Kabanata 4 - Kaibigan sa Parke

Okāsan, Otōsan, doko ni iru no?!” (Ama, Ina, nasa’n na po kayo?!) Iyak ng isang batang lalaki habang hinahanap niya ang kan’yang mga magulang.

Sa bugso ng maraming tao sa isang parke sa kabayanan, siya’y nahiwalay at nawala sa piling ng kan’yang mga magulang. Hindi niya lubos maisip ang gagawin, at idinadaan na lang sa pag-iyak ang nararamdamang takot.

Okāsan, Otōsan, doko ni iru no?!” (Ama, Ina, nasa’n na po kayo?!) pag-uulit ng bata. Iyak pa rin siya nang iyak ngunit ni isa sa mga tao ay walang pumapansin sa kan’ya.

Nagsasalita siya ng Hapon sapagkat siya’y isa, sa bugso ng mga Pilipino sa parke. Kumukiti-kutitap na mga ilaw, mga parol na kayrikit ng pagliwanag, mga taong nagtatawanan at masasaya.

Hindi alam ni Toro kung ano ang gagawin.

Sa suot niyang simpleng sando at short, nadarama niya ang malamig na pag-ihip ng hangin. Hindi siya sanay sa gano’n, sinisipon na rin siya dulot ng lamig at ng kan’yang walang humpay na pag-iyak.

Tumigil si Toro sa paglalakad nang marating niya ang isang poste ng ilaw sa parke. Sa pag-iyak niya at paghahanap niya sa kan’yang mga magulang ay bigla na lamang may humawak sa kan’yang kamay. Sa gulat niya ay kaagad siyang pumiglas ngunit hindi siya binitawan ng nakahawak sa kan’ya.

“’Wag kang matakot, nawawala ka ba?” tanong ng isa pang batang lalaki na kasing-edad niya.

“Sino ka? Sabi ni Mama, ’wag makipag-usap sa mga hindi kilala!” pumiglas siya sa nakahawak sa kan’ya ngunit ’di pa rin siya binitawan nito.

“Hindi ako masamang tao, tutulungan kitang mahanap ang Mama at Papa mo.” Pakiusap ng nakahawak sa kan’ya ngunit hindi pa rin siya nagtiwala.

“Bitawan mo ’ko, hindi kila kilala!” sigaw niya. Ngunit hindi pa rin talaga siya binitawan nito.

“Makinig ka sa ’kin, ako lang ang kasama mo ngayon at p’wede kang mawala kapag iniwan kita rito. Gusto mo bang makita ang mga magulang mo o hindi?” Mahigpit na siyang hinawakan ng batang lalaki kaya natahimik siya.

“’Wag mo ’kong pahirapan, kung gusto mo silang makita kaagad ay humawak ka lang sa kamay ko.” Ngumiti ang batang lalaking iyon kay Toro at hinawakan niya ang mga palad nito mula sa kan’yang braso.

Hindi maipaliwanag ng kan’yang sarili ang naramdaman niya nang hawakan ng isang estranghero ang kan’yang kamay. Sa bugso ng lamig ng simoy ng hangin sa buwan ng Disyembre, tila ba nagbibigay ng init kay Toro ang paghawak ng batang lalaking iyon sa kan’yang palad.

“Nilalamig ka ba? Isuot mo kaya ito?” Inilahad no’ng batang lalaki kay Toro ang jacket nito. Kaagad naman ding isinuot ni Toro ang jacket na ’yon dahil nangangatog na siya sa lamig, nagkasya naman ito sa kan’ya.

“Arigatō...” (Salamat...) yukod ni Toro.

“Anong sinasabi mo?” tanong ng batang lalaki kay Toro kaya naman napatakip siya sa bibig niya.

“Sorry po, ang sabi ko po ay salamat.” Simpleng ngiti nito, napangiti naman din ang batang lalaki.

“Anong wika ba ’yon? Bago lang yata sa pandinig ko.” Nagtataka pa nitong saad.

