Chapter 10


Chapter 10

Lapit

"Babe, he likes you," pagdeklara ni Hope sa kabilang linya matapos kong magkuwento sa kanya tungkol sa sinabi ni Sir Mendez.

Tumagilid ako sa pagkakahiga at inayos ang pagkakahawak ng cellphone dahil nagvi-video call kaming dalawa.

"For now lang ang sinabi, he likes me na agad?"pangongontra ko.

"Bakit? Ano ba sa tingin mo ang ibig sabihin ng sinabi niya since between the two of us, ikaw 'yong matalino?"sarkastiko niyang tanong.

"I think... I think baka kaya niya sinabi 'yong 'for now' dahil hindi siya sigurado kung magiging friends talaga kami?"

Pasadya niyang inilapit ang cellphone sa kanyang mga mata para lang makita ko ang pag-irap niya.

"Kaya nga friends kayo for now kasi magiging lovers kayo in the future!"

Lehitimo akong natawa sa agam-agam niya.

"Grabe talaga minsan kung umiral 'yang imagination mo!"

"Ewan ko sa'yo Jean Caitlyn! Matulog na nga tayo. Alam mo ba kung anong oras na?" hikab niya.

"Ala una na ng madaling araw. Linggo naman bukas kaya okay lang ang magpuyat. May lakad ka ba o date?"

Imbes na sagutin ang tanong ko ay hilik lang ang iginawad niya. Nang makitang nakapikit na siya na hindi man lang ibinababa ang tawag ay ako na ang pumutol nito. Tumihaya ako at ilang minutong nakatitig lamang sa kisame ng kuwarto.

Hindi ko na iniwasan pa si Sir Mendez sa sumunod na mga araw. Nagbago na rin ang trato niya sa akin. Pinapansin na niya ako minsan. Simula noong naimbitahan ako sa birthday ni Nanay Celia medyo gumaang na ang pakikitungo namin sa isa't-isa. Naging magkaibigan na nga kami.

Bumisita ako sa kanila isang Sabado para tulungan si Nanay Celia sa pag-aayos ng mga halaman. Madalas ko na itong ginagawa at saka pa lamang ako nakakapunta sa apartment ni Sir kapag nariyan si Nanay. Hindi siya pumapayag na kami lang dalawa sa bahay niya.

"I can't find Pepe," si Sir na biglang sumulpot galing likod ng bahay. Nakapamulsa siya sa suot na brown cotton shorts.

Ibinaba ko sa lupa ang hawak na paso at nagpagpag ng mga kamay.

"Hayaan mo na. Nandiyan lang 'yon sa paligid."

"Fine. Baka nasa tiyan na 'yon ni Martina," aniya na tinutukoy ang pusa ng kasambahay.

"Bestfriends na silang dalawa kaya malabo 'yang iniisip mo," pagsasawalang bahala ko. "May tanong po pala ako tungkol sa homework ko, Sir."

"Wash your hands, first. Naghanda na si Nanay ng meryenda." Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad. Sumunod naman ako sa kanya.

"Sabi ko naman sa'yo na 'di mo na kailangan tumulong,"  muli na naman niyang pagpapaalala.

Pumasok na kami sa loob ng bahay.

"Mabo-bore lang ako rito kapag wala akong ginagawa,"sagot ko.

Huminto siya sa paglalakad kaya napahinto na rin ako. Nilingon niya ako at pinagmasdan gamit ang naniningkit na mga mata. Medyo na-conscious pa ako sa suot na grey sweatshirt at floral pants.

"You could've just stayed in your mansion."

"Eh, mas boring naman do'n!" giit ko.

Bumuntonghininga siya at nagpatuloy na sa paglalakad.

Bumungad sa paningin ko ang meryendang inihanda ni Nanay Celia sa mesa pagpasok namin ng kusina. Nakalatag dito ang bananacue, iba-ibang klase ng tinapay, at pancakes. May pineapple juice din at sofdrinks.

Naupo na ako at sumunod naman sa akin si Sir at naupo sa tabi ko. Nagsalin si Nanay Celia ng juice sa baso at pagkatapos ay iniabot ito sa amin.

"Palagi talaga akong busog sa masasarap na meryenda rito!" masayang sinabi ko at saka sumimsim na ng juice.

"It's almost five in the afternoon. Baka hinahanap ka na sa inyo," si Sir.

Inilapag ko ang baso ng juice at tiningnan ang masungit na katabi.

