56 // After The End
"An ending was an ending. No matter how many pages of sentences and paragraphs of great stories led up to it, it would always have the last word."
— Sarah Dessen
~ ~ ~
Ito ang katapusan.
Nagising si Ces sa narinig na bumulong. Malalim at lalaking boses ang kanyang narinig sa kanyang utak. Hindi niya mawari kung kilala niya ba ang nagsalita. . . ngunit nagtaka siya dahil ibang diyalekto ang kanyang narinig. Ibang diyalekto ngunit naiintindihan niya ang sinasabi nito na para bang ito ang pinaka unang diyalekto niya. Pagkadilat ay wala siyang ibang makita kung hindi kadiliman.
Binabalot siya ng dilim.
Napahawak siya sa kanyang dibdib at nasalat na wala na ang pilat. Tapos na ang kasunduan. Napaawang ang kanyang bibig nang may isa rin siyang napansin. Sinubukan niyang huminga ngunit pakiramdam niya ay walang hangin na lumalabas o pumapasok sa kanyang sistema. Sinubukan niyang pakiramdaman ang dibdib—hindi tumitibok ang kanyang puso. Hinawakan niya ang kanyang braso ngunit walang siyang nararamdamang init o lamig. Wala siyang maramdaman.
Ano nga ba ang huling nangyari? Sinabi niya ang nararamdaman kay Lyric. . . nagpakita si Ash. Nawala si Ash. Nagpakita si Boss. May mga itim na usok. Nawala ang kanyang pakiramdam at nagdilim ang lahat. Nasaan siya? Patay na ba siya? Marami siyang tanong at dapat alamin ngunit kalmado lang siya. Marami siyang gustong alamin pero pakiramdam niya ay hindi siya naghahanap ng sagot sa mga tanong.
Naglakad si Ces kahit wala siyang nakikita sa kadiliman—kahit ang mga paa niya o ang mga kamay ay hindi niya makita sa sobrang dilim. Dapat ay nakakaramdam na siya ng kaba ngunit hindi niya mahanap ang tibok ng kanyang puso. Hindi rin siya makaramdam ng kahit na anong takot sa paligid.
Habang naglalakad ay may napansin siyang maliit na nagliliwanag sa kaliwang parte ng kanyang paningin. Lumapit siya roon at napansin niya na hindi lang ito basta ilaw dahil parang telebisyon ito sa kadiliman. Napatitig siya sa parihabang liwanag at sa loob ng parihabang ito ay may nakita siyang dalawang pamilyar na tao na magkaharap at magkatitigan. Kapansin pansin ang mga tato ng dalawa sa katawan.
“Krystel Angela,” lumuhod ang lalaki sa parihabang liwanag sa harap ng babaeng puno ng tattoo sa katawan.
Si Pitch at si Keng.
Hindi tulad ng huling kita ni Ces kay Pitch na mahaba ang buhok, umikli ang buhok ng binata at nakatali ang kanang bahagi ng buhok. Kitang kita ang mga piercings ni Pitch na nakayakap sa tainga nito. Napansin din ni Ces na dumami ang tattoo sa katawan ni Pitch kahit nakapormal itong suot.
Nanginginig ang mga kamay ni Pitch nang ilabas ang maliit na kahon. Napansin ni Ces ang panlalaki ng mga mata ni Keng at doon lang niya natitigan ang Young Mistress niya. Nakamake-up ito at nakapormal din—malayo sa kung paano siya pumorma talaga ngunit kitang kita pa rin ang mga tattoo—mukhang nadagdagan pa nga ang mga ito. Nakatali ang itim na buhok ni Keng into a messy bun.
Gulat na gulat si Keng. Napahawak siya sa kanyang bibig upang itago ang kaba, saya at takot na nararamdaman. Nang buksan ni Pitch ang kahon ay nangingilid na ang mga luha ng dalawa. Nangingintab ang mga mata nila na tila mga bituwin sa umaga.
“Will you marry me?”
Tuluyang umiyak si Keng. Gusto ring maiyak ni Ces sa sobrang saya ngunit wala siyang maramdaman. Hinila ni Keng si Pitch patayo at niyakap ang binata. Naluha rin si Pitch sa eksena. Tahimik na magkayakap ang dalawa habang sabay na lumuluha.
Kumalas sila sa pagkakayakap at ngumiti sa isa't isa. “Yes Pio Alberto,” nakangiting sagot ni Keng. “Yes!”
