Kabanata 8 - Tinig ng Hangin
“Talaga ba? Pero... baka hindi pumayag ang mga magulang ko.” Saad ni Toro, nakita nitong napaiwas si Emman ng tingin.
“Tanungin mo muna sila kung p’wede ka, kung hindi naman, sa susunod na lang siguro.” Kamot ni Emman sa kan’yang ulo.
“Tatanungin ko muna sila...” Inilabas ni Toro ang telepono niya at tumayo siya sa kinauupuan.
Saglit siyang pumunta sa isang sulok at tinawagan niya ang kan’yang mga magulang. Sumagot naman ang mga ito sa kan’yang tawag
“Yā, toro, nande shōkan sa reta no?” (Hello, Toro, bakit ka napatawag?) Boses ni Reiko ang bumungad sa kan’ya nang tawagan niya ito.
“Okāsan, chotto iitakatta dake.” (Ina, may sasabihin lang po sana ako.) Tugon niya, saglit pa’y tumugon na rin ang iba.
“Yoshi, are wa nani?” (Sige, ano ’yon?) si Reiko muli.
“Emman-kun to issho ni kyōkai ni itte mo īdesu ka?” (Gusto ko lang po sanang itanong kung p’wede po ba akong sumamang magngaroling kila Emman, kasama po namin ang mga bata rito sa simbahan.) Muli namang Saad ni Toro, saglit pang ’di nakatugon si Reiko bago ito tumugong muli.
“Mazu otōsan ni kiite mimasu, watashi dakenara daijōbudesu. Demo, anata wa kako ni nani ga atta ka o shitte irunode, anata no otōsan wa dōi shinakatta no kamo shiremasen.” (Tatanungin ko muna sa ama mo kung p’wede, kung ako lang kasi ay ayos lang. Pero baka kasi hindi pumayag ang ama mo dahil alam mo na ang nangyari no’ng nakaraan.) Saad ni Reiko saka niya ibinigay ang telepono kay Pasqual.
“Hello, Toro, gusto mo raw sumama sa karoling?” tanong ni Pasqual nang makuha niya na ang telepono.
“Opo, Otōsan. ” (Ama) Saad ni Toro, hindi niya alam kung anong sasabihin ng ama kaya medyo kinabahan siya.
Gusto ni Toro na sumama sa pangangaroling, pero mas nasusunod ang ama niya sa kanilang pamilya. Hindi rin naman kasi simpleng magalit si Pasqual, kaya tiyak na malalagot si Toro kapag sinuway niya ang kan’yang ama.
“Ayos lang, basta’t ’wag kang masyadong magpapagabi. Hindi kita pipigilan, alam ko namang malukungkot ka kapag hindi kita pinayagan, eh. Huwag kang mag-alala, hindi ako magagalit.” Nanlaki ang mga mata ni Toro at kaagad ding napangiti.
“Talaga po?! Maraming salamat po, Otōsan!” bulalas ni Toro.
“Sige na, makisaya ka sa mga bago mong kaibigan dahil minsan lang naman ’yan nangyayari. Mabuti nang sulitin mo ang mga ’yan hangga’t nandito ka sa Pilipinas.” Mas umigting pa ang ngiti ni Toro.
“Salamat po ulit, salamat po talaga!” muling saad ni Toro bago niya ibaba ang telepono.
Tumakbo siya patungo kila Emman at masaya niyang ibinahagi sa kanila ang nalaman mula sa ama.
“Emman-kun! Chichi to haha wa, watashi ga anata no kyōkai ni kuwawaru koto ni dōi shimashita!” (Pumayag sila Ama at Ina na sumama ako sa pangangaroling ninyo.) Saad niya napangiti naman si Emman sa narinig.
“Makakasama sa pangangaroling natin ang Kuya Toro niyo, mga bata. Gusto niyo ba siyang makasama ngayong gabi?” masayang balita naman ni Emman sa mga bata.
“Wow! Ayos na ayos po ’yan, Kuya Emman!” masaya rin naman nilang tugon.
“So, ano pang hinihintay natin? Tara na’t kumanta na tayo sa mga bahay-bahay!” masayang ngiti ni Emman.
“Opo!” siyang tugon ng mga bata. Ikinatuwa naman ni Toro ang dedikasyon ng mga bata sa mga ginagawa nila.
***
Sumapit ang dilim, nagliliwanag ang bawat kabahayan sa mga kumukuti-kutitap na dekorasyong pamaskong nakasabit sa bawat bintana, pintuan, bakod, at tarangkahan ng bawat bahay.
Hawak ni Toro ang isang tambourine na gawa sa tansan, ang mga bata naman ay may hawak na tambol na gawa sa plastic bottles at lata, si Emman naman ay hawak ang isang gitara. Humarap si Emman sa mga bata at ngumiti.
