24 // A Proscriptive Confession
"Confession is not betrayal. What you say or do doesn't matter; only feelings matter. If they could make me stop loving you-that would be the real betrayal."
— George Orwell
~ ~ ~
Halos tumalon na ang puso ni Ces pagkakita niya sa dalawang lalaking nasa harapan nila ni Ash. Ang isa ay nakangiting papalapit sa kanya habang ang isa naman ay tahimik lang na sinusundan ang kasama.
“Ano 'yan?” nakangiting tanong ni Note nang ituro nito ang sulat na hawak ng dalaga.
Nagkatinginan naman sina Ces at Ash na ipinagtaka naman ng dalawang lalaking nasa harap ni Ces. “Uy, love letter ba 'yan?” nakangiting tanong muli ni Note.
Napakunot ang noo ni Ces. Naguguluhan siya. Napatingin naman siya sa lalaking kasama ni Note na pamilyar ngunit hindi niya talaga kilala: lalaking may tahi sa may kanang kilay nito at tahimik na nakatingin sa kanya. Kung hindi siya nagkakamali ay kasama ito sa banda ng MyuSick. . . Hindi lang niya maalala kung ano’ng tawag dito.
“Ikaw ang nagbigay nito, Pitch?” nagtatakang tanong ni Note sa kasamahan.
Napangiti naman ang binata sa tanong ng kabanda at tiningnan si Ces nang para bang may ipinapahiwatig. Tahimik lang ito, hindi nagsalita para sagutin man lang ang tanong. “Tara, band room na tayo.”
Napakunot ang noo ni Note. Pati ang binata ay naguguluhan.
“Ha? Hindi ko gets—teka—“ Hinila na ni Pitch si Note palayo kay Ces. “Uy, Ces, babay! Naks, may secret admirer!” panunukso ni Note sa kanya. Nakita naman ni Ces na tumingin si Note kay Pitch. Narinig din niya ang sinabi nito sa kabanda. “ikaw ang nagbigay ng letter? Bakit pink? Ang bading!”
Kitang-kita ni Ces ang pagtawa ni Pitch sabay batok sa matangkad na si Note. Hindi pa rin tumitigil ang pagtibok ng puso ni Ces nang sobrang bilis. Si Pitch? Siya ang nagbigay?
“Ang weird naman ng dalawang 'yun.” Napatingin si Ces kay Ash na nasa tabi pa rin niya. “Pero yung nag ‘ako’ ‘yung tahimik. Siya kaya ang admirer mo?”
Nagkatinginan silang dalawa. . . at nagkibit-balikat na lang ang dalaga.
* * *
Nakatingin lang si Ces kay Keng noong nasa trabaho na siya. Iniisip pa rin niya ang sinabi ni Marky na si Keng ang anak ng may-ari ng cake shop. Kaya naman pala kahit matulog lang ito ay hindi pinapagalitan ng manager nila.
Everything’s weird about Keng: ang bruskong pananalita nito kahit na mayaman, ang mga tattoo nito sa katawan, at kahit ang buhok na hindi kakikitaan ng kulay itim, pati na rin ang tainga nitong puno ng hikaw na siguro ay aabot ng isang libong piso ang presyo ng mga hikaw.
“Baka malusaw ako.” Napayuko si Ces nang tingnan siya ni Keng mula sa paglalaro nito ng Candy Crush sa iPad. “Ano’ng tinitingin-tingin mo sa akin?”
Nakayuko pa rin si Ces at umiling.
“Ang weird mo talaga,” narinig ni Ces na bulong ni Keng—ngunit bulong na talagang pinarinig sa kanya.
“Sino ka ba talaga, Keng?”
Sabay na tumingin sina Ces at Keng sa isa't isa. Tumaas ang kilay ni Keng sa tanong ni Ces at hindi naman malaman ng dalaga kung bakit ang bilis ng tibok ng puso niya. Hindi siya mapakali; gustong-gusto niyang malaman kung sino si Keng dahil napakamisteryoso nito ngunit natatakot naman siya rito.
“Anong klaseng tanong 'yan?”
“Sino ka talaga?”
Ibinaba ni Keng ang iPad na hawak nito at tumayo sa kinauupuan sa may dulong parte ng shop. Pinalitan nito ang ‘OPEN’ sign ng cake shop ng ‘CLOSE’. Sa bawat hakbang ni Keng papalapit sa kanya ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ni Ces.
“Ano ba’ng gusto mo malaman?”