Lumawak ang ngiti ni Pitch at ganoon din si Keng. Sinuot ni Pitch ang singsing sa daliri ni Keng. Nagkatitigan pa muna ang dalawa hanggang sa palapit nang palapit ang kanilang mga mukha sa isa't isa nang. . .
“AAAANNNNDDDD CUT!”
Mula sa parihabang liwanag ay biglang lumawak ito. Napalitan ng ingay at gulo ang itim na paligid. Napuno ng mga taong naglalakad, tumatakbo at may mga taong nagpupunas ng luha. Ang daming pamilyar na aparato ang nakapaligid. Nakakagulat ang mga taong tumatagos sa katawan ni Ces ngunit hindi siya nagulat—tila isang normal na pangyayari ang tagusan siya ng mga tao habang naglalakad. Napahawak siya sa kanyang mga mata at napansin na wala na siyang suot na salamin. . . pero ang linaw ng paligid. Hindi na malabo ang kanyang mga mata.
“That’s a wrap people!” Pamilyar ang boses na iyon.
Nagsipalakpakan ang mga tao sa paligid ni Ces. Nang ibalik niya ang tingin sa kinatatayuan nila Keng at Pitch, napansin niya ang pag alis ni Keng ng singsing sa daliri nito. Lumapit ang isang babae na napaka pamilyar sa kanya—humaba lang ang buhok nito.
“Good job GaBe loveteam!” Si Direk J. Marie, only older. “I'm sure hindi na magrereklamo ang fans niyo. You’ll now have a happy ending. Your own forever.”
Ngumiti si Keng. . .at ganoon din si Pitch. Nagyakapan ang tatlo at iniwan na ng direktor ang dalawa.
“Anniversary niya,” bulong ni Keng nang hindi nakatingin kay Pitch.
Yumuko si Pitch. “Oo, pupunta ako mamaya.”
“Ah, okay. Sige.”
Hinawakan ni Pitch si Keng sa braso kaya napatigil ang dalaga. Nagkatinginan sila saglit ngunit binitawan din kaagad ni Pitch ang hawak. “Sama ka?”
Kaagad sumagot si Keng, not thinking. “Busy pa. May presscon pa ako mamaya. Try ko but I’ll pray for him.”
Tumango si Pitch. Lumayo na si Keng.
Maraming nagkocongratulate sa dalawa. Ang ingay pa rin ng paligid ngunit sinundan ni Ces ng tingin ang kabanda habang naglalakad. Gusto niyang magulat sa nakita nang may isang bata na lumapit kay Pitch—marahil ay nasa pitong taon na. Hinalikan ng batang babae si Pitch sa pisngi at ngumiti. Napansin ni Ces ang babaeng nakaupo na hawak sa kamay ang bata. Ilang beses siyang napapikit sa sobrang pamilyar ng babaeng nakaupo. Nagyoyosi ito at napatitig si Ces sa nunal ng babae sa taas ng labi.
Doon lang pumasok sa kanyang utak na ito ang babaeng pinagbuksan niya ng gate noong gabi bago niya sabihin kay Lyric ang nararamdaman. Ito ang babaeng may ngisi sa mga labi na kinakatakutan niya. Ito ang babaeng tumawag ng Treb kay Pio.
“Mommy, sino 'yung papakasalan na iba ni Daddy?”
Natigilan si Ces sa narinig. Hindi siya makapaniwala sa nakikita at naririnig. Ngumisi ang babaeng nagyoyosi at binuhat ni Pitch ang batang tumawag sa kanya ng Daddy.
“Wala akong pakakasalan, Alys,” sagot ni Pitch.
“Pero sabi nung direktor, may happy ending daw kayo?” Hindi makapagsalita si Pitch sa tanong ng bata. “Tapos forever pa. Paano na si Mommy? Ako?”
Ngumiti si Pitch ngunit kita ni Ces ang lungkot sa mga ngiti nito. Tumingin si Pitch sa babaeng nagyoyosi at nagkatitigan sila sandali bago pa ibinaba ni Pitch ang bata. “Walang forever. . . hindi totoo iyon.”
Nang tingnan ni Ces si Keng na nasa kabilang parte ay napansin niya ang paglingon nito sa kinatatayuan ni Pitch. Agad din itong umiwas nang may mga teenagers na nagpapirma sa kanya. Ilang sandali, tinawag ni Direk J. Marie sila Pitch at Keng upang magkuhanan ng litrato.
