59 // Sweetest Downfall

"Love is the greatest corrupter ever known and has been the number one downfall of mankind since the first creation."
— Sherrilyn Kenyon

~ ~ ~ 

Nawala ang puting pader ng ospital. Nawala ang dalagang Pauline na nakahiga sa kama. Nawala ang katawan ni Ash. Nawala ang usok na Ash. Nawala ang mapupulang mata. Ang tanging nakikita lamang ni Ces ay si Boss na seryosong nakatingin sa kanya.

Natahimik silang dalawa.

"Masaya ka bang nakikita mo ang lahat ng 'to?" panimula ni Boss.

Pinilit ni Ces galawin ang kanyang katawan ngunit hindi pa rin siya makagalaw. Napapikit siya habang pinapakiramdaman ang paligid. Sa mga nakita niya, pakiramdam niya ay hindi dapat pagkatiwalaan ang kamatayang nasa harapan niya.

"Gago ka Ash."

Napadilat si Ces sa narinig na boses. Boses iyon ng binatang Lyric. Lumibot ang kanyang paningin dahil imbis na puting mga pader ang nakapalibot, kadiliman ng sementeryo ang kanyang nadatnan. Nakita ni Ces ang binatang Lyric na nakaupo sa tapat ng isang lapida.

"Ano bang problema mo sa akin? Nag Pasko lang. Nag birthday lang ako. . . pagbalik ko, ganito ka na? Ito na madadatnan ko sa'yo?" pabulong na sabi ng binata. Tumutulo na ang luha sa mga mata nito. "Anong trip mo? Bakit ganito ireregalo mo sa akin?"

"Lyric. . ."

Napatingin sa kanan si Ces nang makarinig ng pamilyar na boses. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Ash sa kanyang tabi. Magsasalita na sana siya ngunit hindi siya makapagsalita.

"Akala ko ba gagraduate tayo ng sabay?" Napakuyom ang kamao ni Lyric at yumuko. "Akala ko ba aalagaan natin si Ces? Si Auie mo? Hinayaan ko na kayong maging masaya, kaya bakit?"

"Nakita mo na ang ginawa mo sa matalik mong kaibigan?" sabi ni Boss kay Ash. "Sinaktan mo ang best friend mo, Ash."

"Bwisit na 'yan. Hindi na nga makakapasok si Ces sa school, wala ka pa? Ano bang problema mo, Ash?!"

Ash? Ash! Nakikita mo ba ako?!

Halos sumigaw na si Ces ngunit hindi siya naririnig ni Ash na nasa tabi niya lang mismo. Natigilan lang siya nang tumingin sa kanya si Boss at inilapit ang hintuturo sa sariling labi.

"Huwag maingay. . ." bulong ni Boss habang nakangiti kay Ces.

Lumingon si Ash kay Boss at nagtanong. "Anong huwag maingay? Hindi naman ako maingay ah?"

Ngumisi lang si Boss at kinumpas ang kamay saka nagdilim ang buong paligid. Kahit madilim ay nakikita ni Ces si Boss at si Ash na naglalakad. Kahit hindi magalaw ang katawan, nagulat na lamang si Ces nang kusang gumagalaw ang kanyang katawan para sumunod sa dalawang kamatayan.

"Nasaan na si Auie?" tanong ni Ash.

"Secret, bakit gusto mong malaman?" natatawang tanong ni Boss.

"Hindi na niya ako maaalala? Pati si Lyric?"

"Dehins na," nakangiting sagot ni Boss. Lumingon muna si Boss kay Ces bago tinuloy ang sasabihin, "Ginugulo ko pa ang memorya niya pero oo, makakalimutan ka niya at lahat ng tungkol sa'yo."

Kumunot lamang ang noo ni Ces dahil hindi siya makapagsalita. Hindi niya malaman kung siya ba ang sinasabi ni Boss o ang Ces / Pauline na batang naaksidente.

Natahimik ang dalawang kamatayan habang naglalakad sa unti-unting nabubuo mula sa kadiliman. Ang walang hanggang kadiliman ay napalitan ng mga sira-sirang gusali. Mga patay na puno at halaman. Masukal, lubak-lubak at halos nasisira nang mga daan. 

Nang tingnan ni Ces si Ash, hindi nagbago ang binata. . . kung ano ang nakita niya noon ay siya pa rin ito. Ang black hoodie ay suot pa rin ng kamatayan. Pati ang shirt nito, ang skinny jeans at black chucks. Suot pa rin ni Ash ang itim na cross sa kanang tainga tulad ni Lyric. Nang ibaling niya ang tingin kay Boss ay nakangisi ang kamatayan sa kanya.

Kumumpas si Boss at nagdilim muli ang paligid. Nanatili si Boss ngunit nawala si Ash. Nakagalaw na rin si Ces at naramdamang nakakapag salita na rin siya. Ngunit nanatili siyang tahimik.

"Wala ka bang tatanungin? Sa tingin ko ito na ang tamang oras para magtanong," nakangiting sabi ni Boss.

Natahimik lang si Ces. Nanatili siyang nakatitig sa kamatayan na walang ibang iniisip. Sa totoo lang, blangko na rin ang utak ni Ces. Pakiramdam niya ay nawawala na ang pagkatao niya sa bawat oras, kung may oras nga ba, na lumilipas.

 

Titik! Titik!

“Ano ba 'to, tigil tigil din sa pagtunog!”