"Lagi mo na lang talaga akong pinauuwi sa tuwing pumupunta ako rito," reklamo ko na binahiran ng pagtatampo. Binalingan ko si Nanay na nakamasid lang sa amin. "Hindi naman po ako istorbo, 'di ba, Nay?"

Ngumiti lamang ang matanda at pinagtuonan na ang pagkain. Nagsimula na rin akong kumain. Sa sarap ay naparami ang pag-kain ko at nakaubos talaga ng tatlong tuhog ng bananacue. Muling sinalinan ni Sir ng juice ang baso ko. Lihim akong napangiti at nagpasalamat sa kanya.

"About my homework, Sir," pagbubukas ko ulit sa paksa matapos uminom ng juice. Nag-iba ako ng posisyon at nakaharap na sa kanya. Iniwan na kami ni Nanay Celia sa mesa dahil maglalaba pa raw siya.

"You do know I can't help you with your homework, right? That'll be unfair to others," agad na pambabara niya.

"Hindi naman ako manghihingi ng sagot galing sa'yo."

"Fine. Ano pala?"

"Ang istrikto kasi ni Ma'am Claurencio. I'm still not confident with the content of my essay about public service," paliwanag ko.

Ilang minuto siyang natahimik habang pinagmamasdan lang ako gamit ang naninimbang na tingin.

"You know what, Miss Villarejas—"

"JC na lang kasi,"halos padaing kong sinabi. Medyo naiirita na sa paraan ng pagtawag niya sa akin. "Wala naman tayo sa campus kaya bakit napakapormal mo pa rin, Sir!"

"You also call me 'Sir'," pakli niya naman.

Natigilan ako at pinagmasdan na rin siya pabalik. Habang nag-iisip ng sasabihin ay napakagat ako sa ibabang labi. Unti-unti akong nagbaba ng tingin sa tuhod niyang halos nakadikit na rin sa akin.

"A-Ano ba dapat ang... itawag ko sa'yo? Uh... Dapat ba... L-Lake na lang?" tanong ko sa mahinang boses.

"No," matigas niyang sinabi. Puno ng kawakasan.

Dismayado akong nag-angat ng tingin at nakita ang banayad at mariin niyang titig sa akin. Nakaramdam ako ng kaonting awa sa sarili kaya naman ay tinakpan ko ng pekeng ngiti ang mukha para ipabatid sa kanya na hindi ako apektado.

"Fine! Miss Villarejas na lang." Mabilis akong tumayo na.

"Where are you going?"

Inabala ko ang tingin sa paligid makaiwas lang sa kanya.

"Uuwi na ako."

"Akala ko ba pag-uusapan pa natin ang tungkol sa homework mo."

Pagod akong bumuntonghininga at hinarap siya.

"Hindi mo naman kasi ako tutulungan."

"I can give you my opinions," agap niya.

Sumuko na ako at muling naupo. Ibinahagi ko sa kanya ang ideya na nakapaloob sa isinulat kong essay. Nakinig lamang siya at hindi nagbigay ng komento hanggang sa matapos ako.

"Okay naman, ah. You have your facts," sabi niya nang singilin ko ang opinyon na sinasabi niya.

"Feeling ko kasi baka may mali akong nailagay. I don't want to make any mistakes."

"Mistakes are fine. That's an excuse of being human."

"Bakit? Nagkamali ka na? Eh ang perfectionist mo kaya," kuryosong tanong ko. Nagbabakasakali na sa pagkakataong ito ay masisilip ko na ang background ng pagkatao niya.

"Yes. I do have a fair share of mistakes."

Literal akong napanganga sa ibinunyag niya.

"Talaga?! Hindi halata sa'yo, Sir! Mukha ka kasing..." Natahimik ako at napaisip sa pagiging magkaiba ng pananaw nila ni Mommy.

Nagtaas siya ng isang kilay. "Mukhang? Terminator? Antartica?"

Napasinghap ako sa gulat. "Alam niyo po 'yon?!"

"Alam ko ang bansag ng mga estudyante sa'kin. It's not like I'm deaf or something," kalmado niyang sinabi.

"And you don't care?" kuryoso kong tanong.

Kalmante siyang tumango. "I can't change the way how people think of me. The only important thing for me is how people I care about think of me."

"I think you're cool," awtomatik kong sambit.