Bago pa sila ulit magkahiwalay pagkatapos ng pictures ay nagkumento pa muna si Direk J. Marie. “You two look good together. It’s been years since the fandom pero may chemistry pa rin. Parang may love pa rin kahit matagal na.”
Napangiti lamang ang dalawa—sinasalamin ang ngiting hindi umabot sa mga mata at puso.
“Hindi sila sa huli.”
Napalingon si Ces sa likuran nang may marinig na boses. Hindi pa rin ito ang alam niyang tagalog o English na lengwahe . . . iba pa rin ang kanyang naririnig ngunit naiintindihan niya ang sinabi nito. Doon niya nakita si Boss na naglalakad papunta sa kanya. Hindi ito lumulutang—naglalakad ang kamatayan. Normal din ang mga mata nito, bumalik sa batang cute na hindi mababakasan ng panganib.
“Hindi?” pagtataka ni Ces. Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig ang sarili na nagsalita ng ibang lengwahe. Hindi niya alam ito ngunit naiintindihan niya ang sarili—at kusang binabanggit ng kanyang bibig ang mga salitang hindi siya pamilyar. “Bakit? Anong nangyari?”
Ngumisi si Boss at lumutang paangat upang magkapantay ang paningin ng dalawa. Nakatingin sila Boss at Ces kanila Pitch at Keng na magkalayo. “Hindi sa lahat ng pagkakataon na nagkasama sa umpisa, magkasama hanggang huli. Kahit gaano pa kalaki at kahirap ang laban, maaari pa ring mapunta ang lahat sa wala.”
Gustong masaktan ni Ces sa naririnig ngunit hindi niya magawang maramdaman ang sakit. Kahit awa sa kabanda at kaibigan ay wala siyang maramdaman.
Tahimik silang dalawa. Nakatingin lamang si Ces sa babaeng tinawag ng bata na mommy. Nag-uusap sila ni Pitch. Nagsalita muli si Boss. “Ang nakaraan, kahit gaano kalimutan at layuan, hahabulin ka nito. Sa kasalukuyan at sa hinaharap."
Hindi mapigilan ni Ces ang sarili. "Anak ba ni Pitch iyon?" Nilingon niya si Boss na nanonood lamang sa senaryo.
"Hindi. . . oo. . . walang nakakaalam.” Ngumisi si Boss at tumitig kanila Pitch. “Pero may nangyari sa kanila. Pero may nangyari rin sa babaeng iyon at sa ibang mga lalaki."
"Paano na si Keng?" Tiningnan ni Ces si Keng na nakangiti sa kabilang dulo habang pinipicture-an ng mga paparazzi.
"Hindi siya nang gugulo ng isang pamilya. Inusente ang bata sa kung anong nangyayari sa kanila."
Tiningnan muli ni Ces si Boss. “Nagparaya siya . . .” Tumango si Boss.
"Dahil ang maayos na, nagulo pa.” Unti-unting binabalot ng dilim ang kapaligiran. Naglalaho ang mga tao sa senaryo. “Ang akalang gulo, naayos dahil akala nila ay dapat itong ayusin."
Ang huling nakita ni Ces ay ang date noong araw na iyon sa papel na ibinigay ng isang staff kay Direk J. Marie.
August 11, 2019.
Nagdilim muli ang paligid. Wala pa ring nararamdaman si Ces. Walang hangin na bumabalot sa kanyang katawan. Walang takot na nararamdaman. Walang kahit na ano.
“Boss,” mahinang sabi niya. “Anong . . . nangyari?”
Hindi nagsalita si Boss ngunit nakarinig siya ng ilang hikbi ng isang bata sa paligid. Ilang sandali lang ay namumuo muli ang liwanag at mga kulay saka ito kumalat sa kanilang paligid. Nag-iba ang senaryo. Mula sa ingay at gulo ng paligid nila Keng at Pitch, tahimik ang bago nilang paligid. Sa harap ni Ces ay may isang batang lalaki na nakauniform na pangkinder. Palubog na ang araw at iyak nang iyak ang batang nakaupo sa bench malapit sa isang playground.
“Sino siya?” tanong ni Ces. Hindi siya sinagot ni Boss. . . nakangiti lang itong nanonood at tila may hinihintay.
Ilang sandali lang ay may isang lalaki na nakasuot ng polo shirt at black slacks ang umupo sa tabi ng bata. Kayumanggi ito at may matipunong katawan. Hindi pinansin ng bata ang lalaki ngunit namukhaan ni Ces ang lalaking tumabi sa bata.