Nang magtama ang tingin nina Ces at Keng, nakaramdam ng takot ang dalaga ngunit may nakikita siyang kakaiba sa mga mata ng katapat. Hindi niya mawari kung ano ito. Parang nagtatago—parang may something.
“B-Bakit mo sinabi 'yung kay L-L—‘yung sa kanya,” tanong ng dalaga. Hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin siyang banggitin ang pangalan ng prinsipe niya. . . dati. Sa tuwing naaalala niya ang binata, pumapasok sa isip niya ang sakit ng pagmamahal. . . at ang buhay niyang napunta sa wala. Kahit anong pigil niya ay pinapatay pa rin siya sa sakit ng presensiya o memorya ng lalaking iyon. “Bakit. . .bakit parang tinutulungan mo ako?”
Wala pang isang segundo, sumagot agad si Keng. “Kasi nakakaawa ka.”
Natahimik si Ces sa sinabi ni Keng. Pinanood lang ng dalaga ang kasamahan na kumuha ng upuan papuntang counter para maupo sa tapat niya.
“Naniniwala ka ba sa mga love stories sa libro?” Napakunot ang noo ni Ces sa tanong ni Keng. Para kasi itong walang kaugnayan sa tanong niya. Nakatingin lang si Keng sa malayo, sa mga taong naglalakad sa labas ng cake shop. “Nakakakilig 'yung mga 'yun, ‘di ba?”
Halos lumuwa ang mga mata ni Ces sa naririnig niya mula kay Keng. Love stories? Nakakakilig? This was so out of character; parang nagkamali yata ng sasabihin si Keng. Para bang hindi yata dapat kay Keng manggaling ang mga salitang 'yun. Ano’ng nangyari? Bakit parang. . . may kakaiba?
“Pero nasabi mo ba sa isip mo na sana nasa isang love story ka rin?” Tumingin si Keng kay Ces, and for the first time, nakita ni Ces ang isang Keng na walang tapang sa mukha. Nawala ang bruskong aura nito; ang pagkamisteryoso ay parang naglaho. . . Naging magaan ang boses nito at malumanay. “Na sana ikaw 'yung bidang babae kasi ang sayang magkaroon ng prinsipe? Ng isang happy ending?”
“Keng. . .”
“Bullshit 'yun.” Napaatras nang kaunti si Ces sa matigas ngunit mahinang sabi ni Keng. Nakita rin ng dalaga ang pagkuyom ng mga kamao nito na nakapatong sa counter table. “At ayaw kong mangyari sa'yo ‘yun.”
Pumikit si Keng na ipinagtaka naman ni Ces lalo na sa tanong na, “Naniniwala ka ba sa arrianged marriage?”
“B-bakit?”
Iminulat ni Keng mga mata niya at tumingin kay Ces. Nakita ng dalaga ang pagkintab ng mga mata ni Keng na tumatama sa ilaw ng kisame ng shop.
“Kasi totoo 'yun.” Huminga nang malalim si Keng at tumayo. Tiningnan niya si Ces. Walang kahit anong emosyon ang makikita sa mukha nito. Tumapang muli ang aura, nawala ang malumanay nitong boses—bumalik ang dating Keng, ang Keng na misteryoso na nakakatakot lapitan.
Ngumiti ito at ikinagulat ni Ces ang sumunod na sinabi nito sa kanya. “Kasi kami ni Lyle, naka-arranged marriage kami noon.”
* * *
Hindi pa rin mawala sa isip ni Ces ang sinabi ni Keng sa kanya kahit nakalipas na ang ilang araw. Arranged marriage? Sila ni Lyle? Hindi niya ma-gets—ang gulo. Paano nangyaring arranged marriage tapos mag-bestfriends sila. . . Nagtataka rin si Ces sa nakita niyang pangingintab ng mga mata ni Keng. Naiiyak ba ito? Hindi niya matanong muli si Keng dahil pagkatapos ng gabing 'yun ay bumalik ang aura ni Keng na hindi makausap. Bumalik ulit ang hindi magibang harang sa pagitan nilang dalawa.
Pero ano’ng nais iparating ni Keng sa kanya?
* * *
Nagpatuloy ang normal na buhay ni Ces: pumapasok siya sa school at nagkakaroon siya ng one-on-one session with Mr. Quiano tuwing pagkatapos ng mga klase niya sa buong araw. Sa isang linggo na rin ang examination nila kaya naman ay ginagawa ni Ces ang lahat upang makahabol.