“Ito ang bahay ni Aling Guadalupe, gandahan niyo ang pagkanta niyo dahil mas malaki siya magbigay kapag natipuhan niya ang mga boses ng mga kumakanta.” Ngiti niya sa mga bata, tumango maman ang mga ito at maging si Toro.
“Okay, umpisahan na natin.” Nagpatugtog si Emman ng musika galing sa kan’yang gitara, dito ay sumunod na ang mga tambol at ang mga tambourine.
“Have yourself a merry little Christmas...”
“Let your heart be light...”
“Next year all our troubles...”
“Will be out of sight...
Sa awitin nila’y napalabas sa pintuan ng kanilang bahay ang isang matandang babae—ito nga ay si Guadalupe na siyang nabighani sa mga boses ng mga bata.
“Once again, as in olden days...”
“Happy golden days of yore...”
“Faithful friends who are dear to us...”
“Will be near to us once more...”
Mas lalong naging masigla ang tono ng kanilang kanta nang magpalit sila ng awitin, ngayon ay nangingibabaw ang tunog ng mga instrumento na siyang mas pinangibabawan ng boses ng mga mang-aawit.
“Ding, dong, merrily on high...”
“In Heaven the bells are ringing...”
Saglit pang napasulyap si Toro kay Emman, habang kumakanta ito ay naisip niya ang ilang mga alaala nila noong mga bata pa lamang sila. Habang inaawit ni Toro ang awitin ay siya ring pag-andar ng kan’yang mga merorya ng isang magandang Kapaskohan kasama si Emman.
“Ding, dong, verily the sky...”
“Is filled with angels singing...”
Humanda ang lahat at hunuli ng pangmatagalang-hininga bago itinuloy ang koro ng awitin. Dito ay mas nangibabaw ang pag-alingawngaw ng mga boses ng mga kabataang yaon—nakisama rin naman si Toro.
“Gloria...”
“Hosanna in excelsis!”
Natapos silang may ngiti sa kanilang mga labi, ngiting-ngiti naman si Guadalupe sa mga kabataang yaon, pumapalakpak maging ang kalooban nito sa kanilang awitin at naglabas siya ng isang malaking halaga.
“At dahil nagustuhan ko ang awitin ninyo, heto ang dalawang-daan, pasabi sa simbahang ang galing ng mga choir. Mas lalo nilang mahihikayat ang mga taong nag-sinba dahil sa kanilang mga mala-anghel na boses.” Ibinigay niya ang dalawang daang piso kay Emman.
“Thank you, thank you, ang babait ninyo, thank you!”
Muli ay narinig ang kanilang mga tinig, ang masasayang tinig na lalo pang ikinangiti ni Guadalupe. Matapos ang ale ay nagtungo naman sila sa isang bahay na napapalamutian ng napakaraming dekorasyong Pamasko, siyang ikinaganda sa paningin ng mga bata.
“Oh, mga bata... ito naman ang bahay ni Ginoong Juancho. Alam niyo bang barat ’yong nakatira riyan sa bahay na ’yan? Kaya ’wag na tayo riyan.” Nagsitawa silang lahat.
“Ang dami-rami niyang dekorasyon sa bahay niya tapos barat naman pala, baka naubos na ang pera sa mga dekorasyong ’yan.” Tawa rin ni Toro na siyang ikinatawa ng mga bata maging ni Emman.
“Hay, sige, kantahan na lang natin... alam niyo na ’yong gagawin kapag tumawad ’yong kakantahan.” Nagsitango ang mga bata at maging si Toro, dito nga ay nag-umpisa na silang umawit.
“Kay sigla ng gabi, ang lahat ay kaysaya...”
“Nagluto ang ate ng manok na ti—”
Ngunit bago pa sila makapag-patuloy ay may sumigaw mula sa bintana ng bahay, isa ngang matandang lalaki—si Juancho. Animo’y galit na galit dahil tila naistorbo sa isang bagay na kan’yang ginagawa.
“Patawad, walang pera!” sigaw nito.
Ngumisi si Emman sa mga bata at ikinumpas niya ang kan’yang mga kamay, rito ay tumunog siya sa gitara na siyang sinabayan ng muling pag-awit ng mga bata.
“Thank you, thank you, ang babarat ninyo, Juancho!”
“Ano! Sino ba kayong mga bata kayo—” hindi na nila narinig ang mga sinabi ng matandang barat.
Kumaripas na sila ng takbo habang tawa nang tawa matapos makalayo at makapagtago sa isang waiting shed. Doon ay itinawa nila ang tuwang nakalap sa ginawa nila, hindi mapigilang mapahalakhak ni Emman at Toro dahil doon.
Ilang bahay pa ang kanilang pinutahan bago sila naghiwa-hiwalay. Ihinatid pa ni Emman si Toro sa bahay nito, at bago maghiwalay ang dalawa ay nagpaalam pa sila sa isa’t isa. May ngiti sa kan’yang labi, natulog si Toro nang masaya noong gabing ’yon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top