“M-Matt?”
Hindi siya narinig ni Matt. Nakatingin lamang si Matt sa batang lalaki na umiiyak. Ilang beses itong napalunok saka nagsalita.
“Bakit ka umiiyak?”
Wala pa ring pagbabago si Matt. Mukha pa rin itong matino—kahit ang buhok nito ay clean cut pa rin tulad ng huli niyang kita sa kaibigan. Shaved ang bigote at balbas. Napakalinis tingnan. Nakasalamin ito at tila mukhang negosyante na.
Nilingon ng bata si Matt. Nakasimangot. “Kasi. . . hindi pa rin dumadating si Mama!”
Nanginginig ang mga kamay ni Matt nang hawakan niya ang ulo ng bata. Napangiti si Matt ngunit kitang kita ni Ces ang pangingintab ng mga mata nito. Nagrereflect ang sunset sa mga mata ng kaibigan.
“N-Nasaan daw ang Mama mo?”
Lalong sumimangot ang bata. “Hindi ko po alam.”
Pinatahan ni Matt ang bata. Binilhan pa ni Matt ng ice cream ang batang lalaki. Nakangiting kinakain ng bata ang ice cream ngunit may mga luha pa rin ito sa pisngi.
“Darating din ang Mama mo.”
Sinamahan ni Matt ang bata. Noong una ay tahimik sila ngunit nagdaldalan din at nagkatuwaan kalaunan. Napapangiti si Ces kahit hindi niya nararamdaman ang saya na nakikita sa dalawa. Parang mag-ama.
“Matt.”
Napalingon si Ces sa boses na narinig sa kanyang likuran. Nakita niya si Marky na hinihingal—kulot ang buhok nito at nakauniporme pang trabaho. Kaagad niyang napansin ang pangingintab ng mga mata ng kaibigan. Naglakad si Marky at tumagos sa kinatatayuan ni Ces.
“Marky,” pabulong na sabi ni Matt habang nakatingin kay Marky.
“Mama!” Lumapit ang bata kay Marky at yumakap. Humingi ng tawad si Marky sa anak niya dahil pinag-overtime siya ng boss.
Napangiti si Matt. “Ang laki na niya.”
“Malamang. Ilang taon na ring nakaraan.”
Napangisi si Matt at napailing dahil hindi pa rin nagbabago si Marky. Siya pa rin ang Marky na best friend niya noon. Ang astig na mommy ni baby Marc noon. Ang mommy ng batang si Marc ngayon. Lumapit ang bata kay Matt at niyakap ang lalaki. “Thank you po sa ice cream at sa pagsama sa akin!”
Tumulo ang luha ni Marky sa mga mata at agad nitong pinunasan ang mukha. “Marc baby, tara na.” Tumango ang batang si Marc at muling hinigpitan ang yakap kay Matt bago kumalas. “Aalis na kami.”
“Papa!”
Napalingon silang lahat nang may isang batang babae na lumapit kay Matt at yumakap sa binti nito. Binuhat ni Matt ang bata at hinalikan siya ng bata sa pisngi. Nilingon ng batang babae sila Marky at ang anak nitong si Marc habang nakangiti.
“Sino s—”
“Gaile!” Muli, napalingon ang lahat sa boses ng babae na sumigaw. Nang makalapit ang babae sa tabi ni Matt ay hinihingal pa ito. “Nako Gaile, kung saan-saan ka nagpupunta!” pagrereklamo ng babae sa bata na hawak ni Matt. “Sorry Matt, akala—”
Natigilan ang babaeng nagsasalita nang mapansing may tao sa paligid. Nang lumingon ang babaeng humawak sa braso ni Matt ay nanlaki ang mga mata nito.
Ngumisi si Marky at binuhat si Marc. “Erich. . .”
“M-Marky. . .”
Nagsalitan ang tingin ni Erich kay Marky at Matt. Umikli ang buhok ni Erich. Kulot na blonde na ito. Napatitig si Ces sa batang babae at nanlumo nang mapansin kung sino ang kahawig ng bata—si Matt at Erich. Pinikit ni Marky ang kanyang mga mata at ngumiti kahit na tumutulo ang luha sa mga mata. Nagtataka ang dalawang bata sa kung anong nangyayari sa kanilang mga magulang. Maraming gustong sabihin si Matt ngunit wala siyang lakas upang magsalita—si Erich ay napatitig lamang sa dating kaibigan.
