naman may meeting lang sila..." pampalubag loob niya sa akin na hininaan pa ang boses para ako lang ang makatinig.

Nagkibit ako ng balikat at umiling.

"Okay lang."

Malungkot niya akong tiningnan at saka nagpakawala siya ng mababaw na hininga.

"You know what, umalis na tayo," aniya sabay tayo at pulot ng kanyang bag. "Samahan mo akong bumili ng perfumes."

Nagtagpo ang kilay ko. "Akala ko ba kakain pa tayo at hihintayin si Jok na dumating."

Sinulyapan niya ang kabilang mesa.

"Nawalan na ako ng gana. Halika na!"

Bumigay na ako at nagpatianod sa gusto niya. Lumabas kami ng café at saka dumeretso na sa kanyang sasakyan. Habang bumibiyahe ay pareho kaming tahimik na dalawa. Makalipas ang ilang minuto ay nagsalita rin siya.

"Tingin mo uh... nagdi-date talaga sila?"

"Hindi ko alam," pinilit kong pagaanin ang boses. Nagplaster ako ng ngiti sa labi sabay lingon sa kanya "At saka bakit ba parang mas na-bo-bother ka pa sa sitwasyon kaysa sa'kin?"

"Alam mo... nevermind na nga lang! Let's just enjoy this shopping." Tumunog ang kanyang cellphone kaya ibinaling na niya ang atensiyon dito.

Kumunot ang kanyang noo habang tinititigan ang marahil ay mensahe.

"Nag-text si Jok. Hindi ko siya re-reply-an!" bulong-bulong niya.

Inilingan ko na lang siya at ibinaling na ang tingin sa labas ng pinto ng sasakyan. Nilunod ko ang sarili sa pag-iisip.

Hindi ako pumunta sa apartment ni Sir Mendez. Pakiramdam ko, nagiging abala na ako sa kanya at siguro ay napipilitan lang siya na pakisamahan ako dahil sa kakulitan ko. Lalo na ngayon at mukhang may love life na siya. Nangako ako sa kanya noon na didistansiya na ako kapag nagkaroon na siya ng girlfriend kaya siguro ay tama lang ang umiwas. Hindi naman kasi maganda na nagpupunta pa ako sa kanyang bahay.

Ramdam ang sigla ng lahat nang magsimula ang unang araw ng linggo dahil magtatapos na ang school year. Palabas na ako ng pangatlo kong klase nang mapansin ang pagtawag sa akin ni Troy Loyzaga na sa tingin ko ay nag-aabang lang sa labas ng classroom. Nagkatinginan kami ni Hope at sinulyapan niya rin si Troy na nahihiyang nakangiti. Wala man lang pasabi ay iniwanan niya kami.

"Hi!" bati ni Troy nang huminto na ako sa harap niya.

"Hello!" ngiti ko pabalik sabay ayos ng bag. "May.. May sasabihin ka ba?"

Napasulyap siya sa bandang likuran ko. Napansin ko rin na halos nakalabas na ang lahat ng mga estudyante.

"Uh.. Free ka ba this Saturday? Yayain sana kitang manood ng movie. Kung okay lang naman!"

Pansamantala akong natigilan. Hindi naman ito ang unang beses na may lalaking naglakas ng loob na mag-aya sa akin pero naninibago pa rin talaga ako. Iilan lang ang nag-iimbita sa akin dahil siguro nga katulad na lamang ng sinabi ni Hope, nakakaintimida raw talaga ako.

"Like a date?" paglilinaw ko.

Namula ang kanyang mestisong pisngi at hindi na siya makatingin nang deretso sa mga mata ko.

"Yeah. If you know... If you're free..."

Ibubuka ko na sana ang bibig para tanggihan siya pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay nahagip ng mata ko ang paparating na anyo ni Sir Mendez patungo sa kinatatayuan namin ni Troy. Kaagad niyang nahanap ang mga mata ko. Maagap ang pag-ugong ng damdamin ko habang nakikita ang kanyang mga mata na tila ba may dalang mapanganib na bagyo.

Biglang nablangko ang utak ko at mabilis na nagbitiw ng mga salita sabay balik ng pansin sa naghihintay na si Troy.

"Sure! Free ako this Saturday! Let's go and watch a movie!" napalakas na pagkakasabi ko.

Umusbong ang malapad na ngisi sa mga labi ni Troy. Lantaran ang tuwang ipinapakita niya sa naging sagot ko. Habang abala siya sa pasasalamat at pagbibigay ng mga detalye ay pasekreto naman ang ginawa kong pagsulyap kay Sir Mendez. Nahinto na siya sa paglalakad at ngayon ay nakatingin lang sa amin.

Unti-unti siyang nagbaba ng tingin sa sahig. Kung makatitig siya rito ay para bang may ginawa itong kasalanan sa kanya dahil sa talim ng tingin niya. Ilang minuto siyang ganoon lang hanggang sa marahan siyang nailing sa sarili at nagpatuloy na sa paglalakad.