Lagi siyang tinututukan ng professor. Natutuwa nga siya dahil kahit minsan ay nale-late siya, ngingiti lang si Mr. Quiano at pauupuin siya agad sa puwesto. Sa tuwing may activities sila ay on-hand ang pagtuturo sa kanya ng propesor. . . nasobrahan nga lang.
* * *
Naramdaman ni Ces ang mainit na aura ng propesor na nasa likuran niya. Hindi niya ito pinapansin. Nagpapatuloy lang siya sa pinapagawang activity sa kanilang professor nang maramdaman niyang hindi pa rin umaalis sa likuran niya si Mr. Quiano.
“Miss Flores.” Napaupo nang tuwid si Ces nang hawakan siya ng professor sa balikat. Nilingon niya si Mr. Quiano at napaatras nang mapansin niyang ang lapit ng mga mukha nila sa isa't isa. Hindi pa siya nakakaimik nang nagulat ito nang hawakan ng professor ang mouse na hawak-hawak niya.
“T-te—”
“Ganito 'yan. . . “ Hindi mapakali si Ces. Hawak-hawak ng professor ang kamay niya habang may kung anu-anong pinipindot sa mouse. Ramdam ni Ces ang lamig ng kamay nito dahil sa air-con ng buong classroom. Pinipilit niyang alisin ang kanyang kamay ngunit parang nakulong siya sa mga kamay ni Mr. Quiano, walang kawala.
Bumilis ang tibok ng puso niya—hindi na siya makapag-concentrate sa sinasabi ni Mr. Quiano dahil sa pagdidikit ng mga kamay nila. Hindi siya mapakali lalo na nang mapatingin siya sa kaklase niyang babae na nasa tapat niya.
Nakatingin sa kanila. . . sa kanila ni Mr. Quiano.
Nagkatitigan sila ng babaeng katapat niya at napatingin ito sa may bandang mouse—na hawak ni Ces. . . na hawak ni Mr. Quiano. May kung anong ngiting namuo sa mukha ng katapat hanggang sa nakita niyang ngumisi ito.
Iniiwas niya ang tingin. Hindi pa rin niya maialis ang kamay niya sa propesor. Napapansin din niya na ang lapit ng mukha ni Mr. Quiano sa kanyang mukha na kaunting galaw lang ay puwedeng may mangyaring kakaiba. Hindi napansin ni Ces ang pagpipigil niya ng hininga—napahinga lang siya nang malalim nang alisin na ng propesor ang hawak nito sa mouse.
“Thank you, sir,” mahinang pasasalamat ni Ces. Magsisimula na sana siya ulit sa kanyang gagawin nang natigilan siya sa naramdaman niya sa kanyang bunbunan.
Naramdaman niya ang pagdampi ng mga labi ng propesor. “You’re welcome.”
Pakiramdam ni Ces ay naubusan siya ng dugo sa sobrang panlalamig ng buo niyang katawan. Nanginginig ang kanyang mga kamay. Hindi siya makalingon sa likuran kahit na wala na ang propesor sa likod niya. . . Hindi pa nakakapahinga ay kumakarera na naman ang pagtibok ng puso niya.
A-ano’ng nangyari?
Did Mr. Quiano just kiss her on her head?
Bumilis ang paghinga ng dalaga at nang mapatingin ulit siya sa direksiyon ng kaklase niyang nakatingin sa kanya kanina. . . Bumilis lalo ang tibok ng puso niya. Nakatingin ito sa kanya na nanlalaki ang mga mata. Nakanganga rin ito nang kaunti na tila ba nakita ang lahat ng nangyari.
Alam niya sa sarili niya, pagkatapos ng araw na 'yun. . . may mangyayaring kakaiba.
Pagkatapos ng klase ay hindi muna siya pumunta ng session nila ng propesor. Hindi niya alam pero nakaramdam siya ng takot sa inasal ni Mr. Quiano sa kanilang klase. Nagmamadali siyang dumiretso papuntang mga lockers dahil natatakot siyang makita ang propesor. Nang makarating siya sa area ay may napansin siyang isang lalaki na may tinitingnan malapit sa kanyang locker. Pagkalapit niya rito, unti-unti niyang namumukhaan ang lalaking ito.
“Note?”
“C-Ces!” Halos tumalon sa gulat si Note nang makita nito si Ces sa tabi. Napahawak siya sa kanyang dibdib na tila ba takot na takot na parang multo ang nakita. Napansin din ni Ces na ang lalim ng bawat paghinga ng binata.
“Anong. . .” Ibinaling ni Ces sa locker niya ang tingin at ibinalik ito kay Note.