Tinitigan niya pa ako ng ilang segundo. Sinubukan kong tumitig sa kanya pabalik ngunit hindi ko rin natagalan dahil sa kakaiba na namang emosyon na naramdaman.  Nag-iwas ako ng tingin at tumayo.

"Uuwi na po ako."

Tumayo na rin siya. "Ihahatid na kita sa labas. Hindi mo ba hahanapin ang sisiw mo?"

Nagkibit lang ako ng balikat at nagsimula ng maglakad patungo sa sala ng kanyang bahay.

"Bukas ko na lang siya kukunin."

"You're coming here tomorrow?" kaagad na tanong niya.

"Hindi pa kami tapos ni Nanay sa pag-aayos ng mga halaman. At saka Linggo naman kaya free ako."

"Wala ako rito bukas."

Narating na namin ang gate at ako na mismo ang nagbukas sa pinto nito. Walang tigatig ko siyang muling nilingon.

"Pwede pa rin naman akong tumambay rito, 'di ba?"

Seryoso niya lang akong tiningnan at hindi na siya nagsalita pa.

"Hindi ko naman guguluhin si Nanay Celia. Tutulong lang ako at nagkasundo na kami," dagdag ko para makumbinsi siya.

"Fine. Just don't go home late."

Pinigilan ko ang sarili na tanungin kung bakit wala siya bukas. Ayaw ko namang manghimasok sa pribado niyang buhay dahil kahit sa maikli pang panahon na nakilala ko siya, alam ko ng masyado siyang pribadong tao. Hindi siya iyong tipo na basta-basta na lamang nagbabahagi ng tungkol sa kanyang buhay.

Ginawaran ko siya ng matamis na ngiti at pagkatapos ay binuksan na ang gate. Nang nasa labas ay kinawayan ko muna siya bago tumalikod at naglakad paalis.

Linggo ng hapon na ako nagpunta ng apartment ni Sir Mendez. Wala pa rin siya sa bahay at si Nanay Celia lang ang tanging naabutan ko na nagpapatuloy na sa pag-aayos ng mga halaman. Kaagad ko naman siyang tinulungan kaya mabilis lang din naming natapos ang trabaho.

Napag-alaman ko mula kay Nanay na umuwi muna pala si Sir sa bahay ng mga magulang nito upang bumisita. Habang nagpapahinga na matapos kumain ng meryenda ay naisipan kong magtanong ng iilang bagay kay Nanay tungkol kay Sir.

"Matagal na po bang bumukod si Sir sa mga magulang niya?"

Tinanguan ako ng matanda. Kinuha niya ang kanyang cellphone na nakalapag sa mesa at may itinipa rito. Ipinakita niya ito sa akin.

Umalis na siya sa poder ng mga magulang niya simula no'ng mag-18 years old

Umawang ang labi ko at mas namangha pa.

"Mabuti po at pumayag 'yong parents ni Sir."

Nagtipa ulit ang matanda at matiyaga akong naghintay. Napansin ko na medyo mahaba ang itinitipa niya. Iniabot niyang muli sa akin ang cellphone kaya binasa ko na naman ang nakasulat dito.

Pahirapan din dahil hindi naging madali. Pero dahil sa matindi rin ang paninindigan ni Lake, eh, nakaalis din siya. Wala ng nagawa ang mga magulang niya kaya hanggang ngayon ay hindi masyadong maganda ang relasyon nila.

Tumango-tango ako at ibinalik na sa matanda ang cellphone.

"Lawyers din po ba ang mga magulang niya?" pang-uusisa ko na naman. Nilubos na ang pagkakataon para mas makilala pa si Sir. Tiningnan lang ako ng matanda.

"Pasensiya na po kung marami akong tanong! Hindi po kasi nagkukuwento si Sir kaya...."

Muli siyang nagtipa. Pasimple ko itong sinulyapan at binasa dahil magkatabi lang naman din kami ng upuan.

Gusto mo ba siyang makilala nang lubusan?

Nahihiya akong tumango.

Judge ng supreme court ang papa niya. Prosecutor naman ang mama niya. Kaya oo, pamilya ng mga abogado ang pinanggagalingan niya.

"Ang galing pala! Kaya pala law din ang kinuha ni Sir." Alam ko na puno ng hubad na paghanga ang boses ko.