Bahaw akong napatingin sa kanina pa nagsasalitang si Troy. Maski hindi na subaybayan ang sinasabi niya ay ngumiti pa rin ako at tumango na para bang nakikinig talaga. Hindi ko maintindihan ang sarili sa inasta kanina. Sa huli ay inalok ako ni Troy na ihatid sa sasakyan at pumayag naman ako.

Nang makauwi na ng bahay ay nagpalit kaagad ako ng komportableng damit. Sa huling pagkakataon ay tinungo ko ang apartment ni Sir Mendez para sunduin na si Pepe. Naglakas loob ako dahil nakasisiguro akong wala sa bahay si Sir dahil may pasok ito.

Pinindot ko ang door bell ng kanyang gate at paglipas ng ilang minuto ay dinaluhan din ako ni Nanay Celia. Minadali niya ang pagbubukas ng gate nang makita niyang ako ang nasa labas.

Iminuwestra niya ang kamay na parang anyo ng pag-iimbita sa akin upang tuluyang pumasok. Kaagad akong umiling bilang pagtanggi.

"Hindi na po. Kukunin ko lang po sana si Pepe, Nay," sabi ko.

Tumango siya at mabilis na kinapa ang bulsa sa suot na kulay brown na daster. Napuna ko na ang kanyang cellphone pala ang kinuha niya. Nagtipa siya rito at pagkatapos ay ipinakita sa akin ang laman nito.

Bakit hindi ka nagpunta rito noong Sabado? Nagluto pa naman si Lake ng paborito mong chicken curry.

Nalaglag ang panga ko at tiningnan na siya.

"T-Talaga po?" may halong tuwa sa boses ko ngunit kaagad din na muling umayos nang maalala ang napagpasyahan ng gawin sa nararamdaman. "Uh. B-Busy lang po kasi ako. Si Pepe po pala?"

Ilang segundo niya pa akong tinitigan lang. Sinuri niya ang bawat sulok ng mukha ko marahil ay binabasa ang nasa isipan. Hindi ako sigurado kung ano ang nakikita niyang ekspresyon sa mukha ko. Sa bandang huli ay malungkot na lamang siyang bumuntonghininga at muling nagtipa.

Iniabot niya ang cellphone sa akin at binasa ko ang itinipa niya.

Kukunin ko muna sa loob ng bahay

Tumango ako at iniabot na sa kanya pabalik ang cellphone. Naglakad na siya patungo sa loob ng bahay.  Tumingala ako at pinagmasdan ang ikalawang palapag. Ang mismong bintana ng kuwarto ni Sir Mendez. Hindi ko maiwasan ang mapangiti sa sarili.

Napukaw ang isipan ko nang marinig ang maingay na paghuni ni Pepe. Nasa loob siya ng isang maliit na hawla na gawa sa plastik. Kumunot ang noo ko dahil sa kalituhan. Nakangiting iniabot ni Nanay Celia sa akin ang hawla.

"Binilhan niyo po siya ng hawla?" gulantang na tanong ko habang nakamasid lang kay Pepe.

Nagtipa si Nanay Celia sa kanyang cellphone at pagkatapos ay ipinakita ito sa akin.

Si Lake ang bumili niyan. Alam mo naman na nag-aalala talaga 'yon na baka kainin ni Martina itong si Pepe.

Napaawang na naman ang labi ko dahil sa pagkamangha. Humigpit ang pagkakahawak ko sa hawla. Bigla rin na natahimik si Pepe na nakatingin lang sa akin na para bang sinusumbatan ako dahil sa matagal na pag-iwan sa kanya.

Binalingan ko ulit ang matanda para magpaalam na sa kanya. Pinigilan ko lang muna ang sarili dahil may itinitipa na naman siya kaya naghintay na lang ako. Ipinakita niya ito sa akin.

Nagkatampuhan ba kayo ni Lake?

"Hindi naman po!" agap ko sabay mabilisang pag-iling. "Medyo busy lang po talaga kaya hindi ako nakapunta. At mukhang hindi na rin po ako makakabisita rito dahil... uh...malapit na po ang end of school year..."

Mariin niya pa rin akong tinititigan na parang hindi siya kumbinsido sa rason na ibinigay ko.

Nagpanggap akong nagpuna sa paligid para lang makaiwas sa mapagmatyag at mapanuri niyang tingin.

"Mukhang padilim na po. M-Mauna na po ako,  Nay. Salamat po sa pagtingin kay Pepe!" sabi ko kahit na pareho naman naming alam na si Sir Mendez talaga ang kasama ni Pepe sa bahay buong Linggo dahil tuwing weekend lang naman nagpupunta si Nanay Celia sa apartment.

Tanghali na akong nagpunta ng university sa araw ng Martes. Wala na rin naman kaming klase dahil tanging pagpasa lang ng projects ang gagawin sa buong linggo. Hindi na ako namroblema pa dahil on time ako kung mag-submit ng schoolworks.