Ngumisi si Boss nang muling lumitaw ang kamatayang Ash sa harap ni Ces. Nakatingin si Ash sa Death Gadget nitong hindi na tumigil sa pagtunog. Napakagat ng labi si Ces nang padaanan siya ng tingin ni Ash ngunit dumaan lang talaga ang tingin nito. Hindi siya nakikita ni Ash.

Titik! Titik!

“Tama na po jusko! Babatuhin kita nang masira ka na!”

“Subukan mo lang.” Biglang lumitaw si Boss sa harap ni Ash. Napaatras si Ash at napaawang ang bibig.

Nakatingin lang si Ces. Nanonood.

“Boss naman! Bakit mo ako ginugulat?”

Kumunot ang noo ni Boss. “Ginugulat? Pinaglololoko mo ba ako?”

Bumalik sa pwesto si Ash at ngumuso. “Joke lang. Hindi ka talaga mabiro eh. Namiss ko lang makaramdam, eh.”

Kumunot ang noo ni Boss habang hawak ang lollipop na kinakain. “Magtrabaho ka na bago pa ako mairita sa'yo.”

“Hangsungeeet?!” Pinanlakihan ng mata ni Ash si Boss.

Ibinaling ni Ash ang tingin sa D-Get niyang kanina pa tumutunog. Nagscroll siya para makita ang pinaka unang tao na kailangan niyang kuhanin ang kaluluwa sa araw na 'yun. Mula sa mga mata ni Ces, nakita niya ang pagliliwanag ng pula ng mga mata ni Ash bago ito naglaho nang paunti-unti sa kanyang harapan.

Bumaling sa kanya si Boss at ngumisi. Nawala lang saglit si Boss ay may dala na itong lollipop na dinidilaan. "Gusto mo malaman kung saan siya pupunta?"

Mahina ang boses ni Ces nang magsalita. "S-Saan?"

"Lyle T. Yuzon."

Pagkasabi ni Boss ng pangalan ni Lyle ay biglang may narinig na tunog si Ces. Ngumisi si Boss nang tumingin ito sa sariling D-Get at tila may kinausap.

"Lalayas muna ako," paalam ng kamatayan.

Nawala si Boss at naiwan si Ces sa kadiliman. Ngunit hindi nagtagal ay biglang lumitaw si Boss at si Ash. Prente lang ang itsura ni Boss habang takot na takot ang itsura ni Ash na para bang nakakita ng multo.

"P-Paanong. . . nakikita niya ako Boss!" pagpapanic ni Ash. "Nakikita ako ni Auie! Paano nangyari 'yun?"

Ngumuso si Boss habang nakatingin kay Ces na tila nag-iisip. "Baka dahil kalahati ng kaluluwa mo ay nasa kanya?"

"Seryoso?" tanong ni Ash.

Ngumiti si Boss at pinalo-palo ang balikat ni Ash. "Hindi ko sure eh. Ehe ehe ehe."

"Boss naman!" Napakamot ng noo si Ash at parang nainis nang may nakita sa kanyang D-Get. "Yung kasunduan pa. . . bakit ka naman pumayag sa soul contract?"

“Dahil sa pagmamahal,” nakangising sabi ni Boss habang nakatingin kay Ces.

Napakunot ang noo ni Ces sa narinig. Magsasalita sana siya nang maramdamang nawala na naman ang kanyang boses. Ilang ulit na siyang ginaganito ni Boss na para siyang isang manikin na pinaglalaruan ng kamatayan.

Nanlaki ang mata ni Ash. “Mahal mo siya?!”

“Gago.” Kinumpas ni Boss ang kamay kaya't nagpakita ang soul contract. Nakita ni Ces ang dugo niyang nakapirma sa papel na lumutang. “Nakakatuwang pumayag siya sa kontrata. Ang gusto ko lang ay panoorin ang mangyayari sa buhay niya,” nakangising sabi ni Boss, nakatingin pa rin kay Ces. “Sana lang ay hindi siya magsisi sa desisyon niya.”

"Napaka tuso mo, Boss," kumento ni Ash.

Ngumiti si Boss kay Ash. "Hindi ako tuso. . . trabaho ko lang ito."

Nagdilim ang buong paligid ngunit hindi pa rin nakakakilos si Ces. Nakatayo siya sa kawalan. Walang kahit na sino at kahit si Boss ay nawala rin. Sinubukan niyang sumigaw, tawagin ang pangalan ni Ash ngunit walang nakakarinig sa kanya.

“Bakit ka pumayag sa panibagong kasunduan?!”

Umalingawngaw ang malakas na boses ni Ash sa buong kadiliman. Hinanap ni Ces kung saan nanggagaling ang boses na iyon nang maramdaman niyang nakakakilos na siya. Tumakbo siya at naglakad. Luminga-linga siya sa paligid ngunit wala siyang makitang kahit ano kung hindi kadiliman.

“Alam mong magmamahal pa rin si Auie, kaya bakit mo ginawa 'yon?”

“Dahil ayaw na niya,” boses ni Boss.

Tumakbo lang nang tumakbo si Ces sa kadiliman ngunit pakiramadam niya ay kahit gaano pa kalayo ang takbuhin niya ay sinusundan lang siya ng boses ni Ash at Boss. Tila ba sumisigaw ang mga boses na iyon sa kanyang tainga upang hindi niya makaligtaan.