“A, wala. Sige, bye!” Nagmadaling naglakad si Note. May hawak itong isang puting bagay. . . Hindi niya malaman kung tela ba ito, papel o kung ano man dahil madIlim na rin ang paligid.
Pero isa lang ang naisip niya.
Bumilis ang tibok ng puso ni Ces sa nakita. Napakunot din ang kanyang noo, realizing things. . . Si Note? Si Note ang nagbibigay ng love letters sa kanya?
Agad niyang binuksan ang locker niya at hindi siya nabigo nang makita niya ang pink envelope na walang palyang ibinibigay ng secret admirer niya sa kanya. Binuksan niya ang envelope at binasa ang nakasulat.
Prinsesa ko,
Hindi mo alam kung hanggang saan umabot ang ngiti ko nang makita kitang ngumiti. Sobrang corny pero siguro umabot ito sa langit. . . dahil para kang anghel sa iyong mga ngiti.
Napahawak nang mariin si Ces sa pink na papel. Hindi niya mapigilang ngumiti. . . Sa totoo lang ay kinikilig talaga siya sa ‘secret admirer’ na ito. Gustong-gusto na rin niyang malaman kung sino ito pero pumapasok sa isip niya ang dalawang 'yun.
Sina Note at Pitch. . . isa nga ba sa kanila ang nagbibigay ng sulat?
“I like your smile.”
Napaangat ng ulo si Ces sa narinig na pamilyar na boses. Awtomatikong bumilis ang tibok ni Ces nang makita si Mr. Quiano sa harap niya na nakangiti. “Looking at your smile is very refreshing.”
“P-po?”
Ngumiti lang si Mr. Quiano imbis na mag-explain. Tumingin ito sa relos sa kanang braso at kumunot ang noo. “it’s late. Have you eaten dinner yet?”
“A, no. . .”
“A, gutom na ako—samahan mo ako?”
Hihindi pa sana si Ces sa pagyaya sa kanya ni Mr. Quiano nang hinawakan siya nito sa braso at sinama papunta sa parking lot. “Sandali lang naman tayo. Mag-usap din nang sandali—para kilala natin ang isa't isa.”
Nahihiya si Ces nang sumakay siya sa kotse ng propesor. Hindi na nawala ang bilis ng tibok ng puso niya sa bawat segundong lumilipas na kasama niya si Mr. Quiano sa loob ng kotse.
“Ano ba’ng gusto mong kainin? Meat—fish, vegetables?” Palingon-lingon sa kanya si Mr. Quiano. Gustong-gusto nang tumalon ni Ces sa kotse upang makaiwas ngunit hindi niya magawa. Sa hindi mapaliwanag na dahilan ay hindi niya mabuksan ang pintuan ng kotse.
“K-kahit ano na lang po.” Napangiti si Mr. Quiano sa sinagot ni Ces.
Ilang minuto lang ang nagdaan ay tumigil sila sa tapat ng isang restaurant—ngunit hindi ito isang restaurant na pangmasa—parang kainan ito ng mga higher-class. Nakasunod lang si Ces kay Mr. Quiano habang papasok ng resto nang may lumapit na waiter sa kanila. “Table for two.”
Inihatid sila ng waiter sa kanilang table at si Mr. Quiano na rin ang nag-order ng pagkain para sa kanila. Hiyang-hiya si Ces dahil simple lang ang damit niya samantalang ang ilang babae roon ay naka-make-up at mga naka-dress. Napayuko siya. . . Hindi pa rin kasi nawawala ang kaba sa kanyang dibdib.
“What’s wrong? Bakit ka yumuyuko?”
“N-Nakakahiya po kasi, sir. . . ‘Yung hitsura ko po mukhang basaha—an.” Nanlaki ang mga mata ni Ces nang hawakan ni Mr. Quiano ang kanyang baba at iniangat ito upang magtama ang ang tingin nila. Halos isang dangkal na lang ang pagitan ng mga mukha nila sa isa’t isa.
Ngumiti si Mr. Quiano. “Ikaw ang pinakamagandang babae na nandito sa restaurant.”
Natigilan si Ces sa narinig. Hindi siya makapag-Isip nang matino at ang kaya lang niyang mabigay na reaksIyon ay panlalaki ng mga mata sa gulat.
"Ehem." Napahiwalay si Mr. Quiano kay Ces na talagang nagbigay ng relief sa dalaga. Nang tingnan niya ang waiter na nagpapasalamat siya't dumating, natigilan siya sa lalaking naka-waiter na damit na may nakalagay na name tag sa damit nito.