Nagkamali siya. Hindi niya sinasadya.
“B-Bye.”
Pagkasabi ni Marky ng huling salita ay kaagad nagdilim ang paligid. Natulala lamang si Ces sa napanood na senaryo. Hindi siya makapagsalita. Gustong niyang maiyak sa nangyari. Gusto niyang maiyak dahil alam niyang nasasaktan si Marky at Matt—at si Erich. Wala na talagang magawang matino ang babaeng iyon.
It was heartbreaking—Matt and Marky’s love is a love made in heaven . . . pero anong nangyari? Not all love made in heaven stays. Tulad ng sabi ni Pitch. Walang forever.
Hindi na kinakaya ni Ces ang mga nakikita. Natatakot na siyang makakita muli ng liwanag dahil natatakot siyang may mapanood ulit na ikasisira na ng kanyang bait. Pakiramdam niya ay natatakot siya—pero wala talaga siyang nararamdaman. Gulong gulo siya dahil alam niyang tao pa rin siya ngunit wala siyang nararamdaman na kahit ano. Hindi kaya ganito rin ang pakiramdam ni Ash?
“Tangina, pre.” Napatingin si Ces sa paligid nang may marinig na boses. Humihikbi rin ang pinanggalingan nito—napaka pamilyar ng boses na kanyang naririnig. “Tangina talaga.”
Ilang sandali lang ay muling nagkaroon ng kulay ang paligid. Nang tumingin si Ces sa taas, walang kahit isang bituwin. Unang napansin ni Ces ay ang pagkapamilyar ng lugar sa paligid—ang sementeryo. Nakita niyang naglalakad si Boss at kaagad niyang sinundan ang kamatayan. Tumigil si Boss sa likuran ng isang lalaki na nakaupo at nakayuko.
“Anim na taon na. . . gago ka.”
Inutusan ni Boss si Ces na lumapit sa lalaking nakaupo sa damuhan. Sumunod si Ces sa utos na ito.
“Iniwan mo ako,” boses ni Melo.
Akala ni Ces, si Note ang nakita niyang umiiyak dahil sa pamilyar na bonnet nito ngunit natigilan nang makitang si Melo ang nanghihina sa kanyang harapan. Nawala na ang saya sa mukha ng binata—tumanda pa ang itsura nito. Pagod na pagod ang mga mata ni Melo na tila ba matagal na itong lumuluha. Sinusuntok suntok nito ang lapida sa harapan. “Bakit ka ba kasi nakigulo?” Humihikbing tanong nito. “Gangster?” Ngumisi si Melo. “Akala mo ba, cool 'yun? Bakit ka ba nagpaagos sa mga bwisit mong kafrat member? Bakit ba kasi ayaw mong makinig sa akin? Akala ko ba umalis ka na sa frat? Bakit wala kang sinasabi sa amin?”
Napatingin si Ces sa lapidang iniiyakan ni Melo. Napakagat ng labi ang dalaga nang makita ang pangalan na nakasulat sa lapida.
† Notario "Note" Adams III †
October 19, 1989 – August 11, 2013
"A note that will never be misplaced
A friend that will never be replaced"
“Tangina pre, mahal kita. Mahal kita, tangina.”
May isang babae na lumapit kay Melo at hinawakan ito sa balikat. Umiiyak din ito—nang tingnan ni Ces kung sino iyon—nakita niya si Love na tumanda na rin. Umikli ang buhok. “Melo. . .”
“Bakit kasi hindi ko sinabi sa kanya? Bakit ba ako natakot na baka layuan niya ako kapag sinabi ko sa kanya?” Sinusuntok ni Melo ang lapida. Umupo si Love sa tabi ni Melo at hinayaang ipatong ni Melo ang ulo sa kanyang balikat. “Hanggang ngayon, shit. Ang sakit pa rin.”
“Tahan na. . .” naiiyak na sabi ni Love. It was ironic to tell Melo to stop crying when she was also crying. Ang gulo lang.
Kumuyom ang kamao ni Melo. “Fuck society and people who judge. Fuck them dahil sa kanila, takot na takot ako.” Niyakap ni Love si Melo nang sobrang higpit. “Sorry dahil ginamit pa kita, Love. Sorry dahil nasasaktan ka rin tulad ng nararamdaman kong sakit.”
Lumuluhang nakangiti si Love sa kanya. “Okay lang. . . gamitin mo lang ako hanggang maging okay ka. Maging girlfriend mo lang ako hanggang sa maisip mong okay ka na.”