“Pero Boss—”

“Ano? Bakit masyado kang nag-aalala sa taong 'yun? Hayaan mo siya.” naatawang boses ni Boss. “Natutuwa ako sa kanya—at sa katangahang taglay niya.”

“Huwag naman ganito,” halos magmakaawang sabi ni Ash. “Para saan pa ang pagsakripisyo ko kung papatayin mo rin siya?”

"Sakripisyo mo?" malakas ang tawa ni Boss na pakiramdam ni Ces ay mababasag na ang kanyang pandinig. "Hanggang ngayon, sarili mo pa rin ang iniisip mo, Ash?"

Tumingin sa paligid si Ces ngunit wala pa rin siyang nakikita kung hindi kadiliman.

"H-Hindi, Boss. Hindi sa ganoon."

"Oo na," mahinahong boses ni Boss. “Gusto mo ba ng panibagong kasunduan para magtagal ang buhay niya? Baka lang trip mo?”

Napatigil si Ces sa paggalaw at pinakinggang mabuti ang susunod na sasabihin ng dalawang boses sa kanyang tainga.

“S-Sige. Para sa kanya.”

Nanlaki ang mga mata ni Ces sa narinig. Narinig niya. . . narinig mismo ng kanyang tainga ang pagsakripisyong muli ni Ash para sa kanya.

“Oo ka kaagad? Ang bilis, ah. Para sa sarili mo na naman ba 'yan? Para kunwari, bayani ka?” pagtataka ni Boss. "O importante na ba siya sa'yo? Nagsisisi ka? Huwag kang mag-alala, sikreto lang natin 'to. Walang makakarinig na iba."

Nakatitig lang sa kawalan si Ces nang makita ang imahe ni Ash na nakatingin sa kanya mismo. Nakangiti ito ngunit alam niyang wala itong nararamdaman bago ito sumagot, “hindi ko alam.”

"Okay." Lumitaw si Boss sa harapan ni Ces. Nagliliwanag ng kulay pula ang kanyang mga mata habang inilalapit ang hintuturo sa kanyang dibdib. “Ikaw ang masusunod. . .”

Hindi na nagulat si Ces nang may puting usok na lumabas sa kanyang katawan. Ngunit ang puting usok na iyon ay pinilabutan ng itim na usok na naglalaro. Wala siyang nararamdaman ngunit nang tingnan ni Ces si Ash sa likuran ni Boss, nakapikit si Ash na tila namimilipit sa sakit.

"A-Ahh. . .Shit." Nakakuyom ang kamao ni Ash at nakatingin sa taas. Ang itim at puting usok na nanggaling sa kanya ay lumipat kay Ash na labas-pasok sa katawan nito. Ilang sandali lang, tumigil sa pag galaw ang binata. Nagliwanag ng nakakasilaw na pula ang mga mata nito saka naglaho bigla.

"Huwag mo na pahirapan si Ash," diretsong sabi ni Ces. Nanlaki ang mga mata ni Boss habang nakatingin sa dalaga.

"Oh, nakakapagsalita ka na?" nakangiti nitong sabi.

"Itigil mo na ang pagpapahirap kay Ash," ulit ng dalaga habang mataman na nakatingin sa kamatayan. Hindi malaman ni Ces kung anong naiisip ng kamatayan. Hindi malaman ni Ces kung anong susunod na gagawin ng kamatayan.

"Hindi ko siya pinapahirapan. . .mga desisyon mo ang nagpapahirap sa kanya."

"Desisyon ko?"

Itinaas ni Boss ang dalawang kamay nito. May liwanag na namumuo sa pagitan ng dalawang kamay ni Boss hanggang sa naging isang salamin ng Memyor ang liwanag. Ibinaba ni Boss ang dalawang kamay at ipinakita kay Ces kung anong nakapaloob sa memoryang iyon.

Napakagat ng labi si Ces nang makita niya ang sariling umiiyak sa tapat ng salamin. Nakahawak sa pilat sa dibdib ang Ces na nasa Memyor. 

"Ang desisyon niya para iligtas ka ay isang kahangalan," sabi ni Boss. "Tulad ng desisyon mo para hindi na magmahal."

Dumating si Ash sa tabi ng Ces sa Memyor. At hindi nagkakamali ang nanonood na Ces na ito ang pagkakataong nahahawakan siya ni Ash, at nag-init ang kanyang katawan sa usok na hinigop palabas at pinasok sa kanya ng kamatayan.

"Ang huling kasunduan ay pagkawala. Hindi namatay dahil hindi kailanman nabuhay sa mundo ng mga tao," bulong ni Boss. "Kapalit ng buhay mo ay pagkawala niya. Kapalit ng paghihirap mo ay ang paglaho niya."

"A-Ano? Anong pinagsasasabi mo?" pagtataka ni Ces.

"Ang isang salita mo ay ang ikakalaho niya." Ngumiti si Boss nang mabasag ang Memyor na pinapanood nila. Tiningnan ni Boss si Ces at bumulong, “wala kang nararamdaman na sakit, hindi ba?”

Tumango si Ces. Lalong lumawak ang ngisi ni Boss. “Pero naluluha ka ngayon. Bakit ka naluluha?"

"H-Hindi ko alam. . . " Pinunasan ni Ces ang kanyang luha. “Ang mga sakripisyo ni Ash, hindi ko na naiintindihan. Sabi niya hindi niya ako naaalala pero baki—” hindi na pinatapos ni Boss ang tanong ni Ces.

“Hindi naaalala?” natatawang tanong ni Boss.