Si Melo.
“Here’s your appetizer.” Inilapag ni Melo ang pagkain sa table. Ngumiti ito kina Ces at Mr. Quiano na masama naman ang tingin dito bago ito umalis papuntang kusina.
Sinundan lang ng tingin ni Ces si Melo, nagtataka. Nagtatrabaho rito sa restaurant si Melo? Hindi ba't nasa isang banda ito na sikat sa ibang bansa? Bakit ito nagtatrabaho? Gumugulo lang ito sa isip niya ngunit hindi naman niya makakaila na nasa tamang timing si Melo sa pagdating nito kanina.
Pakiramdam niya ay nailigtas siya sa kung ano mang puwedeng mangyari.
Napatingin naman siya sa pagkain na nasa harapan niya. Hindi ito alam ni Ces dahil ngayon lang siya makakakain ng ganitong klaseng pagkain—parang chicken na may cheese na hindi rin niya ma-gets—pero masarap. . . ngunit kakaunti lang ang serving.
“Alam mo bang paboritong kainan namin ito ng girlfriend ko?”
Napaangat ng ulo si Ces sa biglang pagsasalita ng kanyang propesor. Natahimik lang ang dalaga dahil sa nakikita niyang expression ni Mr. Quiano: parang nasasaktan, parang may pinagdadaanan.
“Pero ngayon, ako na lang ang pumupunta rito. . .” nakita ni Ces ang pagyuko ni Mr. Quiano, “dahil nakalimot na siya.”
“May amnesia po siya?”
Napatingin si Mr. Quiano kay Ces at natawa nang kaunti sa sinabi ng dalaga. “I love your humor, Miss Flores.”
Nagtaka si Ces. Hindi naman siya nagpapatawa at nagtatanong siya nang maayos ngunit natawa si Mr. Quiano. Tiningnan siya ng propesor sa mga mata at ngumiti ito, isang ngiting malungkot. “Kinalimutan na niya ako. . . dahil may iba na siya.”
That. . . that was the key sentence para mawala ang kaba ni Ces para sa kanyang propesor. Parehas sila. . . parehas sila ng pinagdadaanan ni Mr. Quiano. Kahit pa mukhang nakakatakot ito ay kitang-kita ni Ces na nasasaktan ito, na hanggang ngayon ay mukhang kumakapit pa rin ang propesor niya sa ‘girlfriend’ nito.
“Sir—”
Ngumiti muli si Mr. Quiano at tumingin kay Ces, isang ngiti na walang malisya at walang lungkot. “Call me Migz. Masyadong pormal kapag sir,” natatawang sabi ni Mr. Quiano o Migz.
Ngumiti lang si Ces. . . All of a sudden, nakaramdam na naman siya ng awkwardness sa pagitan nila ng propesor. Gusto man niyang umalis, tumakas sa mangyayari, ay wala na siyang magagawa dahil nagulat na lamang siya nang hawakan ni Migz ang kanyang kamay na hawak-hawak ang kutsara niya.
“Pauline...” Palalim nang palalim ang hininga ng dalaga. . . Kahit gusto niyang bawiin ang kanyang kamay ay hindi niya magawa. Ang bilis na naman ng tibok ng puso niya lalo na nang iangat ng propesor niya ang kanyang kamay at halikan ito.
“I like you. I really like you.”
~ ~ ~
Author's Note:
Dedicated kay Zee dahil ankyot ng comment niya last chapter. (Baka nakalimutan mo na ung comment mo kasi antagal na ng last chapter hahahaha) pero ayun salamaaat salamaat~ kinilig ako dun sa mga sinabi mo na,
"cliche ba kamo 'tong isoryang 'to? well, peyborit ko mga ganto!! yung tipong nanghuhula ka sa mangyayari sa susunod na chap kasi nga cliche diba? so alam mo na yung susunod. Pero ito talaga, wala pa kong tinamang hula. Parang every chap ata ako naghuhula sa mangyayari after, but.... wala eh. Ito ang cliche na hindi cliche (hanudaw??) basta. Loves ko 'tong story na 'to. Gusto ko yung protagonist na nahihirapan at nasasaktan sa story para naman hindi na lang palagi kilig at happy moments. That's life. Hindi lahat pasarap. Kailangan mo ring maghirap (o, nag rhyme :P) HAHAHAH XD ayoko na. Kung anu-ano nang sinasabi ko =3="
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top