Humigpit ang yakap ni Melo kay Love. Ibinaon niya ang ulo sa balikat ng dalaga. “Tangina,” nanginginig ang boses niya. “Ang sakit sakit na nang iwan siya.”
Tumigil ang buong pangyayari na tila ba pinatigil ang lahat ng isang remote control. Kinumpas ni Boss ang kanyang kamay pataas at kaagad nag-iba ang senaryo. Madilim pa rin . . pero wala na sila sa sementeryo.
Nakita ni Ces si Melo na mag-isang naglalakad sa madilim na kalsada. Sinundan nila ni Boss ang kabandang may hawak ng bote ng beer. Ito pa rin ang damit ng binata kanina sa sementeryo at suot pa rin nito ang bonnet ni Note. Pagewang gewang itong naglakad hanggang sa tumigil sa isang bahay.
"Andito na ako!" pagsigaw ni Melo ngunit mahirap na maintindihan dahil sa pagkalasing. "Buksan mo pinto."
Pagkabukas ng pintuan, napangiti si Ces nang makita ang isang dalaga na pamilyar sa kanya. Si Mela. . . dalaga na ang maliit na maldita. Mahaba na ang buhok nito. Nagdalaga na ang itsura at nakikita na ang kurba sa katawan nito. Malayong malayo na ang batang Mela noon na spoiled sa ngayon.
Narinig ni Ces ang pagpapatugtog ni Mela na kanta. Napakagat siya ng labi nang mapansin kung kaninong boses ang naririnig na kumakanta. . . kay Lyric.
♪ ♫ Getting up, getting dressed, livin’ with this regret
But I know if I could do it over
"K-Kuya!"
Bumagsak si Melo ngunit nasalo siya ng kapatid. Pumasok sila Ces at Boss sa loob ng bahay ng magkapatid habang hirap na hirap sa pagbuhat si Mela kay Melo. Kaagad ipinahiga ni Mela ang kuya sa sofa. Kitang kita pa rin ang luha sa mga mata binata.
♪ ♫ I would trade give away all the words that I saved in my heart
That I left unspoken
Bumuntong hininga ang dalagang Mela. Dahil sa dilim, binuksan nito ang ilaw sa may kusina para hindi ganoon kaliwanag. Pinunasan ni Mela nang maligamgam na tubig ang kapatid. Inilayo rin nito ang bote ng beer sa kamay ng kuya.
♪ ♫ What hurts the most
Is being so close
Napapangiti si Ces dahil nakikita niya ang pagmamahal ni Mela sa kapatid. Nagtingin siya sa paligid. Nakita niya ang isang acoustic guitar na may nakasulat na Melo sa katawan at electric guitar na sigurado siyang pirma ni Note ang nakasulat sa guitar strap. Napatigil siya nang makita ang isang poster ng MyuSick sa isang tabi. May litrato rin nila Melo at Mela na kasama ang isang puntod. . . puntod nila Tito Nel at Tito Mel na may nakasulat na date: April 7, 2018.
♪ ♫ And having so much to say (much to say)
And watching you walk away
"Kuya. . ." Napalingon si Ces nang marinig ang pagsasalita ni Mela. Nakaupo ito sa lapag at nakatingin sa kapatid. Si Boss ay nakangisi lamang sa isang tabi. Nakalutang sa may sofa. "Bakit ba kasi ganyan ka?"
♪ ♫ And never knowing
What could have been
Hinaplos ni Mela ang mukha ni Melo at tinanggal ang bonnet sa ulo ng kapatid. Napansin ni Ces na naluluha na rin ang dalaga. "Iniwan na tayo nila Tito. . . bakit pakiramdam ko, iniiwan mo na rin ako? Bakit ba hindi na lang ako ang piliin mo? Patay na siya. . . buhay pa ako."
♪ ♫ And not seeing that loving you
Napatitig lamang si Ces. Naguguluhan na siya sa nangyayari o sa mga sinasabi ni Mela. Napalingon si Ces sa labas dahil sa biglang buhos ng napaka lakas na ulan sa labas. Binalik niya ang tingin sa magkapatid. Hinawakan ni Mela ang kamay ni Melo at hinalikan ito ng marahan. "Mahal kita kuya, bakit hindi mo ramdam?"
♪ ♫ Is what I was trying to do, oh.