“Oo. . . hindi b—”

"Ang mga tao talaga, ang bibilis maniwala." Tumawa nang napaka lakas si Boss. “Hindi lahat dapat paniwalaan, iha. Sa katunayan, malaki ang tsansang hindi ako nagsasabi ng totoo.” Nagseryoso ang mukha ni Boss. “Mamili ka kung ano o sino ang paniniwalaan mo. Ako o si Ash. Si Ash o ako. O wala.”

Hindi malaman ni Ces kung ano ang dapat gawin o ikilos. Gusto niyang magpanic ngunit kalmado ang kanyang loob. Walang tibok ng puso. Walang hanging lumalabas at pumapasok sa kanyang sistema. Walang kabang nararamdaman. Gusto niyang tumakbo palayo ngunit nang ihahakbang na niya ang paa ay hindi na niya magalaw ang katawan.

“Hindi ka ba interesado malaman kung ano ang nangyari kay Lyric pagkatapos ng lahat ng nangyari? Matapos mong mawala sa kanya? Ay wait, hindi ka nga pala naging sa kanya." Dahang dahan kinumpas ni Boss ang kanang kamay paikot. "Dahil mas gusto mo ang lalaking sarili lang ang iniisip. Dahil mas gusto mo ang lalaking nagawang paglaruan ang nararamdaman mo nang walang dahilan."

"Tama na," mariing sabi ni Ces.

Ngumisi si Boss. "Samahan mo muna akong manood.”

Bumilis ang ikot ng kanilang paligid hanggang sa tumigil ito sa isang madilim na bar. Makikita sa stage ang magandang babae na nakamessy bun na kumakanta. Kitang kita sa mga nag-iinuman at nakikinig na customers na nahahalina sila sa boses na taglay ng babaeng ito.

♪ ♫ Ito na ang ating huling sandali
Hindi na tayo magkakamali
Kase wala ng bukas 

Nakatayo lamang si Ces sa gitna. Nadadaanan na siya ng mga tao at mga waiter na paligid ligid habang hawak ang mga drinks. Kahit hindi magalaw ang katawan ay lumigid ang kanyang mata upang hanapin ang isang tao. 

 

“Hinahanap mo siya?” nakangiting tanong ni Boss nang lumitaw ito sa kanyang harap. Tinuro niya ang likuran ni Ces at sinabing, “lumingon ka sa likuran.”

♪ ♫ Sulitin natin ito na ang wakas
Kailangan na yata nating umuwi

Nang subukan ni Ces galawin ang kanyang katawan ay napangiti siya nang kaya na niyang lumingon. Pagkalingon ay nagulat siya nang makita ang Lyric niya. . . pero hindi ito ang highschool na Lyric. He was older. Much older than what she remembers.

"Baki—"

"Ay, sorry," natatawang sabi ni Boss. "Masyado ko atang nafast forward sa future. Pero huwag kang mag-alala, mas exciting ito."

♪ ♫ Hawakan mo aking kamay
Bago tayo mag hiwalay
Lahat lahat ibibigay, lahat lahat

Napaawang ang bibig ng dalaga nang makita ang matured na mukha ni Lyric. Nakaponytail ang hanggang balikat nitong buhok at mapapansin na may kaunting balbas na rin. Lumaki ang katawan nito kaunti at nagmatured ang itsura. Hindi makapaniwala si Ces na nasa harapan niya si Lyric. Nakatingin sa kanya ito ngunit alam niyang tumatagos ang tingin ng binata sa kanya.  Ibang iba na ang Lyric na nasa harapan niya ngunit ito ang Lyric na kilala niya. Ito ang Lyric niya.

Kung ang mukha ng Lyric na highschool noon ay napaka inusente, nakangiti at puno ng kasiyahan, ang Lyric na nakikita niya ngayon ay pagod na pagod. Tila ilang beses itong nasaktan at nasasaktan pa rin hanggang ngayon. Nakangiting walang bakas ng kasiyahan.

“Lyric," pagtawag ng dalaga sa lalaking nasa harapan niya. Sinubukan niyang hawakan si Lyric ngunit napatigil din nang may tumawag sa bokalista.

♪ ♫ Paalam sating huling sayaw
May dulo pala ang langit
Kaya't sabay tayong bibitaw
Sa ating huling sayaw

“Sir Yue, may ano po. . . medyo nagwawalang lasing sa likuran,” pagbabalita ng isang waiter.

Kumunot ang noo ni Lyric at tumango. Yumuko ang waiter na nagbigay galang kay Lyric. Sinundan ni Ces si Lyric hanggang makalabas sa likuran ng bar. Napahinto si Ces nang makita ang pamilyar na damit at bonnet ng nagwawala sa likuran ng bar. Ang pamilyar na mukha nito at ang pamilyar na matang pagod na pagod nang umiyak.

“Melo!” pagsigaw ni Lyric. Kaagad hinawakan ni Lyric ang kamay ni Melo bago pa batuhin ang boteng hawak. “Tumigil ka nga!”

Ang boses ni Lyric. . . mas lalong lumalim ang boses ng Lyric niya.

Marahas na tinulak ni Melo si Lyric. “Tumigil?! Tangina, moved on ka na kaagad? Iniwan tayo ni Note! Hindi ka man lang bumisita sa kanya!”

Kumunot ang noo ni Lyric. Kinuha nito ang bote sa kamay ng kaibigan. “Get your grip! Anim na taon na 'yon!”