Pag-uwi ko ng mansiyon ay dala ko na si Pepe na nalibang yata sa pakikipaghabulan kay Martina. Kinabahan pa nga si Nanay Celia kanina nang makita ang kulitan ng dalawa dahil nangangamba siya na baka raw manggigil ang pusa at masakmal ang sisiw ko. Hindi naman ako nabahala dahil alam ko naman na hindi hahantong sa ganoon dahil sadyang makukulit lang ang dalawa.

Kumain ako ng hapunan kasama sina Mommy at Papa. Binanggit ni Mommy ang tungkol sa business summer workshop na dadaluhan ko. Ipinaalam niya sa akin na makakansela raw ang business camp dahil sa confict of schedule ng primary facilitator nito.

"I can just study in advance po for my first semester as a third year student," suhestiyon ko.

Nakita ko ang pagkabigla sa kanyang hitsura.

"And here I thought you would suggest in going to the province."

"Alam kong hindi kayo papayag kaya hindi ko na rin ipipilit," tanging rason na sinabi ko maski ang totoo ay ayaw ko lang na maging komplikado na naman ang relasyon nila ni Lolo.

Nagtaas siya ng isang kilay at pinagmasdan ako gamit ang mapagdudang tingin.

"Just let her be, Valen. It's better if she stays here with us and enjoy her semestral break instead of any academic stuffs. Let her relax," sabad naman ni Papa.

Nagplaster si Mommy ng ngiti sa mga labi sabay baling kay Papa.

"Of course, darling."

Natapos na ang usapan at napunta na naman sa negosyo ang paksa.

"Akala ko ba pupunta ka sa therapist mo ngayon?" bungad sa akin ni Sir nang nagpunta na naman ako ng apartment niya isang Sabado ng hapon. Naikuwento ko na sa kanya ang tungkol sa pagkakaroon ko ng therapist para sa phobia na kinakaharap.

Matapos pagbuksan ng gate ay tumalikod na siya at nagsimula ng maglakad papasok ng bahay.

"Maaga kaming natapos." Ako na ang nagsara ng gate at sinundan na siya.

"Did you even listen to him?"

"He listened to me." Pumasok na kami sa kanyang living room. "Puro lang naman ako kuwento do'n."

"Sa office room lang ako sa taas. I'll be checking some students' outputs. Nasa kusina si Nanay Celia."

"Okay. Hihingi ako ng juice. Gusto mo?"

Hindi na niya ako sinagot pa at naglakad na paakyat ng hagdan. Sumimangot ako at nagtungo na ng kusina.

Naabutan ko si Nanay na abala sa paglalagay ng mga pinamili niya sa palengke sa loob ng refrigerator. Binati ko siya at nginitian lang niya ako bilang tugon.

Hindi ko na siya inabala pa at kumuha ako ng dalawang baso sa gilid ng lababo.

"Hihingi sana ako ng pineapple juice, Nay."

Kinuha niya ang pitsel na may laman ng juice at iniabot ito sa akin. Nagsalin ako nito sa dalawang baso.

Napatingin siya sa ginagawa ko kaya nagpaliwanag ako.

"Ibibigay ko po 'tong isa kay Sir. Anong room po sa taas 'yong office niya?"

Nag-angat siya ng kanyang kanang kamay kaya inisip ko na sa bandang kanan ito. Kumuha siya ng isang plato at slice bread. Kumuha na rin siya ng mayonnaise, hinog na malalaking kamatis, at lettuce. Isa-isa niya itong inilapag sa mesa. Nang maunawaan ang balak niyang gawin ay nagpresinta na ako.

"Ako na po ang gagawa ng sandwich, Nay!"

Inumpisahan ko ang paggawa ng sandwich para sa aming tatlo. Inilagay ko ang dalawang ginawa sa plato at ipinatong na rin dito ang dalawang baso ng juice. Nagpaalam muna ako kay Nanay at pagkatapos ay umakyat na sa ikalawang palapag.

Ito ang kauna-unahang beses na nakaakyat ako sa ikalawang palapag ng bahay. Tatlo ang kuwarto rito. Nagtagal ang titig ko sa kwarto na nasa kaliwa dahil sa kakaibang kulay ng pintuan nito na kulay pula at gawa sa matibay na kahoy. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa marating ang ikalawang kuwarto na nasa kanan. Ito marahil ang kuwarto na tinutukoy ni Nanay na office room ni Sir.

Pahirapan ang ginawa kong pagkatok sa pinto dahil sa bigat ng dala. Mabuti na lamang at mabilis naman akong pinagbuksan ni Sir.

"I brought snacks!" anunsiyo ko.