Habang naglalakad sa school corridor ay napansin ko ang grupo ng mga estudyanteng nakaupo sa may bench at maingay na nag-uusap. Sadya lang sigurong matalas ang pandinig ko at aktibo ang reflexes dahil mabilisan kong binagalan ang paglalakad nang marinig ang pagbanggit ng pangalan ni Sir Mendez.

"....resignation daw kasi..."

"Does this mean wala na siya next school year?" tanong naman ng isang babaeng estudyante.

"Maybe! Wait... confirmed na ba?" sabad naman ng isa pa.

"Yeah. Duh. Narinig ko mismo sabi ni Dean. Pagkatapos ni Sir Mendez na mag-submit ng resignation letter ay umalis din siya kaagad."

Nagpatuloy na ako sa paglalakad na parang wala sa sarili dahil sa pagtataka at pagkabigla. Bakit naman aalis si Sir? May kinalaman kaya rito ang nalalapit niya na pagtatapos ng law school? Mga tanong na tumatakbo sa isipan ko maski hindi ko na gustong umintriga pa.

Gustuhin ko man sanang kausapin si Hope tungkol dito kaya lang ay hindi ko magawa dahil nasa bahay pa siya at gumagawa ng projects niya para ihabol sa pagpasa.

Tulala ako habang nag-aasikaso ng mga documents namin sa organization. Sadyang lutang ako. Makalipas ang halos isang oras ay naging buo na ang pasya ko. Tumayo ako at kinuha ang bag. Lumabas ako ng silid at mabilis na naglakad patungo sa labas upang magpara ng taxi dahil nawala na sa isipan ko ang i-text si Kuya Benj para magpasundo pa.

Imbes na sa mansiyon ay sa tapat ng apartment ni Sir ko ipinahinto ang taxi. Nagbayad muna ako sa drayber at saka lumabas na ng sasakyan. Walang pagdadalawang-isip kong pinindot ang doorbell at sa pangatlong subok ay bumukas din ang pinto ng bahay niya.

Tumambad sa paningin ko si Sir Mendez na may hinihilang kulay itim na maleta. Biglang gumuho ang damdamin ko sa nakita dahil sumagi sa isipan na aalis siya.

Naningkit ang mga mata niya habang kuryoso akong tinatanaw. Marahil ay napagtanto niya na ako ang nagpindot ng doorbell kaya kuno't-noo siyang naglakad papunta sa akin at tuluyan na munang iniwan pansamantala ang maleta sa likod ng pinto.

"What are you doing here?" nalilitong tanong niya matapos akong pagbuksan ng pinto ng gate.

Kabado akong napatanaw sa maleta niya sa malayo bago siya tiningnan sa mga mata.

"Aalis ka? Kaya ka ba nag-resign? Lilipat ka na ba ng apartment?" sunod-sunod na tanong ko.

"No."

"Alin ang no doon? No na aalis ka? O no na nag-resign ka?"

Nagkamot siya sa noo at banayad akong pinagmasdan.

"No, I'm not leaving."

"Pero bakit may maleta kang dala kanina?!" Alam kong tunog napapraning na ang boses ko.

Napuna ko ang tawa sa kanyang mga mata maski pilit niyang pinipigil ang pagsilay ng ngiti sa mga labi. Nakakatawa nga siguro ang inaasta ko ngayon sa harapan niya.

"Hindi akin 'yon. It's for someone else. Ilalabas ko lang dahil kukunin ng apo ni Nanay Celia mamaya."

"Huh?"

Bumuntonghininga siya at sinulyapan ang maleta.

"Hindi ko na ginagamit kaya ibibigay ko na lang sa apo niya para mapakinabangan naman," pagpapaliwanag niya.

"Ah," marahan kong sambit na tila ba naiintindihan na rin sa wakas ang ibig niyang sabihin. "Pero bakit ka nag-resign?"

Matagal niya pa akong pinagmasdan lang sa nangungusap na mga mata bago sinagot.

"Because I don't want to be your teacher anymore," paos niyang sambit sa mababang boses.

"H-Hindi na naman talaga 'di ba?" tanging nasabi ko matapos mapaisip na wala akong subjects na siya ang handler. Ano ba ang ibig niyang sabihin doon?

"Baka maging teacher mo ako sa third year. Do you want that to happen again?" Masyadong mapagbigay ang tono ng pananalita niya. Hindi rin nakalagpas sa akin ang naninimbang niyang tingin.

"M-Magaling ka naman na...teacher kaya... bakit h-hindi?" Lumambing pa yata ang tono ng pagkakatanong ko nito.

Pumikit siya nang mariin. Kung tutuusin sa ipinapakita niya ay parang nagpipigil siyang magpakita ng mabigat na emosyon.

"Because I want to court you, Jean. And I don't think a teacher should do that to his student. So no. I don't want to be your teacher." Dumilat siya at napuno ng hubad na determinasyon ang kanyang mga mata. "Kaya bago pa ako maunahan ng iba, liligawan na kita."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top