"Puro na lang sarili mo iniisip mo sa nakaraang apat na taon, pre! Naging banda tayo, pamilya tayo!" Kumakawala si Melo nang may mga waiter ng bar ang pumipigil sa kanya. “Putangina Lyric, masaya ka na ba talaga? Kinalimutan mo na ba ang samahan natin? Si Note? Siya?!” Natutulak pa rin ni Melo ang kaibigan kahit marami na ang nakahawak sa kanya. "Dahil sa mga kalokohan ni Note, nadamay siya! Balewala lang sa'yo ngayon?"

Iniayos ni Lyric ang polo niya. He stayed calm. . . like he was from the past. Huminga ito nang malalim ngunit napatigil nang muling sumigaw si Melo.

“Iniwan ka niya! Iniwan niya tayo, pero okay ka pa rin? Tangina, minahal mo siya, hindi ba? Ginawa mo lahat para sa kanya. Ginawa namin ang lahat para magkalapit kayo pero bakit okay ka na kaagad?!” naiiyak na sabi ng gitarista. "Pinagpalit mo na siya kaagad!"

Sa mga salitang binitawan ni Melo ay nagulat ang lahat nang mabilis na sinuntok ni Lyric ang kaibigan. Ang bigat ng mga kamay nito ay tumama sa pisngi ni Melo. Napaupo sa lupa si Melo sa sobrang lakas ng suntok.

“Kenneth,” tawag ni Lyric sa isang waiter. “Bigyan mo ng kape yan nang mahimasmasan.” Tumango ang waiter sa utos ni Lyric. Papasok na sana sa loob si Lyric nang magsalita si Melo. 

“Wala kang puso, Lyric.”

Walang emosyon ang mga mata ni Lyric nang tumingin siya kay Melo bago sinara ang pintuan pabalik ng bar.

“Ang saya, hindi ba?” nakangiting tanong ni Boss. "Nakakaaliw."

Halata ang saya at galak ni Boss nang tingnan ni Ces ang kamatayan ngunit hindi siya kumibo. Pumasok sa loob ng bar si Boss at sumunod si Ces. Una niyang napansin ay ang babaeng kumakanta sa stage ay nasa tabi na ni Lyric sa isang table.

“Anong nangyari sa likuran? May nagwawala raw, ah?” tanong ng babae saka yumakap kay Lyric.

Napaatras si Ces at halos mawasak ang puso—kung mayroon man—nang makita ang pagyakap ng babae kay Lyric. Sa kanyang Lyric. Tulala nang kaunti si Lyric ngunit ngumiti rin nang ngitian siya ng babae.

Pakiramdam ni Ces ay nabasag ang puso niya sa pagngiti ni Lyric sa ibang babae.

“Hindi lang makamove on 'yung tao,” nakangiting sabi ni Lyric nang haplusin nito ang buhok ng babae. “Uuwi ka na ba? Uuwi na sana ako. Medyo nakakapagod ngayong araw.”

Kumalas sa yakap ang babae kay Lyric at ngumuso. "Uuwi ka? Akala ko ba may dinner date tayo?"

"Ah, sorry. . ." Nagpakamot ng batok si Lyric at ngumiti. "Sige, mag dinner date na tayo."

"No," madiin na sabi ng babae. "Sige na, umuwi ka na at mukhang pagod ka. Next time na lang ang date, okay?"

"Sorry," sagot ni Lyric.

Ngumiti ang babae. "It's okay." Hinawakan ng babae ang kanang tainga ni Lyric na may hikaw na cross. "Masakit pa rin ba ang piercing?"

"Medyo."

"Thank you ah." Niyakap ng babae si Lyric. "Kahit na ayaw mo magpahikaw, nagpahikaw ka pa rin para sa akin."

Tumigil sa pag gana ang utak ni Ces nang makitang hinalikan ng babae si Lyric sa labi. Ngiting ngiti ang babae at kita rin ni Ces ang ngiti ni Lyric. Isang matamlay na ngiti. Nagpaalam na ang dalawa sa isa't isa at umalis na ng bar si Lyric.

Sumandal ang babae sa may counter habang umiinom. "Anong problema ni Lyric?" takang tanong nito sa baristang katabi niya.

"Hindi ko rin ho alam, Miss Princess. Baka pagod lang."

"M-Miss Princess?" hindi makapaniwalang sambit ni Ces.

Tumango ang babaeng tinawag na Princess at tumitig sa stage na may mga bandang nag-aayos upang kumanta muli.

Napatitig si Ces kay Princess. Maamo ang mukha nito. Maganda ang itim na buhok na nakamessy bun. Maayos rin ang pananamit nito pero napansin ni Ces ang kanang pulso ng babae na napaka raming hiwa. Na mukhang pinagtuunan ng pansin ng babae ang pulso nito kapag walang magawa.

Walang ideya si Ces kung sino ang babaeng ito. Hindi rin niya maalala kung nakita na ba niya ito noong nakaraan o hindi pa. Napatitig si Ces sa kanang tainga ng babae na may hikaw na itim na cross—tulad ng itim na cross sa kanang tainga ni Lyric.

“Masaya na siya. . .” bumingisngis si Boss at kinumpas ang kamay saka nagbago ang paligid.

Pagod na si Ces. Pagod na siyang makita ang lahat ng ito. Gusto na niyang mawala. Kung mamamatay siya, go. Kung mabubuhay siya, go. Pero sa ngayon—isang torture ang lahat. Pinapatay siya.