Kunot-noo siyang napatingin sa akin bago nagbaba sa dala ko. Kinuha niya ito mula sa akin.

"You shouldn't have bothered."

Sumilip ako sa kanyang likod upang makita ang loob ng silid.

"Gusto mong pumasok?" alok niya at saka tumalikod na.

"Talaga? Pwede?" Pumasok na ako at hindi na hinintay ang kompirmaasyon niya. Baka magbago pa ang isip.

Iginala ko ang tingin sa kabuuan ng kuwarto. Medyo hawig ito sa office room ni Papa. Dalawang kulay lang ang nakikita ko, blue at itim. May mataas na shelves akong nakikita na puno ng napakaraming libro. Kahit mismong mesa niya ay maraming libro rin. Nagpatuloy siya sa paglalakad malapit sa nakabukas na malaking bintana kung saan mayroong babasahing center table at nag-iisang mahabang sofa na kulay itim.

Inilapag niya rito ang meryenda at saka siya tumingin sa akin.

"Come on. Let's eat."

"Ang dami mong libro," anas ko sabay turo sa shelves niya. Nilapitan ko siya at naupo na sa tabi niya.

"I need them as references both for my job and studies."

Nagsimula na siyang kumain kaya sumunod na rin ako.

"Nasa final year ka na, 'di ba?" sabay kagat ko ng sandwich.

Tumango siya at hindi na nagdagdag pa ng impormasyon. Hindi na ako nagtaka.

"What area of law do you want to be an expert with?"

"I don't know." Ilang segundo siyang napaisip. "Criminal defense, maybe?"

Sumimsim muna ako sa baso ng juice bago nagsalita.

"My stepfather is a lawyer too. He is a corporate lawyer. But he does not practice anymore because of our business."

"You've told me that."

Ngumiti ako. Oo nga pala at naikuwento ko na sa kanya. Mas nauna pa siyang natapos kumain kaysa sa akin. Sumandal siya sa backrest ng sofa at komportableng pumikit.

Inubos ko muna ang natitirang sandwich bago dumaldal.

"Okay lang ba kung nandito ako?"

"It's fine. It's my office room," tugon niya habang nakapikit pa rin. Nagmumukhang anumang oras ay iidlip na.

"So... Kapag sa bedroom mo hindi na pwede?"

Mabilis siyang dumilat at matalim akong tiningnan.

"Why are you so curious with my room everytime you come here?"

"Ang sabi kasi ni Hope sa akin na if you want to know the person better, you should check out his room," matapat kong sinabi.

Mahina ngunit malutong siyang nagmura. Naghilot siya ng sentido na para bang masyadong problemado pa sa sinabi ko.

"You know me better than anyone else," marahan niyang sabi at banayad na akong pinagmamasdan ngayon.

Nagbaba ako ng tingin sa pinangahalatiang baso ng juice.

"Nakikilala lang naman kita kasi nagtatanong ako kay Nanay Celia tungkol sa'yo." Hindi ko man sinasadya ay nabahiran pa rin ng pagtatampo ang boses ko.

Unti-unti akong nag-angat ng tingin at nakita na nakaambang naman ang indulhenteng tingin niya.

"Ano bang gusto mong malaman?"

Marahan akong napalunok at nagsimula ng magpawis ang mga palad ko.

"May... may nililigawan ka ba... ngayon?"

Ipinalandas niya ang dila sa ibabang labi at saka lumunok. Mapanglaw na ang kanyang mga mata.

"What do you think?" pabulong na pagkakasabi niya.

"Sana...wala?" Gusto kong tampalin ang sarili dahil para na yatang nagiging bobo sa mga sinasabi.

Uminit ang puso ko nang makitang may ngiti na sumilay sa kanyang mga labi.

"And why is that?"

"Gusto pa rin kasi kita," nahihiyang pag-amin ko at ramdam na ang init sa magkabilang pisngi.

"Alam ko..." paos niyang bulong.

Nag-iwas na naman ako ng tingin dahil hindi na makayanan ang bugso ng damdamin. Gusto ng sumabog ng puso ko dahil sa tripleng pagtibok nito.

"Sabihin mo na lang sa'kin kapag may liligawan ka na para... para makapaghanda ako. Maiwasan ko na ang lumapit pa sa'yo."

"I won't court anyone."

Nagtagpo ang kilay ko at binalingan siya.

"Huh? Bakit naman?"

"Dahil gusto ko na malapit ka."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top