Kabanata 9 - Misa de Gallo
Dahang-dahang iminulat ni Toro ang kan’yang mga mata at napansin niyang nasa loob na siya ng kan’yang kuwarto. Maliwanag ang sinag ng buwan mula sa kan’yang bintana at gayon din ang mahinhin na pag-ihip ng malamig na hangin.
Alas kuwatro ng umaga, maririnig mula sa labas ang malakas na pag-ugong ng mga batingaw ng simbahan sa kanilang baranggay. Nanlaki ang mga mata ni Toro dahil biglang pumasok sa isip niya ang isang importanteng gawain.
“Simbang gabi na!” bulalas niya.
Dali-dali siyang lumabas ng kan’yang kuwarto at nagtungo kaagad siya sa salas, naroon ngang naggagayak ang buong pamilya niya at hindi magkamayaw sa kung anong gagawin.
“Toro, aakyat pa lang sana ako para gisingin ka, pero salamat sa Diyos at nagising ka na. Gumayak ka na’t baka mahuli pa tayo sa simbang gabi.” Utos sa kan’ya ng ama niyang si Pasqual.
“Opo!” nagagalak niyang sabi.
Kinuha niya na nga ang tuwalya at naglinis siya ng katawan, matapos makaligo ay umakyat siya sa kan’yang kuwarto at nagbihis ng pinakamaayos at pinakamaganda niyang cotton vest, polo shirt, at slacks. Isinuot niya na rin ang bago niyang leather shoes.
“Tiyak kong maraming ulo ang mapapalingon nitong apo natin, Eliazar.” Bulong ni Protacia sa asawa nang makita ang apong inaayos ang buhok nito sa harap ng salamin.
“Tiyak ko nga, parang ako lamang noong ika’y aking nabighani sa simbahan ding ating pupuntahan.” Ngisi ni Eliazar sa asawa.
“Kayo naman po, Inay, Itay, magsi-simba na nga lang po kayo’y napili niyo pang maglandian. Kaytatanda niyo na nga, eh.” Sabad naman ni Jaime na bihis din at kasama nila sa pagsisimba.
Saglit pang kinurot ni Protacia si Eliazar na ikinadaing nito. Natawa na lamang ang dalawa. Lumabas na nga rin sila Reiko at Pasqual na bihis na bihis din dahil sa isang rason—isa sila sa magsisindi ng kandilang Pamasko.
Bagaman so Reiko ay isang Haponesa ay napili nitong maging isang Katoliko at maging isang Kristiyano nang dahil sa asawa niya, sa gayon ay naikasal pa sila sa simbahan. Bunga nga ng kanilang pagmamahalan ay si Toro na mula bata hanggang sa pagtanda ay relihiyoso at matagal na nitong nais maranasan ang simbang gabi.
“Tara na po, baka mahuli pa tayo sa misa.” Ngiti ni Pasqual, nagagalak namang ngumiti si Toro at masayang sumama sa kan’yang pamilya patungo sa simbahan.
Nang makarating sila ay siya ring pag-uumpisa ng misa, at ang bumungad kila Toro ay ang mala-anghel na boses ng mga kabataang choir sa pangunguna ni Emman. Habang nagsisimula ang misa ay inaawit nila ang pambungad na awit na, “Halina, Hesus.”
“Halina, Hesus, halina...”
“Sa simula’y sinaloob mo...”
“Oh, Diyos, kaligtasan ng tao...”
“Sa takdang panahon ay tinawag mo...”
“Isang bayang lingkod sa iyo...”
Habang umaawit ang mga kabataan kasama si Emman sa gawing gilid ng simbahan ay pinagmamasdan sila ni Toro, nabibighani siya sa talento ng mga ito. Kaya’t napangiti siya, saglit pa’y tumingin siya kay Emman na siyang kumukumpas sa mga bata at nangunguna sa mga awitin.
“Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo...” bungad ng pari.
“Amen,” siyang sunod ng lahat.
Pinagindapatan ng pari sa kan’yang homiliya ang mga magsi-simba lamang tuwing panahon ng Kapaskuhan, siyang ikinatuwa ng mga tao dahil may halong pagbibiro ang kan’yang sermon maski pa ang iba sa simbahan ay natatamaan sa mga pinagsasabi ng pari sa homiliya.