Nagdilim ang paligid at nagbago. Napunta sila sa isang kotse, nakasakay sila sa likuran at napansin ni Ces ang pamilyar na itsura ng kotse. Nahagip ng mga mata ni Ces ang pamilyar na maliit na bote na nakasabit sa rear-view mirror. Ang boteng nakita niya noon. . . tuyong tuyo na ang dapat ay pulang rosas at nasa loob ng bote ay isang maliit na pink paper. Tahimik na nagdadrive si Lyric hanggang sa makarating sila sa bar. 

Yuecez Bar

Pumasok sa loob si Lyric habang nagbibigay respeto ang mga nakakasulubong na staff. Nakakangitian niya ang mga ito hanggang sa pumasok si Lyric sa pintuan ng isang office na may nakasulat na Mr. Yue. Hindi na kailangan buksan nila Ces ang pintuan para makapasok dahil tumagos na sila papasok.

Pagkapasok ay nakita ni Ces na office ito ng may-ari ng bar. Office ni Lyric. May mga awards na kasabit sa pader at mga posters ng mga bandang hindi kilala ni Ces. May isang cabinet sa gilid na may mga libro at papel. May mga picture frame doon na nakapatong. Nang tingnan isa isa ni Ces ang mga pictures, nawasak ang puso niya nang makita ang masayang MyuSick with Manager Lily sa isa. Picture ni Lyric na backgroud ang Yuecez bar. At ang panghuli ay si Lyric, kasama ang Princess na magkatabi sa picture at ngiting-ngiti.

Iniwas na niya ang tingin sa picture na iyon at tiningnan ang mga nakakalat na papel sa cabinet. Isang papel lang ang kumuha ng atensyon niya. Isang cut-off ng dyaryo na mukhang ilang taon nang nandoon dahil sa paninilaw ng papel. Nang basahin ni Ces ang title ng article ay lalong nawasak ang puso niya sa nabasa.

Sunday, May 10, 2015
Lead Vocalists of MyuSick, now ready to sing as one!

MANILA—after the road accident that happened a few weeks ago, MyuSick's lead vocalists, Lyric Yue and Pauline "Ces" Flores, announced to the public that they are now ready to sing as an engaged couple. It was tragic news when Bassist. . .

Napalingon si Ces nang marinig ang malakas na pagbukas at pagsara ng isang cabinet. Nang ibaling ni Ces ang tingin kay Lyric, nakita niya ang lalaki na hawak ang isang silver ring na may kumikinang na bato sa gitna. Tumutulo ang luha ng binata na tila ba matagal na itong tinatago ng bokalista.

“Hindi kita nakalimutan. . . kahit kailan, hindi kita makakalimutan," halos pabulong na sabi ng binata. Tinakpan ng lalaki ang mukhang sumasalamin sa dapat ay kasiyahan ngunit kabaliktaran ang nakikita. "Sinubukan kong sumaya dahil sabi mo maging masaya ako. . . pero ang hirap. Sobrang hirap maging masaya kung saya ko na mismo ang nawala."

Lumapit si Ces kay Lyric at tinangkang hawakan ang balikat ng lalaki nang maramdaman niyang may pumigil sa kanya—tiningnan niya si Boss na matamang nakatingin sa kanya sabay iling.

Gumulo ang paligid at nagdilim. Akala ni Ces ay tapos na ang lahat nang makarinig siya ng malakas na hikbi galing kay Lyric. Paglingon niya sa paligid ay napansin niyang nasa sementeryo ulit siya.

Nanlaki ang mga mata ni Ces sa nakitang pangalan na nakaukit sa batong iniiyakan ni Lyric. Isang pamilyar na pangalan ang nandoon.

                                                                         ✞ R. I. P. ✞
                     
                                             Pauline "Ces" L. Flores
                                                   July 18, 1993 – October 10, 2015
                                    "A fight is what she had. A battle is what she won.
                                        A damsel not in distress. A princess that saved us all.
                               Now an angel up above. Her smile will be given to us all."

Hindi pa siya nakakapagsalita ay muling nagdilim ang paligid. Hindi pa siya nakakamove on ay may nabuo na namang panibagong senaryo. Malakas na hangin ang unang narinig ni Ces. Nang lumingon siya sa paligid, ang una niyang napansin ay ang madilim na kalangitan na tila pinagkaitan ng mga bituwin. Nagsisitaasang building. . . at kinatatayuan niya ngayon ay isa ring mataas na gusali.

Nilingon ni Ces ang paligid upang hanapin si Boss ngunit hindi niya makita ang kamatayan. Napalingon siya sa likuran nang bumukas ang pinto at tumambad si Lyric.

"L-Lyric?"

Naglakad ang lalaki na tila ba wala sa sarili. Iba na ang suot nito mula kanina at mukhang ilang araw na rin ang nakaraan dahil sa pagod na itsura ng binata. Namumugto ang mga mata nito na tila ba ilang araw nang lumuluha at hindi makatulog. Nangayayat ang itsura nito at mukhang napabayaan na rin ang mukha sa balbas at bigoteng nagtutubuan. Magulo rin ang mahaba nitong buhok na nakapony tail.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ng dalaga kahit alam naman niyang hindi siya naririnig nito.