Napalingon si Ces kay Boss pero ngumisi lang ito. Hindi na nakaimik si Ces. Hinayaan na lamang niyang balutin ang buong paligid ng kadiliman. Sa dami ng kanyang nakita, sa dami ng kanyang napanood—namanhid na siya sa nangyayari. Lahat ng malapit sa kanya ay may sari-sariling kwento ngunit lahat ay nabaon sa isang masalimuot na katapusan.
“Bakit nakikita ko ito?” tanong ni Ces sa kadiliman.
Natawa ng kaunti si Boss. “Trip ko lang.”
“Hindi nga, bakit?”
Hindi na nagsalita pang muli si Boss nang makarinig si Ces ng sobrang lakas ng pagbagsak ng ulan. Muling nawala ang kadiliman ng paligid. Napatitig si Ces sa kanyang harap—napaka lakas ng ulan na pumapatak. Nang tumingin siya sa langit, pakiramdam niya ay nakikiiyak ang langit sa nararanasan ng kanyang mga kaibigan.
May napansin siyang isang babae na naglakad na may payong. Ngumisi si Boss kay Ces at sinundan nila ang babaeng naglalakad. Nang maglakad sila sa ilalim ng ulan, wala siyang naramdamang pagkabasa. Bago lumapit ay tumitig ang babaeng may dalang payong sa waiting shed—at pamilyar ang waiting shed na iyon. Doon naghintay si Ces kay Lyle noon—doon siya kinausap ng mga rapist noon. At ngayon, doon din niya nakita si Lyle na nakaupo at umiiyak.
Pagkalapit ay napansin niya ang higpit ng yakap ng binata sa isang tsinelas na kulay pula. May hello kitty itong design—at pamilyar ang tsinelas na iyon ngunit hindi maalala ni Ces kung saan nakita.
Napansin ni Ces ang pag-upo ng babaeng nakapayong sa tabi ni Lyle—at doon lang niya napagtantong si Manager Lily ang babaeng iyon. Humaba na ang buhok nito. Tahimik lang ang dalawa—nakayuko si Lyle habang pinagmamasdan ni Manager Lily ang pagbuhos ng malakas na ulan.
“Uwi na tayo,” bulong ni Manager Lily.
Humigpit ang hawak ni Lyle sa tsinelas na hawak. “Nawala na siya,” naiiyak nitong sabi. “Kinuha siya. Iniwan niya ako. Ng lahat.”
“Nandito pa rin ako.” Hinawakan ni Manager Lily ang balikat ni Lyle.
“Ate,” bulong ni Lyle. Umupo ito ng tuwid at tumingin kay Manager Lily. Magkatitigan lamang ang magkapatid habang tumutulo ang luha sa mga mata. “Sorry.”
Niyakap agad ni Manager Lily ang kapatid. Kasabay ng buhos ng ulan ay ang pag agos ng galit sa puso ng magkapatid. Humigpit ang yakap nila sa isa't isa at binaon ni Manager Lily ang kanyang mukha sa balikat ni Lyle.
“Matagal na kitang gustong yakapin.”
Napapikit si Lyle sa sobrang sakit at gaan ng nararamaman. “S-Sorry ate. . .sorry.”
Ngumiti si Manager Lily. “Sorry din.”
Kumalas sila sa pagkakayakap at sabay na tumingin sa kalangitan. Hinawakan ni Manager Lily ang kamay ng kapatid saka ngumiti. "Kung nasaan man siya, siguradong hihintayin ka niya."
Tumango si Lyle habang pinupunasan ang tumutulong luha sa kanyang pisngi. Itinaas niya ang kamay na hawak ang hello kitty na tsinelas at ngumiti sa umiiyak na kalangitan. "Hintayin mo ako d'yan, Leah."
“Ginawa mo ang hindi dapat kaya nakikita mo itong katapusan ngayon.” Napalingon si Ces nang magsalita si Boss. Nakangisi ito habang nanonood sa nakangiting Yuzon. “At may kailangan kang malaman na hindi dapat.”
“Malaman? Na hindi dapat? Ano?”
Tumingin si Boss kay Ces. “Soul contract. Hindi dapat nangyari iyon.”
Naguguluhan na si Ces sa sinasabi ni Boss. Napansin na lamang niya na wala na si Manager Lily at Lyle sa waiting shed. Napasin din niya sa paligid na tumigil ang lahat—ang mga kotseng umaandar, ang hangin na humahampas sa mga kalat at ang ulan. Ang bawat patak ng ulan ay tila tumigil sa kawalan. Lumulutang sa kanyang paningin.