“Sabi po ni Mama, salita daw po ng Japan ’yon. Alam niyo po, gusto ko po makapunta ro’n.” Nagsimula nang maging komportable si Toro sa piling ng batang lalaki.

“Ang galing mo naman, ilang taon ka na ba?” tanong muli no’ng batang lalaki. Nagsimula silang maglakad-lakad habang magkahawak pa rin ang kamay nila.

“Five na ’ko, ikaw?” Sagot at tanong no Toro.

“Five rin! Magkasing-tanda lang pala tayo.” Ngiti naman no’ng bata.

Masaya pa silang nag-usap patungkol sa mga buhay nila, ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi man lamang nila naitanong sa isa’t isa kung ano ang kanilang mga pangalan.

Okāsan, Otōsan!” sigaw ni Toro. Nakita niya na ang mga magulang niyang hindi magkanda-ugaga sa paghahanap sa kan’ya.

Bumitaw si Toro sa pagkakahawak sa kamay no’ng batang lalaki at hinubad niya ang jacket na ipinahiram sa kan’ya nito at ibigay niya iyon sa pinaghiraman niya. Nakangiti siyang tumakbo patungo sa mga magulang niya pagkatapos.

“Toro! Buti naman at ligtas ka, anak!” Niyakap siya ng ama niyang si Pasqual, gayon din naman ang ina niyang si Reiko.

“Watashitachi wa anata ni nani ga okotta no ka, doko ni itta nodarou to omotta?!” (Akala namin kung ano nang nangyari sa ’yo, sa’n ka ba nagpunta?!) nag-aalalang tanong ni Reiko sa anak.

Hinaplos niya pa ang muka nito upang suriin kung may galos o sugat ba siya pero wala siyang nakita. Nakangiti at magiliw namang sumagot si Toro sa mga magulang niya.

“Hito ga ōkute mayoimashitaga, tomodachi ga tsuite kite―” (Nawala po ako kasi maraming tao, pero sinamahan po ako ng kaibigan ko ro’n—) napatigil si Toro sa pagsasalita nang ituro niya ang direksiyon no’ng batang lalaking tumulong sa kan’ya.

Ngunit, wala na ito sa kung saan niya ito iniwan. Nabigla si Toro sa nangyari, nagdesisyon na lamang siyang ’wag nang kumibo at banggitin ang mga bagay na tungkol ro’n.

Ngunit... hindi pa ro’n natatapos ang lahat.

***

Iminulat ni Toro ang mga mata niya dala ng pagtunog ng kan’yang alarm sa cellphone at pagtama ng sikat ng araw mula sa kan’yang bintana. Naririnig ang malamayang huni ng mga ibon, ang langit ay bughaw at ni katiting na ulap ay wala.

Umiihip rin ang malamig na simoy ng hangin mula sa labas ng bintana ng kuwarto, itinatangay nito nang bahagya ang kurtinang nakasabit sa bintana. Tandang malapit na nga talaga ang Pasko.

Sa pagmulat ni Toro ng kan’yang mga mata ay naalala niya ang napanaginipan—iyon nga ang nangyari sa parke, labing tatlong taon na ang nakakalipas, taong two thousand nine.

Napakamot siya sa kan’yang ulo, nawala na sa isip niya ang mga iyon ngunit bigla na lamang itong bumabalik na para bang minumulto siya ng nakaraan. Hindi niya halos maintindihan ang isipan at imahinasyon niya.

“Toro, gumising ka na, Apo! Mag-aalmusal na tayo!” Dito nga nabuhayan ng loob si Toro nang tawagin siya ni Protacia upang kumain na ng unagahan.

“Opo, Lola, nariyan na po!” Tugon niya. Kumain na nga ng umagahan si Toro upang magkaroon ng laman ang kan’yang sikmura.

Isinantabi na lamang ni Toro ang mga napanaginipan niya ngunit kahit anong santabi niya rito ay sumasagi pa rin ito sa isip niya. Hindi niya mawasto kung bakit nga ba.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top