Tumagos si Lyric sa kanya at tumayo sa kanyang harapan. Ilang dangkal lang ang layo nila sa isa't isa kaya't rinig na rinig ni Ces ang bigat ng paghinga ng lalaki. Matamlay na lumingon sa paligid si Lyric. Hindi mapigilan ni Ces ang sarili na hawakan ang binata. . . ngunit tumagos lang siya rito and she felt pathetic. Again.

Nakarinig si Ces nang kanta. . .at hindi siya magkakamali dahil boses iyon ni Lyric. Napatingin siya sa bulsa ng binata. Nag-iilaw ang cellphone ni Lyric na nasa bulsa nito.

♪ ♫ Well, I never saw it coming.
I should've started running
A long, long time ago.

Mukhang tawag ito ngunit mukhang walang balak si Lyric sagutin ang phone.

♪ ♫ And I never thought I'd doubt you,
I'm better off without you
More than you, more than you know.

Nakaramdam ng kaba si Ces nang magsimulang maglakad si Lyric papalapit sa gilid ng building. Humawak ito sa railings nang lumakas ang ihip ng hangin. Pinakiramdaman ni Lyric ang ihip na hangin na tila ba gusto nito maging kaisa ng hangin.

♪ ♫ I'm slowly getting closure.
I guess it's really over.
I'm finally getting better.

Hindi tumigil sa pagtunog ang cellphone ni Lyric. Patuloy lang ang pagtunog. Patuloy lang pagkanta. Patuloy lang ang musika.

♪ ♫ And now I'm picking up the pieces.
I'm spending all of these years
Putting my heart back together.
'Cause the day I thought I'd never get through,

Kinuha ni Lyric ang cellphone sa bulsa at tumitig sa cellphone.

♪ ♫ I got over you. 

Tinanggap na niya ang tawag ngunit hindi siya sumasagot. Wala ito sa wisyo upang magsalita o gumawa man ng ingay. Rinig na rinig ni Ces ang boses na nanggagaling sa cellphone. Boses ni Princess na kumanta noon sa Yuecez Bar at ang babaeng hinalikan sa Lyric sa labi.

Wala pang ilang segundo ay binitawan ni Lyric ang cellphone at inilaglag sa ikailaliman.

  

Natigilan si Ces sa nakita. Sinubukan niyang lumapit para patigilin sa kung ano man ang iniisip ng lalaki nang mapansing hindi na naman siya makagalaw. Unti-unting nakaramdam ng panic ang buong pagkatao ni Ces. Ilang sandali ay naramdaman niya ang lamig ng hangin na humahampas sa kanyang katawan.

“Bakit hindi ako makagalaw? Lyric! Itigil mo 'yan!” Pinipilit niyang pumiglas pero sobrang sakit ng kanyang katawan na tila ba hinihila ang balat niya mula sa kanyang kaluluwa. “Boss! Tigilan mo si Lyric!” 

Tumingin sa kailaliman si Lyric na tila ba wala na sa sarili. Napakagat ng labi si Ces nang makita ang napaka pamilyar na senaryong ito. Alam niya ang pangyayaring ito dahil siya mismo ay napunta sa nararamdamang ganito. Siya mismo ay napunta sa pwestong ito.

“Huwag, please!”

Tuluyang tumulo ang luha mula sa mga mata ni Ces. Naramdaman niya ang sakit at ang pagkirot ng kanyang puso. Pinipiga ang kanyang loob sa nakikita. Halos lahat ng sakit na dapat ay maramdaman niya kanina ay unti-unti nang bumabalot sa kanya.

“Boss,” pagmamakaawa ni Ces. “Masaya na siya. . . hayaan niyo na siyang sumaya." Pinipilit ni Ces pigilan ang pag-iyak ngunit hindi na mapigilan ang emosyong dumadaloy sa kanyang katawan. Kanina pa dapat niya ito maramdaman ngunit parang isang bombang sumabog biglaan ang lahat. “Hayaan niyo na siya.”

“Masaya nga siya. . .” Napalingon si Ces sa bulong ni Boss ngunit hindi niya nakita ang kamatayan. “Pero hindi siya kailanman naging maligaya. Iniwan mo siya, Ces.”

Naramdaman ni Ces ang puso niyang tila malakas na kumabog sa kanyang dibdib. Mabagal pa ang tibok nito hanggang sa bumilis ito nang bumilis hanggang sa nararamdaman na niya ang sakit ng tibok ng kanyang puso. Gustong kumalawa ang kanyang puso sa kanyang dibdib. Gustong lumabas dahil sa sakit na nararamdaman.

“Huwag. . .” bulong ng dalaga. Kumakawala si Ces sa pwersang pumipigil sa kanya. Gustong niyang hawakan si Lyric. Pigilan ang kung ano man ang balak gawin nito. “Boss. . . tama na!”

“Ito ang nararapat na katapusan,” muling bulong ng kamatayan. "Dahil ito. . . ang magtatapos sa inyong napaka gandang kwento."

Mula sa bilis ng tibok ng puso ni Ces ay bigla itong huminto. Tumigil. Nawala. Halos mabaliw siya nang makita si Lyric na hinayaan ang sariling mahulog sa kailaliman.

"Kamatayan."

“Lyrriiiccc!!!”

Hindi na ininda ni Ces ang sakit. Nakawala siya sa pumipigil sa kanyang pwersa at walang atubiling tumakbo at tumalon para iligtas ang lalaking parating nagligtas sa kanya. Umagos ang luha ng dalaga nang tumagos ang kanyang kamay sa binata. Nang makita ang hawak ni Lyric habang nahuhulog. . . tumigil ang mundo ni Ces.

