Kabanata 2 - Karoling ng Kabataan

“Nandito na tayo, maligayang pagdating sa tahanan namin dito sa Santa Catalina.” Saad ni Protacia nang makarating sila sa isang ancestral house, maganda ang bahay at hitik na hitik ito sa dekorasyong pamasko.

“Kireidesu ne, Nihonde wa mettani mimasen!” (Ang ganda, madalang akong makakita ng ganito sa Japan!) bulalas ni Toro at lumapit sa mga halamang nababalot ng mga bola, ilaw, at ornamento.

“Ano sabi ko kapag nandito ka na sa Pilipinas, Toro?” tanong kaagad ni Pasqual sa anak niya, tinaasan niya ito ng kilay na kaagad namang naiintindihan ni Toro.

“Patawad po, Otōsan. Sabi ko po, ang ganda po ng mga dekorasyon.” Simpleng ngiti ni Toro sa ama, gayon na rin sa Lolo at Lola niya, maging sa Tito niya.

“Ang galing naman makipag-talastasan sa Tagalog ng aking apo. Nakakahanga lang na natuto siya ng pambansang wika kahit siya’s nasa Japan.” Sabad naman ni Eliazar.

“Salamat po, Ojīsan—ah... ang ibig ko pong sabihin ay Lolo.” Kamot ni Toro sa kan’yang ulo.

“Hindi pa nga po malinaw ang intonasyon ni Toro pero p’wede na. At bukod po sa Tagalog ay magaling din po siyang nagsalita ng Ingles.” Ngiti naman ni Reiko.

Magaling na rin namang magsalita ng Tagalog si Reiko dahil noong mga taong sa Pilipinas pa lamang lumaki si Toro ay natuto na siyang magsalita nito. Mas humanga pa naman sila Protacia at Eliazar sa kanilang apo.

“Kahanga-hanga naman itong si Toro, talaga nga namang ang talino niya.” Ngiti naman ni Protacia.

“Oh siya, pumasok na tayo sa bahay para makapag-pahinga na kayo!” Inanyayahan naman ni Jaime sa loob ang tatlo.

“Ay, sige, Kuya! At para maibigay ko na rin ang mga pasalubong ko sa inyo nila Nanay at Tatay. Marami akong inuwing mga damit diyan, p’wedeng Pamasko niyo.” Simpleng ngisi naman ni Pasqual sa kapatid.

“Ay, ang pinakahihintay ko bukod sa inyong tatlo!” Napatawa ang lahat nang bumulalas si Protacia, masaya nga silang pumunta sa loob ng bahay para halungkatin na ang mga pasalubong.

***

Naglalakad si Toro sa pasilyo ng ikalawang palapag ng ancestral house nang marinig niyang nagtatawanan ang kan’yang ama, ina, lolo at lola, at tito niya sa salas kung saan pa sila nag-uusap. Gabi na ngunit ’di pa rin sila tapos sa kuwentuhan.

Kabibihis lamang ni Toro ng karaniwang damit niya, puting polo shirt na may patong na pulang vesment at shorts na kulay abo. Hindi pa rin bihis ang mga magulang niya dahil abala pa sila sa pakikipag-kuwentuhan.

Narinig ni Toro mula sa itaas ang pinag-uusapan nila kaya banayag siyang nakinig. Napangiti siya nang malaman ang isang bagay.

“Bukas, magkakaro’n tayo rito ng isang kaunting salo-salo. Iimbitahan natin ang mga kaput-bahay natin at para makita nila kayong muli.” Ngiti ni Protacia.

“Pero ’di po ba’t magpa-Pasko na rin po naman? Bakit po kaya i-reserve na lang po natin para sa Pasko ang salo-salong ’yon para tipid naman po kayo sa ihahanda.” Baling naman ni Pasqual na ayaw pang sumang-ayon.