“Hindi dapat nakikipagkasundo ang isang mortal sa isang kamatayan.”
“Pero, bakit binigyan niyo pa rin ako ng kontrata?” tanong ng dalaga. “Kung hindi dapat, bakit tayo nagkaroon ng deal?”
“Dahil sa pagmamahal.”
Kumabog ang kanyang dibdib. Napahawak siya sa kanyang puso na tila nabigla sa narinig. Ngunit hindi nagtagal ang kabog. . . nawala rin ito bigla.
“H-Ha?”
“Dahil sa pag-ibig.”
Kumalabog muli ang kanyang puso. Paglingon sa paligid ay nagdilim muli ang lahat. Nawala ang buhos ng ulan at hindi na niya nakikita si Boss. Binalot ng katahimikan ang kanyang paligid. Wala na naman siyang nararamdaman sa kanyang puso. Wala pa ring paghinga. Wala pa ring emosyon.
“Yung bola! Ilag!”
Napalingon si Ces nang may malakas na boses ng lalaki ang sumigaw. Paglingon ay nanlaki ang kanyang mga mata nang may bolang mabilis na papalapit sa kanya. Sinubukan niyang takpan ang mukha at napapikit sa paghihintay ng sakit. Ilang sandali ay wala pa rin siyang naramdaman ngunit may narinig siyang boses ng babae. Isang napaka pamilyar na boses.
“Aray!”
“Hala, okay ka lang?!” boses ulit ito ng lalaking sumigaw.
Pagdilat ni Ces ay sobrang liwanag ng paligid. Ilang sandali lang ay napansin ni Ces ang isang pamilyar na lugar. Ang paaralan niya noong highschool. Natigilan siya nang makita ang dalawang pamilyar na mukha na tumatakbo sa kinatatayuan niya. Mas batang tingnan. Sina Lyric. . . at Ash.
“Okay ka lang?” boses ni Ash. Tumagos ang tingin ni Ash sa kanya na nakatayo. Nakita niya si Lyric sa may likuran ni Ash na walang imik ngunit gulat ang ekspresyon.
“Mukha ba akong okay?”
Paglingon ni Ces sa boses ng babae, nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Sarili niya—nakikita niya ang kanyang sarili na nakahawak sa mukha habang nakapikit at mukhang nasaktan. Mahaba ang kanyang buhok at nakatirintas. Alam na alam niya ang itsurang ito dahil ito ang itsura niya noong second year highschool siya. Pitong taon na ang nakakaraan.
Gulong gulo na siya sa mga nangyayari. Si Ash. . . si Lyric. . .at siya. Nasa ground sila ng school niya noong highschool. Nilingon ni Ces si Boss upang humingi ng kasagutan. Nakatingin ang kamatayan sa kanya habang may ngisi sa mga labi.
“Balikan natin ang simula.”
~ ~ ~
Author's Note:
Salamat sa paghihintay! Kung nalimutan niyo na ang nangyari last chapter, re-read na lang. Baka isipin niyo naligaw na kayo hahahaha~ Salamat sa 8k reads omaygahd atat na atat na ba kayo sa update at panay balik niyo sa chapter na yun? Hahaha salamat din sa vote at sa comments na sobrang nakakatouch pati sa messages!!!
Edit 3/30/14:
Ito na, may nanalo na sa picQuote! After so many deliberations. . . nakapili na si Admin Ai ng mananalo! At iyon ay si. . . ImAirisshu!!! See the multimedia part to see the picQuote. So bakit siya ang nanalo?
"Nakapagdecide na ako! Ung may butterfly na lang kasi naglet go si Ces sa happiness niya. Hahaha. Mas feel ko ung emotion dun." ~ Admin Ai.
Bakit nga ba hindi ako ang nagdecide? Dahil ako ay matechnical. . .plus kaibigan ko ang ibang sumali, baka magkabias. Maraming maganda. Maraming maangas. Marami akong gustong panalunin pero isa lang ang pwede. . .kaya humingi ako ng tulong kay Admin Ai kasi siguradong hindi siya bias dahil wala siyang kilala sa mga readers.
So yeaah, salamat sa mga sumali sa picQuote / word art contest! Salamat sa halos 400+ na pictures na inedit niyo all in all.
Hi ImAirisshu, congrats at thank yooouuu sa pagiging reader ng TTLS! ♥ ♥ ♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top