He was holding the engagement ring. Close to his heart.

“Boss, iligtas mo siya! Iligtas mo si Lyric! Ash! Tama na, itigil niyo na 'to! Tama na, pakiusap! Pakiusap. . .” pagmamakaawa ni Ces. Gusto niyang yakapin si Lyric ngunit tumtagos lang siya. Ilang sandali lang ay siguradong makikita ng dalawa niyang mata ang pagwasak ng buhay ni Lyric.

“Ash?” natatawang tanong ng boses ni Boss na sumabay sa kanilang paghulog. “Hindi mo siya kilala. Hindi mo ako kilala at hindi mo ito alam. Hindi mo kami nakilala o nakita kahit kailan.”

“A-Ano?”

Umiling iling ang kamatayan. “Mga tao talaga.”

Nagulat si Ces nang tumigil ang oras at lumutang silang lahat sa ere. Nang makita ni Ces ang itsura ni Lyric ay nakapikit lang ito na tila naghihintay na ng katupasan. Dahil sa pagtigil ng oras, kitang kita ni Ces ang mga luha galing sa mata ni Lyric.

Binaling ni Ces ang tingin kay Boss na nakatayo sa harap niya.  "Alam mo ba ang pinaka masayang parte sa pagiging kamatayan? Ang makitang nagdurusa ang isang kaluluwa."

"A-Ano?!"

"Dalawa lang kasi 'yan, magbabago ba ang naramdaman mo dahil sa mga nakita mo o ganun pa rin," nakasimangot na sabi ni Boss. "Pero hindi nagbago ang nararamdaman mo para sa binatang ito," pagtingin ni Boss kay Lyric. "Mukhang kailangan ko pang hintayin ang deadline. Kainis. Akala ko pa naman malalasap ko na ang naghihinagpis na kaluluwa."

Pailing-iling na inilapat ni Boss ang hintuturo sa noo ni Ces. Nanlalabo ang kanyang mga mata pero nakita pa rin niya ang itim na usok na binubuo ang imahe ni Ash. Tumagos ang usok na iyon sa kanya at bumalot sa buo niyang katawan na tila ba naaalis ang sakit na nararamdaman niya physically, emotionally and mentally.

Napapikit si Ces sa sakit ng kanyang ulo. Pakiramdam niya ay lumutang ang kanyang isip at ang kanyang pagkatao. Nablangko ang kanyang utak. Pagkadilat ng dalaga, nakaramdam siya nang takot nang makitang binabalot na siya ng kadiliman.

"Auie. . ."

Sumakit ang ulo ni Ces nang marinig ang isang kalmadong boses. Unti-unti ay nabubuo ang imahe ng isang lalaki hindi kalayuan sa kinatatayuan ng dalaga. Isang lalaking nakaitim na hoodie, skinny jeans at black chucks.

Pakiramdam ni Ces ay kilala niya ang binatang nakatayo ngunit hindi niya maalala kung sino. Nang lumingon ang binata sa kanya ay nakita ni Ces ang isang maamong ngiti ng binata. Isang pamilyar na ngiti.

"Paalam."

"Ito na ang katapusan ng kasunduan." Isang pamilyar na matinis at nakakatakot na boses ang bumulong kay Ces. Nawala bigla ang binata sa kanyang harap at nagulat nang biglang may lumitaw na batang nakangiti sa kanya. Inusente ang itsura ngunit nakaramdam siya ng takot sa aura nito.

"Kasunduan? A-Anong kasunduan?" Napaatras si Ces sa takot sa bata. Nakangiti lang ito nang inusente. "Sino ka?"

"Boss nga pala," nakangiting sabi ng bata. "Ngunit hindi mo ako kilala."

"B-Boss? Ano?" takot na tanong ni Ces. Pinilit niyang umatras ngunit hindi niya magalaw ang kanyang katawan. "Hindi ko maintindihan. Anong kailangan mo sa akin?!"

“Ang kaluluwa mo," natatawang sabi ng bata na nagpataas ng balahibo sa katawan ng dalaga. "Mawala man ako sa iyong ala-ala, tandaan mong sa akin ka pa rin sa huli. . ."  Ang huling nakita ni Ces ay ang nakakatakot na ngisi ng bata at ang mata nitong nagliliwanag ng pula bago siya muling binalot ng kadiliman. ". . .mahal na Prinsesa.”

~ ~ ~
Author's Note:
Kilig kilig ako, malapit ko na matapos ang storyang nakakabaliw. Nabaliw na po ako. Intindihin niyo pong mabuti ang mga sinasabi ni Boss kasi nasa kanya na po ang kasagutan. :)

Ang winner po para sa one shot ay si Mcxynth. Bakit siya?! Marami akong gusto pero please click the external link to read her one shot. Ewan ko na lang, ah? Pero humanga ako sa kanya nang mabasa ko ang one shot niya. Tingnan niyo rin ang GIF sa gilid --> gawa niya rin yan. Bongga. Hi Mcxynth, pm mo ako sa FB page (Name, Contact Number at Address) thanks :>

Songs: Huling Sayaw - Kamikazee || Over You - Chris Daughtry (salamat sa nagsuggest ng Over You :) )

Sa external link din, makikita niyo ang picture na nilaan ko para sa chapter na to. :)

PS: Don't trust me too much.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top