“Susmaryosep, ’di na problema ’yon basta’t para sa inyo. Pinaghandaan ko nang lubos ang inyong pagdating at mas pinaghandaan ko rin naman ang pagdating ng Panginoon kaya wala kayong dapat ikabahala.” Sabad muli ni Protacia.

“Kaya nga naman, nakapag-handa na nga kami ng gagamitin para sa handaan bukas, eh. Ipinaalam lang namin sa inyo para ’di kayo mabigla, siya pang reunion niyo sa mga kaibigan niyo rito, ’di ba?” katwiran naman ni Eliazar.

“Nako po, Tatay, ’wag po ako’t kabisado na kita. Makakainom ka lang bukas, ay.” Napatawa silang lahat sa sinabi ni Pasqual.

“Pero maganda na rin naman ’yon, saka nakapag-handa naman na sila Inay, pabayaan na lang natin silang gawin kung ano ang mas nakasasaya sa kanila.” Ngiti naman ni Reiko.

“Sige na nga, alam ko namang hindi kayo papipigil kaya sige, go na go ako sa party-party na ’yan!” pumayag na rin si Pasqual.

Dito nga ay nagdesisyon na lang si Toro na pumunta sa kuwartong inilaan sa kan’ya upang nagpahinga sa mahaba-habang biyahe. Ngunit may narinig siyang nga tinig mula sa labas ng tahanan nila.

“Kung kailan pinakamadilim...”

“Mga tala’y mas nagniningning...”

“Gaano man kakapal ang ulap..”

“Sa likod nito ay may liwanag.”

Nabighani si Toro sa tinig kaya nama’y nagpunta siya sa katabing balkonahe upang labasin ang mga ito. Pagbukas nga niya ng balkonahe ay tumambad sa kan’ya ang isang grupo ng kabataan kasama ang isang lalaking kaedad lamang niya.

Napangiti si Toro sa nasaksihan, kumukumpas ang lalaki habang ang mga bata naman ay kumakanta. Nanga-ngaroling ang mga ito, hawak ang tambourine na gawa sa tansan, tambol na gawa sa tela at malaking lata ng fruit cocktail, at iba pang mga recycled na instrumento.

“Ang nagsindi nitong ilaw walang iba kung ’di ikaw...”

“Salamat sa liwanag mo...”

“Muling magkakulay ang Pasko...”

Dali-daling bumaba si Toro upang abutan ang mga nagka-karoling.

“May karoling po sa labas!” bulalas ni Toro sa mga magulang na masayang nag-uusap.

“Ay, masaya pa ang usapan namin ngayon. Ikaw na lang kaya ang magbigay sa kanila, Apo?” ngiti naman ni Protacia.

“Sige po!” tugon naman ni Toro.

Binigyan siya ng singkuwenta pesos ng lola, pagtalikod at pag-alis ni Toro ay siya ring tuloy ng masayang usapan ng mga magulang niya.

Nakangiting tumakbo patungo sa pintuan si Toro at masigla niya itong binuksan, bunumgad sa kan’ya ang mga nangangaroling. Natapos na ang kanta at sabay-sabay na sumigaw ang mga bata.

“Namamasko po!” sigaw nila.

Masayang binigay ni Toro ang pera sa pinakamatanda sa kanila—ang lalaking gunagabay sa mga bata. Ngumiti ang lalaki at lumingon sa mga bata, kumumpas siya.

“Thank you, thank you, ang babait ninyo, thank you!”

Kumanta ang mga bata pati na Ang lalaki. Napangiti muli si Toro nang marinig ang munti nilang mga tinig. Kayganda ng kanta nila, dahil dito’y pumasok sa isip ni Toro ang kapaskuhan dito sa Pilipinas.

Kaunti na lamang ang naaalala niya noong limang taon pa lang siya sa lugar na ito, ang kantang iyon ay nagparamdam sa kaniya ng isang pakiramdam na kaysarap maramdaman.

Dito ay mas nadama ni Toro ang diwa ng Pasko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top