Sa pagsapit ng kumunyon, ang mga bata ay umawit muli na sinabayan ng tugtog ng piyano. Isang awitin iyon tuwing panahon ng Adviento, isang awiting nakatatagos sa puso ng bawat makakarinig—lalo na’t mga bata pa ang umaawit.
“O kay gulo na nga ng mundo...”
“Hirap, sakuna, at lungkot...”
“Kaya sama sama tayong manalangin...”
“Dahil darating na ang Pasko...”
Si Toro ay isa rin sa mga nabighani sa kanta, bago kasi ’yon sa kan’yang pandinig at nauunawaan niya ang mensahe nito. May isang pakiramdam na kung ano ang sumasalat sa kan’yang puso habang nakikita niya si Emman at ang mga batang inaawit ang kantang ’yon.
Saglit pa ay umalis si Toro sa puwesto niya at pumila na para makakuha ng kumunyon, gayon din naman si Emman. At sa Hindi inaasahang pagkakataon ay nagtama ang kanilang mga tingin, pareho silang napangiti nang makita ang isa’t isa.
“Panginoon halina at pumarito Ka...”
“Sagipin ang bayang Ikaw ang pagasa...”
“Gabay ng mga mahihirap...”
“Panginoon, iligtas mo ang ‘Yong bayan...”
“Koko de aete ureshī yo, Toro.” (Masaya akong makita ka rito, Toro.) Bati ni Emman sa binata nang magtabi sila sa kanilang mga linya.
“Ako rin, ang galing mo at ng mga bata sa choir.” Puri naman ni Toro.
“Salamat, araw-araw mo kaming maririnig dito hanggang sa araw bago ang Pasko. Kompletuhin mo ang simbang gabi, ha... sabi kasi nila matutupad daw ang kung anong hikingin mo kapag nakumpleto mo ang bawat misa nang walang mintis.” Ngisi ni Emman.
“Wow, talaga ba? Sige kung gano’n.” Nakangiting saad ni Toro, hindi pa kasi nasasabi sa kan’ya ang kasabihang iyon na alam ng bawat Pilipinong dumadalo sa simbang gabi.
“Di ba’t kay saya dapat ng Pasko...”
“Kung bawat pamilya ay buo...”
“Kaya’t idalangin natin ang bawat tahanan...”
“Bago sumapit ang Pasko...”
Pinagmasdang umawit ni Toro sila Emman at ang mga bata, siyang kabigha-bighani. Hanggang sa magsindi na sila ng kandilang Pamasko at hanggang sa matapos na rin ang misa. Hindi niya iwinalay ang tingin niya sa kanila.
“At pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos, Ama, Anak, at Espiritu Santo... Amen.” Saad ng pari, hudyat ng pagtatapos ng misa.
Umaga na nang makalabas sila Toro sa simbahan, papasikat na ang araw. Ang amoy ng bibingka at puto-bumbong ang bumungad sa kanila, siya ring amoy ng kung anong nga inihaw at ang mga maysabaw katulad ng sopas at lugaw na siyang tindang pagkain sa labas ng simbahan.
“Nagugutom ako, parang gusto ko ng puto-bumbong.” Saad ni Reiko na ikinangisi ng asawa.
“Sige, ibibili kita. Ikaw ba, Toro?” tanong ni Pasqual sa anak ngunit hindi ito sumagot.
Nakatingin pala si Toro sa grupo nila Emman at ng mga bata na masayang nag-uusap sa gilid ng simbahan. Napangiti naman si Pasqual, alam niya na kung ano ang gusto ng anak. Muli ay tinawag ni Pasqual si Toro.
“Toro,” tawag niya.
“P-po?” biglaang baking atensiyon ni Toro.
“Alam ko na, sige, sumama ka na sa kanila alam kong gusto mo.” Ngiti nito, binigyan niya rin ng pera ang anak upang ipang-bili ng makakain.
“Salamat po, mauna na po ako.” Paalam ni Toro at pumunta na nga kila Emman.
Napangiti si Pasqual, ang makita si Toro na masaya sa panahong ito ang matagal niya nang nais ibalik sa puso ng kan’yang anak. At ngayong nagagawa niya na ito ay siyang ikinagagalak ng puso niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top